Podcast: Download (Duration: 6:36 — 4.9MB)
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Genesis 2, 18-24
Salmo 127, 1-2. 3. 4-5. 6
Tayo nawa ay basbasan
ng Poon magpakailanman.
Hebreo 2, 9-11
Marcos 10, 2-16
o kaya Marcos 10, 2-12
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Twenty-seventh Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Genesis 2, 18-24
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Sinabi ng Panginoong Diyos: “Hindi mainam na mag-isa ang tao; bibigyan ko siya ng makakasama at makakatulong.” Kaya, lumikha siya ng mga hayop sa parang at ibon sa himpapawid, inilapit sa tao, at ipinaubaya dito ang pagbibigay ng pangalan sa mga iyon. Kung ano ang kanyang itawag, iyon ang magiging pangalan nila. Ang tao nga ang nagbigay ng pangalan sa lahat ng ibon at mga hayop, maging maamo o mailap. Ngunit wala isa man sa mga ito ang angkop na kasama at katulong niya.
Kaya’t pinatulog ng Panginoon ang tao. Samantalang nahihimbing, kinuha niya ang isang tadyang nito at pinaghilom ang laman sa tapat niyon. Ang tadyang na iyo’y ginawa niyang isang babae, at inilapit sa lalaki. Sinabi ng lalaki,
“Sa wakas, narito ang isang tulad ko, laman ng aking laman, buto ng aking buto; babae ang siyang itatawag sa kanya sapagkat sa lalaki nagmula siya.”
Ito ang dahilan kaya iniiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina upang sumama sa kanyang asawa, sapagkat sila’y nagiging iisa.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 127, 1-2. 3. 4-5. 6
Tayo nawa ay basbasan
ng Poon magpakailanman.
Mapalad ang bawat tao na sa Diyos ay may takot,
ang maalab na adhika’y sumunod sa kanyang utos.
Hindi siya magkukulang sa anumang kailangan,
ang buhay ay maligaya’t uunlad ang kanyang buhay.
Tayo nawa ay basbasan
ng Poon magpakailanman.
Sa tahanan, ang asawa’y parang ubas na mabunga.
Bagong tanim na olibo sa may dulang ang anak n’ya.
Tayo nawa ay basbasan
ng Poon magpakailanman.
Ang sinuman kung ang Diyos buong pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
Mula sa Sion, pagpapala nawa ng Diyos ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem.
Tayo nawa ay basbasan
ng Poon magpakailanman.
Ang magiging iyong apo, nawa ikaw ay abutin,
nawa’y maging mapayapa itong bayan ng Israel!
Tayo nawa ay basbasan
ng Poon magpakailanman.
IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 2, 9-11
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, alam nating si Hesus, bagamat sandaling panahong pinababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kadakilaan dahil sa kanyang pagkamatay. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, niloob niya na si Hesus ay mamatay para sa ating lahat. Sa pamamagitan ng mga pagtitiis, siya’y pinapaging-ganap ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, upang makapagdala ng marami sa kaluwalhatian. Marapat lamang na gawin niya iyon sapagkat si Hesus ang pinagmumulan ng kanilang kaligtasan.
Si Hesus ang nagpapabanal sa kanila, at iisa ang Ama ng nagpapabanal at ng pinapaging-banal. Kaya’t hindi niya ikinahaying tawagin silang mga kapatid.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
1 Juan 4, 12
Aleluya! Aleluya!
Sa pagmamahalan natin
ang D’yos ay ating kapiling,
pag-ibig n’ya’y lulubusin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 10, 2-16
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may mga Pariseong lumapit kay Hesus. Ibig nilang masilo siya kaya’t kanilang tinanong, “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” Tugon niya, “Ano ang utos sa inyo ni Moises?” Sumagot naman sila, “Ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa matapos bigyan ng kasulatan sa paghihiwalay.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Dahil sa katigasan ng inyong ulo kaya niya inilagda ang utos na ito. Subalit sa pasimula pa, nang likhain ng Diyos ang sanlibutan: ‘Nilalang niya silang lalaki at babae. Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa, at sila’y magiging isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”
Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Hesus tungkol sa bagay na ito. Sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay gumagawa ng masama sa kanyang asawa – siya’y nangangalunya. At ang babaing humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay nangangalunya rin.”
May nagdala ng mga bata kay Hesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay; ngunit pinagwikaan sila ng mga alagad. Nagalit si Hesus nang makita ito, at sinabi sa kanila, “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos. Ito ang tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa mga pinaghaharian niya.” At kinalong ni Hesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at pinagpala sila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya: Maikling Pagbasa
Marcos 10, 2-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may mga Pariseong lumapit kay Hesus. Ibig nilang masilo siya kaya’t kanilang tinanong, “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” Tugon niya, “Ano ang utos sa inyo ni Moises?” Sumagot naman sila, “Ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa matapos bigyan ng kasulatan sa paghihiwalay.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Dahil sa katigasan ng inyong ulo kaya niya inilagda ang utos na ito. Subalit sa pasimula pa, nang likhain ng Diyos ang sanlibutan: ‘Nilalang niya silang lalaki at babae. Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa, at sila’y magiging isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”
Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Hesus tungkol sa bagay na ito. Sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay gumagawa ng masama sa kanyang asawa – siya’y nangangalunya. At ang babaing humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay nangangalunya rin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Sabado, Oktubre 5, 2024
Lunes, Oktubre 7, 2024 »
{ 2 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Sakramento ng Kasal ay isang tipan ng Panginoon kung saan pinag-iisahan ng dibdib ang dalawang tao: lalaki at babae. Ito yung dahilan kung bakit sila ay tinuturing na mga ministro ng Sakramento (hindi ang Pari, ngunit siya’y tinuturing na instrumento upang pagsamahan ng dibdib ang lalaki at babae), samantala ang anyo naman ay ang kanilang isinumpang mga pangako sa harap ng Diyos at ng kanyang Sambayanang Kristiyano.
Makikita natin sa Unang Pagbasa ang hangarin ng Panginoon sa Sakramento ng Kasal na nagsimula pa nang nilalang niya ang mundo at binigyang tungkulin ang lalaki (Adan) at babae (Eva) upang mamuno sa pangangalaga ng mga nilikha niya. Hindi ninais ng Panginoon na mag-isa ang lalaki, kaya’t lumikha siya ng kasamahan nito, at mula sa mga tadyang ni Adan at hiningan ito ay nabuo ang babae. At sabi nga sa pagbasa na ito yung dahilan kung bakit iiwanan ng lalaki ang kanyang mga magulang at magsasama sa kanyang babae sa Kasal, at sila’y magiging isang katauhan bilang bunga ng Sakramentong ito. Kaya ito yung naging tugon ni Hesus sa mga eskriba at Pariseo sa Ebanghelyo sa isyu kung sang-ayon ba siya sa diborsyo.
Sa totoo lang po sa wikang Ingles, magkaiba po yung mga salitang “divorce”, “annulment”, at “separation”. Ang “divorce” ay ang legal na paghihiwalay ng dating mag-asawa dahil sa hinding kanais-nais na mga pangyayari mg isa laban sa isa, at ito’y binibawal sa Simbahan lalung-lalo sa Vatikano na siyang Estado rin. Ngunit ito ay ipinapahintulot sa mga Estado maliban lamang si Pilipinas, kaya lang kamakailan ay may ipinasya nang panukala upang ipahintulot ang diborsyo sa ating bansa. Ang “annulment” na itinuturing dapat na “declaration of nullity of marriage” sapagkat ito’y pagkilala na walang kasal ang ginanap. Samakatuwid matapos ang mainam ng imbestigasyon ng mga “Judicial Vicar” ng bawat Diyosesis at ng mga abugado at hukuman ng mga siyudad/bayan, makikita na wala talagang pagsasama ng dibdib ang ginanap. Ito’y pinapahayag ng Simbahan, at ginawa ng ating kasalukuyang Santo Papa na libre ang pagpapawalang-bisa ng isang Kasalang naganap sa Simbahan mismo. At makikita natin maraming nagpapawalang-bisa ng kanilang kasal hindi lang para mag-asawa muli, kundi mamuhay nang may dalisay na puso at kalooban ayon sa pamantayan ng Panginoon. At ang “separation” naman ay ang sariking paghihiwalay ng mag-asawa, ngunit hindi kinikilala kung napawalang-bisa ang kanilang Kasal o nagdiborsyo ang dalawang esposo. Ito’y pinapahintulot ng Simbahan, ngunit sila’y mag-asawa pa rin sa teknikal na pagtingin. Kaya nga sinabi ni Hesus na sinumang napasailalim sa “divorce”, kasama na ang “separation”, at nagkasal ng ibang babae/lalaki (maliban sa mga taong nagkaroon ng “annulment”) ay nakikiapid. At yung pakikiapid/”adultery” ay labag sa ika-6 na utos ng Panginoon.
Kaya sa kabuuan ay makikita natin na anumang pinagsama ng Diyos sa Sakramento ng Kasal ay hindi dapat paghiwalayin ng sinumang tao. 2 bungang nagdudulot ang Kasal: (1) ang nag-iisang pamumuhay ng dalawang esposo, at (2) ang pagkakaroon ng mga anak ng mga mag-asawang ito. Marahil sasabihin na iba na “Ano ngayon”, “Pagkahiwalay ng Simbahan at Estado”, at “Nag-iiba na ang panahon” dahil wala namang problema sa kanila ang diborsyo, same sex marriage, premarital sex/fornication. Ngunit kailangan talaga ng karamihan sa atin gabayan sa tamang landas kung ano nga ba ang itinuturo sa atin ng Panginoon, lalung lalo kapag ang usapan ay tungkol sa Sakramento ng Kasal. Marahil tingin kasi ng maraming tao sa Kasal ay isang kontrata lamang ng babae at lalaki, ngunit hindi nila nakikita na ito’y isang tipang nilikha ng Panginoon. Kaya paalala din sa atin ngayong Linggo ay ang pagtanggol at paggalang sa dignidad at kasagraduhan ng Sakramento ng Kasal, lalung-lalo na sa mga mag-asawa. At dapat sa karamihan ng mga nagmamahalan ngayon ay kailangang magsuri sa Diyos kung may mabuting bunga ang isang relasyong papasukin nila. Kung sakaling hindi magtagumpay ang isang relasyon lalong-lalo sa buhay pagkatapos ng Kasal, kailangang may “personal discernment” ng 2 magkasama kung ano ba ang tamang gawin upang solusyonan ang mga ganitong problema tungkol sa relasyon.
Ang unang pagbasa at ang ating ebangheyo ngayon ay iisa lamang ang patungkol, ito ay ang pagsasama ng dalawang taong ikinasal.
Sinabi ni Hesus na ang pinagsama ng Diyos ay hindi maaaring paghiwalayin ng tao. Ano ba ang mga dahilan ng paghihiwalayan ng mag asawa? Sapagkat ang mga ugat ng paghihiwalay ang dapat nating alamin at pag aralan upang maiwasan. Halimbawa ang dahilan ay ang pagkakaroon ng third party, walang hiwalayan kung parehas na magiging loyal ang mag asawa at nakatuon sa Diyos ng relasyon nila, isa pang halimbawa ay ang madalas na pag aaway, paano ito maiiwasan na maging dahilan ng hiwalayan? Nararapat na ang isa ay manahimik, ibaba ng pride, magsorry o magpatawad. Sapgakat ang pghihiwalay ay pansariling kasiyahan lamang, hindi iniisip ang mga anak, ang epekto sa buhay ng mga anak. Napakahirap mamumuhay sa isang broken family. Magulo. Hanggat kayang iwasan ang tukso ay iwasan, Hanggat kayang magtiis sa nakuhang asawa ay magtiis, Hanggat kaya mong ibaba ang pride mo at kaya mong magpatawad aya gawin mo.