Podcast: Download (Duration: 7:24 — 5.3MB)
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Bilang 11, 25-29
Salmo 18, 8. 10. 12-13. 14
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng Diyos.
Santiago 5, 1-6
Marcos 9, 38-43. 45. 47-48
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Twenty-sixth Sunday in Ordinary Time (Green)
National Seafarer’s Day
UNANG PAGBASA
Bilang 11, 25-29
Pagbasa mula sa aklat ng mga Bilang
Noong mga araw na iyon, ang Panginoon ay bumaba sa anyo ng ulap at kinausap nga si Moises. Ang pitumpung matatanda ay binahaginan niya ng espiritu, tulad ng ibinigay niya kay Moises. Sila’y napuspos ng kapangyarihan at nagpahayag noon ngunit hindi na nila inulit.
May naiwang dalawang matandang lalaki sa kampamento: Eldad ang pangalan ng isa at yaong isa’y Medad. Tinawag silang kasama ng pitumpu ngunit hindi sumama. Gayunman, binahaginan din sila ng espiritu ng Panginoon kaya sila’y nagpahayag na roon. Nakita pala sila ng isang binata at patakbo itong nagpunta kay Moises. Sinabi niya, “Sina Eldad at Medad ay nagpapahayag sa kampo.”
Dahil dito, sinabi ni Josue na anak ni Nun at katulong ni Moises, “Bakit di ninyo sila sawayin?” Ngunit sinabi ni Moises, “Nangangamba ka bang ako’y mababawasan ng karangalan? Mas gusto ko ngang maging propeta ang lahat ng Israelita at mapuspos ng espiritu ng Panginoon.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 8. 10. 12-13. 14
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng Diyos.
Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang,
ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay;
yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,
nagbibigay ng talino sa pahat ang kaisipan.
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng Diyos.
Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti,
isang banal na tungkulin na iiral na parati;
pati mga hatol niya’y matuwid na kahatulan,
kapag siya ang humatol, ang pasya ay pantay-pantay.
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng Diyos.
Ang utos mo, Panginoon, sa alipin mo at lingkod,
ay mayroong gantimpala kapag aking sinusunod.
Walang taong pumupuna sa gawa n’yang hindi angkop,
kaya ako ay iligtas sa lihim na gawang buktot.
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng Diyos.
Ang lingkod mo ay iligtas sa hayag na kasalanan,
at h’wag mo pong itutulot na ako ay pagharian;
mamumuhay akong ganap na wala nang kapintasan,
ako’y lubos na lalaya sa kuko ng kasalanan.
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng Diyos.
IKALAWANG PAGBASA
Santiago 5, 1-6
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago
Pakinggan ninyo ito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. Bulok na ang inyong mga kayamanan at kinain na ng tanga ang inyong mga damit. Kinain na ng kalawang ang inyong ginto at pilak, at ang kalawang ding iyon ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy na uubos sa inyong laman. Iyan ang kayamanang inimpok ninyo para sa mga huling araw. Sumisigaw laban sa inyo ang upa na hindi ninyo ibinigay sa mga gumapas sa inyong bukirin. Umabot sa langit, sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat, ang mga hinaing ng mga mang-aani na inyong inapi! Nagpakalayaw kayo at nagpasasa dito sa lupa. Nagpataba kayong parang mga hayop na papatayin. Hinatulan ninyo at ipinapatay ang mga matuwid; hindi sila lumaban sa inyo.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 17, 17b. a
Aleluya! Aleluya!
Amang D’yos ni Hesukristo,
ang salita mo’y totoo
kami ay pabanalin mo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 9, 38-43. 45. 47-48
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinabi kay Hesus ni Juan, “Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng pangalan mo, at pinagbawalan namin sapagkat hindi natin siya kasamahan.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong matapos gumawa ng kababalaghan sa pangalan ko ang agad magsasalita ng masama laban sa akin. Sapagkat ang hindi laban sa atin ay panig sa atin. Sinasabi ko sa inyo: sinumang magbigay sa inyo ng isang basong tubig dahil sa kayo’y kay Kristo ay tiyak na gagantimpalaan.
“Mabuti pa sa isang tao ang siya’y bitinan ng isang malaking gilingang-bato sa leeg at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig sa akin. Kung ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mabuti pa ang mapunta ka sa langit nang putol ang isang kamay kaysa may dalawang kamay na mahulog ka sa impiyerno, sa apoy na hindi mamamatay. Kung ang paa mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mabuti pa ang mapunta ka sa langit nang putol ang isang paa kaysa may dalawang paa na mahulog ka sa impiyerno. At kung ang mata mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukutin mo! Mabuti pa ang pumasok ka sa kaharian ng Diyos nang bulag ang isang mata kaysa may dalawang mata na mahulog ka sa impiyerno. Doo’y hindi mamamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at hindi mamamatay ang apoy.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Sabado, Setyembre 28, 2024
Lunes, Setyembre 30, 2024 »
{ 2 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Tayong lahat ay tinatawag na makibahagi sa misyon ng pagpapangaral ng Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos. At mas mahalaga rin ito kung tatanggapin natin ang mga ibang saksing nagpapahayag tungkol sa katuwiran at kabutihan ng Panginoon.
Makikita sa Ebanghelyo kung paanong ibinalita ni San Juan kay Hesus tungkol sa isang lalaking pinipiligan nilang magpalayas ng mga demonyo sa ngalan ng kanilang amo. Ngunit sinabi ni Hesus na huwag siyang ipagbawal, sapagkat ang mga taong kumakampi sa Panginoon ay hindi laban sa kanya. At sinabi rin niya na ang taong nagbibigay ng pang-inom sa mga nauuhaw alang-alang sa kanyang pangalan ay hindi mawawalan ng gantimpalang mula sa kanya. Kaya nga tayo’y hinihikayat ni Kristo ang pagkakaroon ng bukas na puso’t isipan sa pagkakaisa ng mga mananampalataya na ipagpapatuloy ang misyong kanyang tinahak at ng mga Apostol. Kahit si Josue sa Unang Pagbasa ay gusto ni Moises na pagsabihan sina Eldad at Medad na huwag makisali sa 72 tribo dahil sila’y nahuhuli, ngunit tugon ni Moises na hinirang ng Diyos ang mga saksi at propeta.
Kaya ang tawag tungo sa pagiging isang Kristiyanong komunidad ay ang pag-aakit sa mga tao upang maranasan nila ang Diyos sa kanilang buhay at makibahagi rin sa misyon ng pagiging tapat sa kanya. Ngunit sa kabila ng ating misyon upang ipalaganap ang kabutihan, tayo ay ibinababala laban sa paggawa ng mga iskandalo. Ang isang iskandalo ay kontrobersiyal na pangyayari na madalas nasisiraan ng reputasyon ang isang tao. Karamihan sa mga itong masaklap na pangyayari ay nagaganap sa mga grupo o institusyon na kung isang tao ay may masamang pagkakakilanlan, magmumukhang masama ang reputasyon ng pangalan ng pangkat.
Kaya nga sa susunod na bahagi ng Ebanghelyo, binabala ni Hesus ang mga taong tumutukso sa iba upang magkasala ay magpatali ng isang malaking bato sa leeg at itabuyan ang sarili sa dagat, putulin ang mga paa at kamay, at pagdukot sa mga mata. Ito’y mas mabuti pa daw ayon kay Hesus kaysa tayong patuloy na nagkakasala ay parusahan sa mga apoy ng impiyerno. Ang mga pisikal na kalabasan ay isang pagmamalabis ni Hesus na sa madaling salita, huwag po nating tuksuin ang ibang tao na magkasala. Mas higit pa dun na huwag po tayong matusko ng mga makamundong bagay upang makapangpanakit at makapgpahirap ng kapwa-tao. Kaya nga parang kinokondena ni Apostol Santiago sa Ikalawang Pagbasa ang mga mayayaman at makapangyarihan. Hindi naman tutol ang Apostol sa paggamit ng kayamanan at kalikasan upang makapagdulot ng kabutihan sa daloy ng mga kalakal at serbisyo.
Kaya kahit marami tayong mga biyaya at mga kasiyahan, huwag natin gamitin ang mga ito upang mapang-api, maiyurakan, at makuha ang kanilang pinaghirapang ari-arian. Ang hamon ng Liturhiya ngayong Linggo ay ang mabuting relasyon sa Panginoon at sa ating kapwa. Huwag po tayo’y mahulog sa mga iskandalo na makakasira sa ating reputasyon at sa reputasyon ng iba. Bagkus nawa’y hayaan natin lumaganap ang pag-ibig ng Diyos sa lahat.
Sa ikalawang pagbasa ay ipinapaalala sa atin na huwag tayong malulong sa materyal na bagay, wag natin ituon ang sarili sa pagpapayaman, bagkus ay ang ipunin natin ay ang pagawa ng kabutihan habang tayo ay nasa lupa pa. Tayo ay hindi susukatin sa ating yaman, huhusgahan tayo kung pano tayo ay nakipagkapwa tao at nagsumikap magpakabanal.
Sa ating ebanghelyo ang hamon ay huwag kang maging dahilan ng pagkakasala ng ibang tao lalong lalo na ang mga taong nagpapakabanal. Sa pangkasalukuyang panahon na nabubuhay tayo sa mundo ng makabagong internet, huwag mong ipasa o ishare ang mga natatanggap mo o nakikitang mga makamundong gawain, makakapagdulot ito ng kasalanan sa taong makakatanggap. Sa atin namng pakikisalamuha, huwag kang gagawa ng kwento upang pag awayin ang dalawang tao bagkus ay maging tagapamagitan ka upang magkabati sila. Ilan lamang yan sa mga halimbawa basta’t ang nais ni Hesus ay huwag tayong maging dahilan ng pagkakasala ng iba at huwag ifocus ang buhag sa pagpapayaman. Magandang araw mga kapatid.