Lunes, Oktubre 21, 2024

October 21, 2024

Lunes ng Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Efeso 2, 1-10
Salmo 99, 2. 3. 4. 5

Tayo’y sa D’yos, sa D’yos lamang,
tayong lahat na nilalang.

Lucas 12, 13-21


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Monday of the Twenty-ninth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Efeso 2, 1-10

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso

Mga kapatid, noong una’y mga patay kayo dahil sa inyong pagsuway at mga kasalanan. Sinunod ninyo noon ang masamang takbo ng sanlibutang ito at napailalim kayo sa prinsipe ng kasamaan, ang espiritung naghahari sa mga taong suwail. Dati, tayo’y kabilang sa mga ito, namuhay ayon sa pita ng laman at sinunod ang masamang hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya’t sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos.

Subalit napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin. Tayo’y binuhay niya kay Kristo kahit noong tayo’y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob. Dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo Hesus, tayo’y muling binuhay na kasama niya at pinaupong kasama niya sa kalangitan. Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay naligtas kayo sa pamamagitan ng inyong pananalig kay Kristo. At ang kaligtasang ito’y kaloob ng Diyos, hindi mula sa inyo. Hindi ito dahil sa inyong mga gawa kaya’t walang dapat ipagmalaki ang sinuman. Tayo’y kanyang nilalang, nilikha sa pamamagitan ni Kristo Hesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti, na itinalaga na ng Diyos para sa atin noon pa mang una.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 99, 2. 3. 4. 5

Tayo’y sa D’yos, sa D’yos lamang,
tayong lahat na nilalang.

Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Panginoo’y papurihan, paglingkuran siyang kusa;
lumapit sa harap niya at umawit na may tuwa!

Tayo’y sa D’yos, sa D’yos lamang,
tayong lahat na nilalang.

Ang Panginoo’y ating Diyos! Ito’y dapat malaman,
tayo’y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
lahat tayo’y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.

Tayo’y sa D’yos, sa D’yos lamang,
tayong lahat na nilalang.

Pumasok ka sa kanyang templo na ang puso’y nagdiriwang,
umaawit nagpupuri sa loob ng dakong banal,
purihin ang ngalan niya at siya’y pasalamatan!

Tayo’y sa D’yos, sa D’yos lamang,
tayong lahat na nilalang.

Mabuti ang Panginoon, pag-ibig niya’y walang hanggan,
siya’y Diyos na mabuti’t laging tapat kailanman.

Tayo’y sa D’yos, sa D’yos lamang,
tayong lahat na nilalang.

ALELUYA
Mateo 5, 3

Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang mga dukha
na tanging D’yos na lumikha
ang pag-asa at adhika.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 12, 13-21

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi kay Hesus ng isa sa mga tao, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na ibigay sa akin ang bahagi ko sa aming mana.” Sumagot siya “Ginoo, sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” At sinabi niya sa kanilang lahat: “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan.” At pagkatapos ay isinaysay ni Hesus ang talinhagang ito: “Ang bukirin ng isang mayaman ay umani nang sagana. Kaya’t nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Wala na akong paglagyan ng aking ani! A, gigibain ko ang aking mga kamalig, at magtatayo ako ng lalong mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ari-arian. At sasabihin ko sa aking sarili, Ayan, marami na akong ari-arian! Hindi na ako kukulangin habambuhay! Kaya’t mamamahinga na lang ako, kakain, iinom, at magsasaya!’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito’y babawian ka ng buhay. Kanino mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?’ Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 8 comments… read them below or add one }

Reynald Perez October 21, 2018 at 8:31 am

Pagninilay: Mayroon isang tanyag na kasabihan: “Money is the root of all evils.” Kung ating iintindihin ito nang mabuti, may katotohanang dala ang kasabihang iyon dahil mismo ang pera ay ginagamit upang mapuno ang pansariling interes, hindi upang tulungan ang ibang tao, lalung-lalo ang mga mahihirap. Ang Ebanghelyo natin ngayon ay isang babala ng ating Panginoong Hesukristo tungkol sa pagiging sakim hindi lang sa pera, kundi sa mga kayamanan. May isang lalaking lumapit sa kanya at hiniling kung ihahati ng kanyang kapatid ang manang ari-arian na ibinigay ng kanilang ama. Ngunit tugon sa kanya ni Hesus ay hindi naman ito isang hukom na nagdedesiyon kung paano ihahati ang lupa. At binabala ni Hesus ang lahat na mag-ingat at iwasan ang anumang uri ng kasakiman. Dito’y isinalaysay niya ang Parabula ng Mayayamang Hangal. Itong mayamang lalaki ay mayari ng isang ubasan, at nang dumating na ang ani, nakita niya na hindi kasya ang lahat ng mga ubas sa kanyang kamalig. Kaya’t nagdesisyon siya na gibain ito at gumawa ng mga mas malaki pa kaysa sa unang istruktura. Kaya’t nilagay ng mga lingkod ang mga ubas sa mga malalaking kamalig, at sila’y inutusan ng kanyang amo na magsikain at makipagsaya. Ngunit nang gabing iyon, binawi ng Diyos ang kanyang buhay. Ano nga ba ang naging kasalanan ng mayamang lalaki at bakit kaya tinuring siya na hangal? Hindi naman sa niyurakan niya ang pagkatao ng ibang tao o nagnakaw ng kayamanan mula sa ibang tao, kundi mas pinili niyang makipagsaya sa paggastos ng kanyang pera para sa pansariling katubusan, at hindi niya namasdan ang pangangailangan ng mga taong nasa paligid niya. Kaya nga minsan ang mga materyal na bagay ay ginagamit lang hindi para sa mabuting layunin, kundi para lamang sa makasariling kaganapan. Iyan ang nais itukoy ng binanggit na kasabihan sa simula pa lamang ng Pagninilay na ito. Ngunit sa panahon ngayon, masasabi ba natin na pera ba ang pinakaugat ng lahat ng kasamaan? Mga kapatid, klaro po sa mga pagkakataon na si Hesus ay hindi naman tutol sa mga taong may pera o kaya mga taong mayayaman. Hindi naman siya tutol kung gusto nating yumaman upang umahon mula sa kasalukuyang kondisyon natin sa lipunan. Subalit ang para sa kanya lamang na gamitin natin ang ating materyal na bagay hindi para maging madamot at sakim na sarili lang ang iniisip, kundi para makapagsilbi sa pag-uunlad ng mga ekonomiya at ng kabuhayan ng bawat tao. At mahalaga pa kung ang mga makamundong bagay ay hindi nagiging hadlang upang mas palalimin natin ang ating pananampalataya sa Panginoon. Kaya nga sinabi ni San Pablo sa Unang Pagbasa na naging mayaman ang ating pananampalataya ayon sa plano ng Diyos na tinupad ni Kristong tumubos sa atin. At ito’y pagkakataon na mamuhay po tayo nang marangal at gumawa ng kahit mga munting bagay para sa ikabubuti ng maraming tao.

Reply

Melba G. De Asis October 22, 2018 at 6:45 am

Aanhin ng tao ang kayamanan na hindi pwedeng dalhin pagdating ng oras ng kamatayan, ni singko ay walang madadala ang tao sa kanyang hukay. Ang dapat nating pagsikapan ay ang kayamang magdadala sa atin sa langit, ang gumawa ng kabutihan, ang mabuti ay magbahagi sa mga nangangailangan. May iba’t ibang klase ng kaloob mula sa Diyos na dapat ay gamitin ng naaayon sa Kaniyang kagustuhan, kung sagana sa buhay dapat ay tumulong sa mga mahihirap, kung may angking talino dapat ay magturo sa iba ng angking kaalaman, kung magaling kumanta ay gamitin sa pagpupuri sa Diyos, etc…. May kalakip na responsibilidad ang bawat kaloob mula sa Diyos. Amen

Reply

Fred Duaso Monares October 22, 2018 at 6:52 am

Lord God, kung ipagkaloob mo man ang kahilingan namin tungkol pinansyal na pangangailangan, turu-an mo kaming ito’y hindi lamang para sa aming pamilya kung di para di sa aming kapwa na nangangailang ng aming pinansyal na tulong. In Jesus Name. AMEN

Reply

ANDDYGALAZAN October 22, 2018 at 10:18 am

Itoy po isang talinghaga na ipinayag ng ating panginoon. Sanlibutan datapwat Hindi lamang material na kayamanan ang kanyang tinotukoy rito.
Ang tunay pong kahulagan dito.
Ay maring tao. ang mayayaman sa ispirital na pamumohay. Subalit Hindi nito magawang maibahagi sa kapwa.Hindi ito makarating doon sa mga taong salat sa buhay Aral ispiritual. Ito po ang tunay na kahulagan na nais ng diyos. Sapagkat ito ang mamanahin ng Tao. Na hanggang sa buhay na walanghangan ang na ihaharap sa diyos.
Ang nais at hangarin ng diyos.
Ay gumawa ng paraan. Ang sinomang may kayamanan spiritual na mag bonga.
At bongang tinutokoy nito ay ang isang makasalan tao. Ay nabago ang buhay. Sa pamamagitan ng pag share. Ng salita diyos.
At napalapit sa diyos. Yan ang totoong sya ang puno ng obas.
At ang bonga nitong obas. Ay ang naakay nya. Sapamamagitan sa salita ng diyos. Ay nabago ang buhay. at naglingkod di sa ating panginoong diyos. Amen…
Maraming Salamat po pagkaing nagbibigay buhay. Na akin din po ibinabahagi sa sanlibutan. God bless you always

Reply

Mauro Austria October 17, 2022 at 8:48 pm

Itinuturo sa ating ng ebanghelyo, na maging marunong tayong makuntento sa buhay. Sapagka’t kung puro pagpapayaman ang nasa ating isipan, ito ay makakapagdulo’t sa atin ng pagkakasala. Hindi masama ang mag-isip para sa kabuhay at sa kinabukasan lalo na at ito ay ating pinaghirapan, subalit ilagay nating sa tamang lugar. Sapagka’t mayroon mayayaman sa mata ng mga tao, subalit dukha naman sa panginin ng Diyos. H’wag nating hayaan na tayo ay gamitin ng kayaman sa mundong ito, sapagka’t ang mga ito ay pansamatala lamang.

Reply

Malou Castaneda October 20, 2024 at 10:17 pm

PAGNINILAY:
Isipin ang Diyos. Isipin ang Kapwa. Isipin ang Kamatayan. Ang kabiguan na nararanasan natin sa buhay: ginugugol ang lahat ng oras sa pag-iipon ng kayamanan at mga ari-arian para lamang iwanan ang mga ito sa iba kapag tayo ay namatay. Isipin ang Diyos. Mula sa sinapupunan hanggang kamatayan ay binibiyayaan tayo ng sagana: sapat na pagkain, sapat na mapagkukunan para sa ating pang-araw-araw na pangangailangan, tagumpay sa marami nating pagsisikap: magandang edukasyon, magandang trabaho, masayang pamilya… tayo ba ay laging nagpapasalamat sa Diyos? Isipin ang Kapwa. Sa ating mga pagpapala, tinatamasa ba natin ito para sa ating sarili? Maraming biyaya ang Diyos sa atin ngunit minsan nakakalimutan nating tumulong sa kapwa. Isipin ang Kamatayan. Ang ating kayamanan ay ang ating panlipunang seguridad. Ipinapalagay natin na tayo ay magmamay- ari, magtatamasa ng ating mga ari-arian sa kinabukasan at sa mahabang panahon. Ngunit ang buhay ay maiksi, ito ay may katapusan. Araw-araw, nawa’y paghandaan natin ang ating kamatayan. Araw-araw, nawa’y maging mabuti tayo sa isa’t isa, maging pagpapala sa marami. At araw-araw, nawa’y magkaroon tayo ng buong pananalig sa Diyos.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming mapagtanto na Ikaw ay higit na mahalaga kaysa sa anumang kayamanan na aming tinataglay. Amen.
***

Reply

BERNARDITA PIMENTEL TINIO October 21, 2024 at 8:44 am

Kung anuman meron tayo dapat nating ipamahagi ito. higit lalo sa nangangailangan sapagkat ito’y hindi naman sa atin ito ay biyayang galing sa Diyos huwag nating angkinin. nay kasabihan nga tayo “the more you give ,the more you will recieved”

Reply

Marz October 21, 2024 at 12:46 pm

Mag ingat sa lahat ng uri na kasakiman.
Laging magpsalamat sa Diyos sa lahat ng pagkakataon, laging mag simba.
Ang Diyos ay kumikilos talaga.
God si Good All the Time.
All the Time God is Good.
Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: