Podcast: Download (Duration: 7:49 — 9.6MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Patnubay sa Misa
Sa paghahangad natin ng pagbuti ng ating kundisyong pangkabuhayan, alalahanin natin na may mga higit na pagpapahalaga sa buhay na di dapat maisakripisyo para sa materiyal at pansariling kapakinabangan. Ipahatid natin sa Panginoon ang ating mga kahilingan:
Panginoon, dinggin mo kami!
Para sa lahat ng namumuno sa Simbahan: Nawa’y patnubayan nila ang mga mananampalataya nang buong karunungan at malasakit sa kanilang kapakanang pangkaluluwa. Manalangin tayo!
Para sa mga mayaman at makapangyarihan: Nawa’y hindi sila mabulagan sa kanilang yamang tinatamasa at tuluyang makalimot sa mga lalong dakilang pagpapahalaga. Manalangin tayo!
Para sa kabataan at lahat ng naghahanap sa kahulugan ng buhay: Nawa’y matagpuan nila ito sa katauhan ni Hesus at sa pamumuhay alinsunod sa kan- yang Ebanghelyo. Manalangin tayo!
Para sa mga kapatid nating katutubo: Nawa’y matanggap nila ang paggalang sa kanilang mga karapatang legal at pakikipagkaisa ng lahat ng Pilipino. Manalangin tayo!
Para sa mga nagbubulag-bulagan sa pananatili ng Diyos sa kanilang buhay: Nawa’y makaahon sila sa mga sagabal at panunukso ng mga maling ideolohiya upang kanilang matuklasan na ang katotohanang magpapalaya ay nababatay at nagmumula sa Diyos. Manalangin tayo!
Nawa’y maipagtaguyod nating lahat ang estilo sinodal sa ating pamumuhay, sa pananagutan sa isa’t isa, upang mapalaganap ang kaisahan, diwa ng pakikisalamuha at pakikiisa sa misyon ng Simbahan ng lahat mga mga pari, relihiyoso, at laiko. Manalangin tayo!
Panginoong Diyos, pagkalooban Mo kami ng pagmimithi sa mga pagpapahalagang walang hanggan, habang di naman na- kalilimot sa pang-araw-araw na pangangailangan namin at ng aming kapwa. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen!
Pages: 1 2
« Sabado, Oktubre 12, 2024
Lunes, Oktubre 14, 2024 »




{ 4 comments… read them below or add one }
Sinasabing mas higit ang karunungan na nagmula sa Diyos kaysa sa anumang bagay katulad ng kayamanan, ginto o pilak. Ang karunungan ay siya nating magiging gabay sa kung ano ba ang tama o nararapat gawin na naaayon sa mga ipinag-uutos ng Diyos. Sa aking pagkaunawa dun sa sinasabi ng Diyos na madali pang makapasok ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman, ito ay ang pamamaraang ginagawa ng mayaman para makamit niya yung kayamanan, ito ba ay sa tapat na paraan o sa pandaraya, at ginagamit ba niya sa mabuti at magandang hangarin ang kanyang kayamanan na tunay na nanggaling hindi lamang dahil sa kanyang kasipagan bagkus ito ay biyayang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos na dapat ay gamitin sa mabuti. Kahit anong gawin ng tao na magsipag para yumaman ngunit walang basbas mula sa Diyos, ito ay hindi mangyayari, at inaasahan ng Diyos ns yung kaloob ay may pagpapalang gagawin para sa mga nangangailangan. Sumaatin nawa ang pagpapala ng Panginoon sa lahat ng panahon!
PAGNINILAY: Saan nga ba nakasalalay ang buhay ng tao? O kaya ang mas mahalagang tanong ay sino any pinakabatayan ng buhay ng tao? Mga kapatid, itinuturo sa atin ng liturhiya ngayong Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon kung ano nga ba ang tanging sandigan ng ating pamumuhay bilang mga Kristiyano. Ang Ebanghelyo ngayon na hango mula kay San Marcos ay nagsasalaysay sa atin ng pagtagpo ng ating Panginoong Hesukristo sa isang mayamang binata. Makikita natin ang relihiyosong pagkakilanlan sa lalaki, kahit tinugon ni Hesus na ang paraan upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ay ang pagsunod sa Sampung Utos ng Diyos. Ngunit nang itapat sa kanya ng Panginoon na nagkukulang siya sa pagbibitaw ng kanyang kayamanan at ibigay sa mga mahihirap, umalis siya na malungkot dahil marami siyang ari-arian. At dito winika ni Hesus na mahirap pumasok sa langit ang mga tinuturing na mayayaman, ngunit mas madali pang pumasok sa butas ng karayom ang isang kamelyo. Hindi naman literal na papasok ang kamelyo sa butas, kundi ang pinupunto ni Hesus ay ang realidad ng buhay kung paano dapat nating kamtan ang kaluwalhatian sa buhay na walang hanggan. Pero magtataka tayo kung si Hesus ba ay tutol sa mga taong gustong yumaman at pati na rin sa mga taong mayaman.
Mga kapatid, ang sagot diyan ay hindi naman tutol ang Panginoon sa ganyang kalagayan ng buhay. Alam po natin na ang mga materyal na bagay sa mundong ito ay nakakamit natin dahil sa mga binhi ng ating paghahanap-buhay. Kaya naroroon ang pagnanais ng higit pa sa ating natatanggap na mga magagandang bagay. Ang nais lamang ipunto rin sa atin ni Kristo na ang mga makalupang bagay ay maganda, subalit ito’y lilipas din balang-araw. Ang hindi lilipas ay ang espirituwal na mga kayamanan, ang mga biyayang mula sa Diyos Amang nasa langit. Kaya’t inaanyayahan tayo na sa kabila ng ating pagnanais sa mga materyal na produktong binubo ng mga kagustuhan at pangangailangan, dapat ituon din natin ang ating buhay sa mga espirituwal na grasyang mula sa Panginoon.
Ang Unang Pagbasa na pinaniniwalaang sinulat mismo ni Haring Solomon ay nagsasabi na mas mahalaga sa mata ng may-akda ang Karunungan kaysa sa anumang kayamanan ng lupa, kahit trono ito o setro. At makikita na inilalarawan sa pagbasa na si Hesus ay ang Karunungan ng Diyos. Bagamat siya ay mayaman sa mistikal na paraang siya ay Diyos, nagkatawang-tao siya upang tayo’y mas yumaman pa hindi sa mga materyal na bagay, kundi sa ating pananampalataya bilang mga anak ng Ama. At makikita natin sa Ikalawang Pagbasa na ang pagsampalataya sa Panginoon ay pagsunod sa salita ng Diyos na buhay at nagtatalos sa isip ng mga tao. At kapag naririnig natin ang kanyang mensahe lalung-lalo na sa unang bahagi ng Misa, tayo’y hinahamon na isabuhay ito sa ating araw-araw na pamumuhay. Iyan ay isang paraan upang mas yumaman ang ating pananampalataya sa Diyos hanggang makamtan natin ang kanyang kaluwalhatian sa langit balang araw.
Sa kabuuan, mga kapatid, ang pinakabatayan ng ating buhay ay nakasalalay sa Panginoon lamang. Pero hindi ito dapat bigyang literal na interpretasyon na masama ang pagkakaroon ng kayamanan o mga materyal na bagay. Hindi naman masama sa pamantayan ng Panginoon ang mga ito kung ito’y gagamitin sa maayos na paraan. Ang ayaw lamang niya ay ang sakim ng pag-aangkin ng mga bagay u8 sa pansariling kapakanan. Higit pa diyan ay pagkakaroon ng espirituwal na kayamanan sa ating buhay, at iyan ay ang pananampalatayang kinakapitan at isinasabuhay natin sa araw-araw na pamumuhay.
Ano ang hamon at aral sa atin ng ebanghelyo ngayon?
Generosity. Hindi sapat na sinusunod natin ng mga kautusan, sapagkat ito ay pansarili mo lamang na kabutihan, walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang sabi nga sa isang awit. May tungkulin din tayong ipamahagi ang biyayang natanggap natin lalong lalo na sa walang wala, sa mga maliliit sa lipunan, sa mga taong hindi na nakakakain sa araw araw, sa mga walang damit at tahanan, Mahal mo nga ang Diyos, hindi ka nangangalunya, pumapatay at nandaraya subalit sobra sobra ang iyong yaman at hindi mo ipinamamahagi ay wala ding katuturan ang iyong pagpapakabanal. Hindi natin madadala sa kabilang buhay kung ano meron tayong materyal na bagay ngayon ano’t pinanghahawakan mo ito at hindi ipamahagi ang ilan sa mga lumalapit sayo o sa nakikita mo sa lansangang walang wala. Sinasabi ko sa inyo mga kapatid ang ligayang mararamdaman mo kapg ikaw ay tumulong, lalo na’t mkikita mo ang mga ngiti sa muka ng iyong matutulungan. Kung ikaw naman ay magpasyang tumulong ay wag mo itong ipagsabi kahit kanino maging sa iyong matalik na kaibigan, ilihim mo lamang ito tumulong ng bukal sa iyong kalooban at may naghihintay sa iyong gantimpala mula sa langit.
PAGNINILAY
Nais ng mayamang binata na kilalanin bilang nagawa niya ang lahat, nakamit ang lahat, nakuha ang lahat, iningatan ang bawat tuntunin. Nais niyang ang ‘mabuting Guro’, si Hesus, ay talagang humanga sa kanya, na bigyan siya ng buhay na walang hanggan dahil karapat-dapat siya rito. At tiningnan ni Hesus ang mayamang binata, ng buong pagmamahal, sa isang paraan na tiningnan Niya ang lalaking ito, iniharap ang Kanyang palayok, at sinabi Niya sa kanya na dapat siyang umunlad, kailangan niyang lumago, kailangan niyang matuto pa rin ng mas mabuting paraan. Lahat tayo ay tinutukso, sa ating sariling paraan, na ipakita sa Diyos kung gaano tayo naging mabuti. At ang Diyos ay tumitingin sa atin, at mahal tayo, at tinatawag tayo patuloy sa kapunuan ng buhay.
Panginoong Hesus, turuan Mo kaming maging bukas-palad sa mga biyayang ipinagkaloob Mo sa amin. Amen.
***