Biyernes, Disyembre 30, 2022

December 30, 2022

PANALANGIN NG BAYAN
Patnubay sa Misa

Nananalig sa Panginoong humirang sa ating maging mga miyembro ng isang pamilyang Kristiyano at ng Simbahan, manalangin tayo para sa lahat ng pamilya sa mundo:

Panginoon, dinggin Mo kami!

Para sa mga dakilang pamilya ng Simbahan at sangkatauhan: Nawa lahat ng kanilang kapamilya ay makalasap ng pag-iingat ni Hesus, Maria, at Jose. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng pamilyang Pilipino: Nawa mapanatili silang magkakabuklod at magkakasundo ng kanilang pananampalatayang Kristiyano at tulong ng pamayanan. Manalangin tayo!

Para sa mga pamilya ng mga mahihirap at mga migrante: Nawa ingatan ng kanilang mga kapamilya ang pananampalataya, pagkakaisa, at pagbibigayan sa kabila ng mga kahirapang pangkabuhayan. Manalangin tayo!

Para sa mga nabubuong pamilya ngayong “Taon ng Pamilya”: Nawa makatagpo sila ng inspirasyon sa Banal na Mag-anak ng Nazaret at mabuhay alinsunod sa mga pangaral ni San Pablo tungkol sa buhay pamilya. Manalangin tayo!

Para sa ating sariling pamilya: Nawa maghari ang kapayapaan ni Kristo sa atin at pagbuklurin tayo ng tapat na pagmamahalan at pagpapatawaran. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, ngayong “Taon ng Pamilya,” pagpalain Mo ang lahat ng pamilya sa buong mundo. Ilapit Mo sa Iyo at sa isa’t isa ang lahat ng miyembro nito at ingatan Mo sila sa Iyong kapayapaan at pagmamahal. Sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 29, 2022 at 1:18 pm

PAGNINILAY: Ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Banal na Mag-anak tuwing Panahon ng Pasko ng Pagsilang. Sa pagdiriwang na ito, matutunghayan natin kung paano niloob ng Diyos Anak na magkatawang-tao at manganak sa isang pamilya. Ang imahe ng Banal na Mag-anak ay bumubuo kina Hesukristo, Birheng Maria, at San Jose. Maraming bagay ang nangyari sa pamilyang ito, maganda at hindi maganda. Ngunit sa kabila ng mga ito, naging matapat ang tatlo sa pagsunod sa kalooban ng Ama para sa isa’t isa. At ang Panginoong Diyos ay hindi lang Pangkalatahang Pinuno ng Banal na Mag-anak, kundi pati rin ang lahat ng mga pamilya sa buong mundo. Kaya ang konsepto ng pamilya para sa bawat indibiduwal, lalo na sa ating Inang Simbahan, at ang ating tungkulin at bokasyon ay ipagtanggol ito para sa mabuting kinabukasan.

Noong Enero 16, 2015, isa sa mga gawain sa Apostolikang Pagdalaw ni Papa Francisco sa ating bansa ay ang Pagtitipon ng mga Pamilya sa SM MOA Arena, Pasay. Sa kanyang mensahe, ipinahayag ng Santo Papa na ang bawat pamilya ay kailangang managinip. Kaya nga sabi niya: “When you lose this capacity to dream you lose the capacity to love, and that capacity of love is lost.” Ipinahayag din niya na dapat tularan ng bawat isa ang halimbawa ng Banal na Mag-anak. Kaya nga ibinigay niya ang tatlong bagay para pagnilayan natin: (1) paghihinga sa Panginoon, (2) pagbangon kasama sina Hesus at Maria, at (2) maging mga boses na mala-propeta (prophetic voices).
Napakaraming problema ngayon ukol sa buhay-pamilya. May mga ilang mag-asawa ay gustong makipaghiwalay dahil sa mga alitan sa isa’t isa. Kung ganyan ang sitwasyon, maaapekto nang higit ang mga anak-anakan ng mga pamilyang iyon. Kaya nga tutol ang Simbahan sa isyu ng diborsyo. Hindi nakapagtataka na maraming mga di-Katoliko at di-Kristiyano ang nagsasabi na kaya pala hindi pa legal ang isyung ito sa ating bansa, kaya nga the stand of the Catholic Church particularly CBCP is being questioned and destructively criticized. Pero kung ating babalikan ang Banal na Kasulatan, wika nga ng Panginoong Hesus mismo: “Ang sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay gumagawa ng masama sa kanyang asawa—siya’y nangangalunya. At ang babaing himiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay nangangalunya rin” (Cf. Marcos 10:11-12).

Mga kapatid, napakahalaga ang konsepto ng pamilya at napakabanal ang buhay na ito. Sana po ay patuloy na mamunga ang kabutihan sa bawat nating mga pamilya, kahit sa mga panahon ng pagsubok, dahil dito’y nakasalalay ang kinabukasan hindi lang ng pamilya, kundi pati rin ang bawat indibiduwal. Kaya nga ang ating mga Pagbasa ngayon ay para sa lahat, at bawal ang palusot. Sa mga magulang, sana po turuan ninyo ng tama ang iyong mga anak para sila’y lumaki nang husto at may natutunan mula sa ‘yo. Nawa’y maging matapat kayo sa iyong mga asawa at sa mga pangako ninyo noong kayo’y ikasal. Sa mga kabataang katulad ko, sana po ay igalang ninyo hindi lang ang inyong mga magulang, kundi pati rin ang lahat ng mga taong nasa awtoridad. Kung mali ang tinuturo nila sa atin, sabihin sa kanila kung ano ang dapat tama, ngunit huwag kalimutang respetuhin sila. At para sa lahat, kahit wala na ang isang indibiduwal, patay na, o kaya umalis kayo para magtrabaho sa ibang bansa, huwag po nating kalimutan ang mga alaalang kasama sila, at nawa’y isabuhay ang mga natutunan natin sa mga karanasang ito. Higit sa lahat, huwag nating kalimutan na magpasalamat sa Diyos sa mga biyaya niya sa atin, at maging mga biyaya rin sa ating mga kapwa, hindi lang tuwing Kapaskuhan, kundi sa ating araw-araw na pamumuhay.

Sa ating paglalakbay sa daan ng Pasko ng Pagsilang, tularan natin ang Banal na Mag-anak na sa gitna ng mga pagsubok, napahalaga ang imahe ng konsepto ng pamilya, at ang kalooban ng Diyos ay nasundan.

Reply

VICTORIO A. CATAYLO December 30, 2022 at 5:31 am

Parangal at papuri sa Iyo Panginoon! Amen!

Reply

Merle Tejemo December 30, 2022 at 9:17 am

My Lord and My God have Mercy on us???

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: