Miyerkules, Pebrero 22, 2023

February 22, 2023

Miyerkules ng Abo

Joel 2, 12-18
Salmo 50, 3-4, 5-6a. 12-13. 14 at 17

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

2 Corinto 5, 20 – 6, 2
Mateo 6, 1-6. 16-18


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Ash Wednesday (Violet)

UNANG PAGBASA
Joel 2, 12-18

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Joel

Sinasabi ngayon ng Panginoon:
“Mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin,
kayo’y mag-ayuno, manangis at magdalamhati.
Magsisi kayo nang taos sa puso, hindi pakitang tao lamang.”
Magbalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Diyos.
Siya’y may magandang-loob at puspos ng awa,
mapagpahinuhod at tapat sa kanyang pangako;
laging handang magpatawad at hindi magpaparusa.
Maaaring lingapin kayo ng Panginoon at bigyan ng masaganang ani.
Kung magkagayon, mahahandugan natin siya ng haing butil at alak.
Ang trumpeta ay hipan ninyo, sa ibabaw ng Bundok ng Sion;
iutos ninyo na mag-ayuno ang lahat,
tawagin ninyo ang mga tao para sa isang banal na pagtitipon.

Tipunin ninyo ang lahat, matatanda’t bata,
pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal.
Mga saserdote, kayo’y tumayo sa pagitan ng pasukan at ng dambana,
manangis kayo’t manalangin nang ganito:
“Mahabag ka sa iyong bayan, O Panginoon.
Huwag mong tulutang kami’y hamaki’t pagtawanan ng ibang mga bansa at tanungin,
‘Nasaan ang inyong Diyos?’”
Pagkaraan, ipinamalas ng Panginoon na siya’y nagmamalasakit sa kanyang bayan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4, 5-6a. 12-13. 14 at 17

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan
at ipatawad mo yaring kasalanan!

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

Ang pagsalansang ko ay kinikilala,
laging nasa isip ko at alaala.
Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang nagawa ko’y di mo nagustuhan.

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Turuan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

IKALAWANG PAGBASA
2 Corinto 5, 20 – 6, 2

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga Taga-Corinto

Mga kapatid, ako’y sugo ni Kristo; parang ang Diyos na rin ang namamanhik sa inyo sa pamamagitan ko: makipagkasundo kayo sa Diyos. Hindi nagkasala si Kristo, ngunit dahil sa atin, siya’y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya.

Yamang kami’y mga katulong sa gawain ng Diyos, ipinamamanhik namin sa inyo na huwag ninyong sayangin ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos. Sapagkat sinasabi niya:

“Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita,
Sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.”

Tingnan ninyo! Ngayon na ang panahong nararapat! Ngayon ang araw ng pagliligtas!

Ang Salita ng Diyos.

AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Salmo 94, 8ab

Kapag ngayo’y napakinggan
ang tinig ng Poong mahal,
huwag na ninyong hadlangan
ang pagsasakatuparan
ng mithi n’ya’t kalooban.

MABUTING BALITA
Mateo 6, 1-6. 16-18

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pag-ingatan ninyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Amang nasa langit.

“Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipagmakaingay ito, katulad ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw doon sa sinagoga at sa mga lansangan. Ginagawa nila ito upang purihin sila ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kung naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito kahit sa iyong pinakamatalik na kaibigan upang malihim ang iyong paglilimos. At gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.

“At kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagpaimbabaw. Mahilig silang manalangin nang patayo sa mga sinagoga at sa mga panulukang-daan, upang makita ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Amang hindi mo nakikita, at gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.

“Kapag nag-aayuno kayo, huwag kayong magmukhang malungkot, tulad ng mga mapagpaimbabaw. Hindi sila nag-aayos upang malaman ng mga tao na sila’y nag-aayuno. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Kapag ikaw ay nag-aayuno, mag-ayos ka ng buhok at maghilamos upang huwag mapansin ng mga tao na nag-aayuno ka. Ang iyong Amang hindi mo nakikita ang siya lamang nakaaalam nito. Siya, na nakakikita ng kabutihang ginagawa mo ng lihim, ang gaganti sa iyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez February 22, 2020 at 6:22 pm

Pagninilay: Ngayon ay sinisimulan natin ang 40-araw ng paghahanda para sa paggunita ng Misteryong Paskwal ng ating Panginoong Hesukristo, at ito’y tinatawag na Kuwaresma. At ang Panahon ng Kuwaresma ay palaging nagsisimula sa Miyerkules ng Abo. Ngayong araw na ito, tila nga ba’y ito ang pinakamaraming taong nagsisimba sa kani-kanilang parokya’t kapilya. Ang mga abo’y ipapahid sa ating mga noo ay nagmula sa mga sinunog na palaspas at binasbasan ng banal na tubig. Sinisimbolo ng mga abong ito ang ating pagiging tao na may hangganan ang ating buhay sa mundong ito. Kaya sinasabi sa Genesis 3:19 ay tayo ay nagmula sa alikabok at diyan din tayong babalik. Parang sa unang tingin ay nakakatakot ito, ngunit ang mangyayari sa atin matapos ang ating kamatayan ay bagong buhay sa kaluwalhatian kasama ang ating Paninoon. Kaya kapag tayo’y papahiran ng abo sa ating mga noo ngayon, alalahanin natin ang paanyaya ni Hesus sa Marcos 1:15 na tayo’y magsisi at magbalik-loob sa Diyos, at sumampalataya sa Mabuting Balita. At ngayong Panahon ng Kuwaresma, 3 gawain ang ipinapaalala sa atin: (1) Ang Pag-aayuno (kasama ang Pangingilin), (2) Ang Panalangin, at (3) Ang Paglilimos. At si Hesus ay nagbigay ng isang matuwid na paalala na gawin natin ang mga ito hindi upang magyabang na tingin natin sa ibang tao na mas matuwid pa tayo, kundi kusang loob nang may kababaan ng kalooban na tayo’y nag-aayuno/nangingilan, nananalangin, at naglilimos upang mas maging matatag ang ating relasyon sa Diyos at kapwa tao. Kaya nawa sa pagsisimula ng Panahon ng Kuwaresma, gawin nating makabuluhan ang 40 araw na ito sa tunay na pagsisisi, pagbabalik-loob, pagsasakripisyo, at paggawa ng kabutihan.

Reply

SAINTSPOT February 22, 2023 at 5:26 am

Please SHARE & SUBSCRIBE
https://youtube.com/watch?v=PnOpATQFfpA&si=EnSIkaIECMiOmarE

Gospel Reflection:
Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Pag-ingatan ninyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Amang nasa langit” Mateo 6:1

Ang isang bagay na nagbibigay sa atin ng makamundong kasiyahan ay ang papuri ng publiko. Madalas gusto nating mapansin tayo ng iba sa mga nagawa natin at sumasaya tayo kapag marami tayong likes at good comments sa social media.

Binabalaan tayo ng Ebanghelyo ngayon na ang paghahanap ng papuri ng tao ay magreresulta sa pagkawala ng kabayaran mula sa Ama sa Langit. Ang pagbibigay ng limos, pag-aayuno at pagdarasal ay pinakamabuting gawin nang lihim upang “ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ay gagantihan ka.”

Pagnilayan, ngayon, ang simpleng katotohanan na ninanais ng Diyos na lumapit sa iyo ngayong panahon ng kuwaresma sa isang patago at palihim na paraan. Nais Niyang ihayag ang Kanyang pagmamahal sa iyo, nang personal. Hindi para ipagyabang mo sa lahat kung gaano ka kabanal. Ngunit upang malaman sa ikaibuturan ng iyong puso kung gaano ka kamahal ng Diyos. Kung sa gayo’y, magagawa rin ng Diyos na hawakan ang iba sa pamamagitan mo sa mga paraan na hindi mo naiintindihan.

Aking Panginoong Hesus, nais Mong lumapit sa akin ng palihim at ihayag sa akin ang iyong pag-ibig. Nawa’y makilala kita araw-araw at lumago nang higit pa sa isang malalim na relasyon sa Iyo. Sa paglapit Mo sa akin ngayong Kuwaresma, gamitin mo rin ako ng palihim sa iyong pamamaraan upang maging instrumento ng Iyong pagmamahal sa kapwa. Lahat ng papuri at luwalhati sa Iyo, O Panginoon.
Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Reply

Josephine C Hawkins February 23, 2023 at 2:26 am

Salamat sa napakagandang gospel reflection, Naway isa puso at isa isip nating lahat ito. Panginoon kami po ay tulungan mong maisakatuparan ang mga ito. I bless po Ninyo ang mga authors and writers upang ipagpatuloy nila ang kanilang mga gawain sa tulong ng Inyong gabay.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: