Linggo, Setyembre 22, 2024

September 22, 2024

Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)

Karunungan 2, 12. 17-20
Salmo 53, 3-4. 5. 6. at 8

Ang D’yos ang s’yang
tumutulong at sa aki’y nagtatanggol.

Santiago 3, 16 – 4, 3
Marcos 9, 30-37


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Twenty-fifth Sunday in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Karunungan 2, 12. 17-20

Pagbasa mula sa aklat ng Karunungan

Sinabi ng mga masasamang tao:
“Tambangan natin ang mga taong matuwid,
pagkat hadlang sila sa ating mga balak;
ipinamumukha nila sa atin ang pagsuway sa kautusan,
at sinasabing tayo’y nagkasala laban sa kaugalian.
Tingnan natin kung ang salita nila’y magkakatotoo,
kung ano ang mangyayari sa kanila pagkamatay nila.
Kung ang mga matuwid ay anak nga ng Diyos
sila ay tutulungan niya at ililigtas sa mga kaaway.
Subukin natin silang dustain at pahirapan,
upang malaman natin kung hanggang saan
ang kanilang kagandahang-asal,
at kung hanggang kailan sila makatatagal.
Subukin nating ibingit sila sa kamatayan,
yamang ang sabi nila ay iingatan sila ng Diyos.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 53, 3-4. 5. 6. at 8

Ang D’yos ang s’yang
tumutulong at sa aki’y nagtatanggol.

Makapangyarihang Diyos, ako ay iligtas,
ipagsanggalang mo niyong iyong lakas;
dinggin mo, o Diyos, itong iyong anak,
sa aking dalanging ngayo’y binibigkas.

Ang D’yos ang s’yang
tumutulong at sa aki’y nagtatanggol.

Ang nagmamataas ay laban sa akin,
hangad ng malupit ang ako’y patayin,
Sila’y mga taong ang Diyos ay di pansin.

Ang D’yos ang s’yang
tumutulong at sa aki’y nagtatanggol.

Batid kong ang Diyos ang aking katulong,
Tagapagsanggalang ko ang Panginoon.
Buong galak naman akong maghahandog
ng pasasalamat sa Panginoong Diyos,
dahilan sa kanyang mabuting kaloob.

Ang D’yos ang s’yang
tumutulong at sa aki’y nagtatanggol.

IKALAWANG PAGBASA
Santiago 3, 16 – 4, 3

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago

Mga kapatid, saanman naghahari ang inggit at makasariling hangarin, maghahari din doon ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa. Ngunit ang may karunungang mula sa Diyos, una sa lahat, ay may malinis na pamumuhay. Siya’y maibigin sa kapayapaan, mahinahon, mapagbigay, mahabagin, at masipag sa paggawa ng mabuti, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari. At namumunga ng katwiran ang binhi ng kapayapaang inihahasik ng taong maibigin sa kapayapaan.

Ano ang pinagmumulan ng inyong alitan at paglalaban-laban? Hindi ba’t ang masasamang nasa na namumugad sa kalooban ng bawat isa sa inyo, at pawang nagkakalaban-laban? Mayroon kayong pinakamimithi ngunit hindi ninyo makamtan, kaya’t papatay kayo kung kailangan, mapasainyo lamang ito. Dahil sa inyong pag-iimbot sa mga bagay na hindi inyo, kayo’y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo nakakamtan ang inyong minimithi, sapagkat hindi kayo humihingi sa Diyos. At humingi man kayo, wala rin kayong natatanggap, sapagkat masama ang inyong layunin – humihingi kayo upang gamitin sa kalayawan.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
2 Tesalonica 2, 14

Aleluya! Aleluya!
Tayo’y tinawag ng Diyos
upang magningning na lubos
sa aral ni Kristo Hesus.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 9, 30-37

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, si Hesus at ang kanyang mga alagad ay nagdaan sa Galilea. Ayaw ni Hesus na malaman ito ng mga tao, sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. Sinabi niya: “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo at papatayin, ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” Hindi nila naunawaan ang sinabi niya, ngunit natatakot naman silang magtanong sa kanya. At dumating sila sa Capernaum. Nang sila’y nasa bahay na, tinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad, “Ano ba’ng pinagtatalunan ninyo sa daan?” Hindi sila kumibo, sapagkat ang pinagtatalunan nila’y kung sino sa kanila ang pinakadakila. Naupo si Hesus, tinawag ang Labindalawa at sinabi, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” Tinawag niya ang isang maliit na bata, at pinatayo sa harapan nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi, “Ang sinumang tumanggap sa isang maliit na batang tulad nitong alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at sinumang tumanggap sa akin – hindi ako ang kanyang tinatanggap kundi ang nagsugo sa akin.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez August 27, 2021 at 10:12 pm

PAGNINILAY: Maraming pangarap ang tao patungo sa tagumpay ng kadakilaan. Lahat naman ay ninanais na sa kinabukasan ay maging matagumpay ang kanilang buhay. Ngunit ano nga ba dapat ang tamang disposisyon ng isang tao upang makamit niya ang isang pangarap?

Ang ating Ebanghelyo ay nagsisimula na kung saan ikalawang beses na pinahayag ni Hesus tungkol sa kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay, subalit hindi ito naunawaan ng kanyang mga alagad. Makikita sila’y nakikipagtalo sa isa’t isa kung sino sa kanila ang pinakadakila sa Kaharian ng Langit. Hindi nila itong pinahalata kay Hesus, ngunit napansin naman niya ang kanilang mainit na pagtatalo. Kaya’t pinagtapat niya sa kanila at sa lahat ng taong natitipon sa lugar na iyon na ang sinumang nagnanais na maging dakila ay kinakailangang maging huli sa lahat at maglingkod. At tinawag niya ang kanyang bata upang tumayo sa kanilang harap at sinabi na ang sinumang tatanggap sa Paghahari ng Diyos katulad ng isang bata ay tumatanggap sa kanya, at sinumang tumatanggap sa kanya ay tumatanggap sa Diyos Amang sumugo sa kanya.

Noong mga lumang panahon, ang mga bata ay binansagang mga walang kwenta. Tingin ng tao ay sila ay marunong lang sa paglalaro at kaharutan. Ngunit ang nakita ni Hesus ay ang mga positibong katangian mayroon ang isang bata, at iyan ay ang kababang-loob at pagkamasunurin. Karaniwan kapag ang mga bata ay inutusang sumunod sa payo ng mga nakakatanda, kaugali’y susunod agad. Kapag may nakita silang tataong nangangailangan. Ito yung sinasabi ni Hesus na pagiging katulad ng mga bata (childlike). Iba po ito sa pagiging isip-bata/childlike na pwedeng maging mapaglaro at maharot ang pamumuhay.

Kaya’t ang pinakadakila sa Kaharian ng Diyos ay ang taong nagpapakumbaba at naglilingkod. Makikita natin sa Unang Pagbasa na ang Karunungan ng Diyos ay tinangkang patayin upang makita ng kanyang mga kaaway kung siya’y ililigtas ng Diyos. Si Hesus ay ang Karunungan ng Diyos na hindi kinilala ng mga Pariseo, eskriba, at mga iilang pinuno ng Judaismo bilang Mesiyas ng Panginoon. Kaya’t sa huling sandali ng kanyang buhay, dito’y parang nagtagumpay sila sa pagpapahuli at pagpapakondena kay Hesus tungo sa kanyang kamatayan sa Krus. Ngunit ito’y natupad ayon sa plano ng Ama upang ipagkaloob ang kaligstasan sa sangkatauhan. Kaya’t si Kristo ay Diyos, ngunit siya’y nagpakababang-loob at naging katulad natin na hindi kailanma’y nagkasala. Inialay ang kanyang buhay upang tayo’y mailigtas mula sa pagkakasala at tapat na tawaging mga anak ng Diyos Ama.

Kaya’t inaanyayahan tayo ni Apostol Santiago sa Ikalawang Pagbasa na huwag maghasik ng pagkainggit at pagkaalitan sa bawat isa, ngunit mamuhay sa landas ng kapayapaan at kabutihan. Kaya nawa’y patatagin natin ang ating relasyon sa Diyos at sa ibang tao sa pagiging magpakumbaba at masunurin sa kanyang kalooban at sa paglilingkod sa ating kapwa, dala ang katuwiran at kabutihan sa isa’t isa.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño September 19, 2021 at 10:08 am

Humilty. Yan ang hamon at aral sa ating mga pagbasa at ng ebanghelyo ngayong Linggo. Sa aking buhay napakarami na ang nasaksihan kong mayayabang na nagsibagsak. Maraming mapagmataas na ang kinahantungan ay sa ilalim din. Piliin nating magpakababa kahit na nagkakamit tayo ng tagumpay, wag nating ipagmalaki ang ating kalakasan, kagandahan ng pisikal, katapangan, ari arian, posisyon, at kayamanan. Anuman ang meron tayo ngayon ay kaloob ng Diyos at anumang oras sa isang iglap ay kayang bawiin ito ng Panginoon sa atin. Kung ikaw naman mayron ng mga ito at sinisikap pa ding magpakababa ay lalo ka pang itataas ng tao at bibigyan ng Panginoon. Huwag din tayong maghangad na maluklok sa mas mataas na estado, piliin nating maging mapagpasalamat sa kung ano ang iponagkaloob sa atin. Isa oang hamon ay maging mapagpatawad tayo kagaya ng mga bata. Ang mga bata kapag nag away ay maya maya lamang ay bati na at naglalaro na ulit. Kapag tayong mga magulang ay nakiaalam sa away ng mga bata ay nauuwi sa mas malalim na alitan. Magpakababa at Magpatawad.

Reply

Francis Dela Cruz September 19, 2021 at 11:40 pm

“Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” Napakadaling sabihin pero napakahirap tupdin, pagpapakumbaba ng walang halong hinanakit at bukal sa kalooban, ito ang pinaliwanag ni Hesus sa kanyang mga alagad nung silay nagtatalo kung sino ba sa kanila ang pinakadakila. Akin ding pong maihahambing ito sa loob ng ating pamilya, sa ating mga trabaho at sa ating lipunan, kung tayo ay may gustong ituro o ipagawa sa ibang miyembro ng tahanan o sa mga katrabaho, o kababayan, ngunit minsan tayo mismo hindi natin nagagawa ang mga bagay n iyon, sapagkat nilalagyan natin ng “label” ang ating mga sarili, tayo ay nagtatangi sa ating mga sarili na para bagang mas mataas tayo kumpara sa iba. Magandang suriin ang ating mga sarili, halimbawa kung gusto natin turuan ng magandang asal ang ating mga anak pero kung tayo mismo nakikita nila ang ating mga kawalang hiyaan, sa tingin nyo ba rerespetuhin, maniniwala o gagawin b nila ang ating mga sinasabi? hindi po. “Lead by example”, ito po sana ang maisabuhay nating lahat. Dahil kung gusto nating mamuno dapat tayo mismo ang unang sumunod at handang maglingkod para sa lahat na walang halong pagiimbot.Amen

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: