Huwebes, Oktubre 10, 2024

October 10, 2024

Huwebes ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Galacia 3, 1-5
Lucas 1, 69-70. 71-72. 73-75

Poong Diyos ay purihin,
nilingap n’ya ang Israel.

Lucas 11, 5-13


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Thursday of the Twenty-seventh Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Galacia 3, 1-5

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia

Nahihibang na ba kayong mga taga-Galacia? Sino ang nakagayuma sa inyo? Maliwanag na ipinahayag sa inyo ang pagkamatay ni Hesukristo sa krus! Ito lamang ang ibig kong malaman sa inyo: tinanggap ba ninyo ang Espiritu dahil sa pagsunod sa Kautusan o dahil sa inyong pakikinig at paniniwala sa Mabuting Balita tungkol kay Kristo? Napakahangal ninyo! Nagsimula kayo sa Espiritu at ngayo’y nagwawakas sa laman. Wala na bang halaga ang naging karanasan ninyo? Marahil naman ay mayroon. Bakit ba ipinagkakaloob sa inyo ng Diyos ang Espiritu? Bakit ba siya gumagawa ng mga himala? Dahil ba sa inyong mga gawa ayon sa Kautusan o dahil sa inyong paniniwala sa Mabuting Balita.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Lucas 1, 69-70. 71-72. 73-75

Poong Diyos ay purihin,
nilingap n’ya ang Israel.

Nagpadala ang Diyos sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
mula sa lipi ni David na kanyang lingkod.
Ipinangako niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta noong una.

Poong Diyos ay purihin,
nilingap n’ya ang Israel.

Na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway.
At sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.
Ipinangako rin niya na kahahabagan ang ating mga magulang,
at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.

Poong Diyos ay purihin,
nilingap n’ya ang Israel.

Iyan ang sumpang binitiwan niya sa ating amang si Abraham,
na ililigtas tayo sa ating mga kaaway,
upang walang takot na makasamba sa kanya,
at maging banal at matuwid sa kanyang paningin, habang tayo’y nabubuhay.

Poong Diyos ay purihin,
nilingap n’ya ang Israel.

ALELUYA
Mga Gawa 16, 14b

Aleluya! Aleluya!
Kami’y iyong pangaralan
upang aming matutuhan
ang Salitang bumubuhay!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 11, 5-13

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Ipalagay natin na ang isa sa inyo’y nagpunta sa isang kaibigan isang hatinggabi at nagsabi, ‘Kaibigan, bigyan mo muna ako ng tatlong tinapay. Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ At ganito naman ang sagot ng kanyang kaibigan sa loob ng bahay, ‘Huwag mo nga akong gambalain! Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makababangon pa upang bigyan kita ng iyong kailangan.’ Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagkakaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan sa pagpupumilit nito. Kaya sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo, at kayo’y bibigyan; humanap kayo at kayo’y makasusumpong; kumatok kayo, at ang pinto’y bubuksan para sa inyo. Sapagkat tumatanggap ang bawat humihingi; nakasusumpong ang bawat humahanap; at binubuksan ang pinto sa bawat kumakatok. Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung humihingi ng isda? Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya’y humihingi ng itlog? Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez October 8, 2018 at 1:54 pm

Pagninilay: Karamihan sa tao ay napakasipag kapag nagtratrabaho o kaya nag-aaral. Ngunit sa kabila ng ating mga trabaho at edukasyon, mayroon pa ba tayong kaunting panahon upang mag-alay ng kahit isang munting panalangin sa Panginoon? Makikita natin sa Ebanghelyo kasunod ng pagturo ni Hesus ng Ama Namin sa kanyang mga alagad, nagbigay rin siya ng mga konkretong aplikasyon kung ano nga pa ang tamang pagtingin ng tao sa panalangin. Isa sa mga tanyag na pahayag niya ay tungkol sa “Ask, Seek, and Knock”. Kapag tayo’y nananalangin nang mataimtim, tayo’y humihiling upang makahanap ng mga kasagutan sa ating mga kahilingan. Tayo’y naghahanap ng mga kasagutan sa bawat dasal upang makasumpong ang anumang nais ng Diyos na mangyari sa ating buhay. At tayo’y kumakatok sa pintuan ng Diyos upang ito’y mabuksan tuwing idinudulog natin ang ating mga panalangin sa kanya. Tinawag ni Hesus na “Ama” ang Diyos sapagkat itong Diyos na ito ay ang pinakadakila sa mga ama sa pagbibigay ng kaganapan sa panalangin ng bawat tao. Ito’y hindi katulad ng iilang tao na nagbibigay raw ng ahas sa kapwang nanghihingi imbes na tinapay, at nagbibigay raw ng alakdan sa kapwang nanghihingi imbes na itlog. Iba po talaga ang panalangin doon sa ordinaryong paghihingi ng mga bagay. Ito’y mas malalim pa na pakikiusap natin sa Panginoon upang magpuri sa kanya (Adoration), maghingi ng tawad sa ating mga pagkakasala at kakulangan (Contrition), magpasalamat sa kanyang mga biyaya kahit sa ibang tao (Thanksgiving), at maghiling ng mga bagay para sa ikakabuti ng karamihan (Supplication). Ang panalangin ay mahalagang bagay sa ating pananampalataya. Sinabi nga ni San Pablo sa Unang Pagbasa na dapat higit pa ang pananampalataya sa Panginoon kaysa sa mga nakasanayang tradisyon/kaugalian. Ngunit hindi ito nangangahulugang pagbaliwala ang mga namana nating kultura mula sa mga mas matatanda na mga henerasyon. Ngunit ang nais ipahiwatig sa atin ng Apostol ay ang pagkakaroon rin ng pananampalatayang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon na tayo’y binibigyang-lakas ng Espiritu Santo. Higit sa mga gawain ng kautusan ay dapat isinasabuhay natin ang pananampalatayang ito sa pamamagitan ng mga mabubuting gawain ng awa at malasakit sa ibang tao. Nawa ang ganitong misyon sa buhay ay magsilbing kaakibat na aksyon sa bawat panalanging ating idinudulog sa Diyos na magpala upang tayo rin ay maging biyaya sa ibang tao.

Reply

Aimee October 8, 2020 at 4:46 pm

Isang paalala na lahat tayo ay may instant access o susi patungo sa ating Panginoong Diyos. Gayundin, na tayo’y pantay-pantay niyang kinakalinga at ginagabayan. Ngunit, tayo lang mismo ang makakapagbukas ng pintuang ito.

Nawa’y huwag nating kalimutan ang paglapit sa ating Amang nasa langit, di lamang sa oras ng kagipitan, ngunit lalo’t higit sa oras na tayo’y nakakaranas ng tagumpay na sakanya’y ating ialay at bigyang pasasalamat. Nawa’y lahat tayo ay linangin at bigyang halaga ang ating buhay pangespiritwal, na madalas ay inaakala nating walang halaga ngunit lingid sa ating kaalaman na lubos na nagpapapuspos at nagpapatibay sa ating buhay.

Thank you, Jesus!
To God always be the Glory! Amen.
Jesus, we Trust in You!

Reply

Ellen Puso Soriano October 6, 2022 at 5:34 am

Tayoy tinuruan ng DIOS Kung paano manalangin. Sa kabuohan nitong itinuru niya naroon na lahat ang gabay sa panalangin.at ang ebanghelyo ngayon ay tungkol sa tatlong bagay and
Humingi
Kumatok at
Humanap.. Ngunit sa talong ito at nakafocus tayo sa unamg bagay.. Ang humingi sa bawat panalangin.. Puru tayo hingi sa DIOS at pagnakamtan na hindi na natin naalalang I acknowledge ang ginawa niya sa atin..kc answered prayer na.. Subukan nating katukin o kumatok sa pinto ng kapayapaan at kaayusan sa takbo NG ating buhay. Upang iguide tayo NG banal na espiritu Santo upang masumpungan ang pinakamahalaga sa ating buhay.si KRISTO ang maging priority ang paggawa ng mabuti sa ating pamilya, kapwa TAO at iunat ang mga kamay sa pagtulong o sa kawang gawa. Buksan din natin ang ating mga Puso para sa iba. Hindi ung laging pangsarili atin lamang.. Sapagkat ang habag ng DIOS ay para sa lahat masama kaman o mabuti pantay pantay ang DIOS sa pagkalinga sa atin. Sabi nga kung ang masamang ama ay nagbibigay ng mabuting bagay sa kanyang mga anak how much ang ating amang NASA langit.. Ang talong bagay na ito ay dapat magkasama lagi
.at laging iprioridad ang DIOS seek yeh first the kingdom of GOD and his righteousness and all these thing shall be added unto you.. Amen

Reply

Boyet Musa Peñalosa October 6, 2022 at 9:18 am

Ang pagpupumilit na pagkatok na paulit ulit ay lumalarawan ito ng Panalangin ng Santo Rosaryo. Para sa akin Ito ang napaka mahalagang pagdarasal para sa Diyos na kabahagi pa ang ating Inang Birhen Maria sa ating pagtawag sa Kanya.
At higit sa lahat ang unang hingin sa Diyos ay ang Kanyang Espiritu Santo upang sa tulung nito ay maka unawa tayo kung anu ang mensahe ng Diyos sa atin sa araw na ito.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: