Podcast: Download (Duration: 7:34 — 5.4MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Patnubay sa Misa
Lahat tayo’y kabilang sa kawan ni Kristo, at ilan sa atin ay kabahagi sa kanyang pamumuno. Ipanalangin natin ang lahat ng nahirang magpastol sa kanilang mga kapatid.
Hesus, Butihing Pastol, dinggin mo kami!
Para sa mga pinuno ng Simbahan: Nawa’y lagi silang maging tapat sa kanilang tungkuling itaguyod ang kapakanang espirituwal ng mga mananampalataya. Manalangin tayo!
Para sa ating mga pinunong pambayan: Nawa sila’y maging tapat at di-makasarili sa pagtupad sa kanilang tungkuling magtaguyod ng katarungan at kapayapaan sa bayan. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng magulang, guro, at mga nanunungkulan: Bigyang-pansin nawa nila ang pangangailangan ng kanilang mga anak, estudyante, at mga pinamumunuan bilang mga kinatawan ng Diyos, ang Dakilang Pastol ng lahat. Manalangin tayo!
Para sa mga doktor, mga social worker, at lahat ng may pananagutan sa kapakanan ng kabataan, mahihina, at mga nangangailangan sa lipunan: Nawa’y magsumikap sila sa pagtupad sa kanilang tungkulin. Manalangin tayo!
Para sa mga maysakit at nasa bingit ng kamatayan: Nawa’y makatagpo sila sa mga pari, doktor, nars, at kamag-anak ng tunay na pagmamahal ng Dakilang Butihing Pastol. Manalangin tayo!
Nawa’y lahat ng tumatanggap ng Sakramento ng Pagpapahid ng Langis, kasama ng kanilang mga mahal sa buhay, ay makapagkamit ng kapangyarihan ng Panginoon at maging tanda nawa sila ng habag at pag-asa para sa lahat. Manalangin tayo!
Panginoon, lingapin mo ng iyong pagmamahal ang mga pastol ng Simbahan, lalo na ng aming pamayanan. Pagpalain mo ang kanilang mga pagsisikap. Palakasin mo sila at gawin silang mapagbigay habang nagsisikap silang tumulad kay Hesus, ang ating mapagmahal na Mabuting Pastol na nabubuhay at naghahari magpakailanman.
Amen!
Pages: 1 2
« Sabado, Hulyo 20, 2024
Lunes, Hulyo 22, 2024 »
{ 5 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Sa bawat misyon ng bawat Kristiyano, may kakayahang tugunan ng isang tao ang tawag ng Panginoon upang ipahayag ang Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos.
Ang ating Ebanghelyo ay nagsisilbing paalala kung paano tayo magiging matapat sa ating misyon. Pagkatapos nilang tuparin ang misyon ng pagpapakilala sa tao tungkol sa Paghahari ng Diyos (ang Ebanghelyo noong nakaraang Linggo), nakabalik ang 12 Apostol kay Hesus at ibinalita ang kanilang mga ginawa sa mga nayon at bayan ng Israel. Pagkatapos ay inutusan sila ni Hesus na magpahinga at pumunta sa isang ilang. Kaya’t namasdan sila ng napakaraming tao sa bangkang papunta sa lugar na iyan, at sinundan nila si Hesus at ang 12 Apostol. Makikita natin dito yung maawaing pagtingin ng Panginoon sa napakaraming tao na tila para silang mga tupa na walang pastol. At sila’y kanyang tinuruan at gumawa rin ng mga kababalaghan.
Ang mahalagang pagtuunan ng pansin ay ang tungkulin ng isang taong may misyon. Binabala ni Propetang Jeremias sa Unang Pagbasa ang mga bulaan at tiwaling pastol na sa labas ay nakikiakit, ngunit sa loob ay nagpapaligaw sa mga tupa ng Panginoon. Ganito ang paglalarawan sa mga iilang hari at prinsipe ng Israel at Juda na naghuhudyat ng pagkakasala ng mga tao ng mga bansang iyon. At sa ating kasalukuyang konteksto, may mga itinuring mga pastol na hindi inaalagaan ang mga kawang kanilang ipinamamahala. Kaya tayo’y tinawag ng Diyos na bilang kanyang kawan na nakikinig sa tinig ng kanyang Anak, tayo’y maging mga pastol upang tugunan ang mga pisikal at espirituwal na pangangailangan ng mga tao.
