Lunes, Setyembre 23, 2024

September 23, 2024

Paggunita kay San Pio ng Pietrelcina, pari

Kawikaan 3, 27-34
Salmo 14, 2-3ab. 3kd-4ab. 5

Sino kaya ang papasok
sa bahay mo, Poong Diyos?

Lucas 8, 16-18


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Pius of Pietrelcina (White)

Mga Pagbasa mula sa
Lunes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

UNANG PAGBASA
Kawikaan 3, 27-34

Pagbasa mula sa aklat ng mga Kawikaan

Aking anak, ang kagandahang-loob ay huwag ikait sa kapwa,
kung ika’y may kakayahan na ito ay magawa.
Kung mayroon ka ngayon ng kanyang kailangan,
huwag nang sasabihing,
“Bumalik ka’t bukas ibibigay.”
Huwag gagawan ng masama ang iyong kaibigan
sa sa iyo’y umaasa, nagtitiwalang lubusan.
Huwag makikipag-away nang walang sapat na dahilan,
kung hindi ka ginagawan ng anumang kasamaan.
Huwag kang mangingimbulo sa taong marahas
ni lalakad man sa masama niyang landas.
Pagkat ang Panginoon ay nasusuklam sa mga balakyot,
ngunit nalulugod siya sa taong sa kanya ay may takot.
Ang sumpa ng Panginoon di lalayo sa masama,
ngunit ang mga banal ay kanyang pinagpapala.
Ang mga palalo’y kanyang kinasusuklaman,
ngunit kinagigiliwan ang may mababang kalooban.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 14, 2-3ab. 3kd-4ab. 5

Sino kaya ang papasok
sa bahay mo, Poong Diyos?

Yaong mga masunurin na sa iyo’y nakikinig,
at ang laging ginagawa’y naaayon sa matuwid,
kung mangusap ay totoo, sa lahat at bawat saglit,
yaong gawang paninira’y hindi niya naiisip.

Sino kaya ang papasok
sa bahay mo, Poong Diyos?

Kailanman, siya’y tapat makisama sa kapwa,
sa kaniyang kaibiga’y wala siyang maling gawa;
hindi siya nagkakalat ng di tunay na balita.
At itinatampok niya ang matapat sa lumikha.

Sino kaya ang papasok
sa bahay mo, Poong Diyos?

Hindi siya humihingi ng patubo sa pautang,
at kahit na anong gawi’y hindi siya masuhulan,
upang yaong walang sala’y patawan ng kasalanan.
Ang ganitong mga tao’y mag-aani ng tagumpay.

Sino kaya ang papasok
sa bahay mo, Poong Diyos?

ALELUYA
Mateo 5, 16

Aleluya! Aleluya!
Dapat kayong magliwanag
nang kabutiha’y mahayag
at D’yos ang s’yang matanyag.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 8, 16-18

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakluban ng banga o ilalagay kaya sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay ito sa talagang patungan upang makita ng mga pumapasok ang liwanag. Walang natatago na di malalantad, at walang lihim na di malalaman at mabubunyag.

Kaya pagbutihin ninyo ang inyong pakikinig; sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala ay aalisan pati ng inaakala niyang nasa kanya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez September 24, 2018 at 8:43 am

Mula kay Fr. Rey Anthony Yatco:
MAGANDANG BALITA NGAYON – LUNES IKA-25 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

LUKAS 8:16-18 Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakluban ng banga o ilalagay kaya sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay ito sa talagang patungan upang makita ng mga pumapasok ang liwanag.

Walang natatago na di malalantad, at walang lihim na di malalaman at mabubunyag.

Kaya pagbutihin ninyo ang inyong pakikinig; sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala ay aalisan pati ng inaakala niyang nasa kanya.”

MAGNILAY: Nakakahawa ang liwanag. Bagamat may pagkakataong mainam na tago at tahimik na lamang nating gawin ang mga mabubuting ginagawa natin upang malayo tayo sa tukso ng pagmamagaling ngunit mainam ding ilantad ang paggawa ng mabuti dahil naaakit natin ang iba gumawa rin ng mabuti. Responsibilidad nating ilantad ang mga mabubuting gawaing ito upang maging inspirasyon at huwaran sa lahat. Bilang ilaw nagsisilbi itong gabay lalo sa mga bata at kabataan at sa mga naliligaw ng landas. Sa pagsisindi natin ng ating ikaw nahahawahan natin ang iba na magsindi rin ng kanilang liwanag.

Kapag lantad ang ating mga gawain nalalayo tayo sa tukso ng pagtatago. Sa pagtatago madalas nagaganap ang kasalanan at maraming gawaing kabuktutan. Kapag wagas ang ating intensyon sa paggawa ng mabuti nagiging daluyan tayo ng pag-ibig ng Diyos.

MANALANGIN: Panginoon, magningning nawa ang iyong pagmamahal sa lahat kong gawain.

GAWIN: Lakipan ng panalangin at pagmamahal lahat ng iyong ginagawa sa araw-araw. Hawahan ang iba ng iyong liwanag.

Reply

Reynald Perez September 18, 2022 at 10:49 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay mula sa Aklat ng mga Kawikaan, na kung saan ang mga pahayag ay nagpapakita ng matalino at marunong na pamumuhay ng isang tunay na taong may takot sa Panginoong Diyos. Ang pagbasa ngayon ay isang pahayag laban sa pagkakaroon ng hinanakit o kaya pagpapabaya sa kapwa. Kung baga hindi dapat pinaghihintay o pinag-aabalahan ang katugunan sa mga pangangailangan ng bawat tao. Bagkus, ito ay isang panawagan na tignan ang kabutihang-loob ng bawat tao, sapagkat sa kabila ng mga masamang hinala ay mayroon pang mga posibilidad ng kabutihan na hindi lang natin nakikita sa kanila.

Ayon sa Ebanghelyo ni San Juan, isa sa mga 7 pahayag ni Hesus tungkol sa kanyang sarili ay ang “Ilaw ng Sanlibutan”. Ito ay patotoo ni Hesus na ang sinumang sumusunod sa kanya ay hindi malilibot ng kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay. At sabi nga sa simula ng Ebanghelyo ni Juan na ang liwanag ay ang Salitang nagkatawang-tao, na siyang tumutukoy sa ating Panginoong Hesukristo. Ngayong araw na ito, narinig natin sa Ebanghelyo ang isang parabula ni Hesus tungkol sa ilaw na hindi dapat natatago kapag ito’y sinisindi. Sabi ng Panginoon na wala sinumang tao ang magtataklob ng ilaw sa isang banga o kaya maglalagay nito sa ilalim ng higaan. Sa halip ang tao ay ilalagay ang ilaw sa isang patungan upang ito’y makita ng ibang tao. Dito inihantulad ni Hesus ang buhay ng bawat tao na kailangang makita ng ibang tao ang dala nating ilaw. Ito ay maihahantulad natin sa kanyang pahayag sa Panganagaral sa Bundok noong sinabi niya na ang bawat mabuting gawain natin ay dapat ikinaluluwalhati ng ating Poong Diyos (Cf. Mateo 5:16). Ibig sabihin nito’y kailangan dala natin ang ilaw ng Panginoon tuwing tayo’y gagawa ng mabuti, at wala tayong tinatago na maitim na balak laban sa ating kapwa. Kaya kung tayo ay namumuhay sa liwanag ng Panginoon, nawa’y patuloy tayo lumakad sa landas ng kabutihan upang sundan natin ang Ilaw ng Sanlibutan tungo sa buhay na walang hanggan sa kalangitan. Hayaan natin na ang bawat kabutihan at katuwiran na araw-araw nating ginagawa ay makapagdulot ng mabuting asal sa ibang tao upang makilala pa nila ang Diyos sa kanilang buhay.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: