Miyerkules ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Hari 18, 20-39
Salmo 15, 1-2a. 4. 5 at 8. 11
D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
Mateo 5, 17-19
Wednesday of the Tenth Week in Ordinary Time (Year II)
UNANG PAGBASA
1 Hari 18, 20-39
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari
Noong mga araw na iyon, tinipon ni Acab sa Bundok ng Carmelo ang buong bayang Israel at ang kanyang mga propeta. Lumapit si Elias at sinabi sa bayan: “Hanggang kailan pa kayo mag-aalinlangan? Kung ang Panginoon ang tunay na Diyos, siya ang sundin ninyo; at kung si Baal naman, kay Baal kayo maglingkod.” Hindi umimik ang bayan. Muling nagsalita si Elias: “Ako na lamang ang natitira sa mga propeta ng Panginoon. Samantala, may apatnaraa’t limampu ang mga propeta ni Baal. Bigyan ninyo kami ng dalawang toro. Pumili sila ng isa, katayin at ipatong sa ibabaw ng kahoy na sinalansan, ngunit hindi sisindihan. Ihahanda ko rin ang ikalawa sa ibabaw ng kahoy na sinalansan at hindi ko rin sisindihan. Tawagin ninyo ang inyong diyos at tatawagin ko naman ang Panginoon. Ang tumugon sa pamamagitan ng apoy, iyon ang tunay na Diyos.”
At sumagot ang bayan: “Sang-ayon kami!”
Sa gayun, sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal: “Sapagkat kayo ang marami, pumili na kayo ng isang toro at ihanda na ninyo. Pagkatapos, tawagin ninyo ang inyong diyos, ngunit huwag kayong magpaparikit ng apoy.”
Kinuha nga nila ang isa sa mga toro at inihandog. Mula sa umaga hanggang tanghali, tinawagan nila si Baal. “Baal, Baal, pakinggan mo kami,” sigaw nila, samantalang pasayaw-sayaw sa paligid ng dambana. Ngunit walang sumasagot.
Nang katanghalian na’y nilibak na sila ni Elias. Wika niya, “Lakasan pa ninyo! Alam naman ninyo ang inyong diyos! Baka may ginagawa, o may pinuntahan! O baka naman natutulog. Kaya’t kailangang gisingin!” Lalo nga nilang inilakas ang kanilang sigaw. Sinugatan ang sarili sa pamamagitan ng sibat at tabak – tulad ng kanilang kinaugalian – hanggang sa sila’y maligo sa dugo. Lumampas ang tanghali at oras na ng paghahandog ng hain ngunit wala pa ring tugon kahit ano.
Nagsalita noon si Elias sa buong bayan: “Lumapit-lapit kayo,” wika niya. At nagsilapit ang lahat. Inayos niya ang dambana roon ng Panginoon na matagal nang gumuho. Pumili siya ng labindalawang bato katumbas ng bilang ng mga lipi ni Jacob na binigyan ng Panginoon ng pangalang Israel. Ang mga bato’y ginawa niyang dambana para sa Panginoon. Pinaligiran niya iyon ng isang kanal na may lamang dalawang baldeng tubig. Isinalansan niya ang kahoy, kinatay ang toro at ipinatong sa kahoy. Pagkatapos, nag-utos siya: “Kumuha kayo ng apat na bangang tubig at ibuhos sa handog at sa kahoy.” Gayun nga ang ginawa nila. “Busan pa ninyo,” sabi ni Elias. At binusan nila. “Minsan pa,” utos uli ni Elias. Makaitlo nga nilang binusan ang handog hanggang sa umagos ang tubig sa paligid ng dambana at umapaw sa kanal.
Nang ikatlo na ng hapon na siyang oras ng paghahandog, tumayo si Elias sa harap ng dambana at nanalangin: “Panginoon, Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob, patunayan po ninyo ngayon na talagang kayo ang Diyos ng Israel, at ako ay inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat na ito pagkat ito ang inyong utos. Dinggin ninyo ako, Panginoon, upang matalastas ng bayang ito na kayo lamang ang Diyos at sila’y inyong pinapagbabalik-loob.”
Noon di’y nagpababa ng apoy ang Panginoon at tinupok ang handog, ang kahoy at ang mga bato at lupa sa paligid. Pati ang tubig sa kanal ay natuyo. Pagkakita sa nangyari, nagpatirapa ang buong bayan at sumigaw: “Ang Panginoon ang Diyos! Ang Panginoon lamang ang Diyos!”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 15, 1-2a. 4. 5 at 8. 11
Tugon: D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
O Diyos, ako’y ingatan mo, ingatan ang iyong lingkod,
ang hangad ko ay maligtas kaya sa ‘yo dumudulog;
“Ika’y aking Panginoon,” ang wika ko sa aking Diyos,
“Kabutihang tinanggap ko, ay ikaw ang nagkaloob.”
Tugon: D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
Silang bumaling sa ibang diyos, sulirani’y abut-abot,
sa pagsambang gawi nila, ako ay hindi lalahok.
Tugon: D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
Ikaw lamang, O Poon ko, ang lahat sa aking buhay,
ako’y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan.
Nababatid ko na siya’y kasama ko oras-oras,
sa piling n’ya kailanma’y hindi ako matitinag.
Tugon: D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan,
sa piling mo’y madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo’y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.
Tugon: D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
ALELUYA
Salmo 24, 4b. 5a
Aleluya! Aleluya!
Panginoon, ituro mo
na ‘yong landas ay sundin ko
sa pagtahak sa totoo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 5, 17-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-bisa ang Kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako, hindi upang pawalang-bisa kundi para ipaliwanag at ganapin ang mga iyon. Tandaan ninyo ito: magwawakas ang langit at ang lupa, ngunit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga’t hindi nagaganap ang lahat. Kaya’t sinumang magpawalang-halaga kahit sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayun sa mga tao, ay ibibilang na pinakamababa sa kaharian ng Diyos. Ngunit ang gumaganap ng Kautusan at nagtuturo na tuparin iyon ay ibibilang na dakila sa kaharian ng Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Martes, Hunyo 9, 2020
Biyernes, Hunyo 12, 2020 »
{ 2 comments… read them below or add one }
Magandang araw po? Wala po bang audio record para dito. Thankyou po?
PAGNINILAY: Narinig natin sa dalawang pagbasa ang katapatan sa Diyos at sa kanyang Kautusan. Ang Unang Pagbasa ay isang tanyag na kwento sa Bibliya, na kung saan nanalo si Elias sa isang hamon laban kina Haring Acab at ang mga 450 propeta ni Baal, ang itinuturing noon ng Israel na “totoong diyos”. Ang hamon ay kung sino mang diyos ang magtatanggap sa alay na kanilang ihahain sa altar. At nakita natin na kahit ilang beses na tawagin ng mga 450 propeta kay Baal, wala pa ring nangyari. Kahit ilang panggagagad ni Elias na tawagin pa ang diyos na ito, wala pa ring tugon. Ngunit nang tawagin ni Elias ang tunay na Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob, nagliyab ng apoy nang tanggapin ng Panginoon ang alay ng propeta. At nagbunyi ang buong bayan ng Israel, na nakilala nila sa huli ang tunay na Diyos na dapat nilang sambahin at sundin. Makikita natin na hindi pa rin matitinag ang tipan ng Diyos para sa kanyang bayan: na sila ang taong kanyang hinirang, at siya ang Diyos nila. Kaya ito’y isang aral sa ating buhay na palagi nating kilalanin ang Panginoon ng ating buhay, at sundin ang kanyang kalooban sa bawat panalangin at paghahandog na ating ginagawa.
Ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapatuloy sa pagsalaysay ni San Mateo sa Pangangaral ng ating Panginoong Hesukristo sa Kabundukan. Para sa ebanghelista, ang pokus ng kanyang panunulat ay upang ipakilala si Hesus bilang isang tao. At ipinakilala rin sa atin ang Panginoong Hesukristo bilang katuparan ng Kautusan. Kaya maririnig natin sa mga sumusunod na araw kung paanong tinupad ni Kristo ang mga utos ng Lumang Tipan at pinagpanibaguhin ang mga ito. Narinig natin ngayon na hindi naparito si Hesus upang buwagin ang Katusan, kundi tuparin ito. Bilang Anak ng Diyos, ipinapahalaga niya ang utos na ginawa ng kanyang Amang sa langit. Subalit alam rin niya na dahil siya ay isinugo sa mundo, siya ang magiging tanda ng kaligtasan ng sangkatauhan. Kaya makikita natin na ang kanyang pakay sa pagtupad ng Kautusan ay upang gawin ito utos ng pag-ibig, kalayaan, at pagpapala. Pagpapala, sapagkat ang bawat utos na kailangang sundin ay magkaroon ng mabubuting kaloob, lalung-lalo na tungo sa kaayusan sa komunidad at mga relasyon ng tao sa Diyos at kapwa. Kalayaaan, sapagkat ang utos ang nagpapalaya sa mga taong nabibihag sa kasamaan at pagkasakim na dulot ng kasalanan at anupamang ikasisira ng relasyon ng tao sa Diyos. At sa huli ay pag-ibig, sapagkat ito ang kaganapan ng katuparan ng Kautusan, at ito ang pagkakilanlan natin sa iisang Diyos na Santatlo (Ama, Anak, at Espiritu Santo). Kaya sa ating buhay pangKristiyano, tayo ay mga mamamayan ng mundo at mamamayan ng kalangitan. Ang bawat pagsunod natin sa batas ay dapat nagpapanibago sa tao tungo sa kanilang perspektibo sa buhay. Ito’y dapat maging daan ng pagpapala, kalayaan, at pag-ibig, na siyang ipinamalas ni Hesukristo kahit sa kanyang Pagkamatay sa Krus at Muling Pagkabuhay para sa kaligtasan ng tao.