Podcast: Download (Duration: 6:44 — 8.6MB)
Paggunita kay San Francisco de Asis
Job 38, 1. 12-21; 40, 3-5
Salmo 138, 1-3. 7-8. 9-10. 13-14ab
Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.
Lucas 10, 13-16
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Memorial of St. Francis of Assisi (White)
Mga Pagbasa mula sa
Biyernes ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
Job 38, 1. 12-21; 40, 3-5
Pagbasa mula sa aklat ni Job
Sa gitna ng nag-aalimpuyong bagyo, ganito ang sinabi ng Diyos kay Job:
“Job, nakalikha ka ba kahit isang bukang liwayway?
Ang daigdig ba ay iyong naigawa ng tanglaw,
upang ang masasama’y mabulabog sa taguan?
Dahil sa sikat ng araw ay nagliwanag ang lahat,
parang damit na inayos, ngayon ay nakahayag.
Sa liwanag ng araw natatakot ang masama,
pagkat ang karahasa’y hindi nila magagawa.”
“Napunta ka na ba sa pinagmumulan ng bukal?
Nakalakad ka na ba sa pusod ng karagatan?
May nakapagturo na ba sa iyo sa pintuan
na ang hantungan ay madilim na hukay?
Nalalaman mo ba ang sukat nitong mundo?
Kung may nalalaman ka, lahat ay sabihin mo.
“Alam mo ba kung saan nanggagaling ang liwanag,
o ang kadiliman, kung saan nagbubuhat?
Masasabi mo ba kung saan sila dapat bumangga,
o sa pinanggalingan kaya’y mapababalik mo sila?
Ikaw ay matanda na baka nga iyong kaya,
pagkat nang likhain ang daigdig, ikaw ay bata na.”
Ang sagot ni Job:
“Narito, ako’y hamak, walang kabuluhan,
wala akong isasagot, bibig ay tatakpan.
Sa panig ko’y nasabi na ang lahat ng sasabihin,
ako’y di na kikibo, nasabi’y di na uulitin.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 138, 1-3. 7-8. 9-10. 13-14ab
Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.
Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
Ako’y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko’y pawang iyong nalalaman.
Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.
Saan ako magpupunta, upang ako’y makatakas?
Sa Banal mong Espiritu’y hindi ako makaiwas.
Kung langit ang puntahan ko, pihong ika’y naroroon,
sa Sheol ay naroon ka kung do’n ako manganganlong.
Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.
Kung ako ay makalipad, umiwas na pasilangan,
o kaya ang tirahan ko’y ang duluhan ng kanluran;
pihong ikaw ay naroon, upang ako’y pangunahan,
matatagpo kita roon upang ako ay tulungan.
Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.
Ang anumang aking sangkap, ikaw O Diyos ang lumikha,
sa tiyan ng aking ina’y hinugis mo akong bata.
Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay.
Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.
ALELUYA
Salmo 94, 8ab
Aleluya! Aleluya!
Dinggin ninyong lahat ngayon
ang tinig ng Panginoon
sa loob na mahinahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 10, 13-16
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon sinabi ni Hesus, “Kawawa ka, Corazin! Kawawa ka, Betsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga kababalaghang ginawa rito sa inyo, disin sana’y malaon na silang nagdaramit ng sako at nauupo sa abo upang ipakilalang sila’y nagsisisi. Sa Araw ng Paghuhukom, higit na mabigat ang kaparusahan ninyo kaysa kaparusahan ng mga taga-Tiro at taga-Sidon. At ikaw, Capernaum,
Ibig mong mataas hanggang sa langit?
Ibabagsak ka sa Hades!
“Ang nakikinig sa inyo’y nakikinig sa akin, ang nagtatakwil sa inyo’y nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Huwebes, Oktubre 3, 2024
Sabado, Oktubre 5, 2024 »
{ 4 comments… read them below or add one }
Sa buhay ng TAO sadyang Kay rupok, lalot pagdumating ang trahedya na hindi inaasahan.. Tayo’y nanghihina at nawalan ng pag-asa. Subalit sa ebanghelyong ating napakinggan o nababasa.. Ang DIOS ay nagpaalala, nagbigay ng minsahi upang lumakas ang ating pananampalataya at magtiwala sa DIOS na may likha ng lahat.. Naging kawawa ang TAO kung Hindi talikdan ang mga gawang lihis at sa halip na magbagong buhay nagpatuloy sa baluktot na pamamaraan. Mga kapatid kong minamahal inanyayahan tayo ng DIOS natalikdan ang marumi nating pamumuhay. Magsisi at pakinggan ang tinig ng Panginoon. Talikdan ang mga maling pamumuhay, MAGBALIK loob at pakinggan ang tinig ng DIOS na nagdulot ng katiwasayan, kapayapaan at magdala sa atin sa buhay na walang hanggan. Kaya humayo tayo at ipahayag ang mabuting balita ng PANGINOON.. SAPAGKAT ANG SABI NI JESUS ANG MGA MAKIKINIG SA ATING INIHAYAG AY NAKIKINIG RIN KAY HESUS. NGUNIT KUNG TAYO’Y ITAKWIL NINU MAN AY ITINAKWIL DIN NILA SI JESUS AT GANUN DIN ANG NAGSUGO SA KANYA AT WALANG IBA KUNDI ANG AMANG NASA LANGIT.KAYA PATULOY NATING IDULOG SA DIOS ANG LAHAT NATING MGA PLANO AT GAWAIN UPANG PATNUBAYAN TAYO AT HIPUIN ANG MGA PUSO NG MGA NAKARINIG NA NGA MABUTING BALITA NG KALIGTASAN. UPANG MAKAMTAN ANG BUHAY NA WALANG HANGGAN..
MANALANGIN TAYO:
PANGINOONG HESUS MARAMING SALAMAT SA MGA MINSAHI MO ARAW2. NAWA PAGPALAIN MO ANG AMING PAKIKINIG AT PAGBABASA. UPANG LUBOS NAMING MAUNAWAAN ITO AT MAISABUHAY. HIGIT SA LAHAT ITAKWIL ANG MGA GAWANG LIHIS SA IYONG PANINGIN. MAHIRAP MAN GAWIN NGUNIT NANALIG KAMI’Y KASIHAN MO ITO NG HIMALA AT PAGPAPALA UPANG MAKAMTAN ANG BUHAY NA WALANG HANGGAN. SAMAHAN MO PO KAMI MAHAL NA PANGINOONG HESUS AT ILIGTAS SA PAKANA NG DIABLO.. MAMA MARY PANALANGIN MO PO KAMING MGA MAKASALANAN NGAYON AT KUNG KAMI’Y MAMAMATAY AMEN..
Pinupuri ka namin Panginoon Hesukristo!
PAGNINILAY:
Sa araw na ito ginugunita ng ating Simbahan si San Francisco ng Asisi.
Sa Ebanghelyo, ito ay isang panawagan ng Diyos ng isang pagpapanibago ng buhay at pagbabalik-loob bago sapitin ang Hades o ang kapahamakan ng ating kaluluwa sa naglalagablab na apoy sa impierno. Ang pagbasa ay angkop sa paggunita natin kay San Francisco ng Asisi. Bagaman, siya ay nagmula sa isang angkan na mayamang pamilya, at lumaki na nasusunod ang layaw sa isang marangyang pamumuhay, sa isang bahagi ng kanyang buhay ay tinawag siya ng Panginoon sa isang ekstra-ordinaryong pamamaraan na nagpanibago sa lahat ng aspeto ng kanyang buhay.
Magmula noon si San Francisco, ay naging kilala bilang maibigin sa mga dukha, dinamitan niya ang kanyang sarili sa simpleng kasuutan. Siya ang nagtatag sa isa sa pinakatanyag na Orden na kilala na Order of the Friars Minor (OFM) na kumakalinga sa mga mahihirap, kalikasan at sa mga hayop. Bilang pakikipag-isa niya sa paghihirap ng Panginoong Hesukristo nagkaroon siya ng Stigmata mga sugat sa katawan ng dalawang taon. Namatay siya sa edad na 44 na base sa nakatala sa tradisyon, bago siya binawian ng buhay sa habilin niya, ang katawan ay inihimlay sa hubad na lupa bilang pakiki-isa niya sa paglikha ng kalikasan habang nanalangin ng Salmo 142. Pagkatapos lamang ng dalawang taon siya naging santo sa pamamagitan ni Papa Gregorio IX.
Mga kapatid katulad ng napakinggan natin sa Mabuting Balita sa araw ito, nawa’y magkaroon tayo ng pusong laging handang tumugon sa panawagan ng Diyos na magbalik-loob sa Kanya, katulad ng radikal na pagtugon ni San Francisco ng Asisi na tinalikuran ang lahat, at inialay ang buhay Niya sa Diyos. Maari natin ito simulan sa isang simpleng pamumuhay, na may malaking pag-ibig sa Simbahan ng Diyos, at ng mga dukha at ang pusong handang makipagisa sa kalikasan at ang ng paglikha. Amen!
PAGNINILAY: Sa kasaysayan ng Bibliya, ipinapakita ng Diyos ang kanyang sarili sa bayan kanyang tinawag at kinilala bilang kanyang bayan sa pamamagitan ng tipan. Ngunit sa kabila ng kanyang pagmamalas ng kadakilaaan at kagandahang-loob, pinili pa rin ng tao na magkasala at sumuway sa Diyos. Mas malupit ang pagkakasala ng mga pari, prinsipe, at hari ng Juda, at isang hari ay nakipagkasunduan pa sa Hari ng Babilonia. Dahil dito, sinalakay ng mga taga-Babilonia ang Jerusalem, at pinatay ang mga pinuno at kawal, ngunit ang mga natira sa mga ordinaryong mamamayan ay dinala sa Babilonia.
Narinig natin sa Unang Pagbasa ang tugon ng Diyos sa nagdurusang Job, na nawala sa kanya ang kanyang pamilya at mga ari-arian. Ipinaalala ng Panginoon sa kanya ang panahon ng sangnilikha noong kasi-simula pa ng panahon. Ang tanda ng pinagmumulan ng mga bagay sa mundo ay sa Diyos na nagsasalita. Kaya ang naging tugon ni Job ay ang pagtikom ng kanyang bibig at ang pagpapasya sa dakilang presensiya ng Panginoon. Sa kabila ng kanyang paghihirap, patuloy ang pagtitiwala ni Job sa Diyos na may kontrol sa mga pangyayari ng buhay.
Sa simula ng kanyang pangnagaral, pinahayag ni Hesus na naghahari na ang Diyos, kaya’t sila ay dapat nang magsisi at sumampalataya sa Mabuting Balita. Bagamat marami ang nakikilala kay Hesus at ang kanyang mga pangangaral at kababalaghan, tila hindi lahat ay tumatanggap sa kanya at ang mensahe tungkol sa Diyos Ama. Ang Ebanghelyo ngayon ay ang hinanakit ni Hesus sa mga bayan at lungsod na hindi kumikibo nang marinig nila ang pangangaral ni Kristo at masaksihan ang mga kababalaghan niya. Una ay ang Corazin at Betsaida. Ang Betsaida ay kilalang pinagmulang bayan nina San Pedro, San Andres, at San Felipe, ngunit ito rin pala ang bayang ayaw kumilos agad na magbagong-buhay. Parang wala silang natuto sa pagkakataong tinawag ni Hesus ang 3 nilang kababayan upang maging alagad niya. Naglabas din ng hinanakit si Hesus sa bayan ng Capernaum, ang kanyang ikalawang tahanan nang magsimula na ang kanyang Pampublikong Ministeryo. Sa Capernaum madalas gumawa si Kristo ng mga kababalaghan, subalit parang hindi talaga natuto ang mga tao sa dami nang mga tanda na ipinakita ng Panginoon sa bayan nila. Kaya sinabi ng Panginoon na matinding parusa ang nakahintay para sa kanila.
Ang mga Pagbasa natin ngayon ay nagpapakita na matuwid at makatarungan ang Diyos sa kanyang paghuhukom. Kahit alam natin na siya ay mabuti, maawaain, mahabagin, mapagtiis, at banayad pa nga kung magalit, hindi niya papalampasin ang laganap na malalang kasamaan ng isang indibidwal o grupo. Kaya sinasabi ng ating bersikulo sa Aleluya: “Dinggin ninyong lahat ngayon ang tinig ng Panginoon sa loob na mahinahon” (Salmo 94:8ab). Huwag na tayong magtakpan pa ng mga tainga at magpahiga pa ng mga paa, kundi kumilos na po tayo at isabuhay ang mga gawain at pahayag ng ating Panginoon. Ang kanyang pagiging Diyos ay paalala nawa na ang nais niya sa ating lahat ay mabuting kapakanan, kahit tayo pa man ay dumadanas ng matinding kahirapan. Kung tayo’y magiging mapagkumbaba sa pakikinig sa kanya at pagkikilala sa pamamagitan ng pananampalataya, nawa’y maging makabuluhan ang ating mga gawaing ito sa pagiging mga kasangkapan niya ng kagandahang-loob.
PAGNINILAY:
Sa araw na ito ginugunita ng ating Simbahan si San Francisco ng Asisi.
Sa Ebanghelyo, ito ay isang panawagan ng Diyos ng isang pagpapanibago ng buhay at pagbabalik-loob bago sapitin ang Hades o ang kapahamakan ng ating kaluluwa sa naglalagablab na apoy sa impierno. Ang pagbasa ay angkop sa paggunita natin kay San Francisco ng Asisi. Bagaman, siya ay nagmula sa isang angkan na mayamang pamilya, at lumaki na nasusunod ang layaw sa isang marangyang pamumuhay, sa isang bahagi ng kanyang buhay ay tinawag siya ng Panginoon sa isang ekstra-ordinaryong pamamaraan na nagpanibago sa lahat ng aspeto ng kanyang buhay.
Magmula noon si San Francisco, ay naging kilala bilang maibigin sa mga dukha, dinamitan niya ang kanyang sarili sa simpleng kasuutan. Siya ang nagtatag sa isa sa pinakatanyag na Orden na kilala na Order of the Friars Minor (OFM) na kumakalinga sa mga mahihirap, kalikasan at sa mga hayop. Bilang pakikipag-isa niya sa paghihirap ng Panginoong Hesukristo nagkaroon siya ng Stigmata mga sugat sa katawan ng dalawang taon. Namatay siya sa edad na 44 na base sa nakatala sa tradisyon, bago siya binawian ng buhay sa habilin niya, ang katawan ay inihimlay sa hubad na lupa bilang pakiki-isa niya sa paglikha ng kalikasan habang nanalangin ng Salmo 142. Pagkatapos lamang ng dalawang taon siya naging santo sa pamamagitan ni Papa Gregorio IX.
Mga kapatid katulad ng napakinggan natin sa Mabuting Balita sa araw ito, nawa’y magkaroon tayo ng pusong laging handang tumugon sa panawagan ng Diyos na magbalik-loob sa Kanya, katulad ng radikal na pagtugon ni San Francisco ng Asisi na tinalikuran ang lahat, at inialay ang buhay Niya sa Diyos. Maari natin ito simulan sa isang simpleng pamumuhay, na may malaking pag-ibig sa Simbahan ng Diyos, at ng mga dukha at ang pusong handang makipagisa sa kalikasan at ang ng paglikha. Amen!