At ayon kay San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, tayo’y maging mga saksi para sa kapayapaang ipinapagkaloob sa atin ng Panginoon: ang kapayapaang pinagkasundo ni Kristo dahil sa kanyang Pagkamatay sa Krus at Muling Pagkabuhay. At katulad ni Hesus, nawa’y mahabag tayo at magmalasakit na ipahayag ang Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos na dulot ay pagmamahal, kagalakan, at kapayapaan.
Sa huli, huwag nating kalimutan ang “ilang” na kung saan pahalagahan natin ang buhay-panalangin upang idulog natin sa Panginoon na sa kabila ng lahat na nangyayari at mangyayari, matutupad pa rin natin ang kanyang dakilang kalooban.
Ang mabuting Pastol, paano natin tutularan si Hesus sa pangkasalukuyang panahon? Umpisahan mo ito sa loob ng iyong tahanan, maging mabuting halimbawa tayo sa asawa at sa mga anak, pasanin natin ang krus sa mga darating na problema at pagsubok, Sa labas ng ating tahanan ay ang mga kapwa natin na nangangailangan ng tulong, maglingkod tayo katulad ng mabuting pastol. Sinabi sa unang pagbasa na ang pangalawang itatawag natin sa Diyos at “Panginoon na matuwid. Sikapin nating matularan si Hesus sa pgihing matuwid. Ang daan ay two way, kailangan lamang nating maimilli kung dadaan tayo sa baluktot na daan na puro kasarapan sa buhay subalit puro pagsisis ang ating mararamdaman dahil sa parusang matatano galing sa langit. O ang matuwid na daan na masikip at maraming kapighatian pero pagdating sa dulo ay puro katarungan, kapayapaan, pag ibig, at wagas na kaligayahan.
PAGNINILAY:
Kung sa nakaraang Linggo ay sinugo ng Panginoong Hesus ang labindalawa sa pagmimisyon na ipalaganap ang Mabuting Balita ng Kaligtasan, pagpapalayas ng mga inaalihan ng demonyo, at pagpapagaling sa mga may sakit, sa Linggong ito ay ang pagbabalik ng mga sinugo upang mag-ulat sa nangyari tungkol sa kanilang pagmimisyon partikyular na ang pangangaral sa Salita ng paghahari ng Diyos. Dahilan sa kapangyarihan ng kanilang mga itinuro dumami ang naging tagasunod ni Hesus na halos hindi na sila makakain o makapagpahinga kaya nagsalita ang Panginoon na pumunta sa ilang na pook pero mas nauna pa ang mga tao sa lugar na kanilang pupuntahan. Ang tagpo ay nagdala ng awa’t habag kay Hesus na naihambing Niya ang mga tao sa mga tupang walang nagpapastol.
Sa unang Pagbasa sa aklat ni propeta Jeremias sila ang mga taong pinabayaan ng mga namumunong walang malasakit sa mamayan na hinayaang magsikalat at walang masulingan kaya nagalit ang Diyos at babawiin sa mga hari ang natirirang mamayan at muli Niya ito pararamihi’t aarugain. Dito makikita ang pagkakaiba ng mga bayarang pastol dahil kulang sila sa malasakit at hinahayaang nila mailigaw ang mga tupang pinapastol nila. Ang Panginoon Hesukristo ay ang mabuting pastol na ang bawat tupa ay mahalaga na kahit isa ma’y mawala ay kanyang hahanapin at hindi Niyang pahihintulutang mawalay sa kanya. Sinasabi dito na kung ang buhay ng tao ay nasa Panginoong Hesus makakamit ang payapang buhay at magkakaroon ng kasaganahan at iiral ang katarungan. Na sinasabi naman sa Salmo, “Pastol ko’y ang Panginoong Diyos, hindi ako magdarahop”.
Sa piling ni Kristo Hesus ay pagkakasunduin Niya ang lahat ng tao mabuti man o masama walang itatangi katulad ng sinabi ni San Pablo sa komunidad ng Efeso. Napakahalaga na makipag-kaisa at makipagkasundo sa Panginoong Hesukristo habang may panahon pa. Sa ating mga buhay isa sa atas sa atin na hanapin ang mga nawawala sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga Salita ng Kaligtasan sa ating kapwa lalo na yung mga nawawala, mga walang nagaaruga, at ang mga nawawalan na ng pagasa. Tayo din ay hinirang na mga pastol at magiging makabuluhan lamang ang mga buhay natin sa mundong ito kung sa araw araw nating paglalakbay marami tayong madadala sa kaharian ng Diyos na ipinangako Niya sa mga sumusunod sa kanyang mga panukala.
Totoo nga naman ang salitang MALASAKIT. Nasasaktan ka na ngunit patuloy kang nagbibigay, nasasaktan ka na ngunit patuloy na tumutulong, at kahit masakit patuloy na umiibig.
Ipinapakita sa atin ng ebanghelyo sa linggong ito kung paanong si Hesus ay nagmalasakit sa mga dukha at nangangailangan. Siya’y nahabag sa kanila sapagkat sila’y parang mga tupang walang pastol. Pagod na si Hesus at ang mga alagad sa dami ng mga taong dumadagsa upang makinig sa kanyang mga aral, upang magpagaling ng mga maysakit, at upang makita ang mga himalang ginagawa niya.
Sa ating panahon, marami ring Hesus na may malasakit sa kanyang kapwa sa kabila ng pagod na kanilang nararamdaman. Pagod na ang tatay pag-uwi sa bahay galing sa trabaho subalit kailangan pa rin niyang magpakatatay sa kanyang mga anak. Pagod na ang nanay sa trabaho o marahil sa mga gawaing-bahay, subalit kailangan pa rin niyang magpakananay sa kanyang pamilya. Pagod na ang isang kaibigan dahil sa kanyang mga problema sa buhay subalit handa pa rin siyang makinig sa mga kaibigang nangangailangan ng kausap at kasama. Pagod na ang pari sa kanyang mga misa, subalit kailangan pa rin niyang makiisa sa lumbay ng mga namatayan, sa kagalakan ng mga ikinakasal at binibinyagan, at dumamay sa mga nangangailangan.
Minsan o kadalasan pagod na tayo, subalit mas pinipili nating magmalasakit para sa kapakanan ng ating kapwa. Minsan o kadalasan mas pinipili nating unahin ang ibang tao kaysa pansarili nating kapahingahan. Minsan kahit masakit, patuloy pa rin tayong nakikinig, patuloy pa rin tayong nakikisama, patuloy pa rin tayong nagmamahal, at patuloy pa rin nating pinipili na manatili. At ang mga bagay na ito ang tinatawag nating MALASAKIT.
Inaanyayahan tayo ng Panginoong Hesus na magkaroon tayo ng malasakit sa kabila ng mga balakid, sakit at pagod na ating nararanasan sa buhay. Sa panahong ito kinakailangang magmalasakit tayo sa dangal ng pamilya, at magmalasakit tayo para sa ating bansa. Ipanalangin nating tayo’y magkaroon ng pagmamalasakit tulad ng malasakit ni Kristo sa kanyang simbahan.
Piliin nawa nating maging tulad ni Hesus. Pagod ngunit may malasakit, Masakit ngunit may nagmamalasakit, masakit ngunit patuloy na umiibig, yan ang tunay na MALASAKIT!
-Pagninilay sa ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon. Taon B (Marcos 6, 30-34)
PAGNINILAY
Gaano kadalas nabibigo ang bawat isa sa atin sa aspeto ng pagpapastol? Tayo na nasa anumang uri ng pamumuno: mga magulang, tagapagturo, amo, pinuno, atbp. ay natutukso na gamitin ang ating mga posisyon para sa ating sariling kapakanan. Ipinadala sa atin ng ating mapagmahal na Ama si Hesus upang tayo ay Kanyang mapangalagaan, gabayan, pakainin, pangalagaan, at mahalin. Naranasan nating lahat yaong mapagmahal na presensya sa ating buhay. Ang hamon na ipinapataw nito sa atin ay: tayo ay tinawag, kailangang abutin, ibahagi ang ating natanggap at isulong ang misyon ng ating Mabuting Pastol sa pamamagitan ng mahabaging pagpapastol sa mga inilagay ng Diyos sa ating buhay.? Nawa’y patuloy nating maranasan ang mapagmahal na pangangalaga ng Mabuting Pastol at nawa ang Banal na Espiritu ay mahikayat tayo na ibahagi ang mapagmahal na pag-aaruga sa mga taong ipinagkatiwala ng Diyos sa ating pangangalaga.
Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming maging sensitibo sa mga pangangailangan ng mga pinaglilingkuran namin. Amen.
***