Martes, Setyembre 17, 2024

September 17, 2024

Martes ng Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

o kaya Paggunita kay San Roberto Belarmino, obispo at pantas ng Simbahan
o kaya Paggunita kay Santa Hildegarda ng Bingen, birhen at pantas ng Simbahan

1 Corinto 12, 12-14. 27-31a
Salmo 99, 2. 3. 4. 5

Lahat tayo’y kanyang bayan,
kabilang sa kanyang kawan.

Lucas 7, 11-17


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Tuesday of the Twenty-fourth Week in Ordinary Time (Green)

or Optional Memorial of St. Robert Bellarmine, Bishop and Doctor of the Church (White)

or Optional Memorial of St. Hildegard of Bingen, Virgin and Doctor of the Church (White)

UNANG PAGBASA
1 Corinto 12, 12-14. 27-31a

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, sapagkat si Kristo’y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi; bagamat binubuo ng iba’t ibang bahagi, iisa pa ring katawan. Tayong lahat, maging Judio o Griego, alipin man o malaya, ay bininyagan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.

Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng isang bahagi lamang.

Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Kristo at bawat isa’y bahagi nito. Naglagay ang Diyos sa Simbahan, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglagay rin siya ng mga gagawa ng mga kababalaghan, mga magpapagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga magsasalita sa iba’t ibang wika. Hindi lahat ay apostol, propeta, o guro; hindi lahat ay binigyan ng kakayahang gumawa ng mga kababalaghan, magpagaling ng mga maysakit, magsalita sa iba’t ibang wika o magpaliwanag nito. Kaya’t buong taimtim ninyong nasain ang mga kaloob na lalong dakila.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 99, 2. 3. 4. 5

Lahat tayo’y kanyang bayan,
kabilang sa kanyang kawan.

Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Panginoo’y papurihan, paglingkuran siyang kusa;
lumapit sa harap niya at umawit na may tuwa!

Lahat tayo’y kanyang bayan,
kabilang sa kanyang kawan.

Ang Panginoo’y ating Diyos! Ito’y dapat malaman,
tayo’y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
lahat tayo’y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.

Lahat tayo’y kanyang bayan,
kabilang sa kanyang kawan.

Pumasok ka sa kanyang templo na ang puso’y nagdiriwang,
umaawit nagpupuri sa loob ng dakong banal,
purihin ang ngalan niya at siya’y pasalamatan!

Lahat tayo’y kanyang bayan,
kabilang sa kanyang kawan.

Mabuti ang Panginoon, pag-ibig niya’y walang hanggan,
siya’y Diyos na mabuti’t laging tapat kailanman.

Lahat tayo’y kanyang bayan,
kabilang sa kanyang kawan.

ALELUYA
Lucas 7, 16

Aleluya! Aleluya!
Narito at dumating na
isang dakilang propeta,
sugo ng D’yos sa bayan n’ya.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 7, 11-17

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, pumunta si Hesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao. Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, nasalubong niya ang libing ng kaisa-isang anak na lalaki ng isang babaing balo. Marami ang nakikipaglibing. Nahabag ang Panginoon nang makita ang ina ng namatay, at sinabi sa kanya, “Huwag kang tumangis.” Lumapit siya at hinipo ang kinalalagyan ng patay at tumigil naman ang mga may dala nito. Sinabi niya, “Binata, bumangon ka!” Naupo ito at nagsalita; at siya’y ibinigay ni Hesus sa kanyang ina. Sinidlan ng takot ang lahat at sila’y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Dumating sa atin ang isang dakilang propeta! Nilingap ng Diyos ang kanyang bayan!” At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa kanya.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez September 18, 2018 at 5:25 am

Pagninilay: Sa kapanahunan ng ating Panginoong Hesukristo, mababa ang paningin ng lipunan sa mga kababaihan. Sila’y itinuturing na mahihina at dapat dumedepende sa kanilang mga asawa’t anak mula sa kalalakihan. Kapag namatay ang asawa, ang isa mga anak na lalaki, lalung-lalo ang panganay, ang magmamana ng pagpapala ng pamilya. Basta may anak na lalaki ang nanay ay hindi siya mapapabaya. Kung siya’y nag-iisa lamang dahil wala nang asawa at anak na lalaki, siya’y isang biyuda na tinuturing na hindi maaring tulungan. Makikita natin sa Ebanghelyo na ang babaeng ito na taga-Nain ay nangungulila sa pagkamatay ng kanyang bintang anak, kaya’t siya ay balo na. Nakita ni Hesus at ng kanyang mga alagad ang prusisyon ng punerarya upang ilibing ang lalaki. Nalaman ng Panginoon ang sitwasyon ng babae, kaya’t siya’y nahabag at sinabi sa kanya na huwag siyang tumangis. At sa puntong iyon, binuhay ni Hesus ang binata at ito’y nakabangon. Hindi lang buhay ng lalaki ang ibinalik ni Kristo, kundi pati na rin ang kabuhay ng biyuda kasama ang kanyang kaisa-isang anak. Nakita ng mga tao ang isang dakilang gawain ng Panginoon, kaya’y ipinahayag nila na dumating ang Diyos sa kanyang bayan. Ang kababalaghang ito ay isang kilos ng habag at malasakit ng Panginoon kahit sa mga taong tinuturing na hindi mahahalaga sa lipunan katulad ng mga balo at ulila. At ang pinadakilang pangyayari tungkol sa awa ng Diyos ay ang Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo matapos ang kanyang Kamatayan sa Krus para sa kaligtasan natin. Siya’y nagtagumpay laban sa kamatayan at kasalanan, at binigyan niya tayo ng bagong pag-asa at buhay na pananampalataya. At ito’y hamon sa atin ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na tayo’y bahagi ng isang Katawan na si Kristo, ang pinuno ng Simbahan. Tayo’y inaanyayahan na kamtan ang mga espirituwal na pagpapala na nagpapaalala sa atin tungkol sa misyong itinakda ng Diyos na ating sundin para sa ikabubuti ng magandang pamumuhay sa daigdig na ito. At isa na ring halimbawa ay ang pagiging maawain at mapagmalasakit sa ibang tao, lalung-lalo na sa mga nangangailangan. Nawa’y ito’y ating tudpin habang tayo’y namumuhay sa mundong ito upang igawad ng Panginoon sa atin ang kaligayahan ng buhay na walang hanggan sa kalangitan.

Reply

Malou Castaneda September 16, 2024 at 9:06 pm

PAGNINILAY
Kapag pinili nating huwag maramdaman at isara ang ating sarili mula sa sakit ng ibang tao, mawawalan tayo ng pagkakataong lumago at magbahagi. Kalungkutan at paghihirap ang nangingibabaw. Tayo bilang tao, madalas ay hindi natin nararamdaman ang presensya ng Diyos sa ating buhay maliban kung makakita tayo ng maaari nating tawagin na isang himala. Ang kinikilala nating mga himala ay mga hindi pangkaraniwang bagay na nangyayari na malayo sa ating pang-unawa bilang tao. Ngunit dapat din nating malaman na ang lahat ng mayroon tayo, ang hangin na ating hinihinga, ang tubig na ating inumin, ang pagkain na ating kinakain, ang pamilya at mga kaibigan na ating kasama sa ating buhay, ay mga himala na madalas nating hindi napapansin. Sa araw-araw na pag ikot ng buhay, laging nasa tabi natin ang Diyos na gumagawa ng maliliit at malalaking himala. Naranasan na din natin ang ilang pighati, kalungkutan at maging ang pagkasira. Paano natin nagawang magtagumpay sa kanila? Ito ay palaging sa pamamagitan ng awa mula sa Diyos. Ang matinding habag, maging ang sakit na nadarama natin para sa iba, ay hango sa halimbawa ng pagkahabag ni Hesus sa babae sa Ebanghelyo. Ito ay isang pag-ibig na ang pinagmulan ay nagsisimula sa Diyos. Napaginhawa na ba natin ang isang tao sa pamamagitan ng ating mga salita?

Panginoong Hesus, salamat sa Iyong nakapagpapagaling na haplos, na nagbibigay sa amin ng bagong buhay. Amen.
***

Reply

Marz September 17, 2024 at 3:34 pm

Consider the body; if you are blessed, it is not because God wants you to indulge but to help and share.
-Father Dave Concepcion

Reply

Group of Believer Poblite September 18, 2024 at 10:59 pm

MAGNILAY: Si Hesus ay larawan ng habag sa ating Ebangelyo ngayon. Ang mahabag ay hindi lang makisimpatiya. Ang mahabag ay ang makidalamhati sa kapwang nagdadalamhati. Ito ay makidusa sa mga nagdurusa. Nilalagay mo ang sarili mo sa kalagayan ng kapwang may pinagdadaanan. Dinadala mo sa sarili mong balikat at dalahin ng kapwa mong nabibigatan. Malapit sa salitang habag ang damay. Ang taong nahahabag ay nakikiramay o nakikidamay sa paghihirap ng iba.

Pero hindi lang sapat na makidalamhati o makidusa o makiramay. Ang tunay na habag ay nag-uudyok sa ating kumilos at may gawin upang maibsan ang dalahin ng ating kapwa. Iyon ang kaganapan ng habag. Hindi lang tayo nakikiluha o nakikiiyak. May positibo tayong gagawin upang maalis kahit papaano ang hinagpis ng kapwa.

Minsan tinatawag na ‘anak ni Maria’ si Hesus. Kadalasan ang pangalan ng ama ang binabanggit upang tukuyin ang iyong pagkakakilanlan. Ang paliwanag ay noong mga panahong iyon yumao na si San Jose. Si Maria ay biyuda na at ang Panginoon ang kanyang kaisa-isang anak. Kaya nga nung ipako siya sa krus inihabilin niya sa alagad ang kanyang ina. Kaya nang madaanan nila ang biyuda sa ating Ebanghelyo na namatay ang kaisa-isang anak madali siyang nakiramay dahil pareho ng kalagayan sa kanyang inang si Maria. At ngayon nga ay namatay ang kaisa-isang kaligayahan niya – ang kanyang anak. Bukod dito tinuturing na ring patay ang babaeng biyuda na ito dahil wala nang lalaki sa pamilya na bubuhay sa kanya. Tanging mga lalaki ang may karapatang maghanapbuhay. Kaya nga kawawa ang mga biyuda noong panahon na iyon. Nanghihingi na lang ng limos para makakain. Kaya ang apihin ang biyuda at pagsamantalahan ay malaking kasalanan sa Diyos. Matinding galit ng Diyos ang tatamuhin nila. Nang binuhay ni Hesus ang kanyang anak nabuhay din siya – ang kanyang galak, pag-asa at kinabukasan.

Maraming dapat kahabagan sa paligid natin. Pero huwag lang makidalamhati o makiramay. Kumilos din. Ang bayang ito ay tigib ng mga nagdadalamhati, nagdurusa, naghihikahos, nagluluksa. May gawin ka sana upang mapawi ang kanilang luha. May gawin ka sana upang maibsan ang kanilang hapis. May gawin ka sana upang maibalik ang kanilang saya, galak at pag-asa.

MANALANGIN: Panginoon, maging ekstensyon nawa kami ng iyong awa lalo sa mga higit na nagdurusa.

GAWIN: Damayan ang mga pinakakawawa sa ating komunidad.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: