Martes, Oktubre 1, 2024

October 1, 2024

Paggunita kay Santa Teresita ng Sanggol na si Hesus, dalaga

Job 3, 1-3. 11-17. 20-23
Salmo 87. 2-3. 4-5. 6. 7-8

Panginoon, ako’y diggin
sa pagsamo ko’t dalangin.

Lucas 9, 51-56


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Therese of the Child Jesus (White)
Mission Day for Religious Sisters

Mga Pagbasa mula sa
Martes ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

UNANG PAGBASA
Job 3, 1-3. 11-17. 20-23

Pagbasa mula sa aklat ni Job

Pagkaraan ng matagal na pananahimik, nagsalita si Job; sinumpa niya ang araw ng kanyang pagsilang.

Ito ang kanyang sinabi:
“Hindi na sana ako ipinanganak
at sana’y hindi ipinaglihi.
Bakit di pa ako namatay sa tiyan ng aking ina,
o kaya, noong ako ay isilang niya?
Bakit kaya ako ay ipinaghele pa,
inaruga, inalagaan, binuhay sa dibdib niya?
Kung namatay ako noon, ako sana’y tahimik na,
mahimbing na natutulog, wala nang iniisip pa.
Katulad ng mga hari at tagapamahalang pumanaw,
na nagtayo ng mga palasyo nang kanilang kapanahunan.
Sana, tahimik na ako tulad ng mga pinunong nakapag-imbak
ng ginto at nakatipon ng maraming pilak,
o tulad ng mga sanggol na patay nang ipanganak.
Yamang sa libingan wala nang gumagawa ng kasamaan,
at ang mga taong pagal ay nagpapahingalay.
Bakit pa isinilang kung magdurusa rin lang?
At bakit pa binuhay kung daranas ng kahirapan?
Kamataya’y hinahanap ngunit hindi masumpungan,
hinuhukay, dinudulang, parang isang kayamanan.
Sa kanila’y ubod-tamis nitong kamatayan.
Bakit pa isinilang ang tao kung wala rin lamang kaginhawahan?
Bagkus, hirap kabi-kabila ang nararanasan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 87. 2-3. 4-5. 6. 7-8

Panginoon, ako’y dinggin
sa pagsamo ko’t dalangin.

Panginoong Diyos,
tumatawag ako sa iyo kung araw,
pagsapit ng gabi, dumudulog ako sa iyong harapan
ako ay dinggin mo,
pagdalangin ko ako ay pakinggan,
sa aking pagdaing ako ay tulungan.

Panginoon, ako’y dinggin
sa pagsamo ko’t dalangin.

Ang kaluluwa ko
ay nababahala’t lipos ng hilahil.
Dahilan sa hirap
wari’y malapit nang ako ay malibing,
kabilang na ako,
niyong malapit nang sa hukay ilagak,
ang aking katulad
ay ang mahina na’t ubos na ang lakas,

Panginoon, ako’y dinggin
sa pagsamo ko’t dalangin.

Ang katulad ko pa
ay ang iniwanan sa gitna ng patay,
animo’y nasawi
na nananahimik sa kanyang libingan.
Tulad na rin ako
niyong mga tao na iyong nilimot,
parang mga tao
na sa iyong tulong ay hindi maabot.

Panginoon, ako’y dinggin
sa pagsamo ko’t dalangin.

Dinala mo ako sa may kadilimang hukay na malalim,
ang hukay na yaon
ay isang libingan na ubod ng dilim.
Ikaw ay nagalit,
at ang bigat nito’y sa akin nabunton,
ang aking katulad
ay ang tinabunan ng malaking alon.

Panginoon, ako’y dinggin
sa pagsamo ko’t dalangin.

ALELUYA
Marcos 10, 45

Aleluya! Aleluya!
Anak ng Tao’y dumating
upang sarili’y ihain;
Lingkod, Manunubos natin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 9, 51-56

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Nang nalalapit na ang panahong iaakyat si Hesus sa langit, ipinasiya niyang pumunta sa Jerusalem. Sinugo niya ang ilan upang mauna sa kanya. Humayo sila at pumasok sa isang nayon sa Samaria upang ipaghanda siya ng matutuluyan. Ngunit ayaw siyang tanggapin ng mga Samaritano sapagkat siya’y patungo sa Jerusalem. Nang makita ito nina Santiago at Juan ay kanilang sinabi, “Panginoon, payag ba kayong magpababa kami ng apoy mula sa langit upang pugnawin sila?” Ngunit bumaling siya at pinagsabihan sila. “Hindi ninyo alam kung anong uri ng espiritu ang sumasainyo,” sabi niya, “sapagkat naparito ang Anak ng Tao hindi upang ipahamak ang mga tao kundi upang iligtas sila.” At nagtungo sila sa ibang nayon.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez September 26, 2022 at 4:40 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang patuloy ng salaysay sa buhay na paghihirap ni Job. Matandaan natin na siya’y pinagpala ng Diyos ng isang lupain, mga anak, at mga inaalagang tupa. Ngunit nainggit si Satanas, at hiniling na paglaruan si Job, subalit binilin ng Panginoon na huwag saktan o ipahulog sa patibong nito ang lalaking iyon. Kaya narinig natin kung paanong sinumpaan ni Job ang nangyari sa kanya, na parang tinuturing niya na walang kabuluhan ang kanyang buhay dahil sa karansan ng paghihirap. Sa kanyang paghihirap, tinanong niya kung bakit ‘di na lang siya natuloy sa panganganak, na kung gayon ay hindi siya magdurusa nang malala. Ngunit sa kabilang banda, alam ni Job na mayroong dahilan ng kanyang pinagdaraanan, at hindi kailanma’y inalipusta niya ang Panginoong Diyos, sapagkat nanatili pa rin siyang tapat na nagtitiwala sa kanya.

Ang Ebanghelyo ngayon ay isang pagtatahak ni Hesus tungo sa Jerusalem. Batid ng Panginoon ang kanyang haharapin na Pagpapakasakit at Pagkamatay sa Krus sa lungsod, kaya’t dumaan siya sa mga nayon ng Samaria. Subalit ibinalita ng kanyang mga tagapagbalita na ayaw siyang tanggapin ng mga sinagogoa roon, kaya’t napadala sa galit ang dalawang magkapatid na si Santiago at Juan, ang mga anak ni Zebedeo, na kung nais ipadala nila ang apoy mula sa langit upang wasakin ang mga nayon. Kaya sila’y tinawag ni Hesus bilang “Boanerges,” na may kahulugang “mga anak ng kulog”. Ngunit pinagsabihan sila ng Panginoon na naparito siya upang maligtas, at hindi mapaghamak ng tao.

Makikita natin sa katauhan ni Hesus ang malawak na pag-unawa sa mga hindi pa tumatanggap at nakikilala sa kanya bilang Anak ng Diyos. Nilawak din niya ang kaligtasan sapagkat ang lumang paniniwala noon ay sa loob lamang ng Hudaismo makakamtan ang biyayang iyan. At ang mga Samaritano ay tinuturing noon bilang mga kaaway ng mga Hudyo dahil sa kanilang pagsamba ng iibang diyos. Subalit makikita natin ang pagpapakita ni Kristo ng pag-ibig ng Ama na ganap at lubos. Mula sa angkan ng mga Hudyo at Samaritano ay maipapabilang ang marami sa kanyang ngalan, at ito ay ang mga Kristiyano. At ang pagkakilanlan sa atin bilang mga Kristiyano ay pag-ibig. Ang pag-ibig ay ang tanda ng ating pagtanggap sa mga mensahe ni Hesus, at nawa’y ipamalas natin ito sa ating kapwa.

Reply

Group of Believer Poblite October 1, 2024 at 5:18 am

MAGNILAY: Kilala sa pagkamainitin ng ulo ang magkapatid na Santiago at Juan kaya sila tinatawag na ‘boanerges’ (tingnan sa Marcos 3:17) na ang ibig sabihin ay ‘mga anak ng kulog.’ Napatunayan ito sa Ebanghelyo ngayon kung saan hiniling nila na paulanan ng apoy ang mga Samaritano na hindi pumayag na dumaan sina Hesus sa kanilang lungsod dahil patungo sila sa Jerusalem.

Matagal na ang alitan ng mga Hudyo at mga Samaritano. Nagsimula pa ito nang mahati ang kaharian ng Israel pagkatapos ng paghahari ni Solomon – ang kaharian sa Hilaga na ang kabisera ay Samaria at kaharian sa Timog na ang kabisera ay Jerusalem. Ang kaharian sa Hilaga ay nasakop ng mga taga-Assyria at kinalaunan nakipag-asawahan sila sa mga banyaga. Ang mga anak nila ay ang mga Samaritano. Nilalait ng mga taga-Timog ang mga Samaritano dahil hindi na sila purong Israelita dahil nahaluan sila ng dugo ng mga dayuhan na mga pagano at tinuturing na marumi. Bagama’t nasakop din ng dayuhan ang kaharian sa Timog pero napanatili nila ang kanilang purong dugong Israelita. Karamihan ay hindi nakipag-asawa sa dayuhan. Mula noon ay nag-aaway na ang mga Hudyo at mga Samaritano hanggang panahon ni Hesus.
Pinagalitan ni Hesus ang magkapatid na Santiago at Juan dahil sa kanilang kahilingan. Hindi niya asal ang pinakita nila. Kaaway man silang maituturing pero hindi tama na hangarin ang kanilang kapahamakan dahil lang sa tinanggihan sila. Matatandaang iniutos ni Hesus ang mahalin at ipagdasal ang mga kaaway. At huwag na huwag gaganti sa masamang ginawa sa kanila ng iba. Ang tunay na tagasunod ng Panginoon ay mahinahon at malawak ang pang-unawa at pasensya sa mga tumutuligsa sa kanila.

Kapag ginantihan natin ng init ng ulo ang ating mga kaaway binibigyan lang natin sila ng kapangyarihan laban sa atin. Kapag nanatili ang init ng ulo tayo rin ang talo. Hindi tayo mapakali hangga’t hindi nakakaganti. Hindi tayo makatulog. Hindi tayo matahimik. Sira ang araw natin. Trabaho natin apektado. Pati mahal natin sa buhay apektado. Naipapasa pa natin ang galit natin sa iba na wala namang kamalay-malay. Kaya nga kung bibigay tayo sa init ng ulo at galit tayo ang talo. Lalong nagwawagi ang mga kaaway natin.

Talunin natin ang ating mga kaaway sa pamamagitan ng pagiging mahinahon. Ipagdasal natin sila at unawain. Huwag maghangad ng masama sa kanila. Kinalaunan magiging daan ito ng pag-uusap at pakikipagkasundo. Kapag nakipagkasundo na tayo natalo na natin sila. Wala na tayong kaaway. Naging kaibigan na natin sila uli.

MANALANGIN: Panginoon, huwag nawa naming pairalin ang init ng ulo na madalas magdala sa amin sa maraming gulo at kapahamakan.

GAWIN: Kapag mainit ang ulo bumigkas ng paulit-ulit na dasal tulad ng Panginoon, patawarin mo kami.

Reply

Ervi October 1, 2024 at 6:51 am

Kung lagi kang tinutukso, mag-antanda ng krus at papatnubayan ka Niya. Maliit man ang ating pananamapalataya tulad ng pinakamaliit na butil. Payabungin ito upang makita ang ganda at maliwanagan sa lahat ng bawat ipakita sa atin ng Panginoon na hinahadlangan ng kanyang mga kaaway. Maging handa bawat segundo ang kaaway ay isang iglap rin upang makuha nila tayo. Pray pray pray yan lang ang kalasag natin upang hindi magkasala.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: