Linggo, Oktubre 20, 2024

October 20, 2024

Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)

Isaias 53, 10-11
Salmo 32, 4-5. 18-19. 20 at 22

Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hilig.

Hebreo 4, 14-16
Marcos 10, 35-45
o kaya Marcos 10, 42-45


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Twenty-ninth Sunday in Ordinary Time (Green)
Sunday for Cultures

UNANG PAGBASA
Isaias 53, 10-11

Pagbasa mula sa aklat ni Propeta Isaias

Sinabi ng Panginoon, “Ang kanyang paghihirap ay kalooban ko:
Inihandog niya ang sarili
upang sa pamamagitan noon ay magkaroon ng kapatawaran.
Dahil dito’y mabubuhay siya nang matagal,
makikita ang lahing susunod sa kanya.
At sa pamamagitan niya’y maisasagawa ang aking panukala.
Pagkatapos ng pagdurusa, lalasap siya ng ligaya,
malalaman niyang hindi nawalan ng kabuluhan ang kanyang pagtitiis.
Ang aking tapat na lingkod at lubos kong kinalulugdan
ang siyang tatanggap sa parusa ng marami
At alang-alang sa kanya sila’y aking patatawarin.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 4-5. 18-19. 20 at 22

Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling!

Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.

Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling!

Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila’y binubuhay.

Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling!

Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
Siya ang sanggalang natin at katulong.
Ipagkaloob mo na aming makamit,
O Poon, ang iyong wagas na pag-ibig,
yamang ang pag-asa’y sa ‘yo nasasalig!

Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling!

IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 4, 14-16

Pagbasa mula sa sulat sa Mga Hebreo

Mga kapatid:
Magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, yamang mayroon tayong dakilang saserdote na pumasok sa kalangitan sa harapan ng Diyos, walang iba kundi si Hesus na Anak ng Diyos. Ang dakilang saserdote nating ito ay nakauunawa sa ating mga kahinaan sapagkat sa lahat ng paraa’y tinukso siyang tulad natin, ngunit hindi nagkasala. Kaya’t huwag na tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos at doo’y kakamtan natin ang habag at kalinga sa panahong kailangan natin ito.

ALELUYA
Marcos 10, 45

Aleluya! Aleluya!
Anak ng Tao’y dumating
upang sarili’y ihain;
Lingkod, Manunubos natin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 10, 35-45

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, lumapit kay Hesus sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, at ang sabi, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.” “Ano iyon?” tanong ni Hesus. Sumagot sila, “Sana’y makaupo kami katabi ninyo sa inyong kaharian – isa sa kanan at isa sa kaliwa.” “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Hesus sa kanila. “Mababata ba ninyo ang hirap na babatahin ko? Pabibinyag ba kayo sa binyag na daranasin ko?” “Opo,” tugon nila. Sinabi ni Hesus, “Ang hirap na babatahin ko’y babatahin nga ninyo, at kayo’y bibinyagan sa binyag na daranasin ko. Ngunit wala sa akin ang pagpapasiya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga luklukang sinasabi ninyo’y para sa mga pinaghandaan.”

Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. Kaya’t pinalapit sila ni Hesus at sinabi, “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ay siyang pinapanginoon, at ang mga dinadakila ay siyang nasusunod. Ngunit hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng lahat.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

o kaya: Maikling Pagbasa
Marcos 10, 42-45

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, pinalapit ni Hesus ang labindalawang alagad at sinabi sa kanila: “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ay siyang pinapanginoon, at ang mga dinadakila ay siyang nasusunod. Ngunit hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng lahat.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez October 12, 2021 at 4:24 pm

PAGNINILAY: Itinuturo sa ating liturhiya ngayong Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon kung paano natin tatanggapin ang pananampalataya sa Diyos bilang kanyang mga anak at mga kapatid sa isa’t isa. Ang Ebanghelyo ngayon ay isang paghiling ng magkapatid at mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan kung pwde silang makaupo sa kanan at kaliwa ni Kristo kapag siya’y iluluwalhati na. N’ung tinanong sila ni Hesus kung iinom sila mula sa kalis ng paghihirap at mabibinyag ba sila ng binyag na kanyang ginampanan, ang tugon nila ay isang Oo. Kaya nakita ni Hesus ang kanilang kakayahang gawin ang dalawang bagay na iyon, subalit ang kanilang hinihiling ay hindi basta-basta lang ibibigay sa kanila, kundi para sa mga taong inihanda ang mga pwestong iyon. At nang marinig ng ibang Sampung Apostol, sila’y nagalit sa dalawang magkapatid. Kaya tinipon silang lahat ni Hesus at sinabi na ang mga matataas na pinuno ng mundo ay nagpapamalas ng kanilang awtoridad, ngunit hindi ito ang pamantayan ni Hesus. Kaya sinabi niya sa kanyang mga Apostol na ang sinumang nagnanais na maging una ay magiging huli, at ang sinumang nagnanais na maging dakila ay dapat maging lingkod. At bilang isang huwaran, si Hesus na Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi maglingkod, at ialay ang buhay upang mailigtas ang lahat.

Kaya si Hesus ang Lingkod ng Diyos na Nagdurusa ayon sa Unang Pagbasa mula kay Propetang Isaias. Dahil sa kanyang pagdurusa, ang Lingkod na ito ay inialay ang kanyang buhay ayon sa dakilang kalooban ng Diyos upang mailigtas ang bayan mula sa pagkakasala. Kaya nga si Hesus bagamat siya ay Diyos ay nagpakababa ng kalooban at naging masunurin sa kalooban ng Ama kahit hanggang sa kanyang kamatayan sa Krus. Kaya nga sinasabi sa Ikalawang Pagbasa mula sa Sulat sa mga Hebreo na si Hesukristo ay naging katulad natin maliban sa pagkakasala. Dahil sa kanyang inialay na buhay na naging pinakaganap na handog ng kaligtasan, siya ay ang dakilang saserdote na namamagitan sa atin patungo sa Ama. At ang ating kaligayahang kakamtan ay buhay na walang hanggan.

Kaya habang tayo’y namumuhay sa daigdig na ito, nawa’y patatagin natin ang ating pananampalataya sa Panginoon kahit sa mga panahon ng pagsubok na ating tinitiis araw-araw. At nawa’y maging huwaran natin si Hesus sa pagpapakumbaba at paglilingkod, ngunit hindi palaging pinaglilingkuran ni pinag-uutusan din ang iba.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño October 17, 2021 at 10:13 am

Ano ang hamon ng ebanghelyo sa atin ngayon?
Natural sa tao ang maghangad na sumikat, tumaas ang posisyon, maging politiko, may kapangyarihan, boss o tintingala sa lipunan. Hindi masama ang mangarap na marating ang mga luklulan na yan pero dapat alam mo ang tamang pag uugali kapag nandyan ka na, pag uugali na turo mismo ni Hesus. Ano ito? Ang maging lingkod sa halip na paglingkuran, ang manatiling mababa kahit p mataas na ang naibigay sayong posisyon, ang wag maging sakim, wag maging abusado, wag maliitin ang mas mababa sa iyo, tingnan ang lahat ng pantay pantay at huwag na huwag iisiping ikaw ay naka-aangat sa iba.
Laging isaisip ang bilin ni Hesus…
1. Ang nagpapakababa ay itinataas, ang nagmamataas ay ibinaba
2. Ang nauuna ay mahuhuli at ang nahuhuli ay mauuna.
Mapagpalang Linggo sa ating lahat!

Reply

maricris Lucagbo October 17, 2021 at 6:19 pm

Salamat po ?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: