Podcast: Download (Duration: 7:02 — 8.8MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-26 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Mapagpaumanhin ang Diyos at alam niya ang ating mga pagdurusa. Manalangin tayo sa kanya upang tulungan niya tayo sa ating pagbabalik-loob at pagpapanibagong buhay.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, umunlad nawa kami sa pagiging kawangis ng Iyong anak.
Ang Kristiyanong sumasampalataya nawa’y pakinggan ang panawagan ng Diyos sa pananalig at pagsisisi, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y bigyan ng Diyos ng katapangan upang italaga natin ang ating sarili na maging malaya kay Kristo ang mga nakapiit sa kanilang pagkamakasarili, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga may pusong hungkag at nanlalamig nawa’y matagpuan ang kaligayahan sa pamamagitan ng pag-ibig sa Diyos at kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit sa isip at katawan nawa’y magkaroon ng ganap na kagalingan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y masiyahan sa liwanag ng bukang-liwayway ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong mahabagin at mapagmahal, pakinggan mo ang mga hinaing ng mundong nakakulong sa pagdurusa at kasalanan. Sa pamamagitan ng iyong anak na puspos ng kagandahang-loob, hinihingi namin sa iyo ang biyaya upang makasunod kami sa kanya palagi. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Lunes, Setyembre 30, 2024
Huwebes, Oktubre 3, 2024 »




{ 3 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang patuloy ng salaysay sa buhay na paghihirap ni Job. Matandaan natin na siya’y pinagpala ng Diyos ng isang lupain, mga anak, at mga inaalagang tupa. Ngunit nainggit si Satanas, at hiniling na paglaruan si Job, subalit binilin ng Panginoon na huwag saktan o ipahulog sa patibong nito ang lalaking iyon. Kaya narinig natin kung paanong sinumpaan ni Job ang nangyari sa kanya, na parang tinuturing niya na walang kabuluhan ang kanyang buhay dahil sa karansan ng paghihirap. Sa kanyang paghihirap, tinanong niya kung bakit ‘di na lang siya natuloy sa panganganak, na kung gayon ay hindi siya magdurusa nang malala. Ngunit sa kabilang banda, alam ni Job na mayroong dahilan ng kanyang pinagdaraanan, at hindi kailanma’y inalipusta niya ang Panginoong Diyos, sapagkat nanatili pa rin siyang tapat na nagtitiwala sa kanya.
Ang Ebanghelyo ngayon ay isang pagtatahak ni Hesus tungo sa Jerusalem. Batid ng Panginoon ang kanyang haharapin na Pagpapakasakit at Pagkamatay sa Krus sa lungsod, kaya’t dumaan siya sa mga nayon ng Samaria. Subalit ibinalita ng kanyang mga tagapagbalita na ayaw siyang tanggapin ng mga sinagogoa roon, kaya’t napadala sa galit ang dalawang magkapatid na si Santiago at Juan, ang mga anak ni Zebedeo, na kung nais ipadala nila ang apoy mula sa langit upang wasakin ang mga nayon. Kaya sila’y tinawag ni Hesus bilang “Boanerges,” na may kahulugang “mga anak ng kulog”. Ngunit pinagsabihan sila ng Panginoon na naparito siya upang maligtas, at hindi mapaghamak ng tao.
Makikita natin sa katauhan ni Hesus ang malawak na pag-unawa sa mga hindi pa tumatanggap at nakikilala sa kanya bilang Anak ng Diyos. Nilawak din niya ang kaligtasan sapagkat ang lumang paniniwala noon ay sa loob lamang ng Hudaismo makakamtan ang biyayang iyan. At ang mga Samaritano ay tinuturing noon bilang mga kaaway ng mga Hudyo dahil sa kanilang pagsamba ng iibang diyos. Subalit makikita natin ang pagpapakita ni Kristo ng pag-ibig ng Ama na ganap at lubos. Mula sa angkan ng mga Hudyo at Samaritano ay maipapabilang ang marami sa kanyang ngalan, at ito ay ang mga Kristiyano. At ang pagkakilanlan sa atin bilang mga Kristiyano ay pag-ibig. Ang pag-ibig ay ang tanda ng ating pagtanggap sa mga mensahe ni Hesus, at nawa’y ipamalas natin ito sa ating kapwa.
MAGNILAY: Kilala sa pagkamainitin ng ulo ang magkapatid na Santiago at Juan kaya sila tinatawag na ‘boanerges’ (tingnan sa Marcos 3:17) na ang ibig sabihin ay ‘mga anak ng kulog.’ Napatunayan ito sa Ebanghelyo ngayon kung saan hiniling nila na paulanan ng apoy ang mga Samaritano na hindi pumayag na dumaan sina Hesus sa kanilang lungsod dahil patungo sila sa Jerusalem.
Matagal na ang alitan ng mga Hudyo at mga Samaritano. Nagsimula pa ito nang mahati ang kaharian ng Israel pagkatapos ng paghahari ni Solomon – ang kaharian sa Hilaga na ang kabisera ay Samaria at kaharian sa Timog na ang kabisera ay Jerusalem. Ang kaharian sa Hilaga ay nasakop ng mga taga-Assyria at kinalaunan nakipag-asawahan sila sa mga banyaga. Ang mga anak nila ay ang mga Samaritano. Nilalait ng mga taga-Timog ang mga Samaritano dahil hindi na sila purong Israelita dahil nahaluan sila ng dugo ng mga dayuhan na mga pagano at tinuturing na marumi. Bagama’t nasakop din ng dayuhan ang kaharian sa Timog pero napanatili nila ang kanilang purong dugong Israelita. Karamihan ay hindi nakipag-asawa sa dayuhan. Mula noon ay nag-aaway na ang mga Hudyo at mga Samaritano hanggang panahon ni Hesus.
Pinagalitan ni Hesus ang magkapatid na Santiago at Juan dahil sa kanilang kahilingan. Hindi niya asal ang pinakita nila. Kaaway man silang maituturing pero hindi tama na hangarin ang kanilang kapahamakan dahil lang sa tinanggihan sila. Matatandaang iniutos ni Hesus ang mahalin at ipagdasal ang mga kaaway. At huwag na huwag gaganti sa masamang ginawa sa kanila ng iba. Ang tunay na tagasunod ng Panginoon ay mahinahon at malawak ang pang-unawa at pasensya sa mga tumutuligsa sa kanila.
Kapag ginantihan natin ng init ng ulo ang ating mga kaaway binibigyan lang natin sila ng kapangyarihan laban sa atin. Kapag nanatili ang init ng ulo tayo rin ang talo. Hindi tayo mapakali hangga’t hindi nakakaganti. Hindi tayo makatulog. Hindi tayo matahimik. Sira ang araw natin. Trabaho natin apektado. Pati mahal natin sa buhay apektado. Naipapasa pa natin ang galit natin sa iba na wala namang kamalay-malay. Kaya nga kung bibigay tayo sa init ng ulo at galit tayo ang talo. Lalong nagwawagi ang mga kaaway natin.
Talunin natin ang ating mga kaaway sa pamamagitan ng pagiging mahinahon. Ipagdasal natin sila at unawain. Huwag maghangad ng masama sa kanila. Kinalaunan magiging daan ito ng pag-uusap at pakikipagkasundo. Kapag nakipagkasundo na tayo natalo na natin sila. Wala na tayong kaaway. Naging kaibigan na natin sila uli.
MANALANGIN: Panginoon, huwag nawa naming pairalin ang init ng ulo na madalas magdala sa amin sa maraming gulo at kapahamakan.
GAWIN: Kapag mainit ang ulo bumigkas ng paulit-ulit na dasal tulad ng Panginoon, patawarin mo kami.
Kung lagi kang tinutukso, mag-antanda ng krus at papatnubayan ka Niya. Maliit man ang ating pananamapalataya tulad ng pinakamaliit na butil. Payabungin ito upang makita ang ganda at maliwanagan sa lahat ng bawat ipakita sa atin ng Panginoon na hinahadlangan ng kanyang mga kaaway. Maging handa bawat segundo ang kaaway ay isang iglap rin upang makuha nila tayo. Pray pray pray yan lang ang kalasag natin upang hindi magkasala.