Huwebes, Disyembre 24, 2020

December 24, 2020

PANALANGIN NG BAYAN
Archdiocesan Liturgical Commission-Manila
Disyembre 24

Pinasalamatan ni Zacarias ang Diyos dahil sa pagiging tapat nito sa pangako. Bunga ng pagtitiwala sa pagiging bukaspalad ng Diyos, idulog natin ngayon sa kanya ang ating mga pangangailangan:

Halina, Panginoon, at pagpalain kami.

Nawa ang Santo Papa Francisco at mga kasama niyang lingkod sa Simbahan ay patuloy na magpaalala sa Bayan ng Diyos ng mga magandang pangako ng kanyang paglingap at pagliligtas. Manalangin tayo sa Panginoon.

Nawa ang mga kawani ng pamahalaan ay tumulad kay Zacarias na umasa sa Panginoon para sa kanilang mga pangangailangan sa halip na kumuha sa kaban ng bayan. Manalangin tayo sa Panginoon.

Nawa ang mga nakatatanda ay magbigay inspirasyon habang isinasalaysay nila sa susunod na henerasyon ang kanilang mga karanasan ng pagpapala at pagliligtas ng Diyos. Manalangin tayo sa Panginoon.

Nawa ang mga kabataan ay mapuspos ng ibayong sigla at pag-asa habang hinihintay ng lahat ang muling pagdating ng Manunubos. Manalangin tayo sa Panginoon.

Nawa ingatan ng Diyos ang mga mahal natin sa buhay na namayapa na, at maibsan nawa ang kalungkutan at pananangis ng kanilang mga naulila. Manalangin tayo sa Panginoon.

Tahimik nating idalangin ang ating mga sariling kahilingin. (Sandaling katahimikan) Manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoong mahabagin at mapagmahal, tulungan mo kaming maging malakas at matiyaga sa gitna ng mga kahirapan. Nawa ay huwag kaming mawalan ng pag-asa sa katuparan ng iyong mga pangako. Hinihiling naming ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2 3

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 19, 2020 at 1:09 pm

Pagninilay: Ngayon ay ang “Abente quatro ng Disyembre”. Itong petsa ay kilala bilang Bisperas ng Kapaskuhan. Sa ating Simbahan, ito ang huling araw ng Panahon ng Adbiyento. Kaya nga ito ay ang “pagbubukang-liwayway ng Pasko” sapagkat nasasaad sa Ebanghelyo na si Hesus ay ang Bukang liwayway ng kaligtasan upang itanglaw ang liwanag sa mga naninirahan sa kadiliman at gabayan ang ating mga yapak tungo sa kapayapaan.

Ang panalangin ni Zacarias na tinatawag na Benedictus ay dinadasal ng Simbahan tuwing umaga dahul si Hesus ay ang Araw ng Katarungan na sa bawat pagsikat ng bagong umaga, bagong buhay ang binibigay tuwing tayo’y nagigising. Sa panalangin ito ay makikita natin ang kagandahang-loob ng Diyos na patuloy niya tayong binibigay ng panibagong buhay bawat araw. Higit na 2,000 taon nakalipas nang dumating ang ating Tapagligtas at Mesiyas upang ipakita sa atin ang daan patungo sa Ama.

Kaya katulad ni Haring David sa Unang Pagbasa, tayong mga matapat ay umaawit kailanman sa kadakilaan at kagandang-loob ng Panginoon. At itong mga bagay ay patuloy na mangyayari kung patuloy tayong magiging matapat at masunurin sa panawagang maging saksi ng Mabuting Balita sa ating simpleng paraan. At nawa’y gawin natin ito hindi lang tuwing Pasko, kundi sa araw-araw nating pamumuhay.

Reply

Reynald Perez December 23, 2020 at 4:39 pm

PAGMIMISA SA BISPERAS NG PASKO NG PAGSILANG

PAGNINILAY: Ngayong gabing ito ay isang masayang pananabik sapagkat tayo’y naghihintay sa pagdiriwang ng ating kaligtasan. Ang Diyos Ama ay gumawa ng magandang plano upang iligtas tayo mula sa kasamaang dulot ng kasalanan. Sa kaganapan ng panahon ay isinugo niya ang kanyang Anak na ang ating Panginoong Hesukristo. Si Hesus ay nagkatawang-tao hindi lang upang maranas ang ating katauhan maliban sa pagkakasala, kundi ipakita sa atin na mayroong Panginoon na kapiling natin. Kaya nga si Hesus ay totoong Diyos sapagkat siya ang Emmanuel, ang Diyos na kapiling natin. Siya ay isinilang upang tayo’y magkaroon muli ng buhay bilang mga anak ng Diyos. At ngayong Pasko, tayo’y inaanyayahan na tanggapin siya sa ating mga puso, sundin ang dakilang kalooban ng Ama, at kilalanin ang kanyang mukhang nahahayag sa ibang tao lalung-lalo sa ating mga pamilya. Maligayang Pasko po sa inyong lahat.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: