Linggo, Hulyo 7, 2024

July 7, 2024

Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)

Ezekiel 2, 2-5
Salmo 122, 1-2a. 2bkd. 3-4

Mata nami’y nakatuon
sa awa ng Panginoon.

2 Corinto 12, 7-10
Marcos 6, 1-6


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Fourteenth Sunday in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Ezekiel 2, 2-5

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel

Noong mga araw na iyon, nilukuban ako ng Espiritu at itinayo ako upang pakinggan ang isang tinig na nagsasabi: “Tao, susuguin kita sa Israel, sa bansang suwail. Pagkat mula sa kanilang ninuno, naghihimagsik na sila sa akin hanggang ngayon. Matigas ang kanilang ulo at walang pitagan. Kaya puntahan mo sila at sabihin mong ito ang ipinasasabi ng Panginoong Diyos. Sa makinig sila o sa hindi — pagkat matigas nga ang kanilang ulo — malalaman nilang may isang propeta sa gitna nila.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 122, 1-2a. 2bkd. 3-4

Mata nami’y nakatuon
sa awa ng Panginoon.

Ang aking pangmasid doon nakapukol,
sa luklukang trono mo, O Panginoon.
Tulad ko’y aliping ang inaasahan
ay ang amo niya para matulungan.

Mata nami’y nakatuon
sa awa ng Panginoon.

Kaya walang humpay ang aming tiwala,
hanggang ikaw, Poon, sa ami’y maawa.
Mahabag ka sana, kami’y kaawaan,
labis na ang hirap naming tinataglay.

Mata nami’y nakatuon
sa awa ng Panginoon.

Kami’y hinahamak ng mga mayaman,
matagal na kaming laging inuuyam
ng mapang-aliping palalo’t mayabang.

Mata nami’y nakatuon
sa awa ng Panginoon.

IKALAWANG PAGBASA
2 Corinto 12, 7-10

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, para hindi ko ipagyabang ang kamangha-manghang pahayag ng Diyos sa akin, ako’y binigyan ng isang kapansanan sa katawan na nagsisilbing pamalo ni Satanas upang huwag akong magpalalo. Tatlong beses kong idinalangin sa Panginoon na alisin ito, ngunit ganito ang kanyang sagot, “Ang tulong ko’y sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina.” Kaya’t buong galak na ipagmamapuri ko ang aking kahinaan upang palakasin ako ng kapangyarihan ni Kristo. Dahil kay Kristo, walang halaga sa akin kung ako ma’y mahina, kutyain, pahirapan, usigin, at magtiis. Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Lucas 4, 18

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo ay sinugo
upang sa dukha’y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 6, 1-6

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, si Hesus ay nagtungo sa sariling bayan, kasama ang kanyang mga alagad. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, nagturo siya sa sinagoga. Nagtaka ang maraming nakarinig sa kanya at nagtanong, “Saan niya nakuha ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakagagawa ng mga kababalaghan? Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” At siya’y ayaw nilang kilanlin. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang propeta’y iginagalang ng lahat, liban lamang ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.” Hindi siya nakagawa ng anumang kababalaghan doon, maliban sa pagpapatong ng kanyang kamay sa ilang maysakit upang pagalingin ang mga ito. Nagtaka siya sapagkat hindi sila sumampalataya.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 8 comments… read them below or add one }

Reynald Perez June 26, 2021 at 3:36 pm

PAGNINILAY: Ipinapakilala ng ating mga Pagbasa ngayon ang ministeryo ng pagpapahayag ng mensahe ng Diyos at pagsasabuhay nito sa pagiging mga saksi niya.

Ang Unang Pagbasa ngayon ay ang pagtawag ng Diyos kay Ezekiel upang maging propeta, halos 500 taong bago dumating si Kristo. Sa kapanahunan ni Ezekiel, ang bayang Israel ay nalulugmok sa pagkakasala dahil sa kanilang pagiging matigasin at pagsusuway sa kalooban ng Diyos. Kaya ipinasugo ng Diyos si Ezekiel sa bayang masuwail upang ipagbalik-loob sila at panibaguhin ang kanilang pagkatao, na maging dalisay at matapat sa mata ng Panginoon. Sinabi rin ng Diyos na kahit makinig sila o hindi, makikita rito ang misyon at pagkakilanlan kay Ezekiel bilang isang propeta. Ang titulo ni Propeta Ezekiel bilang “anak ng tao” ay mas hihigit pa sa pagdating ng Panginoong Hesukristo, ang Anak ng Diyos.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang pagbabalik ni Hesus sa kanyang kinalaking bayan, o ang bayan ng kanyang kabaataan: Nazaret. Sinabi ng mga ebanghelista na ang anak nina Birheng Maria at San Jose ay tatawaging “taga-Nazaret” [Mt. 2:23]. Binalik ni Hesus ang mga alaala ng kanyang paglalaki, at nais niyang ipahayag ang mensahe ng kaligtasan sa Nazaret, na tinatanong ni Apostol Bartolome noong tinatawag pa siya na maging Apostol “kung mayroon bang mabubuting bagay nanggaling dito” [Jn. 1:46]. Kaya nga nang pumasok siya sa sinagoga, nagturo siya. Ayon sa salaysay ni San Lucas, ipinahayag niya ang propesiya ni Isaias, na kung saan pinuspos ng Espiritu Santo ang kanyang hinirang upang ipahayag sa mga dukha ang Mabuting Balita. At dinugtong ni Hesus na ang propesiya ay natupad na sa pamamagitan ng taong nagsasalita nito. Kaya nagduda sila at nagtaka dahil alam lang nila na si Hesus ay “anak ng karpintero” (sapagkat ito yung naging hanapbuhay ni San Jose). Kaya tugon ng Panginoon ay walang propetang tinatanggap sa kanyang sariling bayan, ni hindi ng kanyang mga kababayan. Sa huli, sinabi rito ni San Marcos na hindi siya gumawa ng mga kababalaghan dito, maliban na lamang sa pagpapagaling sa iilang maysakit, sapagkat nagtaka siya sa labis ng pagkukulang ng kanilang pananampalataya.

Ang pagiging isang saksi ng Salita ng Diyos ay hindi madali, sapagkat parang igugulgol mo ang iyong katapatan, at ang ibabalik sa iyo ay mga insulto, pagtatawa, at pag-uusig. Kaya nga maraming mga martir ng ating Simbahan ay dumanas ng ganyang hirap alang-alang sa pananampalataya. Subalit ang kanilang kabanalan ay saksi para sa Diyos at sa sambayanang kanyang patuloy na inaalagaan. Kahit si San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, dumanas ng mga hirap, at tatlong beses nagmakaawa na tanggalin ang tinik sa kanyang laman, na tanim ng Diyablo upang siya ay maghirap. Subalit tugon ng Panginoon sa kanya na sapat na ang grasya, upang mas maging malakas siya sa mga panahon siya’y nagiging mahina. Kaya sinasabi niya na pinupuri niya ang kanyang mga paghihirap hindi dahil dapat lang ito mangyari sa kanya, kundi nakikita niya ang liwanag na kanyang matatamo matapos pagdaanin ang mga pagsubok na ito. Tayo rin sa ating buhay pang-Kristiyano ay tinatawag na maging mga saksi ng pagpapahayag ng Salita sa pamamagitan ng ating pang-araw-araw na buhay. Ito yung ating misyon upang tanggapin natin si Kristo sa ating buhay, at ibahagi siya nawa sa iba.

Reply

Sherwin D. Yanoria July 4, 2021 at 7:35 am

Ikaw ba ay liwanag ng iyong kapwa? Kadalasan ay mayroon tayong mga kaibigan. Naiimpluwensyahan natin sila sa mga desisyon. Sana nga lamang ito ay patungo sa kabutihan. Ang ating Panginoong Hesus ay naging ilaw sa paggabay at pagtulong sa mga tao. Kaya naman Siya ay kinaiinggitan ng Kanyang kapwa. Sana nga lamang sa panahon natin ngayon, huwag ng uriratin, usisain, kainggitan o gawan ng masama ang mga taong tumutulong sa kapwa. Ipagpasalamat natin at tularan na may mga taong mabuti ang kalooban.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño July 4, 2021 at 10:19 am

Lahat tayo ay nagkakasala at kapintasan at kadalasan yan ang tumatatak sa isip ng mga tao, ang mga pagkakamali mo. Kaya nman kapag tayo ay nagbabalik loob na sa Panginoon, sari sari ang ating mga naririnig sa mga kaibigan natin. May nagsasabing, simba ng simba masama nman ang ugali, may nagsasabing pakitang tao, meron na pagtatawanan kat kukutyain na nababaliw na. Tiisin mo pang ang lahat ng mga ito at ipagpatuloy ang magandang relasyon sa Diyos, hindi mo kailangann ipaliwanag ang sarili mo sa kanila, ipakita mo lamang sa gawa at mahalin ang Diyos ng iyong buong isip puso at kaluluwa, si Hesus na nasa langit na ang bahala sa gantimpala.

Reply

drROMUALDO-sjc July 2, 2024 at 2:36 pm

Mga kapatid, ang ating Ebanghelyo ngayon ay isang paalala sa atin tungkol sa hamon ng pagtanggap at pananampalataya. Makikita natin dito si Jesus, na bumalik sa kanyang sariling bayan matapos ang kanyang ministeryo sa iba’t ibang lugar. Ngunit sa halip na mainit na pagtanggap at papuri, siya ay nakaranas ng pag-aalinlangan at pagdududa mula sa kanyang mga kababayan.

Mga kapatid, ang hamon sa atin ngayon ay ang magtiwala sa Diyos at kilalanin Siya sa mga taong nakapaligid sa atin. Huwag nating hayaan na ang ating mga pag-aalinlangan at prekwensiya ang siyang humadlang sa mga biyaya at himala na nais ibigay sa atin ng Diyos. Sa halip, magbuklod tayo sa pananampalataya, pag-asa, at pagmamahal.

Nawa’y patuloy tayong gabayan ng Espiritu Santo upang makita at maranasan natin ang pagkilos ng Diyos sa ating araw-araw na buhay.

Reply

Malou Castaneda July 6, 2024 at 4:29 pm

PAGNINILAY
Ito ay likas sa ating tao na sinusuri natin ang mga tao batay sa kanilang hitsura at panlabas na anyo at ng naaayon ay hinuhusgahan sila at bubuo ng ating opinyon tungkol sa kanila. Ang Diyos ay nagpapaalala at nagbababala tungkol dito. Ang Panginoon ay hindi tumitingin bilang mortal: sila ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso. Dahil sa pagkiling na ito, kadalasan ay nagsisimula tayong tumuon sa mga pagkukulang at kahinaan ng mga tao kaysa sa kanilang mga kalakasan o kung ano talaga sila. Hindi natin nalalaman kung sino talaga sila kaya hindi natin sila tinatanggap. Dahil sa ating maling saloobin at maling pag-iisip, sinisimulan nating sirain ang personalidad ng ibang tao, sa pamamagitan ng paggawa nito, sa paraang ito, tinatanggihan natin ang kanilang pamumuhay. Kailangan nating tingnan ang iba tulad ng pagtingin ng Diyos sa kanila. Tinatanggap ng Diyos ang lahat ng tao ng walang pagtatangi. Mahal Niya tayo at inaalagaan Niya tayo kahit na alam Niya ang ating mga kahinaan at kasalanan, dahil alam Niya kung sino talaga tayo, at ang ating tunay na kalikasan. Ang Diyos ay nananahan sa bawat isa at bawat tao, sa parehong panahon, bawat tao ay may ilang kahinaan at kasamaan sa loob, kaya bakit hindi natin balewalain ang mga pagkukulang at tanggapin at mahalin sila kung ano talaga sila. Hingin natin sa Panginoon ang biyaya para dito.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming maging bukas sa Iyong tinig sa aming mga kapitbahay at pamilya. Amen.
***

Reply

Group of Believer Poblite July 7, 2024 at 5:07 am

MAGNILAY: Sino ang mga propeta ng buhay natin? Sila yung mga taong kritikal sa ugali at mga ginagawa natin. Sinasabi nila ang kulang sa atin, ang mali sa atin, ang mahina sa atin. Sila yung humahamon sa mga desisyon natin. Ayaw natin makinig sa kanila kasi nasasaktan tayo sa sinasabi nila. Isa pa marami sa kanila wala namang masyadong sinasabi sa buhay pero ang lakas ng loob magsalita. Pero sa totoo lang ayaw natin sa kanila at nasasaktan tayo sa sinasabi nila dahil totoo ang sinasabi nila tungkol sa atin. Ang propeta ng buhay natin ay yung mga taong pinamumukha sa atin ang mga ayaw nating harapin at tanggapin sa sarili natin. Hindi natin namamalayan nagsasalita ang Diyos sa atin sa pamamagitan nila. Ang tanggihan sila ay Diyos ang ating tinatanggihan.

Tinanggihan si Hesus ng kanyang mga kababayan at mga taong malalapit sa kanya dahil taglay niya ang mga katangian ng isang tunay na propeta. Hindi nila matanggap ang katotohanan ng kanyang sinasabi. Hindi rin nila tanggap na ginagamit siya ng Diyos para magsalita sa kanila gayong ordinaryo lang siyang tao. Gayunman man ang katotohanan ay katotohanan kahit sino pa ang nagsasabi. Ang nagsasabi ng salita ng Diyos anumang hirap at sakit ay propeta!

MANALANGIN: Panginoon, pakinggan nawa namin ang katotohanan kahit sino pa ang nagsasabi nito.

GAWIN: Kilalanin ang mga propeta ng buhay mo at simulan silang pakinggan.

Reply

Aprilyn Navarro July 7, 2024 at 4:02 pm

Ang pagninilay na ito ay napakaganda at nagbibigay-inspirasyon. Ipinapaalala nito sa atin ang kahalagahan ng pagiging tapat na saksi ng Salita ng Diyos, kahit na harapin natin ang iba’t ibang pagsubok at hamon. Ang halimbawa ni Propeta Ezekiel, ni Hesus sa Nazaret, at ni San Pablo ay nagbibigay sa atin ng lakas ng loob na magpatuloy sa ating misyon bilang mga Kristiyano. Ang kanilang mga karanasan ay nagtuturo sa atin na ang tunay na pananampalataya ay nasusubok at napapatibay sa kabila ng mga paghihirap. Nawa’y patuloy tayong maging matatag sa ating pananampalataya at magsilbing ilaw sa ating kapwa.

Reply

Marz July 7, 2024 at 8:17 pm

Over familiarity breeds contempt.
When things got too familiar we take them for granted.
We cannot hear God because of stereotyping.
The truth can be said even by your enemies. If we have our biases even Your friends cannot tell you the truth.
When are too familiar we only missed them when they are gone.
Don’t take things for granted. Taking things for granted we failed to say thank you. We failed to be come happy. The secret of a Happy life is to have a grateful spirit. Grateful people are happy because they look at things as extraordinary.
Weather we like it or not we are afffected by what people say about us.
Life is so fragile we miss God not only one another.
Sayang naman ang nagsasalita ang Diyos hindi pinakikinggan dahil sa ito ay naging masyadong pangkaraniwan.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: