Podcast: Download (Duration: 7:35 — 9.3MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Iluhog natin ang ating mga pangangailangan sa Diyos Ama, kung saan naroon ang kanyang Anak na nauna na sa atin at tumatawag sa atin na sundan siya. Manalangin tayo nang may pananalig sa biyaya sa pagtanggap sa pagtawag na ito.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, bigyan Mo kami ng biyaya na sundan ang iyong anak.
Ang mga pinuno ng Simbahan at yaong mga nagpapahayag ng Salita ng Diyos nawa’y maging masigasig sa kanilang pagsunod kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating komunidad sa araw-araw nawa’y mapanibago sa pananampalataya sa Salita ng Diyos na tumatawag sa atin sa isang mabuting buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga nawalan ng pag-asa dahil sa mga pagkakasala nawa’y mapagtanto na kasa-kasama natin si Kristo, ang ating pinuno, at pinapasan ang ating mga suliranin, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga pinahina ng pagkakasakit at karamdaman nawa’y mapanatag sa kasiyahan ng Diyos dulot ng kalinga at pagtulong ng kanilang mga kapamilya, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga namayapa nawa’y makasunod kay Kristo at makapasok sa walang katapusang presensya ng Diyos sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos Ama, sa aming pagnanais na sumunod sa yapak ng iyong Anak, gawin mo kaming iisa sa isip at puso sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Linggo, Hunyo 30, 2024
Martes, Hulyo 2, 2024 »
{ 5 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Sinisimulan ng ating Unang Pagbasa ang buhay at ministeryo ng mga propeta sa Lumang Tipan. Ngayon ay maririnig natin sa mga darating na araw si Propeta Amos, na mas kilala sa kanyang pagpapahayag tungkol sa katarungan para sa mga mahihirap at inaapi ng lipunan ng Israel. At narinig nga natin sa Pagbasa ngayon kung paanong ikinasusuklam ng Panginoon ang paulit-ulit na pagkakasala ng Israel dahil sa kanilang pagyuyurak sa mga mahihirap nilang kababayan at ang kanilang paglulustay at pag-aangkin sa kanilang mga pinaghirapang kayamanan. Kaya sinabi ng Diyos na pahihirapan sila katulad ng isang kariton na di makalakad o makabuhat. At makikita nga natin sa kasaysayan kung paanong nilusob at sinakop ng mga taga-Asyria ang Israel dahil sa kanilang di matapat na pamumuhay. Ngunit maririnig natin na sa kabila ng kanilang pagdaraanan, bubuksan muli ni Amos ang kanilang mga puso tungo sa daan ng kaligtasan, ang pagkakaroon ng malasakit at pakialam sa kani-kanilang kapwang mahihirap at naghihikahos. At ganun din ang Diyos na kahit nagagalit na siya sa pagpapahirap ng ginagawa ng Israel sa kapwa nilang mamamayan, nais niya pa rin ituwid ang pagkakamali ng bayan.
Ang Ebanghelyo ngayon na ayon kay San Mateo ay ang ating Ebanghelyo kahapon mula kay San Lucas. Ang mga dapat sumunod kay Hesus ay parang ‘di na natuloy. Ang dahilan dito ay dahil sa mga makamundong bagay, gawain, at pagnanasa na ayaw bitawin at iwanan. Una, ang isang tao ay nagsabi kay Kristo na susunod siya kung saan man ito magpunta. Subalit tugon ng Panginoon ay parang kinakailangan nating hiwalayin ang mga bagay na parang nagiging ugat ng ating ‘sarap ng buhay’ dahil ganun din ang nangyari ang Panginoon nang wala siyang lugar upang pahingahin ang kanyang ulo.
Pangalawa, may isang tao naman na nagdahilan na kailangan niyang ilibing ang kanyang ama. Subalit tugon sa kanya ni Hesus na patuloy na sumunod sa kanya, at ang patay na raw ang bahala na maglibing sa mga patay. Ibig sabihin nito ay may mga tinatawag tayong ‘hindi natapos na negosyo’ — “unsettled business” sa Ingles — na parang mga ritwal, kinaugalian, o gawain na bahagi na sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Subalit ang tunay na pagtugon sa tawag na magmisyon ay hindi palaging nakatuon sa mga okupadong kapakanan, na sa puntong wala na tayong oras para sa Panginoon. Huwag po sana nating idahilan sa kanya na masyado tayong okupado abala sa trabaho, dahil alam ni Hesus na kahit iilang katiting na sandali ay may panahon talaga tayo para sa kanya, lalung-lalo na sa pananalangin.
Mga kapatid, ang Diyos ay mabuti kung tayo ay magiging mabuti. At tayo rin nawa ay gawin nating prayoridad ang Diyos sa kabila ng ating mga inaasikasong obligasyon, sa trabaho man iyan o sa bahay lang. Ang lahat ng ating kinaabalahan at kinakapitan ay nawa’y ibigay natin sa Diyos upang panibaguhin niya ang ating puso at isip na ang ating ordinaryong buhay ngayon ay pagkakataong tayo’y tunay na magmisyon sa mga taong nakakasalamuhaan natin.
Ano ang aral at hamon ng ebanghelyo ngayon?
Kung nais nating makasunod kay Hesus, ay iwanan natin ang kasalalukuyang gawain. Katayin natin ang ating mga toro at igatonh ang mga gamit pang araro. Inig sabihin ay iwan mo at wag ng balikan ang dati mong klase ng pamumuhay sa dito sa lupa. Kung nais mong makasunod sa Diyos, ay baguhin mo amg iyong sarili alinsunod sa kautusan ng Diyos. Iwanan mo na ang masamang bisyo, talikuran mo na ang pagsasalita ng masama laban sa iyong kapwa, iwanan mo na ang pakiki-alam o pagtsitsismis sa ibang tao, iwaksi mo na ang pagnanasa sa hindi sa iyo, pagsisihan mo na at wag ng ulitin pa ang pangngalunya at pakiki-apid, patawarin mo na ang mga nakasakit sayo, At pag-ibig sa kapwa na lamang ang iyong iisipin, sasabihin at gagawin. Sa ganoong paraan ay maaari ka ng makasunod kay Hesus at makibahagi sa wagas na kaligayahan at kapayapaan na dulot nito.
MAGNILAY: Kung nadama mong tinatawag ka ng Panginoon upang magsilbi sa kanya tumugon ka ngayon na. Wala nang patumpik-tumpik pa. Kung hindi ngayon baka maging huli ka na. Sayang ang pagkakataon. Para makatugon matuto kang bumitiw sa lahat at magtiwala sa kanya. Hindi niya pababayaan sinuman o anumang maiiwan mo na mahalaga sa iyo. Kapag tinawag ka niya ang ibig sabihin ay talagang kailangan ka niya. Malaking kawalan kung mabibigo kang makatugon sa kanya. Ang ipagpaliban ang tugon ay katumbas na rin ng pag-hindi sa kanyang tawag.
MANALANGIN: Panginoon, gamitin mo ako ayon sa iyong kagustuhan at kasiyahan.
GAWIN: Huwag ka nang pakipot pa at lalong huwag kang paasa pa. Sumagot ka ngayon na!
MAIKLING PAGNINILAY:
Inaakay tayo ng ating Ebanghelyo ngayong araw sa isang tunay at ganap na pagsunod kay Hesus. Minsan ang akala natin ay nagkakamali ng pagtawag sa atin ang Diyos sapagkat marami tayong katangian na sa tingin natin ay hindi pasok sa mga katangian ng mga dapat na lingkod. Ngunit ipinapaalala sa atin ng Unang Pagbasa (Amos 2:6) na bagama’t minsang nagtatampisaw sa kasalanan ang bayan Niyang hinirang ay naging mapagpatawad ang Diyos at hindi kailanman sinabi na nagkamali ang Diyos sa pagtawag sa kanila. Ganoon din sa atin, hindi kailanman nagkamali ang Panginoon sa pagtawag sa atin kahit na tayo ay makasalanan at hindi karapatdapat. Naroon pa rin ang simple at personal na pagtawag sa bawat isa sa atin upang paglingkuran Siya kahit na sa mga simpleng bagay. Kaya hilingin nawa natin na tayo ay magkaroon ng taingang nakikinig, pusong nagmamahal, at pananampalatayang kayang talikdan ang lahat sa pagsunod sa tawag ng Panginoon.
Mabuti ang Diyos basta tayo ay mabuti. At nawa’y unahin natin ang Diyos kaysa sa ating mga pangako, sa trabaho man o sa bahay. Nawa’y ibigay natin sa Diyos ang lahat ng ating inaalala at pinanghahawakan upang mabago niya ang ating mga puso at isipan at gawing mga pagkakataon ang ating regular na buhay upang tayo ay tunay na magmisyon sa mga taong nakakasalamuha natin. Amen.