Huwebes, Nobyembre 2, 2023

November 2, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano

Sumasampalataya tayo sa kasamahan ng mga banal. Taglay ang pananampalatayang ito, tulungan natin ng ating mga panalangin ang lahat ng namayapa, lalo na ang mga nangangailangan ng mga ito.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, pakinggan mo ang aming mga panalanging bunga ng pag-ibig at pananampalataya.

Ang Simbahan nawa’y hindi kailanman malimutan sa lupa ang Simbahang naghihintay para sa kaluwalhatiang walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga taong natatakot harapin ang kamatayan nawa’y makatagpo ng pag-asa kay Kristong Muling Nabuhay at sa kanyang nagpapalinis na pagpapatawad, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagluluksa sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay nawa’y maglubag ang kalooban sa kanilang pananalangin para sa kaluluwa ng kanilang minamahal, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang habag na nahayag sa purgatoryo nawa’y magpatibay sa ating pagtitiwala kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga kaluluwa ng mga hindi nakakilala kay Kristo noong sila ay nabubuhay pa nawa’y pagkalooban ng liwanag at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoon ng buhay, inihahabilin namin sa iyong pangangalaga ang mga kaluluwa ng mga naghihintay na makabahagi sa maluwalhating Muling Pagkabuhay ng iyong Anak, ang aming Manunubos, na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez October 26, 2021 at 1:06 pm

PAGNINILAY: Ang Buwan ng Nobyembre ay inilaan ng SImbahan upang gunitain ang mga mahal na yumaong sumakabilang-buhay. Subalit ngayong Ikalawang Araw ng buwang ito, naging katangi-tangi ang okayson sa Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano, o mas kilala bilang Araw ng mga Kaluluwa. Matapos ipagdiwang ang Lahat ng mga Banal, ating inaalala ngayon ang lahat ng mga yumao at pumanaw mula sa daigdig na ito na may pananampalataya na hindi natatapos ang buhay sa Kamatayan, bagkus sa darating na buhay na walang hanggan.

Napakadaming mga Pagbasang maaring gamitin ng mga parokya na may kaugnayan sa pagdiriwang ngayon. Kaya maaring gamitin ang mga Pagbasang nakalagay sa itaas ng pahinang ito, o kaya ang iba pang pagbasang mahahanap sa Misa para sa mga Yumao. Gayunpaman, ang pinakaugat ng pagdiriwang ngayon ay tungkol sa ating paniniwala bilang mga Kristiyano hindi lang sa bagong buhay, kundi pati na rin sa pagkabuhay na mag-uli.

Hindi natatapos ang buhay sa kamatayan, kundi mayroon pag-asa ng bagong buhay hindi sa mundong ito, kundi sa kabilang banda, at iyan ay gagampanan sa pagkabuhay na mag-uli. Ayon nga sa ating Panginoong Hesukristo, ang mga mabubuti ay magkakaron ng walang hanggang buhay sa langit, at ang mga masasama naman ay magkakaroon ng walang hanggang buhay sa impiyerno. Kaya ang langit at impiyerno ay mga totoong realidad kung saan hahantong ang buhay ng tao batay sa kanyang mga gawain habang namumuhay pa. Subalit sa ating pananampalataya, naniniwala tayo na may mga taong hindi nakapagsisi sa iilang kasalanan, ngunit sila’y namuhay nang matapat. At iyan ang ating paniniwala sa Purgatoryo, na ang mga kaluluwang ito’y ating ipinapanalangin na makamtan nila ang langit balang araw sa patuloy na paglilinis.

Ang doktrina ng purgatoryo ay sinasabi raw ng ibang sekta na walang batayan sa Bibliya. Ngunit ang paglilinaw diyan ay ang salita mismo ay wala sa Banal na Kasulatan, subalit ang turo mismo ay nasa Bibliya, lalung-lalo sa 2 Macabeo 12:42-46 na kung saan niloob ng Diyos na magkaroon ng pagbabayad-puri sa mga buhay at mga patay upang sila’y mailigtas mula sa pagkakasala. Kaya mga kapatid, mahalaga na pahalagahan natin ang buhay na binigyan ng Diyos sa bawat isa. At nawa patuloy tayo sa paggawa ng tama at mabuti, lalung-lalo sa ating kapwa. Kung paano tayong nagpakita ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa, iyan ang magiging batayan ng pagkakamtan natin ng kaligayahan ng buhay na walang hanggan sa kalangitan.

Nawa patuloy rin tayo sa ating pagsampalataya sa pagkabuhay na muli ng nangamatay ng tao at sa buhay na walang hanggang upang balang araw tayo rin kapag mamatay ay makakasigurado sa bagong buhay na inilaan sa atin ng Panginoon.

Reply

angelita maramba November 2, 2021 at 4:16 pm

Nice reflection po about sa Buhay na walang hanggang na nag aantay sa atin after po we departed from this world. The challenge really is to do good while here on earth to enter the Kingdom of God cause earthy life is full of temptations. On judgment day, let us all pray for the kingdom of God and ask God ‘s mercy and compassion that we may enjoy eternal life with our loved ones in heaven. May we all be purified in the purgatory to enter the Kingdom of God .

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: