Podcast: Download (Duration: 6:36 — 4.9MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Patnubay sa Misa
Batay sa mga aral ng mga pagbasa ngayon na pahalagahan ang kabanalan ng kasal at ang kahalagahan nito sa balak ng Diyos, manalangin tayo ngayon para sa lahat ng pamilya sa buong daigdig:
Panginoon, dinggin Mo kami!
Nawa’y ang Simbahang Katolika, sa pamumuno ng Santo Papa at mga Obispo, ay matagumpay na maitaguyod ang kaisahan at katatagan ng mga pamilya. Manalangin tayo!
Nawa’y pahalagahan ng lahat ng Katoliko ang kabanalan ng kasal at ipagtanggol ito laban sa lahat ng pagbatikos at pag-uusig. Manalangin tayo!
Nawa’y ang mga mag-asawang dumaranas ng krisis sa kanilang samahan ay makatagpo ng lakas para mapagtagumpayan ang mga problema sa pamamagitan ng dasal at pagmamalasakit sa kanilang mga anak. Manalangin tayo!
Nawa’y pahalagahan ng lahat ng guro ang bokasyon na kaloob sa kanila ng Diyos at magturo sila nang may pagmamahal. Manalangin tayo!
Nawa’y maisabuhay natin ang ating pinaniniwalaan bilang mga Kristiyano at maihanay ang ating buhay ayon sa mga katotohanan ng ating pananampalataya. Manalangin tayo!
Nawa’y maipagtaguyod nating lahat ang estilo sinodal sa ating pamumuhay, sa pananagutan sa isa’t isa, upang mapalaganap ang kaisahan, diwa ng pakikisalamuha at pakikiisa sa misyon ng Simbahan ng lahat mga mga pari, relihiyoso, at laiko. Manalangin tayo!
Panginoong Diyos, sa Iyong plano para sa sangkatauhan, ibig Mo na ang bawat pamilya ay maging isang sakramento ng Iyong mabungang pagmamahal. Pagkalooban Mo ang lahat ng pamilya ng kasaganaan ng Iyong biyaya at kasiyahan ng Iyong presensiya. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen!
Pages: 1 2
« Sabado, Oktubre 5, 2024
Lunes, Oktubre 7, 2024 »




{ 3 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Sakramento ng Kasal ay isang tipan ng Panginoon kung saan pinag-iisahan ng dibdib ang dalawang tao: lalaki at babae. Ito yung dahilan kung bakit sila ay tinuturing na mga ministro ng Sakramento (hindi ang Pari, ngunit siya’y tinuturing na instrumento upang pagsamahan ng dibdib ang lalaki at babae), samantala ang anyo naman ay ang kanilang isinumpang mga pangako sa harap ng Diyos at ng kanyang Sambayanang Kristiyano.
Makikita natin sa Unang Pagbasa ang hangarin ng Panginoon sa Sakramento ng Kasal na nagsimula pa nang nilalang niya ang mundo at binigyang tungkulin ang lalaki (Adan) at babae (Eva) upang mamuno sa pangangalaga ng mga nilikha niya. Hindi ninais ng Panginoon na mag-isa ang lalaki, kaya’t lumikha siya ng kasamahan nito, at mula sa mga tadyang ni Adan at hiningan ito ay nabuo ang babae. At sabi nga sa pagbasa na ito yung dahilan kung bakit iiwanan ng lalaki ang kanyang mga magulang at magsasama sa kanyang babae sa Kasal, at sila’y magiging isang katauhan bilang bunga ng Sakramentong ito. Kaya ito yung naging tugon ni Hesus sa mga eskriba at Pariseo sa Ebanghelyo sa isyu kung sang-ayon ba siya sa diborsyo.
Sa totoo lang po sa wikang Ingles, magkaiba po yung mga salitang “divorce”, “annulment”, at “separation”. Ang “divorce” ay ang legal na paghihiwalay ng dating mag-asawa dahil sa hinding kanais-nais na mga pangyayari mg isa laban sa isa, at ito’y binibawal sa Simbahan lalung-lalo sa Vatikano na siyang Estado rin. Ngunit ito ay ipinapahintulot sa mga Estado maliban lamang si Pilipinas, kaya lang kamakailan ay may ipinasya nang panukala upang ipahintulot ang diborsyo sa ating bansa. Ang “annulment” na itinuturing dapat na “declaration of nullity of marriage” sapagkat ito’y pagkilala na walang kasal ang ginanap. Samakatuwid matapos ang mainam ng imbestigasyon ng mga “Judicial Vicar” ng bawat Diyosesis at ng mga abugado at hukuman ng mga siyudad/bayan, makikita na wala talagang pagsasama ng dibdib ang ginanap. Ito’y pinapahayag ng Simbahan, at ginawa ng ating kasalukuyang Santo Papa na libre ang pagpapawalang-bisa ng isang Kasalang naganap sa Simbahan mismo. At makikita natin maraming nagpapawalang-bisa ng kanilang kasal hindi lang para mag-asawa muli, kundi mamuhay nang may dalisay na puso at kalooban ayon sa pamantayan ng Panginoon. At ang “separation” naman ay ang sariking paghihiwalay ng mag-asawa, ngunit hindi kinikilala kung napawalang-bisa ang kanilang Kasal o nagdiborsyo ang dalawang esposo. Ito’y pinapahintulot ng Simbahan, ngunit sila’y mag-asawa pa rin sa teknikal na pagtingin. Kaya nga sinabi ni Hesus na sinumang napasailalim sa “divorce”, kasama na ang “separation”, at nagkasal ng ibang babae/lalaki (maliban sa mga taong nagkaroon ng “annulment”) ay nakikiapid. At yung pakikiapid/”adultery” ay labag sa ika-6 na utos ng Panginoon.
Kaya sa kabuuan ay makikita natin na anumang pinagsama ng Diyos sa Sakramento ng Kasal ay hindi dapat paghiwalayin ng sinumang tao. 2 bungang nagdudulot ang Kasal: (1) ang nag-iisang pamumuhay ng dalawang esposo, at (2) ang pagkakaroon ng mga anak ng mga mag-asawang ito. Marahil sasabihin na iba na “Ano ngayon”, “Pagkahiwalay ng Simbahan at Estado”, at “Nag-iiba na ang panahon” dahil wala namang problema sa kanila ang diborsyo, same sex marriage, premarital sex/fornication. Ngunit kailangan talaga ng karamihan sa atin gabayan sa tamang landas kung ano nga ba ang itinuturo sa atin ng Panginoon, lalung lalo kapag ang usapan ay tungkol sa Sakramento ng Kasal. Marahil tingin kasi ng maraming tao sa Kasal ay isang kontrata lamang ng babae at lalaki, ngunit hindi nila nakikita na ito’y isang tipang nilikha ng Panginoon. Kaya paalala din sa atin ngayong Linggo ay ang pagtanggol at paggalang sa dignidad at kasagraduhan ng Sakramento ng Kasal, lalung-lalo na sa mga mag-asawa. At dapat sa karamihan ng mga nagmamahalan ngayon ay kailangang magsuri sa Diyos kung may mabuting bunga ang isang relasyong papasukin nila. Kung sakaling hindi magtagumpay ang isang relasyon lalong-lalo sa buhay pagkatapos ng Kasal, kailangang may “personal discernment” ng 2 magkasama kung ano ba ang tamang gawin upang solusyonan ang mga ganitong problema tungkol sa relasyon.
Ang unang pagbasa at ang ating ebangheyo ngayon ay iisa lamang ang patungkol, ito ay ang pagsasama ng dalawang taong ikinasal.
Sinabi ni Hesus na ang pinagsama ng Diyos ay hindi maaaring paghiwalayin ng tao. Ano ba ang mga dahilan ng paghihiwalayan ng mag asawa? Sapagkat ang mga ugat ng paghihiwalay ang dapat nating alamin at pag aralan upang maiwasan. Halimbawa ang dahilan ay ang pagkakaroon ng third party, walang hiwalayan kung parehas na magiging loyal ang mag asawa at nakatuon sa Diyos ng relasyon nila, isa pang halimbawa ay ang madalas na pag aaway, paano ito maiiwasan na maging dahilan ng hiwalayan? Nararapat na ang isa ay manahimik, ibaba ng pride, magsorry o magpatawad. Sapgakat ang pghihiwalay ay pansariling kasiyahan lamang, hindi iniisip ang mga anak, ang epekto sa buhay ng mga anak. Napakahirap mamumuhay sa isang broken family. Magulo. Hanggat kayang iwasan ang tukso ay iwasan, Hanggat kayang magtiis sa nakuhang asawa ay magtiis, Hanggat kaya mong ibaba ang pride mo at kaya mong magpatawad aya gawin mo.
Ang mga pagbasa ngayon ay pinatutungkulan sa paglikha, koneksyon, at relasyon. Sa Unang Pagbasa ito ay kwento ng paglikha na kung saan sa pasimula palang ay may inilatag ng batas ang Diyos tungkol sa Kanyang mga nilikha na hanggang magpahanggang sa panahon ni Hesus lalo pa ito pinagtibay habang sinasagot Niya ang katanungan ng mga Pariseo. Sinasabi na sa kadahilanan ng katigasan ng puso ng mga tao may mga batas na nalalabag kumpara sa orihinal na plano ng Diyos.
Sa sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa ipinapakita ng Panginoong Tagapagligtas sa mga iniligtas Niya ang malalim Niyang koneksyon sa mga tao na humantong pa sa pagaalay ng buhay Niya sa krus na sinasabi na “Hindi Niyang ikinahiya na tawagin tayong mga kapatid”. Makikita sa pagbasa ang malalim na koneksyon ni Hesus sa Kanyang mga nilikha “Walang makakapaghiwalay sa Diyos sa tao”. Sa kabila ng ating patuloy na paglabag ay walang sawang nililingap tayo ng Diyos sa pamamagitan ng pagsusugo ng Kanyang bugtong na Anak na si Hesukristo.
Sa Ebanghelyo, sa kasagutan ng Panginoong Hesus sa katanungan ng mga Pariseo pinaalalahanan tayong lahat na sa paglikha pa lamang ang kasagraduhan ng Sakramento ng kasal ay inilatag na ang batas ng “Na ang pinag-isang dibdib ng Diyos ay kailanman hindi pwede paghihiwalayin ng tao”. Nandoon na sa paglikha pa lamang kay Adan at Eba ang pagiisa ng laman “Nilikha na silang lalaki at babae” at ito ang dahilan kung bakit iiwanan ng lalaki ang kanyang ama at Ina at sila ay magsasama ng kanyang asawa bilang isa.
Sa panghuli, sa kahit anong relasyon, hinihimok tayo ng mga pagbasa na ilagay ang Diyos sa gitna at dapat lagi nating makita ang paglikha sa ating mga nilalang , at ang koneksyon natin sa isa’t isa at sa Diyos upang mabuo natin ang isang malusog na relasyon na siyang orihinal na plano ng Diyos sa sangkinapal.