Martes, Enero 30, 2024

January 30, 2024

Martes ng Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

2 Samuel 18, 9-10. 14b. 24-25a. 30 – 19, 3
Salmo 85, 1-2. 3-4. 5-6

Poon, sa aking dalangin
ako sana’y iyong dinggin.

Marcos 5, 21-43


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Tuesday of the Fourth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
2 Samuel 18, 9-10. 14b. 24-25a. 30 – 19, 3

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel

Noong mga araw na iyon, natagpuan ng ilang kawal ni David si Absalom. Nakita nila itong nakasakay sa mola, at pagdaraan sa ilalim ng isang malaking puno ng encina, nasabit ang ulo nito sa mga sanga. Siya’y napabitin at naiwan ng mola. Isa sa mga nakakita nito ang nagsabi kay Joab, “Nakita ko si Absalom na nakabitin sa puno ng encina.”

Pumili si Joab ng tatlong sibat at isa-isang itinusok sa dibdib ni Absalom na noo’y buhay pang nakabitin sa puno.

Nakaupo noon si David sa pagitan ng pintuang panlabas at pintuang panloob ng lungsod. Umakyat naman sa bantayan ng muog ang isang taliba. Pagtanaw niya’y may nakita siyang isang lalaking tumatakbong palapit. Tinawag niya ang pansin ng hari tungkol sa kanyang nakita. Wika ng hari, “Kung nag-iisa, pihong may dalang mabuting balita.”

Sinabi sa kanya ng hari, “Diyan ka muna tumayo sa isang tabi,” at gayun nga ang ginawa ni Ahimaaz.

Dumating naman ang Cusita at ganito ang sabi, “Mabuting balita, inyong kamahalan! Ngayong araw na ito’y iniligtas kayo ng Panginoon sa lahat ng maghimagsik laban sa inyo.”

“Kumusta si Absalom? tanong ng hari.

“Sana’y sapitin ng lahat ng kaaway ng hari at lahat ng naghahangad manakit sa inyo ang sinapit ni Absalom!”

Sa balitang ito’y naghinagpis ang hari. Umakyat siya sa isang silid sa itaas ng pintuan ng lungsod at nanangis nang gayun na lamang. Wika niya, “Absalom! Absalom, anak ko! Bakit kaya hindi pa ako, sa halip na ikaw ang namatay?”

May nagbalita kay Joab na ang hari’y nananangis at nagluluksa sa pagkamatay ni Absalom, kaya’t nauwi sa pagluluksa ang tagumpay ng hukbo. Nabalitaan ng mga tao na labis na dinamdam ng hari ang nangyari sa kanyang anak, kaya’t lihim silang pumasok sa lungsod, para silang mga kawal na nahihiyang pakita sa madla dahil sa pagkatalo sa labanan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 85, 1-2. 3-4. 5-6

Poon, sa aking dalangin
ako sana’y iyong dinggin.

Sa aking dalangin, ako’y iyong dinggin,
tugunin mo, Poon, ang aking pagdaing;
ako’y mahina na’t wala nang tumingin.
Yamang ako’y tapat, ingatan ang buhay,
lingkod mo’y iligtas sa kapahamakan
pagkat may tiwala sa ‘yo kailanman.

Poon, sa aking dalangin
ako sana’y iyong dinggin.

Ikaw ang aking Diyos, ako’y kahabagan,
sa buong maghapo’y siyang tinatawagan.
Poon, ang lingkod mo’y dulutan ng galak,
sapagkat sa iyo ako tumatawag.

Poon, sa aking dalangin
ako sana’y iyong dinggin.

Mapagpatawad ka at napakabuti;
sa dumadalangin at sa nagsisisi,
ang iyong pag-ibig ay mananatili.
Pakinggan mo, Poon, ang aking dalangin,
tulungan mo ako, ako’y iyong dinggin.

Poon, sa aking dalangin
ako sana’y iyong dinggin.

ALELUYA
Mateo 8, 17

Aleluya! Aleluya!
Inako ni Hesukristo
ang sakit ng mga tao
upang matubos n’ya tayo!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 5, 21-43

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, muling tumawid si Hesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, nakasakay sa bangka. Nasa baybay pa siya ng lawa ay pinagkalipumpunan na siya ng maraming tao. Dumating ang isang lalaking nagngangalang Jairo, isang tagapamahala ng sinagoga. Pagkakita kay Hesus, siya’y nagpatirapa sa kanyang paanan, at ang samo: “Agaw-buhay po ang anak kong dalagita. Kung maaari, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya’y gumaling at mabuhay!” Sumama naman si Hesus. At sinundan siya ng napakaraming taong nagsisiksikan, anupa’t halos maipit na siya.

May isang babae roon na labindalawang taon nang dinudugo, at lubhang nahihirapan. Marami nang manggagamot ang tumingin sa kanya, at naubos na sa kapapagamot ang kanyang ari-arian, ngunit hindi siya napabuti kahit kaunti bagkus ay lalong lumubha. Narinig niya ang sinasabi ng mga tao tungkol kay Hesus, kaya’t nakipagsiksikan siya hanggang sa makalapit sa likuran ni Hesus. At hinipo niya ang damit nito. Sapagkat sinabi niya sa sarili, “Mahipo ko lang ang kanyang damit ay gagaling na ako.” Biglang tumigil ang kanyang pagdudugo at naramdaman niyang magaling na siya. Naramdaman naman ni Hesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya’t bumaling siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humipo sa akin?” Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong nagsisiksikan ang napakaraming tao, bakit itinatanong ninyo kung sino ang humipo sa inyo?” Subalit patuloy na luminga-linga si Hesus, hinahanap ang humipo sa kanya. Palibhasa’y alam ng babae ang nangyari, siya’y nanginginig sa takot na lumapit kay Hesus, nagpatirapa, at ipinagtapat ang buong katotohanan. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Anak pinagaling ka ng iyong pananalig sa akin. Umuwi ka na’t ipanatag mo ang iyong kalooban. Lubusan ka nang magaling sa iyong karamdaman.”

Samantalang nagsasalita pa si Hesus, may ilang dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang anak ninyo,” sabi nila. “Bakit pa ninyo aabalahin ang Guro?” Hindi pinansin ni Hesus ang kanilang sinabi, sa halip ay sinabi sa tagapamahala, “Huwag kang mabagabag, manalig ka.” At wala siyang isinama kundi si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. Nang dumating sila sa bahay ng tagapamahala, nakita ni Hesus na gulung-gulo ang mga tao; may mga nananangis pa at nananaghoy. Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nananangis? Hindi patay ang bata; natutulog lamang!” Ngunit pinagtawanan siya ng mga tao. Pinalabas niya ang lahat, maliban sa ama’t ina ng bata at sa tatlong alagad, at sila’y pumasok sa kinaroroonan ng bata. Hinawakan niya ito sa kamay at sinabi, “Talita kumi,” na ang ibig sabihi’y “Ineng, sinasabi ko sa iyo, magbangon ka!” Pagdaka’y bumangon ang bata at lumakad. Siya’y labindalawang taon na. At namangha ang lahat. Mahigpit na ipinagbilin ni Hesus na huwag ipaalam ito kaninuman; at iniutos niyang bigyan ng pagkain ang bata.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 27, 2022 at 11:45 pm

PAGNINILAY: Isinalaysay sa Unang Pagbasa ang sinapit ni Absalom na kamatayan. Nakasakay siya sa isang asno, subalit nasabit siya ng sanga ng dalawang puno. Kaya ito ay ibinalita sa isang mensahero, na nagbalita naman kay Haring David tungkol sa lungkot na pangyayari. Agad nagluksa ang hari dahil sa sinapit ng kanyang anak. Kahit alam ni David kung gaanong karebelde si Absalom, idinalamhati niya na kung sana siya na lang ang namatay sa halip ng kanyang anak. Makikita rito ang pagmamahal ng isang ama sa kanyang anak, kahit gaano man naging malayo ang puso nito. Ganyan din ang Panginoong Diyos sa atin, na kahit may mga pagkakataon na tayo ay nawawalay sa kanya, patuloy na tayong hinahanap upang maiakay pabalik sa kanya at manatili sa kanya.

Ipinakita sa Ebanghelyo ngayon ang dalawang kwento ng pagpapagaling, subalit iisang alintuntunin tungkol sa pananampalataya. Makikita dito ang bilang na “12” dahil ang anak ni Jairo na nagkasakit ay nasa 12 taong gulang, at ang babae ay dumudugo sa loob ng 12 taon. Kaya ang bilang na “12” ay sumisimbolo sa kaganapan sapagkat ang dalawang katauhan ay naranasan ang pagpapagaling ni Hesus. At binibigyang-diin dito ang pananampalataya nina Jairo at ang babae na nagdulot sa mga paghihilom na iyon. Malaki ang pananalig ng tao sa Diyos sa paghahangad ng kagalingan sa kanilang mga sakit, pati na rin ang paghilom ng mga kamag-anak nilang may sakit sa balat o damdamin. At makikita natin ang Panginoon ay may kakayahang intindihin ang kahinaan ng ating katauhan upang kanyang iako ang ating mga pinagdadaanan at bigyan tayo ng kalakasan. Kaya sa ating buhay, palagi nating alalahanin na ang pananampalataya ay paniniwala sa kagandahang-loob ng Panginoong Diyos sa buhay ng bawat tao. Nawa tayo pa rin ay manalig sa Panginoon sa kabila ng ating mga pinagdadaanan sa buhay, at isabuhay natin ang pananampalatayang ito sa paggawa kung ano ang inuutos ng Diyos.

Reply

Erwin Cabrera January 31, 2022 at 8:53 pm

Unang pag basa
– Ang pagkamatay ni Haring Absolom (anak ni haring david)
– Ang pagdadalamhati ni Haring david.

Kung ating babasahin ang kwento ay ating mababasa ang sabi ni Haring david na huwag sasakyan ang kanyang anak ngunit sumabit ang buhok nya sa puno at pinatay (Sinibat) sa dibdib

14 Sinabi ni Joab, “Nagsasayang lang ako ng oras sa iyo!” Pagkatapos, kumuha siya ng tatlong sibat at pinuntahan si Absalom na buhay pang nakasabit sa puno ng ensina. Pagkatapos, sinibat niya sa dibdib si Absalom. 15 Pinalibutan pa ng sampung tagadala ng armas ni Joab si Absalom at tinuluyan siyang patayin. (2Samuel 14-15)

Lubos na nagdalamhati si Hating David sa nangyari,
Nanginig si David. Umakyat siya sa kwarto sa itaas ng pintuan ng lungsod at umiyak. Habang umaakyat siya, sinasabi niya, “O Absalom, anak ko, ako na lang sana ang namatay sa halip na ikaw. O Absalom, anak ko, anak ko!”

PAGNINILAY:
Kahit sino ay maaaring mahulog sa kasalanan. Maging ang gaya ni David, na tunay na nagnanasang sumunod sa Diyos at lubos na biniyayaan ng Diyos, ay maaaring mahulog sa tukso. Ang pagkakasala ni David ng pakikiapid kay Bathsheba ay dapat na magsilbing babala sa ating lahat na palagiang bantayan ang ating mga puso, mata at pag-iisip. Ang ating pagmamalaki sa ating kalaguang espiritwal at ang pagtitiwala natin sa ating kakayanan na labanan ang tukso sa ating sariling lakas ang unang hakbang sa pagbagsak (1 Mga Taga-Corinto 10:12).

Ang Diyos ay tunay na Maginoo at mapagpatawad maging sa pinakakasuklam-suklam na kasalanan na ating nangawa kung tunay tayong magsisisi. Gayunman, ang paghilom ng sugat na dulot ng kasalanan ay hindi laging nabubura ang pilat. Ang kasalanan ay may likas na bunga, matapos patawarin si David ng Diyos, kanyang inani ang kanyang itinanim. Ang kanyang anak sa asawa ng iba ay kinuha sa kanya ng Panginoon (2 Samuel 12:14-24) at naghirap ang kanyang kalooban dahil sa pagkasira ng kanyang relasyon sa kanyang Ama sa langit (Mga Awit 32 and 51). Hindi ba’y mas mabuting umiwas sa kasalanan sa umpisa pa lamang, sa halip na magdusa at humingi ng kapatawaran pagkatapos?

Reply

Malou Castaneda January 29, 2024 at 8:39 pm

PAGNINILAY
Kung minsan maaari tayong manalangin ng may ganitong saloobin—nagkakaroon ng ilang intensyon na umaasa sa mabilis na resulta, iniisip na ang ilang ‘Ama Namin’ ang gagawa ng paraan. Ngunit ang paghahanap ng kagalingan at pagdarasal ay higit pa diyan, gaano man kamadalian ang pangangailangan.

Ang pagpapakumbaba at pananampalataya ang mga kinakailangang kondisyon para maranasan ang kapangyarihan ng Panginoon. Lagi silang ginagantimpalaan. Tulad ni Jairus na nagpakita ng pagmamahal ng isang ama sa kanyang anak, inihagis ang kanyang sarili sa paanan ni Hesus, kailangan nating maging mapagpakumbaba. Tulad ng babaeng may pagdurugo, sa pamamagitan ng kanyang pagkilos na mahawakan lamang ang dulo ng balabal ni Hesus ay naniniwala siyang kaya Niya itong pagalingin, kailangan natin ng pananampalataya. Paano tayo nagsusumamo kay Hesus para mapagaling? Nawa’y lubusan at buong-buo nating ilagak ang ating pananampalataya kay Hesus na tanging makapagpapagaling ng ating karamdaman at makabubuhay muli ng mga patay.

Panginoong Hesus, mangyaring dagdagan ang aming pananampalataya at gamitin Mo kami ayon sa nais Mo na maging saksi ng pananampalataya para sa iba. Amen.
***

Reply

Rey Anthony I. Yatco January 30, 2024 at 4:59 am

MAGANDANG BALITA NGAYON – MARTES NG IKAAPAT NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON / Paggunita kay San Juan Bosco

MARCOS 5:21-43 Noong panahong iyon, muling tumawid si Hesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, nakasakay sa bangka. Nasa baybay pa siya ng lawa ay pinagkalimpumpunan na siya ng maraming tao. Dumating ang isang lalaking nagngangalang Jairo, isang tagapamahala ng sinagoga. Pagkakita kay Hesus, siya’y nagpatirapa sa kanyang paanan, at ang samo: “Agaw-buhay po ang anak kong dalagita. Kung maaari, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya’y gumaling at mabuhay!” Sumama naman si Hesus. At sinundan siya ng napakaraming taong nagsisiksikan, anupa’t halos maipit na siya.

May isang babae roon na labindalawang taon nang dinudugo, at lubhang nahihirapan. Marmai nang manggagamot ang tumingin sa kanya, at naubos na sa kapapagamot ang kanyang ari-arian, ngunit hindi siya napabuti kahit kaunti bagkus ay lalong lumubha. Narinig niya ang sinasabi ng mga tao tungkol kay Hesus, kaya’t nakipagsiksikan siya hanggang sa makalapit sa likuran ni Hesus. At hinipo niya ang damit nito. Sapagkat sinabi niya sa sarili, “Mahipo ko lang ang kanyang damit ay gagaling na ako.” Biglang tumigil ang kanyang pagdudugo at naramdaman niyang magaling na siya. Naramdaman naman ni Hesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya’t bumaling siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humipo sa akin?” Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong nagsisiksikan ang napakaraming tao, bakit itinatanong ninyo kung sino ang humipo sa inyo?” Subalit patuloy na luminga-linga si Hesus, hinahanap ang humipo sa kanya. Palibhasa’y alam ng babae ang nangyari, siya’y nanginginig sa takot na lumapit kay Hesus, nagpatirapa, at ipinagtapat ang buong katotohanan. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Anak pinagaling ka ng iyong pananalig sa akin. Umuwi ka na’t ipanatag mo ang iyong kalooban. Lubusan ka nang magaling sa iyong karamdaman.”

Samantalang nagsasalita pa si Hesus, may ilang dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang anak ninyo,” sabi nila. “Bakit pa ninyo aabalahin ang Guro?” Hindi pinansin ni Hesus ang kanilang sinabi, sa halip ay sinabi sa tagapamahala, “Huwag kang mabagabag, manalig ka.” At wala siyang isinama kundi si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. Nang dumating sila sa bahay ng tagapamahala, nakita ni Hesus na gulung-gulo ang mga tao; may mga nananangis pa at nananaghoy. Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nananangis? Hindi patay ang batay; natutulog lamang!” Ngunit pinagtawanan siya ng mga tao. Pinalabas niya ang lahat, maliban sa ama’t ina ng bata at sa tatlong alagad, at sila’y pumasok sa kinaroroonan ng bata. Hinawakan niya ito sa kamay at sinabi, “Talita kumi,” na ang ibig sabihi’y “Ineng, sinasabi ko sa iyo, magbangon ka!” Pagdaka’y bumangon ang bata at lumakad. Siya’y labindalawang taon na. At namangha ang lahat. Mahigpit na ipinagbilin ni Hesus na huwag ipaalam ito kaninuman; at iniutos niyang bigyan ng pagkain ang bata.

MAGNILAY: Huwag balewalain ang kapangyarihan ng paghipo. Nagpapahayag ito ng malapit na pagmamahalan. Naipapasa nito ang damdamin ng isa’t-isa sa napakalapit na paraan. Kaya naman may taglay itong paghilom lalo sa mga pusong sugatan. May taglay itong ginhawa na nagpapagaan sa mabigat na dalahin ng kalooban. Nagdudulot ito ng sigla at lakas sa nanghihina nating espiritu.

Si Hesus ay ginamit ang kapangyarihan ng paghipo upang magpagaling ng mga maysakit at magpalakas ng mga mahihina. Naibsan ng karamdaman ang babaeng dinudugo kahit laylayan lang ng damit ng Panginoon ang nahipo niya. Naramdaman din ito ng Panginoon. Ang pagmamahal ay nadarama ng humihipo at hinihipo. Ang batang babae ay nabuhay sa hipo ng Panginoon.

Sa mga may problema sa atin malaking bagay ang tapik sa balikat. Mas mabisa kapag sinamahan ng paghipo ang salita natin ng pagpapalakas ng loob sa kanila. Sa mga mahal natin sa buhay lagi natin silang yakapin dahil pagpapadama ito ng pagmamahal sa kanila upang maging panatag sila at matatag. Araw-araw daw ay kailangan natin ng walo hanggang labindalawang yakap mula sa mga mahal natin sa buhay upang makapanatili ng malusog na kalooban. Sa mga maysakit mahalagang nahihipo natin sila dahil nakapagpapagaan ito ng kanilang mabigat na pinagdadaanan. Ang haplos ay walang katumbas. Kahit pinakamamahaling gamot ay hindi kayang tumbasan ang mapaghilom na kapangyarihan ng haplos. Huwag ipagdamot ang paghipo sa atin at paghipo natin sa mga nahihirapan, nabibigatan, naliligaw, nalilito, nagdurusa at iba pang may dalahin sa buhay.

MANALANGIN; Panginoon, hipuin mo ang puso kong sugatan.

GAWIN: Huwag ipagkait ang haplos ng iyong pagmamahal sa kapwa mong nangungulila.

Reply

Jess C. Gregorio January 30, 2024 at 6:08 am

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio
Marcos 5, 21-43

Lumalapit lang tayo sa Diyos sa pinakahuling sandali na wala na tayong pag-asa. Kung mawawalan na tayo ng buhay. Ang pananalig natin ay lumalakas sa ating pinakamahinang katayuan. Wala na tayong pakialam kung makipagsiksikan pa tayo sa sangkatauhan. Hindi na natin inda ang sasabihin ninuman. Ang ating tingin at isipan ay nasa Panginoon lamang at sa hindi maipaliwanag na pagkakataon sigurado tayong pakikinggan. At tanggap natin kung tayo ay bibiyayaan ng himala o hindi na basta ang kanyang laylayan ay maabot at mahawakan. At sa Ebanghelyo ngayon, pati ang Diyos ay namangha dahil siya ay napagnakawan ng grasya ng isang nilikha na malakas ang pananalig at pananampalataya. Ang patay ay binuhay sa isang paraan na tahimik ngunit epektibo. Tiyak. Sigurado. Paano na lang kaya ang buhay nating Kristiyano kung sa gitna ng ating kabataan, kalakasan, at kasaganahan ay magawa natin ang ganitong pamamaraan? Ito marahil ang sinasabi niyang siksik, liglig, at umaapaw pang mga grasyang tatamasahin na mahirap ipaliwanag na mangyari gaya ng mga nagsasabi. Subukan natin. Mas madali na lapitan si Kristo. Mangumpisal. Magsimba at mangumunyon. Bisitahin at kausapin siya sa Adoration Chapel. Di mo na kailangan makipagsiksikan. Bakit pa tayo maghihintay hangang tumanda o malapit nang mamatay, o di kaya magkasakit at maratay sa karamdaman na kung saan paluhod na nating siya ay malalapitan?

Reply

RFL January 30, 2024 at 11:08 pm

Gospel for Today: Marcos 5, 21-43

Two great stories of faith. Nakakaoverwhelm ang kwento na ito!

Jairus, a leader of a synagogue, and a woman bleeding for 12 years. Both impossible cases humanly speaking, and also impossible for them to get close to Jesus because of their stature and their lawful condition respectively, but that didnt stop them. Thus we all saw that there was never an impossible thing for the Lord, for all who believed.

Si Jairus, ang tagapamahala ng sinagoga kung saan nagpupulong ang mga nagtutuligsa kay Hesus. Kung pinairal ni Jairus ang kanyang pride at nagpa-under siya sa mga Pharisees, malamang na wala tayong kwentong pinag-uusapan ngayon. Ngunit hindi, despite ng katayuan ni Jairus sa synagogue (at nang posibleng mangyari sa kanya kapag ito’y nalaman ng mga Pariseo), hinanap ni Jairus si Hesus dahil malubha ang kalagayan ng anak at malapit nang mamatay. Ang kanyang pag-ibig bilang ama ang nag-udyok sa kanya na lapitan ang kaaway ng mga pariseo. Hindi nya inintindi ang posibleng parusa na maaaring ibigay sa kanya, ngunit para sa anak, naniwala siya kay Hesus na huling pag-asa niya.

In turn, ang kanyang anak na patay na noon ay binuhay muli ni Hesus. Tunay Siyang makapangyarihan! Tunay na ang Kanyang Salita ay nakakapagbigay buhay! Meron ba sa buhay natin na patay? Like dead relationships, patay na pag-asa, parang dead end na? Ano ginagawa natin? Do we go out of our way to seek Jesus? Do we believe Jesus even for the impossible things? Do we believe Jesus despite of what others may say about you or do to you?

Isa pang may imposibleng sitwasyon ay ang babaeng dinudugo for 12yrs. Walang doctor na makagamot kahit nabenta na niya ang kanyang ari-arian para maipambayad. Napakahirap mamuhay noon ang mga babaeng may buwanang dalaw sapagkat itinuturing silang madumi according sa law. Hindi sila pwedeng lumapit sa kanino man, pati na mahawakan ang damit ng ibang tao. Sapagkat sinumang mahawakan ay icoconsider ding unclean at may sanctions na ipinapataw ang batas sa mga unclean persons. Paano pa kaya itong babae na hindi na halos natigil ang pagdurugo? Marahil ay outcast siya ng society. Marahil ay walang gustong lumapit sa kanya. Marahil ay nilalayuan siya pag nalamang dinudugo siya. Napakalungkot ng kanyang sitwasyon.

Si Hesus ang kanyang natatanging pag-asa… siguro’y nasabi niya sa kanyang sarili. Kaya kahit imposible and ‘unlawful’ for her to touch a garment of a man, hindi na ito ang kanyang inintindi kundi nakafocus lang siya sa pagpapagaling na kanyang matatamasa kung makakalapit lamang siya kay Hesus. At gayon nga ang nangyari, sa isang iglap after niya mahawakan ang laylayan ng damit ni Hesus, siya’y gumaling. Sabi nga ni Hesus, believe that you have received it and it will be yours. May power ang ating pananampalataya kay Hesus. At gaya nga ng sinabi ni Hesus, pinagaling ka ng iyong pananampalataya.

In both situations, i am convinced that their healing started at that moment na sila’y naniwala kay Hesus. At pinatunayan ni Hesus na tama ang kanilang ginawa at tama ang kanilang faith sapagkat ang pinananaligan nila ay ang Anak ng Diyos.

Regardless of the seriousness of our illness, seriousness of the situation we’re in, even in the impossibility, God is able. The greatest healing that we have already received from God is the healing of our souls from our sins. If the Lord did not heal us from our sins, then we are hopeless. Ang sabi nga sa Isaiah: “But he was pierced for our transgressions, he was crushed for our iniquities; the punishment that brought us peace was on him, and by his wounds we are healed… and the Lord has laid on Him the iniquity of us all.” And like Jairus and the woman, the greatest connection we can have to receive healing is faith in Him.

Lord Jesus, increase our faith! Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: