Lunes, Setyembre 30, 2024

September 30, 2024

Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan

Job 1, 6-22
Salmo 16, 1. 2-3. 6-7

Daing ko’y ‘yong dinirinig
tuwing ako’y humihibik.

Lucas 9, 46-50


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Jerome, Priest and Doctor of the Church (White)

Mga Pagbasa mula sa
Lunes ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

UNANG PAGBASA
Job 1, 6-22

Pagbasa mula sa aklat ni Job

Dumating ang panahon na ang mga anghel ng Diyos ay humarap sa Panginoon, at kasama si Satanas. Tinanong ito ng Panginoon, “Ano ang gawain mo ngayon?”

“Nagpaparoo’t parito sa lahat ng sulok ng daigdig,” sagot ni Satanas.

“Napansin mo ba ang lingkod kong si Job?” tanong uli ng Panginoon. “Wala siyang katulad sa dagidig. Malinis ang kanyang pamumuhay. Siya’y mabuting tao, may takot sa akin, at hindi gumagawa ng masama,” dugtong pa ng Panginoon.

Sumagot si Satanas, “Si Job kaya ay matatakot sa iyo nang walang dahilan? Bakit nga hindi siya matatakot sa iyo gayong pinagpala mo siya? Iniingatan mo pati ang kanyang sambahayan at ari-arian. Subukin mong huwag siyang pagpalain, bagkus ay sirain ang lahat niyang tinatangkilik kung di ka niya sumpain.”

Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “O sige, gawin mo ang gusto mo sa kanyang mga ari-arian, huwag mo lang siyang sasaktan.” At si Satanas ay umalis sa harapan ng Panginoon.

Isang araw, ang mga anak ni Job ay nagkakainan at nag-iinuman sa bahay ng pinakamatanda sa magkakapatid. Di kaginsa-ginsa, humahangos na dumating kay Job ang isa niyang tauhan. Sinabi nito, “Kasalukuyan po naming ipinag-aararo ang mga baka at nanginginain naman ang mga asno, nang may dumating na mga Sabeo. Kinuha po nila ang mga baka at asno. Pinatay pa po ang aking mga kasama. Ako lamang po ang nakatakas.”

Hindi pa ito nakatatapos sa pagbabalita nang may dumating pang isa. Sinabi naman nito kay Job, “Ang mga tupa at mga pastol ay tinamaan po ng kidlat at namatay na lahat; ako lamang po ang nakaligtas.”

Umuugong pa halos ang salita nito’y may dumating na naman. Ang sabi, “Sinalakay po kami ng tatlong pangkat ng mga Caldeo. Kinuha nila ang lahat ng kamelyo at pinatay ang mga pastol. Ako lamang po ang nakatakas.”

Hindi pa siya halos nakatatapos magsalita, may dumating pang isa at ang sabi, “Habang ang mga anak ninyo ay nagkakainan at nag-iinuman sa bahay ng pinakamatanda nilang kapatid, hinampas ng pagkalakas na hangin ang bahay at bumagsak. Nabagsakan po silang lahat at namatay. Ako lamang po ang natirang buhay.”

Tumindig si Job, pinunit ang kanyang damit at nag-ahit ng ulo. Pagkatapos, nagpatirapa siya sa lupa at nagpuri sa Diyos. Ang sabi niya: “Hubad akong lumabas sa tiyan ng aking ina, hubad din akong babalik sa alabok. Ang Panginoon ang nagbibigay, siya rin ang kukuha. Purihin ang Panginoon!” Sa kabila ng mga pangyayaring ito, hindi nagkasala si Job; hindi niya sinisi ang Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 16, 1. 2-3. 6-7

Daing ko’y ‘yong dinirinig
tuwing ako’y humihibik.

Dinggin mo po, Panginoon, ang tapat kong panawagan,
poon, ako ay dinggin mo, sa daing ko na tulungan;
pagkat ako’y taong tapat, di nandaya kailanman,
kaya ako’y sumasamong dalangin ko ay pakinggan.

Daing ko’y ‘yong dinirinig
tuwing ako’y humihibik.

Hahatol ka sa panig ko sa pasiya mong ibibigay,
pagkat iyong natatanto ang tunay na katwiran.
Ang tibukin ng puso ko ay lubos mong nababatid,
sa piling ko, naroon ka’t kahit gabi’y nagmamasid;
ako’y iyong sinisiyasat, nasumpungan mong matuwid,
tapat ako kung mangusap, ang layunin ay malinis.

Daing ko’y ‘yong dinirinig
tuwing ako’y humihibik.

Ang daing ko, Panginoon, ay lagi mong dinirinig,
kaya ako’y dumudulog at sa iyo humihibik;
sa amin ay ipadama, yaong banal mong pag-ibig,
sa piling mo’y ligtas kami sa kamay ng malulupit.

Daing ko’y ‘yong dinirinig
tuwing ako’y humihibik.

ALELUYA
Marcos 10, 45

Aleluya! Aleluya!
Anak ng Tao’y dumating
upang sarili’y ihain;
Lingkod, Manunubos natin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 9, 46-50

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nagtalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. Batid ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya’t tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. At sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang ito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang pinakaaba sa inyong lahat ay siyang pinakadakila.”

Sinabi ni Juan, “Guro, nakita po namin ang isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng pangalan ninyo. Pinagbawalan namin siya sapagkat siya’y hindi natin kasamahan.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan; sapagkat ang hindi laban sa atin ay kapanig natin.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Ferdy Baetiong Pariño September 26, 2022 at 9:02 am

Ano ang hamon at aral sa atin ng mga pagbasa ngayon?

Sa Unang Pagbasa ay pinaaalalahan tayo na may mga darating na pagsubok, kapighatian, karamdaman, paghihirap, pangungulila, kalungkutan at kamatayan. At dapat natin itong tanggapin ng walang sama ng loob, tampo o galit sa Diyos. Bagkus ay mas lalo tayong dapat na mapalapit sa Diyos. Mahabagin ang Diyos at kinalulugdan nya ang mga aba na patuloy na sumusunod sa kalooban nya at nagpupuri sa kabilang ng dagok sa buhay. Kumapit lanamang tayo sa Panginoon sapagkat Sya lamang ang ating tanging pag-asa. Darating din ang kaginhawahan katulad ng muling pagkabuhay ni Hesus mula sa paghihirap at kamatayan.

Ang ebanghelyo nmang mensahe ay kadugtong ng ebanghelyo kahapon tungkol kay Lazaro. Tulungan at mahalin natin ang magihirap, amg mga nagugutom, ang mga bilanggo, balo at lahat ng mga nasa laylayan. Yan ang sinisimbulo ng isang bata sa ebanghelyo ngayon. Bukod sa pagiging generous ay kailangan nating magpakababa katulad ng mga bata. Iwasan natin ang pagtataas sa sarlii, ang payabangan, ang pagalingan, hindi ikinalulugod ni Hesus ang taong mapagmataas.

Reply

Reynald Perez August 24, 2024 at 5:25 pm

PAGNINILAY: Marami tayong kilalang sikat na tao. Sa larangan ng basketbol, naroon sina LeBron James, Kobe Bryant, Michael Jordan, Stephen Curry, Marc Pingris, Andray Blatche, James Yap, Benjie Paras, Samboy Lim, at marami pa. Sa larangan ng negosyo, naroon sina Henry Sy, Sr., John Gokongwei, Tony Tan Caktiong, Andrew Tan, Lucio Tan, Zobel de Ayala, Bill Gates, Warren Buffet, Steve Jobs, at marami pa. Sa larangan ng showbiz at entertainment (kanta, sayaw, arte, atbp.), naroon sina Nora Aunor, Regine Velasquez, Lea Salonga, Governor Vilma Santos, Gary Valenciano, Martin Nivera, Dolphy, Kuya Germs, at marami pa. Sa larangan ng politika, naroon ang mga dating Pangulo ng Pilipinas at ang kasalukuyang si Pangulong Rodrigo Duterte at ang dating Pangulong Noynoy Aquino, ang Pangulo ng Estados Unidos na si Donald Trump at ang dating Pangulong Barrack Obama, ang Punong Ministro ng Russia na si Vladimir Putin, ang Punong Ministro ng Hapon na si Shinzo Abe, at marami pa. At sa larangan ng Simbahan naman, naroon sina Kardinal Tagle, Papa Francisco, Papa-emerito Benedicto XVI, at marami pang mga obispo at pari.

May mga iba pang kilalang personalidad ng karamihang tao sa iba pang mga larangan. Pero paano ba sila naging ganyang kilala ng napakaraming nagmamahal at nagsusuporta sa kanila? Bakit ba nga sila patuloy na nagiging inspirasyon? Sa ating Ebanghelyo (Lucas 9:46-50), nagtatalo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. Kaya’t napansin ito ni Hesus at tumawag siya ng bata at pinalapit ito sa kanya. Inihantulad niya ang Kaharian ng Diyos sa isang bata dahil ang mayroon ito ay ang pagiging magpakumbaba at masunurin.

Sa ating Unang Pagbasa (Job 1:6-22), makikita natin ang simula ng kwento ng matuwid na tao na si Job na halos nasa kanya ang mga pagpapala ng Diyos, kasama ang kanyang pamilya at ang ari-arian. Ngunit nainggit sa kanya ang Diyablong si Satanas at hiniling niya sa Panginoon na hayaang magdusa ang matuwid ng lalaki. Tila nga ba’y pumayag ang Diyos sa usapang ito, ngunit sa isang kondisyon na hindi sasaktan ng Diyablo si Job. Kaya’t sa mga sumusunod na pangyayari, nawalan si Job halos ng lahat na mayroon siya, kasama na diyan ay ang kanyang pamilya at ari-arian. Malaking pagdurusa ang hinarap ni Job, ngunit hindi pa rin natinag ang kanyang pananampalataya at katapatan sa Panginoon. Sa kabila ng kanyang mga paghihirap, napanatili niya ang kanyang katatagan na hindi kailanma’y babali ang kanyang relasyon sa Diyos.

Kaya nga itong mga sikat na tao sa Bibliya ay nagmula sa isang simpleng pamumuhay, at naging tapat sila sa pagiging mga mabuting anak sa kanilang mga magulang. Ganun din dapat tayo sa ating buhay. Kailangan natin maging katulad ng mga bata. Hindi itong nangunguhulugan na magkulitan at magharutan tayo, kundi maging magalang, masunurin, at matulungin sa ating mga kapwa dahil ang mga ito ay itinuro sa atin ng ating mga magulang at mas nakakatanda sa atin (hal. guro at pari). At dito natin masasabi na dakila tayo sa harap ng Diyos.

Sa ating paglalakbay sa daang ito, nawa tayo’y maging mga anak ng Diyos na magpakumbaba at masunurin. At kahit tayo’y dakila na, nawa’y sikapin din nating tumulong sa ating mga kapwa, lalung-lalo na ang mga nangangailangan.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: