Lunes, Oktubre 7, 2024

October 7, 2024

Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Rosario

Galacia 1, 6-12
Salmo 110, 1-2. 7-8. 9 at 10k

Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.

Lucas 10, 25-37


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of Our Lady of the Rosary (White)

Mga Pagbasa mula sa
Lunes ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

UNANG PAGBASA
Galacia 1, 6-12

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia

Mga kapatid, nagtataka ako kung bakit kay dali ninyong tinalikdan ang Diyos na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng pag-ibig ni Kristo at bumaling kayo sa ibang mabuting balita. Ang totoo’y walang ibang mabuting balita; lamang, may mga nanliligalig sa inyo at nagsisikap na baguhin ang Mabuting Balita tungkol kay Kristo. Maging kami o isang anghel man mula sa langit ang mangaral sa inyo ng iba kaysa Mabuting Balitang ipinangaral namin, pakasumpain siya! Sinabi na namin, at inuulit ko: kung may mangaral sa inyo ng iba kaysa Mabuting Balitang tinanggap ninyo, pakasumpain siya!

Ngayon, nangangahulugan bang ang hinahangad ko’y papuri ng tao? Hindi! Ang papuri ng Diyos ang hinahangad ko. Sinisikap ko bang magbigay-lugod sa tao? Kung iyan lamang ang hangad ko, hindi na sana ako naging alipin ni Kristo.

Ibig kong malaman ninyo, mga kapatid, na hindi katha ng tao ang Mabuting Balitang ipinangaral ko. Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, ni itinuro sa akin ng tao. Si Hesukristo ang nagpahayag nito sa akin.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 110, 1-2. 7-8. 9 at 10k

Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.

Buong puso siyang pasasalamatan,
aking pupurihin sa gitna ng bayan
kasama ng mga lingkod na hinirang.
Napakadakila ang gawa ng Diyos,
pinananabikan ng lahat ng lingkod.

Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.

Ang gawa ng Diyos, matuwid at tapat,
at maaasahan lahat niyang batas.
Ito ay lalagi at di magwawakas,
pagkat ang saliga’y totoo’t matapat.

Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.

Kaligtasa’y dulot sa mga hinirang,
may ipinangakong walang hanggang tipan;
banal at dakila ang kanyang pangalan;
at pupurihin pa magpakailanman.

Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.

ALELUYA
Juan 13, 34

Aleluya! Aleluya!
Bagong utos, ani Kristo,
mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 10, 25-37

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, may isang eskribang lumapit kay Hesus upang siya’y subukin. “Guro,” aniya, “ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo roon?” Tumugon siya, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip’; at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’” “Tama ang sagot mo,” wika ni Hesus. “Gawin mo iyan at mabubuhay ka.”

Sa hangad ng eskriba na huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, tinanong niya uli si Hesus, “Sino naman ang aking kapwa?” Sumagot si Hesus: “May isang taong naglalakbay buhat sa Jerusalem, patungong Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati damit sa katawan, binugbog at halos patay na nang iwan. Nagkataong dumaan doon ang isang saserdote at pagkakita sa taong nakahandusay, siya’y lumihis at nagpatuloy ng kanyang lakad. Dumaan din ang isang Levita, ngunit tiningnan lamang niya ito at nagpatuloy ng kanyang lakad. Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na naparaan doon. Nakita niya ang hinarang at siya’y nahabag. Lumapit siya, binusan ng langis at alak ang mga sugat nito at tinalian. Saka isinakay ang tao sa kanyang sinasakyang hayop, dinala sa bahay-panuluyan, at inalagaan doon. Kinabukasan, dumukot siya ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung magkano man ang kakulangan niyan, babayaran ko sa aking pagbabalik.’ Sino ngayon sa palagay mo ang nagpakita ng kanyang pakikipagkapwa sa taong hinarang ng mga tulisan?” tanong ni Hesus. “Ang nagpakita ng habag sa kanya,” tugon ng eskriba. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Humayo ka’t gayun din ang gawin mo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez October 7, 2018 at 10:20 pm

Pagninilay: Siguro marami sa atin ay pamilyar sa talinghaga ng ating Panginoong Hesukristo tungkol sa Mabuting Samaritano. Bago pa man ikinuwento ito, may lumapit na isang dalubhasa sa Kautusan, at tinanong ni Hesus kung ano ang dapat gawin nito upang makamtan ang kaluwalhatian sa langit. Dahil alam ni Hesus na ang lalaking nagtatanong ay isang abugado, binalik niya ang tanong kung ano ang nakasaad sa Kautusan. Sinagot ng lalaki ang 2 mahahalagang utos, at iyan ay ang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Kaya’t inaanyahan ni Hesus ang lalaki na gawin ang 2 ito upang magbuhay pang habambuhay. Ngunit nais ituwid ng dalubhasa ang kanyang sarili, kaya tinanong niya kay Hesus kung sino naman ang kanyang kapwa. At dito sinimulan ng Panginoon na ikwento ang Parabula ng Mabuting Samaritano. Makikita natin kung paanong binida ni Hesus ang isang tinuturing na kaaway ng mga Hudyo. Sapagkat ayon sa paniniwala noon, ang mga tanging pinili ng Diyos, at iyan ang mga Hudyo, ay siya lamang raw makakamit ng ganap na kaligtasan. Ang mga Hentil ay itinuturing na mga pagano dahil sa mga pamamaraan ng kanilang pagsambang hindi kailaman nauugnay sa Diyos. Subalit ang hindi nauunawaan ng mga Hudyo sa kapanahunan ni Hesus ay kung paanong niloob ng Diyos na lahat ay mailigtas at maipahayag ang kanyang lubos na pagmamahal sa sangkatauhan. Sa totoo lamang, dating kalahi nila ang mga Samaritano. Nang maghati ang dating pinagisang kaharian ng Israel ni David sa kapanahunan ni Rehoboam, 2 kaharian ang itinatag, ang Israel sa Hilaga, samantala ang Juda sa Timog. At sila’y sinakop din ng mga malalakas na mandirigma mula Asyria at Babilonia, kaya sila’y itinapon sa mga bansang iyon. Nang magtagumpay ang mga taga-Persia, agad nagsibalikan ang mga dating nabihag. Ang mga taga-Juda ay bumalik at pinagisa ang dating nahating kaharian patungo sa isang Israel, ganun rin ang pagtatag ng bagong templo sa taas ng Bundok ng Sion hanggang ito’y pinagandahan ni Haring Herodes. Samantala ang mga dating taga-Israel ay nanatili sa isang rehiyong malapit sa Israel at Asyria, at ginawa nila ang Bundok na Gerizim bilang “tahanang nakikila ang mga diyos”. Kaya’t sila’y nakatira ng Samaria at itinuring ng mga Hudyo bilang kanilang mga kaaway. Ngunit kung ating mababasa ang parabula ni Hesus, makikita natin na may lalaking pinagnakawan ng mga tulisan habang palakbay siya mula Jerusalem papuntang Jerico. Kaya’t iniwan siya sa daan na halos mamatay. 2 tinuturing na dangal na tao ang dumaan, ngunit ni isa sa kanila ang hindi nagpakita ng malasakit sa lalaki. Makikita natin sa katauhan ng Hudyong pari at Levita ang pagpapahalaga sa mga makamundong tradisyon na kung anumang hawakan nila na patay o parang patay ay paglabag sa batas tungkol sa kalinisan. Ngunit may isang lalaki na bumaba sa kanyang kabayo upang tulungan ang nakalatag na lalaki sa sahig at iangat sa kanyang kabayo, at siya ang Mabuting Samaritano na ang ganyang lahi ay tinuturing bilang kaaway ng mga Hudyo. Siya pa ang nagmalasakit upang idala ang lalaki sa bahay-panuluyan. At binilin niya sa may-ari na alagaan ang lalaking iyon, at babayaran niya kung anuman ang kulang nito. Kaya’t sa huli ay tinanong ni Hesus kung sino sa 3 tauhan ang nararapat sa pagmamahal ng Diyos. Sagot naman ng dalubhasa ay ang taong naipamalas ang awa at malasakit, kaya ito ang naging hamon ng Panginoon na dapat tularan. Ang pagkilala sa dakilang pagmamahal ng Diyos ay makikita natin na bukas ito sa kahit sinumang taong nais makibahagi sa misyong ito. Tayong lahat bilang mga binyagang Kristiyano ay tinatawag na maging mga Mabuting Samaritano sa ibang tao, lalung-lalo sa mga nangangailangan sa pisikal at espirituwal na pagkakataon. Maaring si Hesus ay katulad rin ng biktima sa daan na nagpapahayag ang kanyang presensiya sa mga dukha at mahihirap upang ating tugunan ang mga ganitong sitwasyon. Higit pa riyan, si Hesus ay ang Mabuting Samaritano na kahit siya ay Diyos ay nagpakababa siya upang iako niya hindi lang ang mga pisikal na mahihirap, kundi tayong lahat na mahihirap sa ating pananampalataya. Makikita natin ang dakilang awa ng Panginoon na ginawa niyang pagalingin ang maraming tao at higit pa dun ay ang pag-aalay ng kanyang buhay sa Krus upang tayo’y maligtas mula sa kasalanan at mamuhay bilang mga anak ng Ama. Kaya nawa’y sikapin natin na maging mga saksi ng dakilang awa ng Panginoon sa ating araw-araw na pamumuhay sa pakikipagrelasyon sa kanya at sa ating kapwa. Maging nawa tayo’y katulad ng Mabuting Samaritano sa pagtugon sa mga pangangailangan ng bawat taong ating nakikisalamuha.

Reply

ANSELMARIE October 8, 2018 at 4:58 am

The question “who is my neighbour” from the beginning shifted to “to whom do I become one’s neighbour” in the end. I meet different persons everyday, friends family members, simpld acquitances even strangers…do I make myself neighbouf to them. The decision is ours to make. Like Jesus who made himself neighbour of everyone regardless of their identities, status, gender and it is still even today. How about me…do I do the same?

Reply

Aimee October 5, 2020 at 8:05 pm

Simula ng ako’y maging deboto ng ating Panginoong Hesus, Mabathalang Awa, naunaawan ko ang halaga ng pagbubukas ng pusong mahabagin. Isa sa pinakamahalagang sangkap upang maging mapagmahal sa kapwa, maunawain sa kapwa at matulungin sa kapwa.

Sa panahon natin ngayon, mahirap makatanggap ng tulong na walang kaakibat na kapalit, tulong na hindi katumbas ay abala, tulong na hangad ika’y mapabuti. Nakakalungkot na tayo-tayo ang naglalaban-laban, tayo-tayo ang naghihilahan pababa. Huwag! Huwag tayong magpabulag! Tandaan natin, ang anumang masama ay kailanman di tinuro ng ating Panginoong Diyos. Kahit kailan hindi Siya naghangad na tayo’y mapahamak. Kung kaya’t maging mapanuri tayo. Huwag basta makinig lalo na kung alam nating ito’y di sa ikabubuti ninuman.

Naway gisingin natin ang awa sa ating mga puso, na magpapaalab ng paghahangad ng pag-asa para sa ating kapwa, paghahangad ng mabuting kinabukasan para sa ating kapwa, at nang isang payapang buhay na si Hesus ang gabay at sentro.

Thank you, Jesus! AMEN.
To God be the Glory, forever! Amen!
Jesus, we Trust in You!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: