Biyernes, Abril 2, 2021

April 2, 2021

PANALANGING PANGKALAHATAN

1. Para sa Banal na Simbahan

Namumuno: Idalangin natin, mga mahal kong kapatid, ang banal na Sambayanan ng Diyos sa buong daigdig. Upang pagkalooban ng kapayapaan at pagkupkop, pagkakaisa at pagtataguyod ang mga kaanib nito sa sansinukob at upang tayo’y bigyan ng pamumuhay na matiwasay para tayo’y makasamba sa Diyos Ama
nating makapangyarihan.

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa Iyo, D’yos Ama ng mga tao pakiusap ay dinggin Mo kahilingan naming ito.

Pari: Ama naming Makapangyarihan, sa katauhan ng Anak mong si Kristo ipinahayag mo ang iyong kadakilaan sa lahat ng mga tao. Lingapin mong ang iyong mga ginagawa dahil sa pag-ibig upang ang iyong Sambayanang laganap sa buong daigdig ay mamalaging matatag sa pananampalatayang iyong bigay para sambahin ang banal mong ngalan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

2. Para sa Santo Papa

Idalangin natin ang ating Banal na Papa na si N., na hinirang ng Diyos sa hanay ng mga tagapangasiwa upang kanyang bigyan ng kalusugan at mahabang buhay para sa kapakanan ng kanyang banal na Sambayanang ipinagkatiwala para paglingkuran.

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa Iyo, D’yos Ama ng mga tao pakiusap ay dinggin Mo kahilingan naming ito.

Pari: Ama naming makapangyarihan, sa iyong kapasyahan umiiral ang sanlibutan. Paunlakan mo ang aming kahilingan na iyong lingapin si Papa N., na iyong hinirang para kami pangasiwaan upang ang
Sambayanang Kristiyano na iyong pinamumunuan ay mapamahalaan niya nang may kaunlaran sa pananampalataya at gawang kabutihang iyong inaasahan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

3. Para sa Kaparian at Lahat ng Kaanib ng Simbahan

Idalangin din natin si N., na ating Obispo, gayun din ang lahat ng mga Obispo, mga pari, at mga diyakono at ang tanang kabilang sa Sambayanang Kristiyano.

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa Iyo, D’yos Ama ng mga tao pakiusap ay dinggin Mo kahilingan naming ito.

Pari: Ama naming makapangyarihan, ang iyong Espiritu ay nagpapabanal
at nagtataguyod sa buong Simbahan. Dinggin mo ang aming pagluhog para sa iyong mga tagapaglingkod upang mapaglingkuran kang matapat sa tulong ng iyong kagandahang-loob sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

4. Para sa mga Inihahandang Tao sa Pagbibinyag

Idalangin din natin ang mga inihahandang tao sa pagbibinyag upang ang kanilang kalooban ay makatugon sa pagtawag ng Diyos Ama nating makapangyarihan para sa tubig ng binyag sila’y muling maisilang sa ikapagpapatawad ng lahat ng kasalanan at sa ikapagkakamit ng pakikisalo kay Hesus na Poong mahal.

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa Iyo, D’yos Ama ng mga tao pakiusap ay dinggin Mo kahilingan naming ito.

Pari: Ama naming makapangyarihan. lagi mong pinauunlad ang Sambayanan sa pagkakaroon ng karagdagang kabilang. Sa pananampalataya at pagkaunawa ay magkaroon nawa ng pag-unlad ang mga inihahanda sa pagbibinyag upang sa muli nilang pagsilang bilang binyagan siIa’y mapabilang sa mga kaanib ng iyong angkan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

5. Para sa Pagkakaisa ng mga Kristiyano

Idalangin din natin ang lahat ng ating mga kapatid na pawang kay Hesukristo nananalig upang marapatin ng Diyos Ama nating makapangyarihan na sila’y tipunin at lingapin sa iisa niyang Sambayanan.

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa Iyo, D’yos Ama ng mga tao pakiusap ay dinggin Mo kahilingan naming ito.

Pari: Ama naming makapangyarihan, tinitipon mo ang mga nawalay at tinatangkilik mo ang mga nagkakatipon sa iyong Sambayanan. Lingapin mo ang mga kabilang sa kawan ng iyong Anak na sa iyo itinalaga sa buklod ng iisang binyag upang sila’y magkabuklod sa buong pananalig at sila’y magkapisan sa buklod ng pag-ibig sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

6. Para sa mga Judio

Idalangin din natin ang mga Judio na unang pinagpahayagan ng Diyos na totoo upang ipagkaloob niyang sa pag-ibig sa kanyang ngalan sila ay umunlad sa pagiging matapat sa kanyang tipan.

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa Iyo, D’yos Ama ng mga tao pakiusap ay dinggin Mo kahilingan naming ito.

Pari: Ama naming makapangyarihan, pinangangatawanan mo ang iyong mga pangako kay Abraham at sa tanang sa kanya ay sumilang. Dinggin mo ang pagluhog ng iyong Sambayanan upang ang mga tao na iyong unang hinirang ay pagindapating sumapit sa kaganapan ng kaligtasan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

7. Para sa mga di Sumasampalataya kay Kristo

Idalangin din natin ang tanang hindi pa sumasampalataya kay Kristo upang tahakin nila ang landas ng kaligtasan na nililiwanagan ng Espiritu Santo.

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa Iyo, D’yos Ama ng mga tao pakiusap ay dinggin Mo kahilingan naming ito.

Pari: Ama naming makapangyarihan, gawin mong ang mga hindi pa nananalig sa iyong Anak ay makatuklas sa katotohanan sa pamumuhay nilang wagas at kaming sa pag-ibig mo ay laging umuunlad sa pagmamalasakit sa tanang sa iyo’y humahanap ay maging mga saksing mapapaniwalaan ng iyong dakilang pag-ibig sa sanlibutan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

8. Para sa mga hindi pa Sumasamapalataya sa Diyos

Idalangin din natin ang mga hindi pa sumasampalataya sa Diyos upang pagindapating sa kanya’y makadulog sa paniniwalang wagas na kanilang sinusunod.

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa Iyo, D’yos Ama ng mga tao pakiusap ay dinggin Mo kahilingan naming ito.

Pari: Ama naming makapangyarihan, nilikha mo ang lahat ng mga tao
upang lagi kang hanapin at pag natagpuan ka’y masiyahang walang maliw. Ipagkaloob mong kahit may mga di kanais-nais na balakid mabanaagan pa rin ng tanan ang mga pahiwatig ng iyong pag-ibig at matanggap nito ang mga gawang kabutihan ng mga sumasampalataya bilang kaakit-akit na katibayan na ikaw ang Diyos na totoo at Amang aming pinanggalingan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

9. Para sa mga Umuugit sa Pamahalaan

Idalangin natin ang mga may tungkuling maglingkod sa bayanat umuugit sa ating pamahalaan upang ang kalooban nila ay itaguyod ng Amang Maykapal alinsunod sa kanyang kinalulugdan sa ikapagkakamit ng kapayapaan at kalayaan ng tanan.

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa Iyo, D’yos Ama ng mga tao pakiusap ay dinggin Mo kahilingan naming ito.

Pari: Ama naming makapangyarihan, nasa iyong kamay ang adhika at karapatan ng tanan. Tunghayan mo ang mga umuugit sa aming pamahalaan upang sumagana ang tanan sa sanlibutan sa ikapagkakamit ng kapayapaan at ikapapanatili ng kalayaan na ikaw ay sambahin alinsunod sa iyong loobin sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

10. Para sa mga may Tanging Pangangailangan

Idalangin natin, mga kapatid, sa Ama nating makapangyarihan na ang sanlibutan ay maibsan ng tanang katiwalian, ang mga karamdaman ay malunasan, ang kagutuman ay maparam, ang mga nasa piitan ay lumayang tuluyan, ang mga naaapi ay mahango sa kawalang-katarungan, ang mga naglalakbay ay maluwalhating sumapit sa paroroonan, ang mga nasa ibang bansa ay makauwi sa kanilang bayan, ang mga maysakit ay magkamit ng kagalingan at ang mga nag-aagaw-buhay ay matiwasay na mahimlay.

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa Iyo, D’yos Ama ng mga tao pakiusap ay dinggin Mo kahilingan naming ito.

Pari: Ama naming makapangyarihan, binubuhayan mo ng loob ang mga nasa kapighatian, pinatatatag mo ang mga may mabigat na pinapasan. Paunlakan mo ang mga kahilingan ng mga dumaraing dahil sa maraming mga pinagtitiisan upang bawat nasa kagipitan ay magkamit ng kasiyahang madama ang iyong pagmamahal sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

11. Para sa Pagsugpo sa Laganap na Salot

Idalangin natin ang dagliang pagsugpo sa salot na coronavirus pandemic na nakapipinsala sa buong daigdig, upang pagalingin ng Amang makapangyarihan ang mga may karamdaman, patatagin ang mga kumakalinga sa kanila at tulungan tayong lahat na maging matatag sa pananampalataya at pagmamalasakit.

Kaisa ni Hesukristo kami’y sumasamo sa Iyo, D’yos Ama ng mga tao pakiusap ay dinggin Mo kahilingan naming ito.

Pari: Ama naming makapangyarihan pinagmumulan ng lahat ng buhay, kalusugan at kagalingan, tunghayan Mo nang may habag ang sandaigdigan, na ginugupo ng karamdaman. Ipagsanggalang mo kami sa gitna ng matinding pagsubok na aming kinakaharap at sa iyong maka-Amang pagkalinga dulutan ng kagalingan at kaginhawahan ang mga may karamdaman palakasin mo ang mga kumakalinga sa kanila, pagkamitin ng kapayapaang walang hanggang ang mga pumanaw na at gawaran mo ng kaganapan ang aming pagsisikap na masugpo ang salot na ito. Sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 16, 2021 at 12:30 pm

PAGNINILAY: Ito ay isa sa mga pinakadakilang kwento ng pag-ibig na maraming beses nang isinalaysay. Marahil alam na ng marami kung ano ang mga huling sinapit ng Panginoong Hesukristo noong pinagdaaanan niya ang kanyang Misteryong Paskwal. Sinasabi sa atin na itong Biyernes Santo ay isang “Good Friday”. Bakit nga ba siyang tinawag na “good” kung ito ang araw na ginugunita natin ang Pasyon at Kamatayan ng Panginoon? Makikita natin sa buong liturhiya ng Biyernes Santo kung paanong natupad ang pangako ng Diyos Ama ng kaligtasan ng sangkatauhan.

Sa Unang Pagbasa (Isaias 52:13—53:12), natunghayan natin ang pinakahuli at pinakamaba sa mga 4 na orakulo tungkol sa Lingkod ng Diyos. Ang Lingkod na tanda ng kanyang kasikatan at kaluwalhatian ay siya pala masusugatan para sa mga kasalanan ng tao upang magkaroon ng paghihilom ng mga sugat. Ngunit ito’y bahagi ng plano ng Panginoong Diyos upang mas makikilala ng lahat ang dakilang kadakilaan. Kaya nga itong Lingkod ng Diyos ayon kay Isaias ay naglalarawan sa ating Nagdurusang Panginoon na si Hesukristo. Narinig natin sa mahabang salaysay ng Pasyon ang sinapit niya mula siyang idinakip hanggang siya’y inilibing.

Para kay San Juan, ang Misteryong Paskwal ni Kristo ay bahagi ng kanyang pagbabalik patungo sa Ama. Ito rin ay bahagi ng kaluwalhatian na sa pamamagitan ng kanyang Pagpapakasakit at Pagkamatay, iluluwalhati niya ang ngalan at kalooban ng Diyos. Kaya nga si Kristo kahit siya’y ipinahiya, ininsulto, at pinagtawanan, tinupad niya ang plano ng Ama upang tayo ay mailigtas mula sa ating mga pagkakasala. Nais niyang matanto natin na kahit anumang beses tayong nagkasala at nagkulang sa buhay, mas nanaig ang kanyang dakilang pagmmahal sa atin, at siya’y nagmahal hanggang sa malagot ang kanyang hininga.

Sa Ikalawang Pagbasa (Hebreo 4:14-16; 5:7-9), makikita natin si Hesukristo na bagamat Diyos ay nagkaisa sa ating abang katauhan upang ito’y kanyang iako patungo sa kalagayan ng Amang sa langit na balang araw ay makakamit natin ang buhay na walang hanggan. Kaya siya ay patuloy na namamagitan sa atin patungo sa ating katapatan at pagkamasunurin sa dakilang kalooban.

Sa ating taimtim na paggunita sa mga hirap at kamatayan ni Hesus, nawa ang ating pagpaparangal sa Banal na Krus at ang ating pagtanggap sa kanyang Banal na Katawan sa Komunyon ay matanggap natin siya sa ating buhay. At sa pagtanggap sa kanya bilang ating Panginoon at Tagapagligtas, isabuhay natin ang ating pananampalataya sa pagsunod sa landas ni Kristo na gumawa ng kabutihan sa kapwa-tao at sa iba pang nilalang ng Diyos.

Sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, nawa’y kumapit po tayo sa Haring nakapako sa Krus upang iakay rin natin ang ibang tao patungo sa kanya. Isang mapagpalang Biyernes Santo po sa inyong lahat.

Reply

Sherwin D. Yanoria April 2, 2021 at 7:48 am

Walang makahihigit sa pagmamahal ng ating Panginoong Hesus. Sa simula pa lamang, makikita na agad sa kanyang mga turo at pamumuhay ang katotohanan. Ang tunay na pagsunod sa Diyos Ama sa pamamagitan ng pagpapakumbaba, paglilingkod, pagmamahal at pagpapatawad. Wala Siyang inisip kundi ang kapakanan ng mga tao, maging mabuti man o masama. Kaya’t hanggang sa kamatayan Niya’y ang makasalanan pa rin ang nagtagumpay. Binigyan Niya ng bagong pag-asa, dahil sa pagsagip Niya sa mga kasalanan. Nawa’y di masayang ang kamatayan ng ating Panginoong Hesus. Mabigyan nawa natin ng kabuluhan ang pagtubos na ito, sa pamamagitan ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Maraming salamat Panginoong Hesus sa iyong kamatayan sa krus, nagi muli kaming mga anak ng Diyos.

Reply

Reynaldo R. Erosa April 2, 2021 at 8:18 am

Mahal naming Panginoon! Hindi Kami karapatdapat na pagbuwisan mo ng iyung Buhay, sunlit sa iyung spatulas sa Augustinian ng Iyung Mahal na Ama na Kami maligtas insular no ang iyung sarili kaya labis labis gaming nakikidalamhati sa a raw na into na kami’y I nung Patterson sa mga kasalanang aming massages at naway maturation naming magsakripisyo sa aming bushy at sa kappa billing catamaran sa aming mga pagkukulang, AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: