Linggo, Mayo 1, 2022

May 1, 2022

PANALANGIN NG BAYAN
Patnubay sa Misa

Tayo ang kawan ni Kristo at siya ang ating dakilang Pastol. Sa kanyang pag-ibig sa atin, inihabilin niya tayo sa pangangalaga ng mga pastol na pinamumunuan ni Pedro. Bilang pasasalamat dito, manalangin tayo:

Dakilang Pastol, dinggin mo kami!

Para sa Santo Papa, na kahalili ni San Pedro: Nawa patnubayan niya ang kawan ni Kristo sa katalinuhan at pag-ibig ng Panginoon. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng obispo at ibang pinuno ng Simbahan: Nawa manatili silang kaisa ng Santo Papa at makipagtulungan sa kanya alang-alang sa kabutihan ng lahat. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng Kristiyano: Nawa ituring nila ang Santo Papa hindi bilang isang panganib kundi hinirang ng Diyos para sa pagtataguyod ng pagkakaisa at kabutihan ng buong Simbahan. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng nangangalaga’t nagpapastol sa mga tao: Nawa tandaan nilang lagi na ang tagumpay ng kanilang mga pagsisikap ay buhat kay Hesus, ang Dakilang Pastol. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng may kinalaman sa nalalapit na halalang lokal at pambansa, lalo na ang mga kandidato’ t kani-kanilang tagapagtaguyod: Nawa umiwas sila sa pandaraya at karahasan. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!

Panginoong Hesus, salamat sa paghirang mo kay Pedro at sa kanyang mga kahalili bilang mga punong pastol ng iyong Simbahan. Nawa makita at madama namin sa kanila ang iyong mapagpastol na kalingang maghahatid sa amin sa iyong pinaghaharian magpakailanman. Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 28, 2022 at 1:26 pm

Pagninilay: Ang Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ay patuloy na paggunita sa masayang tagumpay na dala ni Hesus sa kanyang Muling Pagkabuhay. Ang Ebanghelyo ngayon ay pagpapatuloy na pagsasalaysay ni San Juan tungkol sa mga pagpapakita ni Hesus matapos siyang nabuhay na mag-uli. Matapos magpakita siya kay Maria Magdalena at sa mga Apostol na gayun din kay Tomas, siya’y muling nagpakita sa Lawa ng Tiberias. Bumalik ang 7 Apostol sa kanilang ordinaryong pamumuhay: ang pangingisda, at buong maghapong wala silang nahuli. At biglang tumayo si Hesus sa dalampasigan na nagtatanong kung mayroon silang nahuli. Nang ibalita nila na walang nahuling isda, iniutos ni Kristo na ihagis nila ang kanilang lambat sa kabilang ibayo, at ganun nga ay nakahuli sila ng 153 isda. At sinabi ni Juan kay Pedro na ang Panginoon nga ang kausap nila, kaya mabilis siyang napalangoy patungo sa dalampasigan habang ang ibang 6 na alagad ay naglayag pabalik. At dinala nila ang isda patungo kay Hesus, at nag-almusal sila. Matapos ang almusal, tatlong beses ipinahayag ni Pedro ang kanyang pagmamahal sa Panginoon bilang kapalit sa tatlong baeses ipinagkaila niya siya noong naganap ang Pasyon. At inatasan siya ng tungkuling mamuno sa buong Simbahan na bumubuo sa kawan ng Diyos. Makikita natin sa Muling Pagkabuhay ni Hesus ang pagkilala sa kanyang presensiya sa ating ordinaryong pamumuhay.

Tunay ngang nagtagumpay siya laban sa kasamaan at kamatayan upang manaig palagi ang kabutihan sa ating pang-araw-araw na gawain. Ganun nga ang nangyari sa mga Apostol sa Unang Pagbasa nang binabalaan sila ng Sanhedrin na huwag mangaral sa ngalan ni Kristo. Ang tugon nila ay kailangang sundin ang kalooban ng Diyos Ama, at hindi lamang ang utos ng tao. Kaya sa kabila ng pagkukulong at paghihirap sa kanila, nanatili ang kanilang pananampalataya sa pagpapahayag ng magandang hakbang ng Diyos para sa ating kaligtasan. At tunay ngang ang ating Simbahan ay patuloy na nananatili sa kabila ng napakaraming pagsubok na pinagdaanan niya.

Kung babalikan natin ang himala ng paghuhuli ng isda sa Ebanghelyo, 153 isda ang hinuli ng mga Apostol. Ayon kay San Geronimo, ang “153” ay sumisimbolo sa bilang ng mga bansa, hindi lang ng mga iba’t ibang uri ng isda sa Israel. Dito makikita ang misyon ng Simbahan na ipahayag ang Mabuting Balita upang ang lahat ng tao ay makilala ang Diyos at ang kanyang Anak na si Kristo upang sila’y mabiyayaan ng kaligtasan.

Sa ating buhay, tayo rin ay inatasan ng Panginoong Muling Nabuhay na magbahagi sa misyon ng pagpapahayag ng Mabuting Balita at pagbigyan-saksi nito sa ating araw-araw na pamumuhay sa paggawa ng mabuti at matuwid. Dito’y makikilala ng lahat ang kagandahang-loob ng Panginoon at patuloy na lalapit sa kanya upang sila rin ay makibahagi sa misyong ito.

Reply

ruel arcega April 30, 2022 at 4:00 pm

Tayo ay nasa ikatlong linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, patuloy nating pinagninilayan ang biyaya na ipinagkaloob sa atin ni Hesus, panibagong buhay dahil ang ating mga kasalanan ay pinatawad na at na pagtagumpayan na ni Hesus ang kamatayan. At ito’y higit na pinakita ni Hesus sa ebanghelyo narinig natin. Saan muling bumalik sila Pedro at mga kasama na manghuli ng isda ngunit wala silang nahuli , at ang tinig ni Hesus na nagwika ihulog muli ang lambat sa gawing kanan at siyang sinunod nila , at sila’y nakahuli, muling nabukas ang kanilang karanasan na ang Panginoon iyon, Una nais ipalala sa atin na wala tayo magagawang maganda kung wala ang panginoon. Ikalawa, pinaalahan tayo na huwag na tayong muling bumalik sa dati nating gawain dahil wala itong madudulot na maganda. Maalala mo ang mga kagandandahan gawa ng Diyos . muli ito pina alala sa atin kung walang ang Diyos wala tayong buhay na ganap.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño May 1, 2022 at 8:49 am

Ang ebanghelyo ngayon ay pagbabalik ni Simon Pedro at ng mga alagad sa dati nilang pamumuhay ng mawala ang kanilang guro na sinusundan. Pangingisda, subalit ang nais ni Hesus sa kanila hindi mamamalakaya ng isda kundi mamamalakaya ng tao. Ang ipalaganap ang Salita ng Diyos, ang ipagbigay alam sa mga tao ng Mabuting Balita upang maging gabay at panuntunan sa buhay.

Hindi masama ang maghanapbuhay lalo’t ito ang tutustos sa ating mga pangangailangan at para maitaguyod ang ating mga mahal sa buhay. Subalit may tungkulin din tayong magpalaganap ng Mabuting Balita. Hindi nman sinasabing magsalita tayo sa lansangan o magbahay bahay. Sa ating munting paraan ay maaari nating ibahagi ang Salita ng Diyos. Nariyan ang tulong ng teknolohiya, ang pamosong social media na halis ang karamihan ay nakatutok. Kahit sa anong paraan mo nais, basta’t ang mahalaga ay sinusunod natin ang kalooban ng Diyos at nakikita sa atin ito, upang hindi tayo matawag na mapag imbabaw o ipokrito.

Makibahagi tayo kay Hesus na Mabuting Pastol sa paghahanap at pagbabalik sa kawan ng mga tupang naliligaw ng landas.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: