Podcast: Download (Duration: 6:34 — 8.4MB)
Miyerkules ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kina Obispo San Dionisio at mga kasama, mga martir
o kaya Paggunita kay San Juan Leonardo, pari
Galacia 2, 1-2. 7-14
Salmo 116, 1. 2
Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.
Lucas 11, 1-4
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Wednesday of the Twenty-seventh Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Denis, Bishop, and Companions, Martyrs (Red)
or Optional Memorial of St. John Leonardi, Priest (White)
UNANG PAGBASA
Galacia 2, 1-2. 7-14
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia
Mga kapatid, makalipas ang labing-apat na taon, muli akong pumunta sa Jerusalem na kasama sina Bernabe at Tito. Nagbalik ako sapagkat ipinaalam sa akin ng Diyos na dapat akong pumaroon. Nakipagpulong ako nang sarilinan sa mga pangunahin sa simbahan, at ipinaliwanag ko sa kanila ang Mabuting Balita ng kaligtasan na ipinangangaral ko sa mga Hentil. Ginawa ko ito sapagkat ayokong mawalan ng kabuluhan ang aking pagpapagal sa nakaraan at sa kasalukuyan.
Sa halip, kinilala nilang ako’y hinirang ng Diyos upang mangaral ng Mabuting Balita ng kaligtasan sa mga Hentil, tulad din ng pagkahirang kay Pedro upang mangaral ng Mabuting Balita ng kaligtasan sa mga Judio. Ang Diyos na humirang kay Pedro bilang apostol sa mga Judio ang siya ring humirang sa akin bilang apostol sa mga Hentil. Nabatid nina Santiago, Pedro at Juan, mga kilalang haligi ng simbahan, na ang Diyos ang siyang nagbigay sa akin ng tanging kaloob na ito. Kaya’t kami ni Bernabe’y tinanggap nila bilang mga kamanggagawa. Pinagkasunduan namin na kami’y sa mga Hentil at sa mga Judio naman sila. Ang hiling lamang nila ay huwag naming pababayaan ang mga dukha, na talaga namang pinagsisikapan kong gawin.
Nang si Pedro’y nasa Antioquia, hayagan kong sinabi sa kanyang mali ang kanyang ginagawa. Sapagkat noong hindi pa dumarating ang ilang lalaking pinaparoon ni Santiago, siya’y sumasalo sa mga Hentil. Subalit nang dumating ang mga iyon, siya’y lumayo at hindi na nakisalo sa kanila dahil sa takot sa pangkat ng mga Judio. At gumaya rin sa kanya ang ibang mga kapatid doon na mga Judio; pati na si Bernabe’y natangay sa kanilang pagkukunwari. Nang makita kong hindi sila namumuhay ayon sa tunay na diwa ng Mabuting Balita, sinabi ko kay Pedro sa harapan nilang lahat, “Kung ikaw na isang Judio ay namumuhay na parang Hentil at di bilang isang Judio, paano mo mapipilit ang mga Hentil na mamuhay na gaya ng mga Judio?”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 116, 1. 2
Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.
o kaya: Aleluya.
Purihin ang Poon!
Dapat na purihin ng lahat ng bansa,
Siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng lupa.
Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.
Pagkat ang pag-ibig
na ukol sa ati’y dakila at wagas,
at ang katapatan niya’y walang wakas.
Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.
ALELUYA
Roma 8, 15bk
Aleluya! Aleluya!
Espiritu ng Diyos Anak
ay siyang ating tinanggap
nang D’yos Ama ay matawag.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 1-4
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Minsan, nananalangin si Hesus. Pagkatapos niya, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.” Sinabi ni Hesus, “Kung kayo’y mananalangin, ganito ang sabihin ninyo:
‘Ama, sambahin nawa ang pangalan mo.
Magsimula na sana ang iyong paghahari.
Bigyan mo kami ng aming makakain sa araw-araw.
At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
sapagkat pinatatawad namin ang bawat nagkasala sa amin.
At huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Martes, Oktubre 8, 2024
Huwebes, Oktubre 10, 2024 »
{ 3 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ang Ebanghelyo natin ngayon ay ang pagtuturo ni Hesus ng isang panalanging pamilyar sa ating lahat kapag tayo’y dumadalo sa Misa, nagdadasal ng Santo Rosaryo, at iba pang paraan ng pananalangin. Ito yung “Pater Noster” na tinaguriang “Panalangin ng Panginoon”. Mas kilala ito bilang “Ama Namin”. Ito yung dasal na kung saan tinuruan tayo ni Hesus na tawagin ang Diyos bilang “Ama”. Noong dati, “Panginoon” lamang ang pinayagang titulo ng Diyos na ito sapagkat ang kanyang pangalan ay tinuturing ng mga Hudyo na banal at hindi dapat lapastangin ito. Ngunit binigyang-diin ni Kristo na karapat-dapat na tawagin natin itong Diyos na “Ama” sapagkat katulad siya ng bawat tatay na tumutugon sa mga pangangailangan ng isang pamilya. Higit siya sa kanilang lahat sapagkat siya ang naghahangad sa kanyang dakilang kalooban ang ikabubuti ng tao dito sa lupa para nang sa langit. Kapag dinadasal natin ito, tayo ay humihingi hindi lang sa mga pisikal na bagay, kundi sa mga espirituwal din katulad ng kakainin hindi lang sa pisikal na aspeto, kundi kasama na diyan ang pampalusog mula sa Salita at Eukaristiya. Hinihiling din natin sa kanya na patawarin ang ating mga nagawang pagkakasala at pagkukulang upang tayo rin ay matutong magpatawad ng ibang nagkasala at nagkulang sa atin. At sa huli, hinihiling natin na tayo’y iadya sa lahat ng tuksong maaring magdulot sa kasamaan. Ito yung buod ng Ama Namin na binubuo ng 7 petisyon, 3 para sa pagpaparangal sa ating Diyos, at yung natitirang 4 para sa pagtutugon ng ating mga esporituwal na pangangailangan sa buhay. Higit sa lahat, tayo rin ay may misyong tawagin ang ating Ama sapagkat tayo ay kanyang mga anak. Nangyari ito dahil kay Hesus na inialay ang kanyang buhay upang tayo’y magkaroon pa ng pananampalataya sa Panginoon ng ating mga buhay. Si San Pablo sa Unang Pagbasa ay kilalang saksi ng Mabuting Balita sa mga Hentil na dating itinuturing ng mga Hudyo na walang pag-asang makamit ang kaligtasan. Subalit dito napansin niya ang ganyang pamumuhay ng mga kasamahan niyang Apostol. Kaya pinagsabihan niya sila na kung sila’y mga Hudyo namumuhay bilang isang Hentil, paano kaya nila ipapangaral ang mga pagpapahalaga ng Mabuting Balita sa mga Hentil? Kaya tayo’y mga binyagang Kristiyano ay tinatawag na talikdan ang mga lumang gawain at magsimula ng isang buhay na tapat sumunod sa kalooban ng Ama. Nawa’y ito’y maging ating misyon sa pagiging mga tunay na anak ng Diyos.
Among the four Gospels, Luke emphasises the most on the prayjnb Jesus, there are 21 enstances that He prayed from the age of 12 until he ascended into the Father. This shows how prayer is the constant part of the Son of Man. He is always in relation with the Father who is the source of His everything, thd beginning and thd end of all his thoughts and action. His way of relating to the Father is handed down to us through this prayer we have jn the Gospel today. We inherited what Jesus had received, this includes everything, not just the glory of being the sons and daughters of God but also His sufferings, rejection, mockery simply because He was thd Son of God so as we are…simply because we ard the sons anc daughter of thd Father. Are we ready for this…?
Ihayag ang mabuting balita NG Kaligtasan.. Ito ang nais ng DIOS para sa ating lahat..at sa panalnging itinuro ni JESUS ang pagpakumbaba at pagtanggap sa katutuhanang tayo’y nagkasala kaya hiningi nating kapatawaran sa DIOS.. At dapat din tayong magpatawad sa mga nakasakit sa atin upang makamit ang grasya ng DIOS..
subalit napakahirap gawin magpapatawad sa mga taong naging sanhi ng pagkawasak sa pamilya o relasyon sa ating mga mahal sa buhay ..at ang lahat ng ito tanging DIOS lamang ang makatulong.kung isurrender natin sa kanya.humingi tayo ng lakas loob na magawa ang nais niya upang tayong man mapatawad ng DIOS sa ating mga kasalanang nagawa. Ang mga balakid sa buhay
Isuko sa DIOS. Kaya Patuloy tayong manalangin at hingin sa DIOS na hwag tayong mahulog sa pakana ng diablo. Siya ang tusong manunukso .kaya lalo nating pag-alabin ang pag-ibig ng DIOS sa ating buhay. Panatiliing siya ang sentro at manobela hanggang wakas..
Manalangin tayo :
Mahal na Panginoong HESUS maraming salamat sa minsahing ito. Ang paggising mo sa aming damdamin Nawa lahat ng Aral mo sa amin ay maisabuhay at maisagawa ang tama at nararapat. Hwag MO nawang tinggan ang aming mga kasalanan.patawarin mo kami sa aming mga sala para ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin at iadya mo kami sa tukso at sa lahat ng masama Amen