Miyerkules, Nobyembre 1, 2023

November 1, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Nobyembre 1
Lahat ng Mga Banal

Bilang Bayan ng Diyos dito sa lupa, pag-isahin natin ang ating mga panalangin at ang mga panalangin ng lahat ng mga banal sa Langit para sa mga pangangailangan ng mga lalaki at babae sa lahat ng dako.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Sa pamamagitan ng mga panalangin ng mga banal, dinggin mo kami, O Panginoon.

Ang Simbahan nawa’y ihatid sa Kaharian ng Langit ang lahat ng kanyang mga anak, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga taong may mabubuting kalooban nawa’y makatanggap ng tunay na buhay at kapayapaang di-nagmamaliw sa pamamagitan ng mapantubos na Dugo ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y pagkalooban ng Eukaristiya ng lakas upang makapamuhay nang matuwid dahil sa pag-asang makakapiling natin ang mga banal sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga inuusig dahil sa pagiging matuwid nawa’y matatag na magpatuloy sa daan ng kabanalan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumaong mahal natin sa buhay nawa’y makasama ang mga banal sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama ng kabanalan at biyaya, iniaalay namin ang aming mga kahilingan kasama ng mga panalangin ng Mahal na Birheng Maria at ng lahat ng mga banal, taglay ang pagtitiwala sa iyong habag na nahayag sa kanilang mga dakilang buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez October 26, 2021 at 1:03 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Araw ng Nobyembre ay isang espesyal na okasyon sapagkat ating ipinagdiriwang ang Lahat ng mga Banal, kapwang mga kilala at ‘di kilalang santo. Ang titulo na “santo” ay may katumbas na kahulugang “banal”. Ito’y sapagkat habang sila’y nabubuhay sa daigdig, namuhay sila sa kabanalan ng Diyos sa kanilang kababang-loob na pagkatao. At matapos ang kanilang mga pinagdaanan sa sangkalupaan, natagumpayan nila ang korona ng buhay na walang hanggan sa kalangitan.

Ito yung nakikitang pangitain ni San Juan sa Unang Pagbasa nang makaranas siya ng mga kaiba-ibang pangitain habang isinusulat ang Aklat ng Pahayag. At nakita rin niya ang napakadaming taong natagumpayan ang mismong korona ng kaluwalhatian matapos ang kanilang mabubuting pamumuhay sa daigdig, at sila’y sumasamba sa paanan ng trono ng Kordero ng Diyos, na si Hesukristo. Kaya nga nararapat na tawagin ang mga Banal na “mapapalad”.

At si Hesus sa Ebanghelyo ay ipinangaral niya sa kabundukan ang Walong Pagpapala/Eight Beatitudes. Ang mga 8 kasabihang ito ay nagsasabi na kahit sa mga oras ng kapighatian at pagdurusa, mapalad pa rin ang taong may lakas na loob na patatagin ang pananampalataya sa Diyos at ang paraan ng kabutihan. At ang gantimpala ay buhay na walang hanggan at iba pang mga kaganapang binibigyan ng Diyos na nararapat sa bawat isa. Siguro mahirap maging dukha o kaya gutom/uhaw, pati rin ang pagiging malungkot, dahil marami tayong mga ari-arian at mga bagay na nagpapasaya at nagpapaginhawa ng ating buhay. Ngunit ang pinupunto lamang ni Kristo sa Walong Pagpapala na sa kabila ng mga makamundong bagay na nagiging solusyon sa mga problema natin, hindi dapat mawalan sa atin ang mga espirituwal na pagpapahalaga na nagpapatibay sa ating relasyon sa Diyos at sa kapwa.

Kaya nga si San Juan sa Ikalawang Pagbasa ay nag-aanyaya sa atin na makilala natin ang pagmamahal ng Diyos para sa lahat, at itong pagmamahal ng Diyos ay ating inangkin upang karapat-dapat tayo’y tawaging mga anak niya. Kaya tayo’y inaanyayahan na maging malinis ang kalooban na may kadalisayan ng puso sa muling pagpaparito ni Hesus sa katapusan ng panahon. At ganyan nga ang ginawa ng lahat ng mga santo na tunay na sila’y naging matapat sa kalooban ng Diyos hanggang sa nakamtan nila ang kaligayahan at kaluwalhatian sa kabilang buhay.

Maraming mga Santo ay hinirang ng Simbahan at ipinagdiriwang sa hiwa-hiwalay na mga araw, ngunit may mga santo rin naman na kahit walang pagdiriwang ay ginagawang “saint of the day” kung ninanais nating basahin ang kanilang talambuhay. Mahalaga rin bilang mga Katoliko na hindi kailanman sinasamba natin ang mga banal katulad nina Birheng Maria, San Jose, atbp., dahil ang pagsamba/latria ay nakatuon lamang sa Diyos, ang Banal na Santatlo. Ang debosyon mga Santo ay itinuturing natin na paggalang/dulia (hyperdulia para kay Maria) sapagkat sila’y nagsisilbing inspirasyon natin upang mamuhay nang nararapat sa mundong ito.

Nawa’y tularan natin ang mga Banal sa pagiging tunay na mapalad ayon sa pamantayan ng Panginoon.

Reply

Ferdy Baetiong Parino November 1, 2021 at 9:21 am

Huwag mong ikalungkot ang: kung ikaw ay isa sa mahihirap ang buhay dito sa lupa, kung ikaw wala ng inaasahan kundi ang biyaya ng Diyos, kung ay inaalipusta at kinukutya ng dahil sa pananalig mo sa Panginoon. Sapagkat may malaking gantimpala na naghihintay sayo. Ugaliin mong maging maghabagin sa kapwa at tulungan sa abot ng iyong makakaya. Kung ikaw ay nagnanais na magpakabuti ay ipagpatuloy mo lamang at labanan ang mga tukso ng demonyo lalong lalo na ang materyal na bagay at kasarapan sa buhay katulad ng katakawan sa pita ng laman, pakikiapid at pangangalunya. Puro panandaliang sarap lamang yan at lagim ang sasapitin mo. Ngayong araw ng mga santo, humingi tayo ng tulong sa kanila na ipinalangin ang ating mga kahilingan kay Hesus, sila ay nasa langit at ating mga taga pamagitan. Ang paghiling o pananalangin ay kapalit na gawain, ito ay ang pagsusumikap na talikuran na ang kasamaan na nagsisimula sa pagsisi at paghingi ng kapatawaran. Maigsi lamang ang buhay kapatid, pagnilayan natin ang mga binaggit ni Hesus sa ebanghelyo at gawin natin patnubay sa pang araw araw na pakikisalamuha sa mundong ito. Sumalangit nawa na lahat ang ating mga pumanaw na mahal sa buhay.

Reply

Ervi Sobrevinas November 1, 2023 at 9:58 am

In these Beatitudes, Jesus paints a portrait of a God-centered life. Each blessing challenges our conventional understanding of happiness and success, urging us to embrace humility, compassion, righteousness, and peace. By embodying these principles, we not only experience God’s blessings but also become instruments of His grace in a broken world.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: