Martes, Oktubre 8, 2024

October 8, 2024

Martes ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Galacia 1, 13-24
Salmo 138, 1-3. 13-14ab. 14k-15

Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.

Lucas 10, 38-42


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Tuesday of the Twenty-seventh Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Galacia 1, 13-24

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia

Mga kapatid, hindi kaila sa inyo kung paano ako namuhay bilang masugid na kaanib sa Judaismo. Buong lupit kong inusig ang simbahan ng Diyos at sinikap na ito’y wasakin. Naging mas masugid ako sa relihiyong ito kaysa maraming Judiong kasinggulang ko, at malaki ang aking malasakit sa mga kaugalian ng aming mga ninuno.

Ngunit sa kagandahang-loob ng Diyos, hinirang niya ako bago pa ipanganak, at tinawag upang maging lingkod niya. At nang ihayag niya sa akin ang kanyang Anak, upang ang Mabuting Balita tungkol sa kanya ay maipangaral ko sa mga Hentil, hindi ako sumangguni kaninuman. Ni hindi ako nagpunta sa Jerusalem upang makipagkita sa mga apostol na una kaysa akin. Sa halip, nagtungo ako sa Arabia at pagkatapos ay nagbalik sa Damasco. Nakaraan pa ang tatlong taon bago ako umakyat sa Jerusalem upang makipagkita kay Pedro, at labinlimang araw kaming nagkasama. Wala akong nakitang apostol liban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.

Totoong lahat ang sinasabi ko sa sulat na ito. Alam ng Diyos na hindi ako nagsisinungaling.

Pagkatapos, pumunta ako sa mga lalawigan ng Siria at ng Cilicia. Hindi pa ako nakikita noon ng mga Kristiyano sa Judea. Nabalitaan lamang nila na ang dating umuusig sa kanila ay nangangaral ngayon tungkol sa pananampalataya na kanyang sinikap na wasakin noong una. Kaya’t nagpuri sila sa Diyos dahil sa akin.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 138, 1-3. 13-14ab. 14k-15

Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.

Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malaya, batid mo ang aking isip.
Ako’y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko’y pawang iyong nalalaman.

Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.

Ang anumang aking sangkap, ikaw O Diyos ang lumikha,
sa tiyan ng aking ina’y hinugis mo akong bata.
Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay.

Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.

Lahat ito’y nakikintal, sa puso ko at loobin.
Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
sa loob ng bahay-bata doo’y iyong napapansin;
lumalaki ako roong sa iyo’y di nalilihim.

Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.

ALELUYA
Lucas 11, 28

Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang sumusunod
sa salitang buhat sa D’yos
at namumuhay nang angkop.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 10, 38-42

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, pumasok si Hesus sa isang nayon. Malugod siyang tinanggap ng isang babaing nagngangalang Marta sa tahanan nito. Ang babaing ito’y may isang kapatid na Maria ang pangalan. Naupo ito sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kanyang itinuturo. Alalang-alala si Marta sapagkat kulang ang kanyang katawan sa paghahanda, kaya’t lumapit siya kay Hesus at ang wika, “Panginoon, sabihin nga po ninyo sa kapatid kong tulungan naman ako.” Ngunit sinagot siya ng Panginoon, “Marta, Marta, naliligalig ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit isa lamang ang talagang kailangan. Pinili ni Maria ang lalong mabuti, at ito’y hindi aalisin sa kanya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez October 8, 2018 at 12:53 pm

Pagninilay: Matapos ikinuwento ni Hesus ang Parabula ng Mabuting Samaritano (Ebanghelyo kahapon), siya ngayon ay bumisita sa bahay ng kanyang mga malalapit na kaibigang taga-Betania, sina Marta, Maria, at Lazaro na magkakapatid. Makikita dito ang kalakasan ni Hesus na harapin ang magaganap sa kanya na Misteryong Paskwal sa Jerusalem, at siya’y kinamustahan nina Marta at Maria. Sinasabi nga dito si Marta ay masipag na pinaghahandaan ang kakainan ng Panginoon, samantala si Maria ay nauupo sa paanan ng Panginoon habang nakikinig. Kaya sa sobrang pagkaabala ni Marta, sinabi niya kay Hesus na pag-utusan ang kanyang kapatid na tulungan siya. Ngunit alam ni Hesus ang kanyang mga abala sa paglilingkod sa bahay, at sinabi niya kay Marta na ang mas mahalaga ang kanyang presensiya sa kanyang bahay, na mismong si Maria ay ipinamalas nito. Ang presensiya ng Panginoon ay kapiling natin lalung-lalo tuwing tayo’y nagdadasal. Bagamat katulad rin tayo ni San Pablo sa Unang Pagbasa na mga taong nagkakasala at may hindi magandang nakaraan, tayo rin ay patuloy na binabago ng kanyang grasya upang mamuhay bilang kanyang mga anak at mga saksi ng Mabuting Balita. At tayo rin ay tinatawag na makita ang kanyang presensiya sa mga taong ating sinasalamuha at nakikita araw-araw kahit sa mga ordinaryo at ekstraordinaryong sitwasyon ng buhay. Nawa’y ipadama natin sa iba ang kagandahang-loob ng Diyos na lahat tayo ay mamuhay nang marangal at mabuti dito sa mundong ito, upang makamtan ang buhay na walang hanggan sa kalangitan. Nawa’y paglingkuran natin ang Panginoon katulad ng ginawa ni Marta, at makinig rin tayo sa kanyang mga mensahe katulad ng ginawa ni Maria.

Reply

ANSELMARIE October 9, 2018 at 5:04 am

The two sisters Marthat and Mary symbolises the two sides of the coin of every Christian believer: action and contemplation and vice versa. they are not opposing each other but must be integrated. We have to leave space to both: listening to Jesus ( could it be through the Sacred Scripture, prayer, meditation, ecc) and bring them into action or to give life to what we’ve heard or understood from Jesus. They should not be separated. The priority of “listening” comes first because before we do anything we make it sure we understood it first…as to not to fall into errors or simply give up because of failure.
It seems that it is one of the reasons also thag the Holy Eucharist has its current form: LITURGY OF THE WORD followed by LITURGY OF EUCHARIST. The latter celebrates the first anc shows what really service meant to be: to give your whole being (BODY and BLOOD) to the one you love!
Bilang alagad ni Kristo, cpam I willing to do this?

Reply

Aimee October 6, 2020 at 3:35 pm

Simple lang ang hangad ng ating Panginoon, ang patuluyin natin Siya sa ating mga puso. Sa pakikinig sa Kaniyang mga paalala, pangaral at gabay, gamitin natin ang tainga ng ating puso. Nang sa gayon, ang mga ito’y bitbitin natin sa lahat ng ating tatahakin.

Sa panahon natin ngayon, mahabang oras at panahon ang ginugugol natin sa mga bagay na inaakala nating kapakipakinabang. At kahit sa tuwing tayo’y dudulog sa ating Panginoong Diyos, sambit nati”y daing at pansariling hiling.

Naway tayong lahat ay sumapit sa araw kung saan sa ating Panginoong Hesus ay mahigpit ang pagkapit, di dahil sa pagnanais na biyaya’y makamit, kundi dahil namulat na Diyos lamang ang tunay na mahalaga at di tayo ipagpapalit. At sa gayon, kalooban at turo Niya ay ating maisabuhay, na isang pamamaraan nang paghaplos sa mga puso ng tao na akala’y pagiging mabuti ay mahirap makamit.

Naway huwag nating kalimutang bigyan ng oras ang ating Panginoon, magsumikap tayo sa pagkilala sa Kanya, mapalapit sa Kanya at tularan ang puso Niyang walang hanggan ang pagkupkop, pagkalinga, pagunawa at pagpapatawad sa ating lahat.

I love you, Jesus! We praise you!
Thank you for everything! AMEN.
To God be the Glory, always and forever!
Jesus, we trust in You!

Reply

ruel arcega October 4, 2022 at 9:06 am

SI Hesus ay bumisita sa kanyang mga matalik na kaibigan na sina Martha, Maria at Lazaro, Si Martha bilang panganay sa magkakapatid abala sa pag-aasikaso sa kakainin ng kanilang bisita, dahil hindi lang si Hesus ang kanyang pakainin kasama rin ang ilang mga alagad . Kaya’t hindi na niya nakaharap si Hesus, kaya’t si Maria na lamang ang humarap kay Hesus ay ito ay umupo sa paanan niya ay nakikinig kay |Hesus. Subalit dahil si MArtha ay gahol sa kanyang ginagawa pinakiusapan niya si Hesus na pagsabihan si Maria na siya’y tulungan ngungit ano ang sabi ni Hesus kay |Martha, Siya’y abala at naliligalig ngunit pinili ni Maria ang ang lalong mabuti at ito’y hindi aalisin sa kanyan. Dahil nais ituro sa atin ni Hesus na pinaka mahalaga at iyon yung ginawa ni Maria sa pagtanggap kay Hesus , ang lumapi’t umupo at makinig sa kanya. Minsan iyon ang nakakalimutan natin at prioridad natin na dapat una nating gawin ay ang umupo kay Hesus , ang pag upo ay isang uri ng pagkilos ng pagpapahinga, at saan tayo magpapahinga kay Hesus , di pa sabi ni Hesus lumapit sa akin , kayo napapagal at napapagod at bibigyan kayo nakapahinghan. At ikalawa hindi lang tayo nagpapahinga nakikinig din tayo sa mga salita ni Hesus , ang pakikinig natin kay Hesus , ay ang salita ng Diyos, na nagbibigay buhay, Kaya’y ito ang pinaka mahalaga , sana ito’y higit natin maunawaan. at gawin, sana ito rin ang nagagawa natin pagtayo ay pumapasok sa simbahan , nabibiyan tayo muli ng bagong lakas at bagong buhay kay Hesus. Amen

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: