Biyernes, Disyembre 18, 2020

December 18, 2020

PANALANGIN NG BAYAN
Archdiocesan Liturgical Commission-Manila
Disyembre 18

Naranasan ng tao ang awa at pag-ibig ng Ama sa katauhan ni Hesus na Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin. Buong pagtitiwala nating ilapit sa kanya ang ating mga pagsusumamo at panalangin.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.

Nawa ang mga pinuno ng Simbahan at ng bayan ay manatiling matatag at nagtitiwala sa Panginoon sa kabila ng kahirapan at mga pagsubok. Manalangin tayo sa Panginoon.

Nawa ang mga ama ng bawat pamilya ay maging katulad ni San Jose na matuwid, nangalaga kay Maria, at naging bukas sa kalooban ng Diyos. Manalangin tayo sa Panginoon.

Nawa ang mga kabataan ay matuto sa halimbawang ipinakita nina Maria at Jose na kumilala kay Hesus bilang sentro ng kanilang buhay. Manalangin tayo sa Panginoon.

Nawa maibsan ang kalungkutan ng mga Pilipinong malayo sa kanilang tahanan at pamilya ngayong Pasko sa tulong ng mga panalangin at pagmamahal ng kanilang mga mahal sa buhay. Manalangin tayo sa Panginoon.

Nawa sa pagsapit ng Pasko ay maranasan namin ang kapayapaan, pagkandili, at kasiyahan na dulot ni Hesus, ang aming Manliligtas at Emmanuel. Manalangin tayo sa Panginoon.

Tahimik nating idalangin ang ating mga sariling kahilingin. (Sandaling katahimikan) Manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming makapangyarihan, pakinggan mo ang panalangin ng iyong mga lingkod. Sa aming pag-asa at paghihintay sa pagdating ng iyong Anak, nawa’y punuin mo kami ng kapayapaan at kasiyahan
sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

PANALANGIN NG BAYAN
Patnubay sa Misa
SIMBANG GABI
Ikatlong Araw

Hangad nating maunawaan ang mga mahiwagang pamamaraan ng Diyos sa ating buhay. Puno ng tiwala sa Kanyang karunungan, ating sasambitin:

Diyos na puno ng karunungan, dinggin Mo ang aming panalangin!

Para sa mga namumuno sa Simbahan, upang sa lahat ng kanilang mga pinagkakaabalahan ay maunawaan nila ang mga nais ipatupad sa kanila ng Poong Maykapal, manalangin tayo!

Para sa mga namumuno sa ating bansa, upang sa paglutas sa mga suliranin ng ating bayan ay masunod nilang lagi ang kalooban ng Diyos, manalangin tayo!

Para sa mga taong naguguluhan sa pagharap sa mga suliranin ng buhay, upang magabayan silang lagi ng Poong Maykapal, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa ating lahat na nagkakatipon sa pagsisiyam na ito para sa Pasko, upang sa pagharap natin sa mga mahiwagang pangyayari sa ating buhay ay masunod nating lagi ang nais ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa lahat ng nagdala at nagpalaganap ng Pananam- palatayang Kristiyano sa ating kapuluan, upang gantimpalaan sila ng Diyos ng ligaya at buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!

Ama naming puspos ng karunungan at kabutihan, binalot Mo ng hiwaga ang aming buhay. Isugo Mo sa amin ang Iyong Banal na Espiritu upang aming mawatasan ang Iyong kalooban, laging masunod ang Iyong mga ninanais, at lumago sa pagiging mga matuwid na alagad ng Iyong Anak na si Hesukristong aming Panginoon.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez December 13, 2020 at 5:54 pm

PAGNINILAY: Ang ating paghahanda para sa Pagdiriwang ng Kapaskuhan ay nakikita sa pagdaraos ng siyam na araw na pagnonobena katulad ng siyam na buwan ng panalangin ng Birheng Maria para sa pagsilang ng kanyang Anak na Tagapagligtas ng mundo.

Sa Ikatlong Araw ng pagnonobena, tunghayan po natin ang katauhan ni San Jose na asawa ng Mahal na Birhen at inatasang maging ama ni Hesukristo dito sa sangkalupaan. Ngunit bago pa mang mangyari ito, narinig natin sa Ebanghelyo ang kanyang sinaunang kabuhayan bilang isang karpintero at isang matuwid na lalaki. Sa kanyang katuwiran ay makikita ang pagpapasya ng kanyang mga plano sa Diyos. At nakita niya dito ang planong magpakasal kay Maria. Subalit nang malaman niya na siya’y buntis at dahil pumapasok sa isip niya na hindi pa niya kaya ang tungkulin na maging ama, dito siya’y nagdalawang-isip. Alam niya ang kautusan noon na kapag natagpuan ang mga babaeng hindi pa kasal na buntis, sila’y babatuhin kasama na ang mga kinasasangkot na mga kasintahan.

Kaya ayaw ni Jose na mapahiya at mapahamak si Maria, kaya nagpasya na lang siya na iwanan ito sa tahimik na paraan. Ngunit nagbago ang kanyang isip nang dumating ang isang anghel ng Panginoon sa kanyang panaginip. Dito ipinahayag ng anghel kay Jose ang mabuting balita tungkol sa pagdating ng Emanuel, ang Diyos na sumasaatin, na siyang isisilang ng Birheng Mahal upang iligtas ng Mesiyas na ito ang sangkatuhan mula sa pagkakasala. Kaya nang magising si Jose, agad niyang tinupad ang planong Diyos sa pagpapakasal kay Maria at pagiging ama ni Hesukristo dito sa lupa.

Makikita natin sa buhay ni San Jose ang kahalagahan ng pagiging matuwid hindi lang para hindi hayaaang mapahamak ang ibang tao, kundi upang makilala niya ang tunay na plano ng Panginoon. Sa kanyang pananaginip, ipinasya niya sa tulog kung paano niya idadala ang orihinal na plano na tahimik na iwanan si Maria. Ngunit n’ung hinayaan niyang pumasok ang Diyos sa kanyang plano, diyan pinakita niya na tunay siyang matuwid.

Sabi nga sa Salmo na ang mga matuwid na nabubuhay nang mangaral ay sasagana kailanman. Bagamit walang linyang binabanggit ang sinabi ni San Jose, pinahalagahan niya ang aksyon na sundin ang kalooban ng Ama. Kaya sa ating buhay lalung-lalo tuwing Pasko, tularan natin si San Jose sa pagtutupad ng dakilang plano ng Panginoong Diyos.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: