Lunes, Enero 29, 2024

January 29, 2024

Lunes ng Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

2 Samuel 15, 13-14. 30; 16, 5-13a
Salmo 3, 2-3. 4-5. 6-7

Halika, Panginoon ko,
iligtas mo sana ako.

Marcos 5, 1-20


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Monday of the Fourth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
2 Samuel 15, 13-14. 30; 16, 5-13a

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel

Noong mga araw na iyon, dumating kay David ang balitang si Absalom na ang kinikilalang hari ng Israel. Sinabi niya sa mga kasama, “Mabuti pa’y umalis tayo sa Jerusalem. Kung hindi, nanganganib tayo kay Absalom. Magmadali tayo’t baka abutin niya! Kapahamakan ang sasapitin natin, pagkat wala siyang igagalang isa man sa lungsod!”

Si David ay umiiyak na umahon sa Bundok ng mga Olibo. Wala siyang sandalyas at nakatalukbong, tanda ng kalungkutan. Lahat ng kasama niya’y nakatalukbong at umiiyak ding umahon.

Nang papalapit na sa Bahurim si Haring David, isang kamag-anak ni Saul ang lumabas sa lansangan na nagtutungayaw. Ito’y si Simei na anak ni Gera. Binabato niya si David at ang mga kasama nito, maging alipin o kawal. Ganito ang kanyang isinisigaw: ‘Lumayas ka! Lumayas ka! Ikaw na tampalasa’t uhaw sa dugo! Naghiganti na sa iyo ang Panginoon dahil sa pagpatay sa sambahayan ni Saul at pag-agaw sa kanyang trono. Ibinigay na kay Absalom ang kanyang kaharian. Ikaw na mamamatay-tao! Sa wakas, siningil ka rin sa iyong pagkakautang!”

Sinabi ni Abisai, “Mahal na hari, diya’t pinahihintulutan ninyong lapastanganin ng hampaslupang ito ang inyong kamahalan? Ipahintulot po ninyong tagpasin ko ang kanyang ulo.”

Ngunit sinabi ng hari, “Huwag kang makialam sa bagay na ito Abisai; ako ang magpapasiya nito. Kung iniutos ng Panginoon na sumpain si David, ano’ng karapatan nating sumuway?” Sinabi ni David kay Abisai at sa lahat niyang lingkod, “Kung ang anak ko mismo ay nagtatangka sa aking buhay, hindi dapat pagtakhan ngayon kung mag-isip ng ganyan ang Benjaminitang ito. Bayaan ninyo siyang magtungayaw at sumpain ako. Ano’ng malay natin baka ito’y utos ng Panginoon sa kanya! Baka naman kahabagan ako ng Panginoon sa kalagayang ito, at pagpalain ako sa halip na sumpain.” Patuloy sa paglakad sina David at ang kanyang mga tauhan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 3, 2-3. 4-5. 6-7

Halika, Panginoon ko,
iligtas mo sana ako.

O Panginoon ko, kay raming kaaway,
sa abang lingkod mo ay kumakalaban;
ang palagi nilang pinag-uusapan,
ako raw, O Diyos, di mo tutulungan!

Halika, Panginoon ko,
iligtas mo sana ako.

Ngunit ang totoo, sa lahat ng oras,
iniingatan mo at inililigtas;
sa aki’y tagumpay ang iginagawad,
mahina kong loob ay pinalalakas.
Kaya ikaw, Poon, nang aking tawagan,
sinagot mo ako sa bundok na banal.

Halika, Panginoon ko,
iligtas mo sana ako.

Ako ay humimlay, agad nakatulog,
ligtas na nagising ang iyong kinupkop;
libo mang kaaway, wala akong takot,
humanay man sila, sa aking palibot.
Halika, O Diyos, iligtas mo ako,
lahat kong kaaway ay pasukuin mo.

Halika, Panginoon ko,
iligtas mo sana ako.

ALELUYA
Lucas 7, 16

Aleluya! Aleluya!
Narito at dumating na
isang dakilang propeta
sugo ng Diyos sa bayan n’ya.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 5, 1-20

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, dumating sina Hesus at ang mga alagad sa ibayo ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno. Pagkababa ni Hesus sa bangka, siya’y sinalubong ng isang lalaking galing sa libingan. Ang lalaking ito’y inaalihan ng masamang espiritu at sa libingan naninirahan. Hindi siya maigapos nang matagal, kahit tanikala ang gamitin. Malimit siyang ipangaw at gapusin ng tanikala, ngunit pinaglalagut-lagot niya ito at pinagbabali-bali ang pangaw. Talagang walang makasupil sa kanya. Araw-gabi’y nagsisisigaw siya sa libingan at sa kaburulan, at sinusugatan ng bato ang kanyang sarili.

Malayo pa’y natanawan na niya si Hesus. Siya’y patakbong lumapit at nagpatirapa sa harapan niya, at sumigaw nang malakas, “Hesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano ang pakialam mo sa akin? Huwag mo akong pahirapan, alang-alang sa Diyos!” Sinabi niya ito, sapagkat iniutos sa kanya ni Hesus, “Masamang espiritu, lumabas ka sa taong ito!” Tinanong siya ni Hesus, “Ano ang pangalan mo?” “Pulutong, sapagkat marami kami,” tugon niya. At mahigpit nilang ipinakiusap kay Hesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.

Doon naman sa libis ng bundok ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain. Nagmakaawa kay Hesus ang masasamang espiritu na ang wika, “Papasukin mo na lang kami sa mga baboy.” At sila’y pinahintulutan niya. Lumabas sa tao ang masasamang espiritu at pumasok nga sa mga baboy. Ang kawan, na may dalawanlibo, ay sumibad ng takbo tungo sa pampang ng lawa, nahulog sa tubig at nalunod.

Nagtatakbo ang mga tagapag-alaga ng kawan at ipinamalita ito sa bayan at sa mga nayon; kaya’t pumaroon ang mga tao upang tingnan kung ano nga ang nangyari. Paglapit nila kay Hesus ay nakita nila ang lalaking inalihan ng mga demonyo. Nakaupo ito, may damit at matino na ang isip. At sila’y natakot. Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita ang nangyari sa inalihan ng mga demonyo at ang sinapit ng mga baboy. Kaya’t ipinamanhik nila kay Hesus na umalis sa kanilang lupain.

Nang sumasakay na si Hesus sa bangka, nakiusap ang inalihan ng mga demonyo na isama siya, ngunit hindi pumayag si Hesus. Sa halip ay sinabi niya, “Umuwi ka at sabihin mo sa iyong mga kasambahay ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paanong nahabag siya sa iyo.” Umalis ang taong iyon at ipinamalita sa Decapolis ang ginawa sa kanya ni Hesus. At nanggilalas ang lahat ng nakarinig niyon.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 9 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 22, 2022 at 1:29 pm

PAGNINILAY: Lumikas si Haring David mula sa kanyang bayan dahil sa banta ng kanyang anak na si Absolom. Habang palakbay sila papuntang Bahurim, siya’y inalipusta ng isa sa mga anak ng dating Haring Saul dahil ibinibintang siyang mamamatay-tao ni Saul. Ngunit tiniis ang mga ito ni David at naging matatag sa Panginoon dahil naramdam niya’y inililigtas siya mula sa kapahamakan.

Si Hesus sa Ebanghelyo ay gumawa ng isang makapangyarihang kababalaghan nang mapalayas niya ang samu’t saring demonyo sa isang lalaki sa bayan ng Gergesa. Sabi daw sa mga ulat na kaya nitong baliin ang mga kadenang nakagapos sa kanya. Tuwing gabi, siya’y naninirahan sa mga yungib. Kaya itong groupo ng mga masasamang espiritu ay malalakas, ngunit nang makita nila si Hesus, natunghayan nila ang kapangyarihan ng Diyos Ama. Hiniling nila na huwag sila’y ipalayas, ngunit ipasapi sa mga 2,000 biik sa nayon. Kaya ganun nga ang nangyari at lumubog ang mga biik sa lawa. Sa sobrang tuwa na siya’y nakasalaya mula sa pagkasanib ng maraming demonyo, nais niyang sundan si Hesus, ngunit ibinilin sa kanya na umuwi at ipahayag ang kadakilaan ng Diyos.

Dakila ang Diyos sa ating mga buhay. Hindi niya tayong hahayaang mapahamak ng kasamaan. Ayaw rin niya tayong sumailalim sa tukso ng Diyablo. Kaya dapat tayo’y maging matapat sa kanya sa pagsampalataya sa kanyang katauhan at pagsunod sa kanya mga utos. Nawa’y tunay na umapaw ang mga grasya at patnubay ng Panginoon upang ito’y maipadala sa ibang tao.

Reply

Erwin Cabrera January 30, 2022 at 3:20 pm

Sa Unang Pagbsa …..Makikita natin ang kinahitnan ng buhay ni Haring David.

Sinabi din ng Diyos kay David na laging may mamamatay sa tabak sa kanyang angkan dahil sa kanyang mga kasalanan. At mula nga noon, nagkaroon ng problema sa pamilya ni David. Ang ilan sa mga ito ay ang panggagahasa ni Amnon kay Tamar na naging dahilan ng pagpatay ni Absalom kay Amnon at ng pag-agaw ni Absalom sa trono kay David. Sinabi din ni Nathan kay David na ang kanyang mga asawa ay sisipingan ng isa sa malapit sa kanya; at hindi iyon magaganap ng lihim gaya ng kanyang ginawa kay Bathsheba kundi sa publiko. Naganap ang hulang ito ng sipingan ni Absalom ang mga asawa ng kanyang ama sa bubungan ng palasyo na nakikita ng lahat (2 Samuel 16).

Si David ang manunulat ng marami sa mga Awit. Sa kanyang mga sinulat, makikita natin kung paano niya hinanap at niluwalhalti ang Diyos. Lagi siyang itinuturing bilang isang pastol na naging hari at isang mandirigmang manunulat. Tinatawag siya ng Kasulatan na “kalugod-lugod na mangaawit ng Israel” (2 Samuel 23:1). Ang buhay ni David ay puno ng emosyon ng tao—isang karaniwang batang pastol na may malaking pananampalataya sa katapatan ng Diyos na iginalang ang kanyang mga pinuno, tumakas para iligtas ang kanyang buhay, at naging isang hari na naging pamantayan ng lahat ng sumunod na hari sa Israel. Umani siya ng maraming tagumpay sa digmaan. Bumagsak din siya sa isang malaking kasalanan, at nagdusa ang kanyang pamilya dahil doon. Ngunit sa lahat ng ito, lumapit si David sa Diyos at nagtiwala sa Kanya. Kahit na sa kanyang mga sinulat na Awit, noong pinanghihinaan siya ng loob, makikita natin na itinataas niya ang Kanyang mga mata sa kanyang Manlilikha at pinuri Siya sa lahat ng sitwasyon. Ang pagtitiwalang ito sa Diyos at ang kanyang patuloy na paghahangad ng mabuting relasyon sa Diyos ay isa sa mga dahilan kung bakit siya tinawag na isang lalaking ayon sa puso ng Diyos.

Ipinangako ng Diyos kay David ang isang haring magmumula sa kanyang angkan na ang paghahari ay magpakailanman. Ang walang hanggang haring iyon ay si Jesus, ang Mesiyas, ang “Anak ni David.”

Reply

Erwin Cabrera January 30, 2022 at 3:25 pm

Pagninilay sa Ebanghelyo:

Si Hesu Kristo ang tanging “daan” tungo sa kaligtasan! “Sapagka’t sa biyaya kayo’y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito’y hindi sa inyong sarili, ito’y kaloob ng Diyos; Hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri” (Efeso 2.8-9). “..datapuwa’t ang kaloob na walang bayad ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin” (Roma 6.23).

Ano ang pinagdadaanan mo ngayon sa buhay? Ikaw ba ay dumadaan sa pagkakasala, kalituhan, kaguluhan, kahirapan, kalungkutan, sakit, kapaguran, galit at kawalan ng pag-ibig o kawalang kabuluhan? Sadyang mahirap ang buhay! Si Satanas at ang kasalanan ang dahilan! Napapagod ka na ba sa pakikipag-laban sa tao at sa iyong mga problema? Si Hesus ang daan! Iniibig ka Niya! Si Hesus ang tanging tao at Panginoon na nararapat sundin! Muli ngang nagsalita sa kanila si Hesus, na sinasabi, “Ako ang ilaw ng sanlibutan; ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan” (Juan 8.12).

Reply

Ferdy Baetiong Pariño January 31, 2022 at 9:52 am

Ano ang aral at hamon ng mga Pagbasa ngayon?

Sa Unang Pagbasa, ay ang pag-amin ng kasalanan at pagsisi at pagtanggap ng kaparasuhan ang ating mapupulot dito. Si Haring David ay isang matuwid na lider, subalit tinukso sya ni Satanas sa kanyang kahinaan at iyon ay ang katakawan sa pita ng laman. Ang pangangalunya at pakiki-apid ay isa sa mga pinagbabawal sa sampung utos ng Diyos, dulot nito ay panandaliang sarap subalit ang kapalit naman ay kaphamakan, kalungkutan at kawalan ng kapayapaan ng isip. Pero maya katangian pa din si David na dapat nating tularan, yan ay ang aminin sa Diyos na tayo ay nagkasala, sunod ay pagsisihan ito at ihingi ng kapatawaran at ang huli ay sikapin ng matalikuran ang pagawa ng kasamaan.

Ang ating ebanghelyo ngayon ay nag iiwan sa atin ng mensaheng manalangin tayo kay Hesus na tyo ay linisin. Masasabi din nating inaalihan tayo ng demonyo kung ang mga gawain natin ay labag sa mga kautusan. Kung tayo ay namumuhay sa pandaraya, kamunduhan, paninirang puri, hindi marunong magpatawad ng kapwa at matakaw sa materyal na bagay at pita ng laman ay masasabi din nating inaalihan tayo ng demonyo. Kaya nararapat na ipanalangin natin na lukubin tayo ng espiritu santo upang magabayan tayo at lagi natin maisa-isip ang pag iwas sa tukso at alalahanin ang mga aral ng Mabuting Balita.

Reply

Malou Castaneda January 28, 2024 at 3:39 pm

PAGNINILAY
Ang Diyos ay laging kasama natin. Minsan nakakalimutan natin ang presensya ng Diyos dahil nakatuon tayo sa ating mga problema. Sa ibang pagkakataon, maaaring alam natin ang gawain ng Diyos sa ating buhay, ngunit urong- sulong tayong sabihin sa iba kung paano tayo naantig ng Diyos dahil natatakot tayo o nahihiya sa kung ano ang iisipin ng iba kung pag-uusapan natin ang paggalaw ng Diyos sa ating buhay.

Maglaan ng oras upang alalahanin ang ilan sa mga KAGANDAHANG ginawa ni Hesus para sa atin sa buong buhay natin. Ang ilan sa mga kahanga-hanga ay maaaring mga pangyayaring nakapagpabago ng buhay. Ang iba ay maaaring mas banayad at maaaring nangyari sa loob ng ilang panahon. Ipinaaalam ba natin ang mga kahanga hangang ginawa ni Hesus para sa atin sa mga tao sa ating buhay? Ibinabahagi ba natin sa ating pamilya at mga kaibigan kung paano naroroon si Hesus sa atin at kung paano tayo pinagpapala ni Hesus? Maglaan tayo ng panahon at alalahanin ang maraming BIYAYA na natanggap natin sa buong buhay natin. Ang mga regalo ng pamilya, mabuting kalusugan, magandang trabaho, mahal na mga kaibigan… oh napakarami upang banggitin. Nawa’y pasalamatan natin ang Diyos sa kasaganaan ng ating mga biyaya. Maaaring mukhang maliliit na regalo ang mga ito; gayunpaman… ang magagandang bagay ay kadalasang dumarating sa maliliit na handog!

Panginoong Hesus, alisin Mo ang anumang kasamaan na may kapangyarihan sa aming buhay. Amen.
***

Reply

Rey Anthony I. Yatco January 29, 2024 at 5:38 am

MAGANDANG BALITA NGAYON – LUNES NG IKAAPAT NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

MARCOS 5:1-20 Noong panahong iyon, dumating sina Hesus at ang mga alagad sa ibayo ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno. Pagkababa ni Hesus sa bangka, siya’y sinalubong ng isang lalaking galing sa libingan. Ang lalaking ito’y inaalihan ng masamang espiritu at sa libingan naninirahan. Hindi siya maigapos nang matagal, kahit tanikala ang gagamitin. Malimit siyang ipangaw at gapusin ng tanikala, ngunit pinaglalagut-lagot niya ito at pinagbabali-bali ang pangaw. Talagang walang makasupil sa kanya. Araw-gabi’y nagsisisigaw siya sa libingan at sa kaburulan, at sinusugatan ng bato ang kanyang sarili.

Malayo pa’y natanawan na niya si Hesus. Siya’y patakbong lumapit at nagpatirapa sa harapan niya, at sumigaw nang malakas, “Hesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano ang pakialam mo sa akin? Huwag mo akong pahirapan, alang-alang sa Diyos!” Sinabi niya ito, sapagkat iniutos sa kanya ni Hesus, “Masamang espiritu, lumabas ka sa taong ito!” Tinanong siya ni Hesus, “Ano ang pangalan mo?” “Pulutong, sapagkat marami kami,” tugon niya. At mahigpit nilang ipinakiusap kay Hesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.

Doon naman sa libis ng bundok ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain. Nagmakaawa kay Hesus ang masasamang espiritu na ang wika, “Papasukin mo na lang kami sa mga baboy.” At sila’y pinahintulutan niya. Lumabas sa tao ang masasamang espiritu at pumasok nga sa mga baboy. Ang kawan, na may dalawanlibo, ay sumibad ng takbo tungo sa pampang ng lawa, nahulog sa tubig at nalunod.

Nagtatakbo ang mga tagapag-alaga ng kawan at ipinamalita ito sa bayan at sa mga nayon; kaya’t pumaroon ang mga tao upang tingnan kung ano nga ang nangyari. Paglapit nila kay Hesus ay nakita nila ang lalaking inalihan ng mga demonyo. Nakaupo ito, may damit at matino na ang isip. At sila’y natakot. Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita ang nangyari sa inalihan ng mga demonyo at ang sinapit ng mga baboy. Kaya’t ipinamanhik nila kay Hesus na umalis sa kanilang lupain.

Nang sumasakay na si Hesus sa bangka, nakiusap ang inalihan ng mga demonyo na isama siya, ngunit hindi pumayag si Hesus. Sa halip ay sinabi niya, “Umuwi ka at sabihin mo sa iyong mga kasambahay ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paanong nahabag siya sa iyo.” Umalis ang taong iyon at ipinamalita sa Decapolis ang ginawa sa kanya ni Hesus. At nanggilalas ang lahat ng nakarinig niyon.

MAGNILAY: May binabawi ang Diyos pero may ipinapalit. Kaya lang mas nakatuon tayo sa binawi kaysa ipinalit. Hindi tuloy tayo makausad sa bagong pagkakataong kaloob niya sa atin.

Dinamdam ng mga tao ang pagkasawi ng kanilang mga alagang baboy pero hindi nila nakita na higit na biyaya si Hesus sa kanilang piling. Hindi man lamang sila natuwa na napagaling ang lalaking inaalihan ng masasamang espiritu. Sa kanilang pagpapaalis sa kanya nasayang ang bagong pagkakataong meron na sana sila.

Tandaan natin kapag may pintong isinasara ang Panginoon meron namang bintana ang ibinubukas niya. May kinukuha pero may papalit na bagong biyaya ng pagkakataon.

MANALANGIN: Panginoon, magtiwala nawa kami na may bagong pinto ng pagkakataon ang mabubuksan dumating man ang kabiguan.

GAWIN: Mas tingnan ang meron ka kaysa ang wala.

Reply

Jess C. Gregorio January 29, 2024 at 11:09 am

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:
Marcos 5, 1-20

Karaniwang salat sa totoong buhay ang mga hindi pinaghaharian ng Diyos. Sila ay madalas na matatagpuan sa piling ng katulad nila sa walang buhay na kapaligiran. Marami silang bagay na itinatago sa kadiliman. May lakas na mapanakit silang angkin, kapangyarihang walang makasupil, di matanikalahan ng hustisyang inaasahan. Araw-araw ay sumisigaw ng palihim sa kadilimam at sa itaas ng mga burol na dinig ng sangkatauhan. Dinadagdagan ang sakit ng kanilang nararamdaman ng mga maling gawa na paulit-paulit nilang binabalikan. Ang lahat ng ito ay epekto ng galit ng demonyo sa mga taong binibiyayaan. Ngunit gaano man tayo kasama ay sadyang lalapit tayo kay Kristo at kikilalanin ang kanyang Kabanalan. Kahit na tayo ay pinamumugaran ng sobrang daming demonyo sa ating katauhan. At dahil kahit na anong kapangyarihan ay walang panama kay Hesukristong Hari, maititiwalag niya ang lahat na hindi sa kanya. At kahit na ano pa ang duming dinulot, ay malilinis ni Hesus at manunumbalik ang ganda ng kaluluwang naisalba. Ngunit ang mundo ay kumikita at kumukuha ng kabuhayan sa maraming maling pamamaraan, ano man ang epekto sa pagkawala ng isang makasalanan, maaring kawalan sa negosyo ng ibang nakikinabang. Kaya’t pilit ng tao na itaboy si Hesus sa pinangyarihan dahil kinain na ng masamang sistema ang pinagkikitaan ng karamihan at ayaw nilang magpatuloy na mawalan sila ng kabuhayan. Ngunit ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos at mga himalang dala ay malalaman. Babalik kay Hesukristo ang papuring hindi kayang pigilan. Ito ang nangyari sa Gerasen na nabatid natin sa araw na ito. Marami pa rin sa atin ang inaalihan na tulad ng Geraseno sa panahon ngayon kaya ang bawa’t alagad ni Hesus ay binibigyan ng kapangyarihan magpalayas ng mga demonyo sa Ngalan ni Hesukristo.

Reply

Rex G. Barbosa January 29, 2024 at 2:40 pm

PAGNINILAY

PAG-AALINLANGAN SA PAGBABAGO

Madalas tayo’y takot sa mga hindi natin naiintindihan.

Sa ating ebangelyo ngayon, nalaman ng mga tao ang ginawa ni Jesus sa lalaki. Ang pagpapalayas sa dalawang libong mga demonyo, pinapasok sa baboy, pinapunta sa pampang at nalunod sa lawa.

Ang mga tao’y natakot.

Hindi nila lubos na unawaan ng mga tao ang ginawa ni Hesus o maaaring silay natakot at nakiusap na umalis si Hesus sa kanilang lugar.

Sa halip na magpasalamat na nalutas ang isa sa kanilang mga problema.

Sa mga ganitong pagkakataon sa ating buhay pinipigilan tayo ng ating takot na makamit ang mabuti laban sa masama.

Hindi tayo mapalagay kapag naabala ang “status quo”.

Hindi natin nais na baguhin kung ano mang meron sa atin dahil “satisfied” na tayo sa kung ano ang nasa atin kahit ito ay magpapasama sa atin at may mas mabuti pa rito.

Reply

RFL January 29, 2024 at 10:00 pm

Readings:
Samuel 15, 13-14. 30; 16, 5-13a
Salmo 3, 2-3. 4-5. 6-7
Marcos 5, 1-20

Hitik na hitik sa aral ang mga Pagbasa ngayon.

1. Reality ng mundo=oppression, rejection. Si David ay nakatanggap ng masakit sa loob na oppression galing sa kanya mismong anak na si Absalom. Pinatalsik ni Absalom ang kanyang ama sa pwesto upang siya’y maging hari. Ang bigat dalhin nito. Sariling anak, kamag-anak at kaibigan itinakwil ka, pinaaalis ka sa dapat nating pagkalagyan at gusto ka pang ipapatay? Kung nararanasan natin ito ngayon, laging tandaan na buhay ang Diyos at nakikita Niya ang nangyayari sa atin. Ano ang dapat na maging posture natin sa ganitong pagkakataon?

2. Ang sagot ni David: Kababaang-loob and he did not repay evil for evil. Sa parehong pagkakataon, sa pagseize ng kanyang trono at sa pagbababato sa kanya ng mga kamaganak ni Saul, ipinakita ni David ang humility na dapat taglayin natin. Siya ang ama ni Absalom, siya ay annointed by God to be king, meron siyang power na pugutan ng ulo ang kamaganak ni Saul, meron siyang mga tao na handa siyang ipaglaban. Ngunit hindi sinuklian ni David ang mga ito ng dahas, ngunit kababaang-loob. Tayo ba’y naghihiganti sa masamang ginagawa sa atin? Mula sa simpleng paguunfriend, hanggang sa paggawa ng masama sa ating kapwa? Ano ba ang example ang matutunan kay David?

3. Una, Pagtitiwala sa Diyos. Bagaman si David ay hindi perpekto at nakita natin althroughout his life na nagkaroon ng matinding pagkakasala sa tao at sa Diyos, hindi naging hadlang ang mga ito upang siya ay patuloy na magtiwala sa Panginoon. Ang pagtitiwala niya sa Panginoon ay parang ang pagtitiwala ng anak sa kanyang ama. Yun tipong inaamin niya ang kanyang pagkakasala, humbly seeking God’s forgiveness, and continue trusting in the Lord despite the situation he’s in. Nakita natin sa Salmo na ating binasa ang prayer ni David ukol sa kanyang sitwasyon.

4. Itong rejection na ito, naramdaman din ito ni Hesus sa bayan ng Geraseno. Bakit? Kase may pinagaling siya na inaalihan ng mga unclean spirits. Parang ironic ano? Marahil mas natakot ang mga tao na Siya’y sinunod ng demonyo instead na magbunyi at bigyang papuri ang Panginoon para sa pagpapalayas sa demonyo. Nangibabaw ang takot kaysa sa makita ang kadakilaan ng Diyos. Mas ok na siguro sa kanila na magstay sa dati kesa magtiwala sa kabutihan ng Panginoon. Tayo kaya? Pinangungunahan ba tayo ng takot sa mga desisyon natin? Magtiwala tayo sa Panginoon.

5. Which leads us to—sinadya ng Panginoon puntahan ang Geraseno para mapalaya ang lalaking ito. Gabing gabi na naglayag pa sila para tumawid sa other side ng lake. Si Hesus, bilang omniscient (all-knowing), alam Niyang irereject Siya ng mga tao sa lugar na yon. Ngunit hindi ito hadlang kase meron Siyang misyon na palayain yung tao sa pangaalipin sa kanya ng masamang espiritu, at misyon para gawing witness ang taong ito ukol kay Hesus. Alam nyo, usually na nagiging witness kay Hesus ay yung mga tao na may….

6. Hopeless and helpless na sitwasyon. Yung wala nang ibang kakapitan, wala ng ibang paraan, wala ng magawa, wala na ring resources para masolusyonan ang problema. Yan ang naranasan ng lalaking tagaGeraseno. Bukod sa isang legion ng demonyo (around 6000) ang gumagamit sa kanyang katawan, walang ibang makatulong sa kanya. Itong lalaking ito malamang na nagtangka siyang magpakamatay dahil sa ayaw na niya ng nararanasan niya ngunit hindi pa siya mamatay sapagkat malamang ay nangingialam ang mga demonyo sa kanyang pagtatangka. Ngunit marahil ang totoong dahilan ng hindi pa niya pagkamatay ay may plano ang Diyos para sa kanya. At nakita nga natin ang ginawa ni Kristo, at ang bilin ni Kristo sa kanya:

7. Sabihin mo sa iyong mga kasama ang mga nagawa sa iyo ng Panginoon at kung paano Siya nahabag sa iyo. Ito mga kapatid ang misyon ng bawat isa sa atin: ipamalita ang kabutihan at awa ng Panginoon sa buhay natin nang ang lahat ay makilala ang totoong Diyos. Ito’y makakapagdulot ng galak, pag-asa at idea sa lahat ng makakarinig. Ang daming ginagawa ang Diyos sa buhay natin araw-araw, hindi tayo mauubusan ng ikekwento.

8. And notable side lessons: (a) Ang pagkilala ng mga demonyo sa Panginoong Hesus—Son of the Most High God. (b) Ang pagtatanong ng demonyo kung pupuksain na ba sila Niya bago dumating ang takdang oras (nakalagay sa Mateo). Meaning alam pala ng demonyo na sa bottomless pit ang bagsak nila pagdating ng takdang oras, at marahil kaya sila tempt ng tempt ng mga tao ay para marami silang kasama na magparty (^^?) sa baba (c) Nagpatirapa at nakiusap kay Hesus na huwag silang pahirapan (aba, parang act of prayer di ba?)

May mga aspeto ba ng buhay natin na hinihingi natin ng pagpapalaya mula sa Diyos? Tayo’y manalangin.
Panginoong Diyos, maraming salamat po sa Iyong Salitang nagbibigay buhay at pagasa. Maraming salamat po sa mga kwento na mula noon hanggang ngayon ay pinaguusapan namin at nakikilala ka namin dahil sa mga kwentong ito. Ikaw po ang pagasa namin, Ikaw po ang makakatulong sa amin sapagkat ang Iyong habag at pagkalinga ay tapat magpakailanman. Palayain mo po kami mula sa pagkakagapos namin sa kasalanan. Palayain mo po kami mula sa pagkakagapos namin sa (____) even our too much love for ourselves Lord, palayain mo po kami. Ito’y aming samo at dalangin sa Ngalan ng Panginoong Hesus. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: