Lunes, Disyembre 21, 2020

December 21, 2020

PANALANGIN NG BAYAN
Archdiocesan Liturgical Commission-Manila
Disyembre 21

Purihin natin ang Poon na siyang humirang sa Birheng Maria na maging Ina ng ating Tagapagligtas. Idalangin natin:

Panginoon, dinggin mo ang iyong sambayanan.

Magbunga nawa ang aming pagdedebosyon sa kamahalmahalang puso ni Hesus at kalinis-linisang puso ni Maria tungo sa tunay na pagmamalasakit sa ating kapwa. Manalangin tayo sa Panginoon.

Mapuspos nawa ng Espiritung Banal ang mga pinuno ng aming Pamahalaan nang sa gayo’y manguna sila sa pag-ugit ng pagbangon ng aming bansa. Manalangin tayo sa Panginoon.

Nawa’y maging tagapagpalaganap ng pag-ibig at kabanalan ang mga magulang sa bawat pamilya.
Nawa ang mga nakatatanda ay maging mga mabubuting gabay at tagapagpayo sa mga kabataan. Manalangin tayo sa Panginoon.

Nawa kami’y maging bukas-palad na pamayanan na nagbabahagi ng talino, oras, at pag-ibig sa kapwa bilang tanda ng aming pasasalamat sa lahat ng biyaya ng Panginoon. Manalangin tayo sa Panginoon.

Tahimik nating idalangin ang ating mga sariling kahilingin. (Sandaling katahimikan) Manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming mapagmahal, ipagkaloob mo ang aming mga kahilingan. Maipagdiwang nawa namin nang may galak ang pagsilang ng iyong Dakilang Anak. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Hesukristong aming Panginoon. Amen.

PANALANGIN NG BAYAN
Patnubay sa Misa
SIMBANG GABI
Ikaanim na Araw

Hangad nating maging masaya sa buhay. Tulungan sana tayo ng Diyos na matagpuan ang tunay na magpapaligaya sa atin. Ang ating sasambitin ay:

Diyos na ugat ng saya, dinggin Mo ang aming panalangin!

Para sa mga namumuno sa Simbahan, upang sila’y maging tunay na maligaya sa buhay at madala nila ang ligayang ito sa lahat, manalangin tayo sa Pangi- noon!

Para sa mga namumuno sa ating bansa, upang magawa nilang umangat ang buhay ng ating mga kababayan at maging masaya ang kanilang hinaharap, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa ating mga kapatid na nagsisikap magdala ng saya sa buhay ng mga nahihirapan pa rin dahil sa COVID-19 pandemic, upang makita nila ang masaganang bunga ng kanilang pagpupunyagi, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa mga taong tigib ng lungkot at kapighatian ang buhay, upang makatagpo sila ng mga taong tutulong sa kanila sa ngalan ng Diyos at magdadala ng saya sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa ating lahat na nagkakatipon sa pagdiriwang na ito, upang maging masigasig tayo sa pagtulong sa iba at sa pagdadala ng saya sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!

Ama naming pinagmumulan ng lahat ng saya, isugo Mo sa amin ang Iyong Banal na Espiritung siyang nagdudulot ng tunay na ligaya sa buhay, nagbubuklod sa mga binyagan sa pagkakaisa, at siyang handog sa pagdalaw sa amin ng Iyong Anak na si Hesukristong aming Panginoon. Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 19, 2020 at 12:36 pm

Pagninilay: Ang Ebanghelyo para sa Ikaanim na pagnonobena para sa Pasko ay tungkol sa Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang pinsan na si Elisabet, ang asawa ni Zacarias. Matapos marinig ni Maria sa Ebanghelyo kahapon na buntis na ang kanyang pinsan, agad siyang umalis ng Nazaret at pumunta sa kabuluran ng Judea, at ang pangalan ng nayon ay Ein Karem. At makikita sa eksenang ito ang pagbati ng dalawang babae at ang dinadala ni Elisabet na si San Juan Bautista ay nagalak sapagkat nakita niya sa dinadala ni Maria si Hesus na Tagapagligtas. Sa galak na iyon, nagpasalamat si Elisabet at pinagpala si Maria dahil sa pagtupad nito sa kalooban ng Diyos.

Ayon sa mga dalubhasa sa Teolohiya, ang Pagdalaw ni Maria kay Elisabet sa Ein Karem ay katulad sa pagmasdan ni Haring David sa Kaban ng Tipan. Katulad ng pagtalon ni Haring David nang makita niya ang kaban, si San Juan Bautista na nasa sinapupunan ni Elisabet ay tumalon sa pagmasdan niya kay Hesukristo sa loob ng sinapupunan ng Birheng Maria. At katulad ng pagpapala ni David sa Diyos na ang kaban ay dumalaw sa kanya, si Elisabet din ay nagpahayag ng pagpapala kay Maria dahil dinalaw siya ng Ina ng Panginoon. Kaya nga ang Mahal na Birheng Maria ay itinuturing na “Kaban ng Bagong Tipan” sapagkat ang dinadala niya sa kanyang sinapupunan ay ang katuparan ng Kautusan, ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Hesukristo. At makikita natin ang paglalarawan ni San Lucas sa 2 babae na tinanggap ang mensahe ng Panginoong Diyos: ang isa ay gumawa ng kabutihan (Maria), at ang isa ay nagpasalamat (Elisabet).

Ngayong darating na ang Pasko, nawa’y kilalanin natin ang pagdalaw ng Diyos sa ating buhay at katulad nina Birheng Maria at Elisabet, tanggapin natin ang kanyang dakilang kalooban at presensiya nang buong pananampalataya at pasasalamat.

Reply

Diosdado A. Sapo December 21, 2020 at 10:17 am

Amen, Aleluya, Pagpuri sayo Panginoong Hesukristo.

Reply

melchor gasmen December 21, 2020 at 8:38 pm

salamat sa diyos??

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: