Mga Pagbasa – Miyerkules, Enero 1, 2020

January 1, 2020

PANALANGIN NG BAYAN
Enero 1, 2020

Ngayong araw ay itinakda ng Diyos bilang hudyat ng panibagong simula tungo sa kasaganaan at kapayapaan. Itaas natin sa kanya ang ating mga kahilingan at taimtim na manalangin:

Ama ng kapayapaan, dinggin mo kami.

Magsilbing gabay nawa ang Simbahan tungo sa liwanag at kapayapaan ng Tagapagligtas naming si Hesukristo. Manalangin tayo.

Ama ng kapayapaan, dinggin mo kami.

Maitaguyod nawa ng mga naninilbihan sa ating pamahalaan ang kanilang magagandang adhikain na may paggalang at pangangalaga sa mga karapatang pantao. Manalangin tayo.

Ama ng kapayapaan, dinggin mo kami.

Maghari nawa ang kapayapaan na hatid ng ating Tagapagligtas sa bawat tahanan at pamayanan. Manalangin tayo.

Ama ng kapayapaan, dinggin mo kami.

Maging instrumento nawa ng kapayapaan ang bawat isa upang tuluyang manaig ang pag-ibig at kagalakang hatid ng ating Tagapagligtas. Manalangin tayo.

Ama ng kapayapaan, dinggin mo kami.

Tuluyan nawang mamayapa ang mga kapatid nating yumao na. Masilayan nawa nila ang liwanag at mukha ng Diyos. Manalangin tayo.

Ama ng kapayapaan, dinggin mo kami.

Sa ilang sandali ng katahimikan, ating ipanalangin ang iba pang mga pangangailangan ng ating pamayanan pati na rin ang ating pansariling kahilingan. (Tumahimik). Manalangin tayo.

Ama ng kapayapaan, dinggin mo kami.

Ama namin, batid mo ang aming pag-iral dito sa mundo. Tulungan o kaming ipalaganap ang iyong kapayapaan upang maiayon namin ang aming pamumuhay sa iyong magandang kalooban. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.

Amen.

Pages: 1 2

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 29, 2019 at 10:51 pm

Pagninilay: Isang masagana at manigong Bagong Taong 2020 sa inyong lahat. Tayo ngayon ay nagtatapos ng Taong 2019, at papasok na po sa Taong 2020. Ito yung ating sibil na pagdiriwang ng Bagong Taon. Ang pagdiriwang ng simula ng taon ay kaugnay pa rin sa pasimula ng Taong Panliturhiya ng Simbahan. Sinimulan natin ang ating “bagong taon” noong Unang Linggo ng Adbiyento. Matapos ang 4 na Linggo ng paghahanda at pananabik, tayo ay pumasok sa Panahon ng Pasko ng Pagsilang. Ang pinagninilayan po natin sa Kapaskuhan ay ang katuparan ng kaligtasan ng Diyos para sa sangkatauhan. Ito ang ipinapahayag sa atin ng Ikalawang Pagbasa sa takdang panahon nang matupad ang pangako ng Ama sa pagsusugo ni Kristong ipinanganak ng Birheng Maria upang tayo’y marapat na tawaging mga anak ng Diyos Ama dahil sa pagpapalang ito. Kaya nga ang ating pagdiriwang ngayon sa liturhiya ay paggalang sa ating Mahal na Ina bilang Ina ng Diyos. Siguro maraming magtatanong kung bakit tinatawag natin si Maria sa ganyang titulo na pinakatanyag sa lahat ng mga tawag sa kanya. Kung susuriin po natin ang “Ina ng Diyos,” ang kataga ay nabanggit sa Pagdalaw ni Maria kay Elisabet nang ipahayag ni Elisabet na dinadalaw siya ng “ina ng Panginoon” (Cf. Lucas 1:43). At n’ung dumating si San Gabriel Arkanghel kay Maria, ipinahayag sa kanya na ang sanggol na isisilang niya ay ang “Anak ng Diyos”. Kaya nga ang ating Mahal na Ina ay ‘Theotokos’ sapagkat dinala niya sa kanyang sinapupunan ang Diyos na nagkatawang-tao (na walang iba kundi si Hesukristo). Kaya nga rin si Maria ay ang “Ina ng Anak ng Diyos” at dahil si Hesus ay totoong Tao at totoong Diyos, ang Mahal na Ina ay “Ina ng Diyos”. Isa pang maaring pagnilayan ay ang disposisyon ni Maria tungo sa kalooban ng Diyos. Nakita natin sa Ebanghelyo kung paano iningatan niya ang mga nangyaring pagdalaw ng mga pastol sa kanilang tinitirhan. Hindi naunaawan ni Maria kung paanong nabalita ng mga pastol ang Pagsilang ni Kristo, subalit nang ingatan niya ang bagay na iyan sa kanyang puso, mas naunawaan niya ang plano ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa kabuuan, tayo ay nasa 2019 na. Maraming naganap noong 2018, kaya tayo ay naglilista ng mga “resolutions” bilang tanda kung ano ang nais natin makamtan at mga bagay na nais nating baguhin. Subalit ang mga “New Year’s resolutions” natin ay madalas hindi naitutupad. Ngunit ang maari natin dalhin para sa bagong taon ay ang pagpapala ng Diyos na narinig natin sa Unang Pagbasa, na siya namang dinadasal ng Pari sa huling pagbabasbas ng Misa. Ang bawat taon ay “Anno Domini” o “Taon ng Panginoon”. Tayo ay patuloy na pinagpapala ng Panginoon ng kanyang grasya, awa, at kapayapaan. At nawa’y katulad ng Mahal na Ina, tayo ay maging marapat na tawaging mga anak ng ating Diyos sa pagsunod at pagiging matapat sa kanyang dakilang kalooban.

Reply

Fred Duaso Monares January 1, 2020 at 7:35 am

Amen

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: