Podcast: Download (Duration: 6:22 — 4.6MB)
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Karunungan 7, 7-11
Salmo 89, 12, 13. 14-15. 16-17
Pag-ibig mo’y ipadama;
aawit kaming masaya.
Hebreo 4, 12-13
Marcos 10, 17-30
o kaya Marcos 10, 17-27
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Twenty-eighth Sunday in Ordinary Time (Green)
Indigeneous People’s Sunday
Extreme Poverty Day
UNANG PAGBASA
Karunungan 7, 7-11
Pagbasa mula sa aklat ng Karunungan
Sapagkat napag-unawa kong ako’y tao lamang, ako’y nanalangin at binigyan naman ako ng kaalaman.
Tumawag ako sa Diyos at binigyan ako ng Karunungan.
Higit na mahalaga sa akin ang Karunungan kaysa trono at setro,
at mas matimbang kaysa alinmang kayamanan.
Hindi ko maipagpapalit maging sa pinakamahal na alahas.
Ang ginto ay tulad lamang sa buhangin kung ihahambing sa Karunungan.
Ang pilak nama’y nagmimistulang putik kapag inihambing sa kanya.
Para sa akin, siya’y higit pa sa kalusugan o kagandahan.
Mas gusto ko siya kaysa alinmang ilaw sapagkat ang luningning niya’y walang pagkupas.
Nang kamtan ko ang Karunungan,
dumating sa akin ang lahat ng pagpapala;
siya ang nagkaloob sa akin ng kayamanang walang kapantay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 89, 12, 13. 14-15. 16-17
Pag-ibig mo’y ipadama;
aawit kaming masaya.
Yamang itong buhay nami’y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.
Hanggang kailan pa ba, Poon, titiisin yaring lagay
nitong iyong mga lingkod, sa gitna ng kahirapan?
Pag-ibig mo’y ipadama;
aawit kaming masaya.
Kung umaga’y ipadama yaong wagas mong pag-ibig,
at sa buong buhay nami’y may galak ang aming awit.
Yaong naging hirap nami’y tumbasan mo ng ginhawa,
singhaba rin ng panahon ang ipalit na ligaya.
Pag-ibig mo’y ipadama;
aawit kaming masaya.
Ipakita sa lingkod mo ang dakila mong gawain,
sa kasunod naming lahi ay gayon mo rin ituring.
Panginoon naming Diyos, kami sana’y pagpalain,
magtagumpay sana kami sa anumang aming gawin.
Pag-ibig mo’y ipadama;
aawit kaming masaya.
IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 4, 12-13
Pagbasa mula sa sulat sa Mga Hebreo
Ang salita ng Diyos ay buhay at mabisa, higit na matalas kaysa alinmang tabak na magkabila’y talim. Ito’y tumatagos maging sa pinaghihiwalayan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasu-kasuan at ng utak sa buto, at nakatataho ng mga iniisip at binabalak ng tao. Walang makapagtatago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa kanyang paningin, at sa kanya tayo magsusulit.
Ang Salita ng Diyos.
MABUTING BALITA
Marcos 10, 17-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, habang paalis na si Hesus ay may isang lalaking patakbong lumapit, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos. Alam mo ang mga utos: ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang magsisinungaling sa iyong pagsaksi; huwag kang magdadaya; igalang mo ang iyong ama’t ina.’” “Guro,” sabi ng lalaki, “ang lahat po ng iya’y tinutupad ko na mula pa sa aking pagkabata.” Magiliw siyang tiningnan ni Hesus, at sinabi sa kanya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” Namanglaw ang lalaki nang marinig ito, at malungkot na umalis, sapagkat siya’y napakayaman.
Tiningnan ni Hesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa kanyang mga alagad, “Napakahirap mapabilang ang mayayaman sa mga pinaghaharian ng Diyos.” Nagtaka ang mga alagad sa pananalitang ito. Muling sinabi ni Hesus, “Mga anak, talagang napakahirap mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos! Madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman.” Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya’t sila’y nagtanungan, “Kung gayo’y sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Hesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit hindi ito mahirap sa Diyos. Magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”
At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo.” Sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: ang sinumang mag-iwan ng bahay, o mga kapatid, ina, ama, mga anak, mga lupa, dahil sa akin at sa Mabuting Balita, ay tatanggap ng makasandaang ibayo sa buhay na ito – mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupa – ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa kabilang buhay ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya: Maikling Pagbasa
Marcos 10, 17-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, habang paalis na si Hesus ay may isang lalaking patakbong lumapit, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos. Alam mo ang mga utos: ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang magsisinungaling sa iyong pagsaksi; huwag kang magdadaya; igalang mo ang iyong ama’t ina.’” “Guro,” sabi ng lalaki, “ang lahat po ng iya’y tinutupad ko na mula pa sa aking pagkabata.” Magiliw siyang tiningnan ni Hesus, at sinabi sa kanya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” Namanglaw ang lalaki nang marinig ito, at malungkot na umalis, sapagkat siya’y napakayaman.
Tiningnan ni Hesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa kanyang mga alagad, “Napakahirap mapabilang ang mayayaman sa mga pinaghaharian ng Diyos.” Nagtaka ang mga alagad sa pananalitang ito. Muling sinabi ni Hesus, “Mga anak, talagang napakahirap mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos! Madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman.” Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya’t sila’y nagtanungan, “Kung gayo’y sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Hesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit hindi ito mahirap sa Diyos. Magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Sabado, Oktubre 12, 2024
Lunes, Oktubre 14, 2024 »
{ 3 comments… read them below or add one }
Sinasabing mas higit ang karunungan na nagmula sa Diyos kaysa sa anumang bagay katulad ng kayamanan, ginto o pilak. Ang karunungan ay siya nating magiging gabay sa kung ano ba ang tama o nararapat gawin na naaayon sa mga ipinag-uutos ng Diyos. Sa aking pagkaunawa dun sa sinasabi ng Diyos na madali pang makapasok ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman, ito ay ang pamamaraang ginagawa ng mayaman para makamit niya yung kayamanan, ito ba ay sa tapat na paraan o sa pandaraya, at ginagamit ba niya sa mabuti at magandang hangarin ang kanyang kayamanan na tunay na nanggaling hindi lamang dahil sa kanyang kasipagan bagkus ito ay biyayang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos na dapat ay gamitin sa mabuti. Kahit anong gawin ng tao na magsipag para yumaman ngunit walang basbas mula sa Diyos, ito ay hindi mangyayari, at inaasahan ng Diyos ns yung kaloob ay may pagpapalang gagawin para sa mga nangangailangan. Sumaatin nawa ang pagpapala ng Panginoon sa lahat ng panahon!
PAGNINILAY: Saan nga ba nakasalalay ang buhay ng tao? O kaya ang mas mahalagang tanong ay sino any pinakabatayan ng buhay ng tao? Mga kapatid, itinuturo sa atin ng liturhiya ngayong Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon kung ano nga ba ang tanging sandigan ng ating pamumuhay bilang mga Kristiyano. Ang Ebanghelyo ngayon na hango mula kay San Marcos ay nagsasalaysay sa atin ng pagtagpo ng ating Panginoong Hesukristo sa isang mayamang binata. Makikita natin ang relihiyosong pagkakilanlan sa lalaki, kahit tinugon ni Hesus na ang paraan upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ay ang pagsunod sa Sampung Utos ng Diyos. Ngunit nang itapat sa kanya ng Panginoon na nagkukulang siya sa pagbibitaw ng kanyang kayamanan at ibigay sa mga mahihirap, umalis siya na malungkot dahil marami siyang ari-arian. At dito winika ni Hesus na mahirap pumasok sa langit ang mga tinuturing na mayayaman, ngunit mas madali pang pumasok sa butas ng karayom ang isang kamelyo. Hindi naman literal na papasok ang kamelyo sa butas, kundi ang pinupunto ni Hesus ay ang realidad ng buhay kung paano dapat nating kamtan ang kaluwalhatian sa buhay na walang hanggan. Pero magtataka tayo kung si Hesus ba ay tutol sa mga taong gustong yumaman at pati na rin sa mga taong mayaman.
Mga kapatid, ang sagot diyan ay hindi naman tutol ang Panginoon sa ganyang kalagayan ng buhay. Alam po natin na ang mga materyal na bagay sa mundong ito ay nakakamit natin dahil sa mga binhi ng ating paghahanap-buhay. Kaya naroroon ang pagnanais ng higit pa sa ating natatanggap na mga magagandang bagay. Ang nais lamang ipunto rin sa atin ni Kristo na ang mga makalupang bagay ay maganda, subalit ito’y lilipas din balang-araw. Ang hindi lilipas ay ang espirituwal na mga kayamanan, ang mga biyayang mula sa Diyos Amang nasa langit. Kaya’t inaanyayahan tayo na sa kabila ng ating pagnanais sa mga materyal na produktong binubo ng mga kagustuhan at pangangailangan, dapat ituon din natin ang ating buhay sa mga espirituwal na grasyang mula sa Panginoon.
Ang Unang Pagbasa na pinaniniwalaang sinulat mismo ni Haring Solomon ay nagsasabi na mas mahalaga sa mata ng may-akda ang Karunungan kaysa sa anumang kayamanan ng lupa, kahit trono ito o setro. At makikita na inilalarawan sa pagbasa na si Hesus ay ang Karunungan ng Diyos. Bagamat siya ay mayaman sa mistikal na paraang siya ay Diyos, nagkatawang-tao siya upang tayo’y mas yumaman pa hindi sa mga materyal na bagay, kundi sa ating pananampalataya bilang mga anak ng Ama. At makikita natin sa Ikalawang Pagbasa na ang pagsampalataya sa Panginoon ay pagsunod sa salita ng Diyos na buhay at nagtatalos sa isip ng mga tao. At kapag naririnig natin ang kanyang mensahe lalung-lalo na sa unang bahagi ng Misa, tayo’y hinahamon na isabuhay ito sa ating araw-araw na pamumuhay. Iyan ay isang paraan upang mas yumaman ang ating pananampalataya sa Diyos hanggang makamtan natin ang kanyang kaluwalhatian sa langit balang araw.
Sa kabuuan, mga kapatid, ang pinakabatayan ng ating buhay ay nakasalalay sa Panginoon lamang. Pero hindi ito dapat bigyang literal na interpretasyon na masama ang pagkakaroon ng kayamanan o mga materyal na bagay. Hindi naman masama sa pamantayan ng Panginoon ang mga ito kung ito’y gagamitin sa maayos na paraan. Ang ayaw lamang niya ay ang sakim ng pag-aangkin ng mga bagay u8 sa pansariling kapakanan. Higit pa diyan ay pagkakaroon ng espirituwal na kayamanan sa ating buhay, at iyan ay ang pananampalatayang kinakapitan at isinasabuhay natin sa araw-araw na pamumuhay.
Ano ang hamon at aral sa atin ng ebanghelyo ngayon?
Generosity. Hindi sapat na sinusunod natin ng mga kautusan, sapagkat ito ay pansarili mo lamang na kabutihan, walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang sabi nga sa isang awit. May tungkulin din tayong ipamahagi ang biyayang natanggap natin lalong lalo na sa walang wala, sa mga maliliit sa lipunan, sa mga taong hindi na nakakakain sa araw araw, sa mga walang damit at tahanan, Mahal mo nga ang Diyos, hindi ka nangangalunya, pumapatay at nandaraya subalit sobra sobra ang iyong yaman at hindi mo ipinamamahagi ay wala ding katuturan ang iyong pagpapakabanal. Hindi natin madadala sa kabilang buhay kung ano meron tayong materyal na bagay ngayon ano’t pinanghahawakan mo ito at hindi ipamahagi ang ilan sa mga lumalapit sayo o sa nakikita mo sa lansangang walang wala. Sinasabi ko sa inyo mga kapatid ang ligayang mararamdaman mo kapg ikaw ay tumulong, lalo na’t mkikita mo ang mga ngiti sa muka ng iyong matutulungan. Kung ikaw naman ay magpasyang tumulong ay wag mo itong ipagsabi kahit kanino maging sa iyong matalik na kaibigan, ilihim mo lamang ito tumulong ng bukal sa iyong kalooban at may naghihintay sa iyong gantimpala mula sa langit.