Podcast: Download (Duration: 8:35 — 10.3MB)
Biyernes ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay Papa San Juan XXIII
Galacia 3, 7-14
Salmo 110, 1-2. 3-4. 5-6
Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.
Lucas 11, 15-26
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Friday of the Twenty-seventh Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. John XXII, Pope (White)
UNANG PAGBASA
Galacia 3, 7-14
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia
Mga kapatid, maliwanag na ang mga nananalig sa Diyos ang siyang tunay na lahi ni Abraham. Hindi pa ma’y ipinakita na ng Kasulatan na pawawalang-sala ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng kanilang pananalig sa kanya. At ipinahayag na kay Abraham noon pa ang Mabuting Balita: “Sa pamamagitan mo’y pagpapalain ng Diyos ang lahat ng bansa.” Nanalig sa Diyos si Abraham at siya’y pinagpala kaya’t pagpapalain ding tulad niya ang lahat ng nananalig sa Diyos.
Ang lahat ng nananangan sa pagsunod sa Kautusan ay nasa ilalim ng isang sumpa. Sapagkat nasasaad sa Kasulatan, “Sumpain ang hindi tumutupad sa lahat ng nasusulat sa aklat ng Kautusan.” Maliwanag, kung gayun, na walang taong ibibilang na matuwid sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan sapagkat “Ang pinawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.” Ngunit ang Kautusan ay hindi nasasalalay sa pananalig sa Diyos, sapagkat sinasabi ng Kasulatan, “Ang tumutupad sa hinihingi ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan nito.”
Tinubos tayo ni Kristo sa sumpa ng Kautusan nang siya’y magdusa na parang isang sinumpa. Sapagkat nasasaad sa Kasulatan, “Sinumpa ang bawat ibinitin sa punongkahoy.” Tinubos niya tayo upang ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay kamtan ng mga Hentil sa pamamagitan ni Kristo Hesus, at sa pamamagitan ng pananalig sa kanya ay sumaatin ang Espiritung ipinangako ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 110, 1-2. 3-4. 5-6
Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.
o kaya: Aleluya.
Buong puso siyang pasasalamatan,
aking pupurihin sa gitna ng bayan
kasama ng mga lingkod na hinirang.
Napakadakila ang gawa ng Diyos,
pinananabikan ng lahat ng lingkod.
Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.
Lahat niyang gawa’y dakila at wagas,
bukod sa matuwid hindi magwawakas.
Hindi inaalis sa ating gunita,
na siya’y mabuti’t mahabaging lubha.
Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.
Sa may pagkatakot pagkai’y sagana;
pangako ng Poon ay hindi nasisira.
Ipinadama n’ya sa mga hinirang,
ang kapangyarihan niyang tinataglay,
nang ibigay niya lupa ng dayuhan.
Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.
ALELUYA
Juan 12, 31b-32
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay itinampok,
sa kanya tayo’y dumulog,
kasamaan ay natapos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 15-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, matapos palayasin ni Hesus ang isang demonyo, nanggilalas ang mga tao. Ngunit may ilan sa kanila ang nagsabi, “Si Beelzebul na prinsipe ng mga demonyo ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo.” May iba namang nais siyang subukin, kaya’t nagsabi, “Magpakita ka ng kababalaghang magpapakilala na ang Diyos ang sumasaiyo.” Ngunit batid ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya’t sinabi sa kanila, “Babagsak ang bawat kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat at mawawasak ang mga bahay roon. Kung maghimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sapagkat binigyan ako ni Beelzebul ng kapangyarihang ito. Kung ako’y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sino naman ang nagbigay ng kapangyarihan sa inyong mga tagasunod na makagawa ng gayun? Sila na rin ang nagpapatunay na maling-mali kayo. Ngayon, kung ako’y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, nangangahulugang dumating na sa inyo ang paghahari ng Diyos.
“Kapag ang isang taong malakas at nasasandatahan ay nagbabantay sa kanyang bahay, malayo sa panganib ang kanyang ari-arian. Ngunit kung salakayin siya at talunin ng isang taong higit na malakas, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi ang ari-ariang inagaw.
“Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at nagkakalat ang hindi tumutulong sa aking mag-ipon.
“Kapag lumabas na mula sa tao ang isang masamang espiritu, ito’y gumagala sa mga tigang na lugar at naghahanap ng mapagpapahingahan. Kung walang matagpuan ay sasabihin nito sa sarili, ‘Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.’ Pagbabalik ay matatagpuan niyang malinis na ang bahay at maayos. Kaya, lalabas siyang muli at magsasama ng pito pang espiritung masasama kaysa kanya, at papasok sila at maninirahan doon. Kaya’t sumasama kaysa dati ang kalagayan ng taong iyon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Huwebes, Oktubre 10, 2024
Sabado, Oktubre 12, 2024 »
{ 3 comments… read them below or add one }
RepLeksiyon: Gawin ang dapat kahit pa siraan ng iba
Oktubre 6, 2021 7:40pm GMT+08:00
SINULAT NI: Bro. Marianito Agustin, O.P., Dominican Laity
Tandaan lamang natin na kahit anong paninira at panlilibak ang gawin ng ibang tao sa atin, hindi sila magtatagumpay kung ang ating ginagawa ay para sa ikalulugod ng Panginoong Diyos.
Hindi nagpaapekto si Hesus sa mga taong naninira sa Kaniya. Sa halip ay itinuon Niya ang pansin sa Kaniyang misyon (Lucas 11:15-26).
Sa panahon ngayon ng social media, madaling maapektuhan ng tao kapag may pumupuna o bumabatikos sa kaniyang mga ginagawa kahit pa nakatutulong sa iba.
Pero sa halip na magpaapekto sa mga puna, dapat natin itong gamitin bilang isang hamon upang lalo tayong magsikap at magpursige.
Sapagkat kung magpapadala tayo sa kanilang mga negatibong komentaryo, lalo lamang tayong manlulumo at makararamdam ng demoralisasyon sa sarili. Hanggang sa tuluyan tayong bumagsak at tumigil na lang sa ginagawa.
Matuto tayo sa ating Panginoong HesuKristo na hindi basta nagpaapekto sa mga taong naninira sa Kaniya.
Ano ba ang ginawa ng ating Panginoon nang sa panahon iyon ay may mga naninira sa Kaniya (kasama na ang mga pinunong Judio), ipinagpatuloy lamang ni HesuKristo ang Kaniyang misyon.
Ang mahalaga para sa Kaniya ay ang katuparan ng Kaniyang misyon dito sa lupa na ipinapagawa sa Kaniyang Amang nasa Langit. Kung sa panahon ngayon, para bang “who you?” ang inabot ng mga “basher” ni HesusKristo.
Hindi nga pinansin ni Hesus ang mga pang-iinsulto sa Kaniya. Sa halip ay itinuon Niya ang Kaniyang atensyon sa Kaniyang Ministeryo. Kung papatulan kasi Niya ang mga naninira sa Kaniya, maaaring hindi Niya matutupad ang Kaniyang tungkulin at obligasyon– ang iligtas ang mga tao mula sa pagkakasala upang matamo nila ang buhay na walang hanggan.
Ganito ang mababasa sa Mabuting Balita (Lucas 11:15-26) matapos akusahan si Hesus na kaya lamang Siya nakapagpapalayas ng demonyo ay dahil sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo. (Lk. 11:15)
Gayunman, ipinaliwanag sa kanila ng ating Panginoon na nagpapalayas Siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. (Lk. 11:20)
“Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at nagkakalat ang hindi tumutulong sa aking mag-ipon.
Sa ibang pagbasa may sinasabi na ” Huwag ninyo syang pagbawalan sapakat kung tunay na silay atin pagkatapos nito hindi sila mag sasalita ng laban sa atin.
Para sa akin ito yung mga nangangaral din ng tungkol sa Diyos subalit nag tuturo sila ng laban sa ating Inang Birheng Maria.
bumabatikos tungkol sa Pagdarasal ng Rosaryo. At marami pang iba para patunayan lang nila na mali ang itinuturo ng Simbahan. Ang Inang Simbahan ay lumalarawan ng ating Birheng Maria dahil ito ang sinapupunan na pinanggagalingan ng mga Sinisilang bilang Kristyano. Sa Ebanghelyo patuloy nilang binabatikos si Jesukristo at kung anuanong paraan ang ginagawa nila upang iwasan si Kristo at wag paniwalaan.
Inaanyayahan tayo sa araw na ito na manatili kumapit sa Diyos at wag matakot tulad ni Maria na na handa siyang pumasok sa Kalooban ng Diyos kahit na ang haharapin nya ang mga pag uusig. Hilingin din natin sa Diyos na Matulad din tayo kay Maria na kaya niyang tumayo sa harapan ng Krus.
tandaan palagi sa Krus ay naroon si Kristo.
Don’t miss to pray Rosary. God is good all the time.
Sa araw na ito ating pinagdiriwang ang kapistahan ng Sto Rosario, isang pag-gunita nita pagkapanalo laban sa kalaban ngunit mga sundalo mga pilipino katoliko at mga kasama sila’y nagdasal muna ng sto rosario humingi ng gabay, dahil doon kaunti lang ang wala sa kanila kahit sila kakaunti pero sila’y nagwagi labang sa mga dutch army at dahil sila ginabayan nang ating Ina laban sa kalaban. naapakalaki ng tulong nang ating Ina si Maria laban sa masama, Ang ebanghelo ay nagpapaalala sa atin na ang hangrin ni Belzebula o si satanas , demonyo ay sirain ang ating pagakakaisa labang sa masama. Hangad ng Demonyo ay dibisiyon . pero ang hangad ni Maria ay pagkakaisa, dahil iyon din ang hangarin ni Hesus. Dahil si Beelzebul, satanas o demonyo tawag natin sa kaaway ng Diyos ay hangad tayo ihiwalay sa Diyos at pagawayin at hatin ang mga anak. Kaya’t pinaalalahanan tayo na mag ingat tayo kay satanas.