Sabado, Oktubre 5, 2024

October 5, 2024

Sabado ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

o kaya Paggunita kay Santa Maria Faustina Kowalska

Job 42, 1-3. 5-6. 12-16
Salmo 118, 66. 71. 75. 91. 125. 130

Tumanglaw ka sa lingkod mo
at pagpalain mo ako.

Lucas 10, 17-24


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Saturday of the Twenty-sixth Week in Ordinary Time (Green)

or Optional Memorial of St. Maria Faustina Kowalska, Virgin (White)

UNANG PAGBASA
Job 42, 1-3. 5-6. 12-16

Pagbasa mula sa aklat ni Job

Ang sagot ni Job sa Panginoon:
“Alam kong magagawa mo ang lahat ng bagay,
anumang balakin mo’y walang makahahadlang.
‘Sinong nagsasalita nang walang nalalaman?’
Kaya ako ay humatol nang walang katuturan,
na hindi ko alam ang lahat ng mga bagay.
Nakilala kita sa balita lamang,
ngunit ngayo’y akin nang namasdan.
Kaya ako’y nagsisisi nang buong taimtim.
At ang sarili ko’y aking itinatakwil.”

Ang mga huling araw ni Job ay higit na pinagpala ng Panginoon. Binigyan niya ito ng labing apat na libong tupa, anim na libong kamelyo, dalawanlibong baka at sanlibong inahing asno. Nagkaanak pa si Job ng pitong lalaki at tatlong babae, na ang mga pangala’y Jemima, Kesia, Keren-hapuc. Sa buong lupain ay wala silang katulad sa ganda. Pinamanahan din niya sila, tulad ng mga anak na lalaki. Si Job ay nabuhay pa nang sandaa’t apatnapung taon. Nakabuhayan pa niya ang kanyang mga apo sa ikaapat na salinlahi bago siya namatay.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 66. 71. 75. 91. 125. 130

Tumanglaw ka sa lingkod mo
at pagpalain mo ako.

Ako’y bigyan mo ng dunong, ng tunay na karunungan,
yamang ako’y nagtiwala sa utos mong ibinigay.

Tumanglaw ka sa lingkod mo
at pagpalain mo ako.

Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot,
pagkat aking naunawang mahalaga ang ‘yong utos.

Tumanglaw ka sa lingkod mo
at pagpalain mo ako.

Nababatid ko, O Poon, matuwid ang iyong batas,
kahit ako’y pagdusahin, nananatili kang tapat.

Tumanglaw ka sa lingkod mo
at pagpalain mo ako.

Hanggang ngayon ay matatag, pagkat ikaw ang nag-utos,
alipin mo silang lahat sa iyo’y naglilingkod.

Tumanglaw ka sa lingkod mo
at pagpalain mo ako.

Bigyan mo ng pang-unawa itong iyong abang lingkod,
upang aking maunawa ang aral mo’t mga utos.

Tumanglaw ka sa lingkod mo
at pagpalain mo ako.

Ang liwanag ng turo mo’y nagsisilbing isang tanglaw,
nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan.

Tumanglaw ka sa lingkod mo
at pagpalain mo ako.

ALELUYA
Mateo 11, 25

Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 10, 17-24

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, bumalik na tuwang-tuwa ang pitumpu’t dalawa. “Panginoon,” sabi nila, “kahit po ang mga demonyo ay sumusunod kapag inutusan namin, sa ngalan ninyo.” Sumagot si Hesus, “Nakita ko ang pagkahulog ni Satanas mula sa langit – parang kidlat. Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tumapak sa mga ahas at mga alakdan, at yumurak sa kapangyarihan ng kaaway. Walang makapipinsala sa inyo. Gayunman, magalak kayo, hindi dahil sa suko sa inyo ang masasamang espiritu kundi dahil sa nakatala sa langit ang pangalan ninyo.”

Nang oras ding iyon, si Hesus ay napuspos ng galak ng Espiritu Santo. At sinabi niya, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at pantas ang mga bagay na ito at inihayag mo sa mga taong ang kalooba’y tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayun ang ikinalulugod mo.”

“Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.”

Humarap si Hesus sa mga alagad at sinabi, na di naririnig ng iba: “Mapalad kayo, sapagkat nakita ninyo ang inyong nakikita ngayon! Sinasabi ko sa inyo maraming propeta at mga hari ang nagnasang makakita ng inyong nakikita ngunit hindi nila nakita. Hinangad din nilang mapakinggan ang inyong naririnig ngunit hindi nila napakinggan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

ANSELMARIE October 6, 2018 at 4:57 am

Ang “galak” ng mga alagad ay naging sapagkat ito ay kanilang ibinalik sa siyang tunay na bukal ng galak, si Hesus. Hindi nila ito ipinagdamutan, ibinahagi nila ito sa kay Hesus at sa iba pang alagad naroroon kasama nila. A shared Joy is much greater and complete when it is shared with others.

Reply

Reynald Perez October 6, 2018 at 7:03 am

MAGANDANG BALITA NGAYON – SABADO NG IKA-26 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

LUKAS 10:17-24 Noong panahong iyon, bumalik na tuwang-tuwa ang pitumpu’t dalawa. “Panginoon,” sabi nila, “kahit po ang mga demonyo ay sumusunod kapag inutusan namin, sa ngalan ninyo.”

Nang oras ding iyon, si Hesus ay napuspos ng galak ng Espiritu Santo. At sinabi niya, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo pa marurunong at pantas ang mga bagay na ito at inihayag sa mga taong ang kalooba’y tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayun ang ikinalulugod mo.”

Humarap si Hesus sa mga alagad at sinabi na di naririnig ng iba, “Mapalad kayo, sapagkat nakita ninyo ang inyong nakikita ngayon! Sinasabi ko sa inyo maraming propeta at mga hari ang nagnasang makakita ng inyong nakikita ngunit hindi nila nakita. Hinangad din nilang mapakinggan ang inyong naririnig ngunit hindi nila napakinggan.”

MAGNILAY: Maaari tayong linlangin ng sarili nating talino at galing. Maaari nating isiping atin ito at magsimulang magmataas at magmagaling. Ang sobrang bilib sa sarili ang ugat ng marami nating problema. Ito ang pumapatay ng pananampalataya sa Diyos. Mag-ingat tayo upang manatiling bata ang kalooban sa kabila ng ating mga tagumpay. Manatili tayong umaasa sa kanya hindi sa ating sarili. Siya pa rin ang dahilan ng lahat nating tagumpay hindi ang sarili nating galing.

MANALANGIN: Panginoon, iligtas mo ako sa kayabangan na magpapabagsak sa akin.

GAWIN: Sa lahat mong gagawin magsimula at magwakas sa panalangin.

Reply

Reynald Perez October 2, 2020 at 11:55 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ngayon ay ang katapusan ng mga paghihirap ni Job. Alam natin na dumanas siya ng maraming pagsubok sa kanyang buhay dahil kay Satanas, subalit siya’y nagtiis at nagtiwala sa Panginoon na malalagpasan niya ang bawat dagok na dumating sa kanyang buhay. At makikita natin dito ang lubos niyang paghingi ng tawad sa Diyos sa mga pagkakataong sinumbatan niya ito. Dahil dito, pinagpala siya ng Panginoong Diyos ng mga hayop, lupain, at mga anak. Marahil tayong lahat ay dumadanas ng mga iba’t ibang paghihirap at pagdurusa sa buhay. Subalit kung tayo ay magtitiwala sa Diyos at patuloy na gagawa ng kabutihan, makakamtan natin ang tunay na kaligayahan na siyang ating kakamtin sa buhay na walang hanggan sa kalangitan.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang pagbabalik ng 72 alagad kay Hesus matapos ang kanilang misyon ng pagpapahayag ng Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos. Nakita natin kung paano nilang iniulat ang kanilang mga ginawa sa mga bayan at nayon ng Israel. Kaya sinasabi ng Panginoong Hesukristo na nakita niyang nahulog si Satanas mula sa langit. Ito’y nagbabalik sa panahong si Satanas ay binagsak mula sa langit papunta sa ilalim ng lupa dahil sa kasaaman nito. At tila sinasabi ni Hesus na ang bawat kabutihang ginagawa ay nagsisilbing tagumpay laban sa mga masasamang hangarin sa buhay. Kaya sinabi rin ni Kristo na ang pangalan ng mga alagad ay nakaukit na sa langit. Pinuri rin niya ang Diyos Ama sa mga misteryo na ipinakita sa mga mapagkumbaba. Makikita natin dito na sa bawat katapusan ng misyon, kailangan nating magpahinga upang magpalakas. At para kay Hesus, ang kanyang sikreto ng lakas ay ang panalangin. Ito ang kanyang pakikipag-usap sa Ama upang sundin at gawin ang dakilang kalooban. Nawa ito rin ang ating disposisyon sa bawat misyon natin bilang mga Kristiyano.

Reply

Ghie Ballera October 3, 2020 at 8:47 am

Papuri sa Diyos sa kaitaasan!
Si Job ang patunay ng Panginoon na kung tayo ay magpapakumbaba sa harap ng Diyos at hihingi ng kapatawaran sa kabila ng mga paghihirap at pagsubok na ating dinaranas pagpapalain tayo ng Diyos in HIS time. Samantala, sa mabuting balita. Mapalad ang mga taong naniniwala at pananampalataya kahit hindi natin nakikita si Hesus. ang mga ganitong bagay ay biyayang mula sa Diyos. At maging maingat din tayo sapagkat madalas kapag tayo ay na-ooverwhelm tayo ay nakakalimot. Lagi lang nating isasapuso na lagi tayong umasa sa Diyos at SIya ang ating kalakasan. Amen.
To God be all the glory!
Jesus we trust in You!

Reply

Aimee October 3, 2020 at 2:27 pm

Diyos lamang ang tunay na nakakakilala sa atin. Kung kaya’t sa pagkakataaong tayo’y Kanyang pagkatiwalaan, huwag natin itong angkinin. Sa halip, isa puso’t isip na ang lahat ng mayroon tayo, lahat ng ating kakayahan, kaalaman, ariarian ay mula sa Diyos na sa ati’y kanyang pinagkatiwala.

Nakakalungkot, sa panahon natin ngayon, marami sa atin na kapangyarihan lamang ang hinahangad.

Naway magkaisa tayo sa pagpapatibay ng ating pananalig sa Diyos, at pagkalinga sa mga taong nanghihina ang kaluluwa. Naway patuloy tayo sa pagunawa at pagkupkop sa mga taong nawawalan ng pag-asa. Huwag natin limutin bilang mga kawal ng Diyos ang tunay nating misyon.
Thank you, Jesus! AMEN.
To God always the Glory! AMEN.
Jesus, I Trust in You!

Reply

Flor October 21, 2020 at 11:01 pm

Panginoon Gawin Po Ninyo Kaming Tulad Ni Job Maging Matapang Sa Hamon Ng Buhay, Sapagkat Tulad Po Ngaun Nakakaranas Kami Ng Pighati At Mabigat Na Suliranin Sa Aming Pamilya, Kayo Na Po Ang Bahala Sa Amin Nawa`y Maghimala Sa Amin Panginoon, Hinding Hindi Kami Mawawalay Sa Iyo Panginoon Patuloy Po Kaming Mananampalata At Pagpupuri NazikawcLamang Ang Diyo Na Buhay Ngaun At Magpakailaman. Amen

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: