Huwebes, Hulyo 9, 2020

July 9, 2020

PANALANGIN NG BAYAN

Tayo ay kabahagi sa walang hanggang plano ng Diyos. Pinili ni Kristo ang bawat isa sa atin sa dahilang tanging siya lamang ang nakababatid. Itaas natin ang ating mga panalagin sa Diyos na at siyang nangangalaga sa atin.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Mapagbigay na Diyos, pakinggan mo kami.

Ang Simbahan nawa’y patuloy na mag-anyaya at magsugo ng marami pang misyonero upang ipahayag ang kaligtasan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga taong nalilito o kulang sa paggalang sa sarili nawa’y maunawaan ang plano ng Diyos para sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Yaong mga tumatanggi sa mga tagapagpadala ng mensahe ng Diyos at sa katotohanang kanilang taglay nawa’y makadama ng habag ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Yaong may malubhang karamdaman nawa’y tanggapin nang bukas-loob ang Sakramento ng Pagpapagaling at Pakikipag-kasundo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga tapat na namayapa nawa’y makapiling ni Kristo sa huling hantungan ng kaluwalhatian ng kanyang paghahari, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama ng aming Panginoong Jesu-Kristo, inampon mo kami bilang iyong mga anak. Tulungan mo kaming pahalagahan ang maraming biyayang ito habang itinataas namin sa iyo ang aming panalangin sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez July 4, 2020 at 12:41 am

Pagninilay: Ang ating Unang Pagbasa ngayon ay isang paghahangad ng Diyos na magbalik-loob ang Israel na kinukumpara ni Propetang Oseas bilang isang anak na pangala’y Efraim. Kahit maraming beses nagalit ang Panginoon sa bayan ng Israel sa pagiging matigas ang ulo, minabuti pa rin niya na tawagin ito mula sa “pagkaalipin sa Egipto”. Ito yung pagkaalipin ng kasalanan na kung saan gumawa sila ng mga masasamang bagay, kaya’t nawalan sa kanila ang pagpapala ng Panginoon. Ngunit hangad niya na sila’y mailigtas mula sa kanilang mga pagkakasala, kaya’t sa itinakdang oras, isinugo ng Diyos Ama ang kanyang Bugtong na Anak na Hesukristo.

Ang ating Ebanghelyo ay ang mga utos na ibinilin ni Hesus sa kanyang Labindalawang Apostol upang ipahayag ang Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos. Sila’y inutusan na huwag magdala ng ibang bagay sa pagpaparangal, sapagkat lahat ng kanilang pangangailangan ay ibibigay sa kanila. Sila’y magpapahayag tungkol sa Kaharian ng Diyos na naparito at gagawa ng maraming kababalaghan. Sila’y tatanggapin ng iba’t ibang nayon/bayan at magbabati ng kapayapaan, ngunit ipapagpag nila ang alikabok sa kanilang bayan kung hindi sila’y tatanggapin.

Mahalaga itong pagsusugo ng Panginoon sa kanyang 12 Apostol sapagkat sila’y tinuturing na mga Bagong 12 Tribo (Apostol) ng Bagong Israel (Simbahan). Ipinatuloy nila itong gawain kahit si Hesus mismo ay umakyat na sa langit. Sila’y magiging pundasyon at batayan ng ating Simbahan sa pagpaparangal at pagbibigay-saksi sa Mabuting Balita ni Kristo. Itong misyon ng “Evangelization” ay ipinapatuloy hanggang ngayon hindi lang sa Hierarkiya ng Simbahan o kaya sa mga relihiyoso’t relihiyosa, kundi pati na rin sa mga Laiko, kung saan tayo ay nabibilang. Lahat tayo ay bahagi ng pagpapahayag ng mensahe pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng ating kasalukuyang pamumuhay/lifestyle upang maipakita natin ang tama, totoo, at mabuti ayon sa mga mata ng Panginoon.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: