Linggo, Hunyo 2, 2024

June 2, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon (B)
Patnubay sa Misa

Bunsod ng pasasalamat sa dakilang kaloob ng Eukaristiya at hatid ng taos-pusong panananalig sa walang hanggang awa ng ating Banal na Tagapagligtas, tayo’y magdulog sa kanya ng ating mga kahilingan:

Panginoon, alang-alang sa iyong Katawan at Dugo, pabanalin mo kami!

Para sa Simbahan na siyang Katawang Mistiko ni Kristo: Nawa’y ang Eukaristiya ang siyang maging bukal ng kanyang paglago at pagkakaisa. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa, mga Obispo, pari, at laikong naglilingkod sa Eukaristiya: Nawa’y ang mga buhay nila’y maging kapani-paniwalang saksi sa kabanalan ng Eukaristiya at sa banal na paglilingkod. Manalangin tayo!

Para sa mga maysakit, mga naaapi, at nangungulila: Makatagpo nawa sila sa Eukaristiya ng tiyak na bukal ng pag-asa at kaligtasan. Manalangin tayo!

Para sa kabataan ng ating bayan: Nawa’y matagpuan nila sa Eukaristiya ang hinahangad nila sa buhay at ang espirituwal na pampalusog na kanilang kailangan tungo sa katuparan ng kanilang mga pangarap. Manalangin tayo!

Para sa ating pamayanan at bawat isa sa atin: Nawa’y ang Eukaristiya ay maging bukal ng ating pagkakaisa at inspirasyon para sa buhay ng paglilingkod. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng mga migranteng umiiwas sa gutom at giyera na napipilitang mangibang-bayan sa kabila ng panganib at karahasan: Makatagpo nawa sila ng pagtanggap at pagkalinga sa mga bayang magbubukas ng pintuan sa kanila. Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, nawa ang aming paglahok sa Eukaristiya ngayon ay makapagpatibay sa aming kapasiyahang maging tapat sa aming Kasunduan sa Iyo, hanggang sapitin namin ang walang hanggang Piging na Iyong inihanda para sa amin sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 6, 2021 at 10:10 am

PAGNINILAY: Ang Pista ng Paskuwa ay isa sa mga mahahalagang pagdiriwang ng mga Hudyo tuwing ika-14 ng Abril. Ito ay pasasalamat sa Diyos inilikas sila mula sa pagkaalipin sa Egipto. Kaya iniutos ng Panginoon na ipagdiwang nila ang Pistang ito. Tuwing Paskuwa, humuhuli sila ng mga tupa para patayin, at pagkatapos, gagamitin ang dugo para pinturahan ang mga doorstep. Kaya noong panahong iyon, ang Anghel ng Kamatayan ay dumaan sa kanilang bahay, at pinatay ang mga sanggol ng mga taga-Egipto. Ito ang nag-udyok kay Faraon Ramses II na palayain ang mga Israelita, ngunit gusto niya bawiin sila. Kaya sumugod siya kasama ang maraming kawal. Dahil dito, iniutos ng Diyos ni Moses na pahatian ang Pulang Dagat. Nang magawa ito, lumakad sila sa tuyong lupain hanggang sa dulo ng dagat. At ganun din ang mga kawal, ngunit hindi sila naligtas sapagkat isinara na ang mga tubig, at sila’y nalunod. Kaya nagpuri sina Moises at ng mga Israelita sa dakilang gawain ng Panginoong Diyos.

Sa ating pagdiriwang ngayon ng Kapistahan ng Corpus et Sanguis Christi, ang ating Mabuting Balita ngayon (Marcos 14:12-16, 22-26) ay tumutukoy sa Huling Hapunan, na kung saan itinatag ng ating Panginoong Hesukristo ang Bagong Paskuwa, ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Iniutos niya na ipagdiwang ang Sakramento ito bilang paggunita sa Misteryong Paskwal, ang kanyang Pagpapaksakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. Tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Sakripisyo ng Misa, inaalala natin ang misteryo ng pag-ibig ng Diyos para sa atin. Kaya ang tinapay at alak ay hindi lang mga simbolo mismo, kundi ito ang presensya ng Katawan at Dugo ni Kristo. Ang layunin ng Eukaristiya na tayo’y ipalusog ni Hesus ng kanyang Salita at Katawan, kaya nga meron tayong Pagpapahayag ng Salita ng Diyos at Pagdiriwang ng Huling Hapunan. Kaya ang hamon sa atin ay isabuhay ang Sakramentong ito sa ating araw-araw na pamumuhay.

Sa ating paglakbay sa daang ito, isabuhay natin ang Eukaristiya sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga magagandang aral nito.

Reply

Sherwin D. Yanoria June 6, 2021 at 7:20 am

Kumain ka na ba? Ang ating pisikal na katawan ay nanganga-ilangan ng pagkain upang maging malusog at masigla. Ganun din naman ang ating kaluluwa. Ngunit espesyal ang pangkaluluwa, ito ay mga panalangin, sakramento at higit sa lahat ang ating Panginoong Hesus mismo. Siya ang kordero ng Diyos na naghandog ng buhay para sa katubusan ng mga kasalanan. Napakagandang isipin, na si Hesus na mismo ang tinatanggap natin sa Banal na Eukaristiya. Kaya nga naway maging makabuluhan ang pagtanggap natin sa kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa utos ng Diyos.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño June 6, 2021 at 9:08 am

Kapag tayo ay nangungumunyon sa banal na misa, pinapatuloy natin si Kristo mismo sa ating katawan. Ito ay hindi pampaswerte o basta lamang makumpleto ang mga ritual sa simbahan. Bago ibigay ng pari o lay minister ang ostya, binabanggit ang “katawan ni Kristo” sasagot nman ng tayo ng Amen na ibig sabihin ay tayo amg aagree o naniniwala . Paglabas mo ng simbahan nasasayo si Kristo, kasama mong palagi, kaya sa bawat iisipin mo, sasabihin mo at gagawin mo ay pakatandaan na si Hesus ay kasama mo upang mahiya o magsumikap tayong wag gumawa ng masama. Kaya ugaliin natin ang pagdalo mg misa maging face to face o live sa internet dahil pinapatuloy natin si Kristo sa atin at bitbit natin ang mabuting balita na narinig o nabasa sa ebanghelyo at ito ang gagamitin nating gabay sa buhay.

Reply

drROMUALDO-sjc May 29, 2024 at 9:15 am

1. Ang Paghahanda para sa Paskuwa (Marcos 14:12-16):
Sa unang bahagi ng ating pagbasa, makikita natin na inutusan ni Hesus ang Kanyang mga alagad na maghanda para sa Paskuwa. Tinanong ng mga alagad, “Saan po ninyo ibig na kami’y maghanda upang kayo’y makakain ng kordero ng Paskuwa?” Sumagot si Hesus ng tiyak na mga tagubilin, na magpadala ng dalawang alagad sa lungsod upang makatagpo ng isang lalaking may dalang isang bangang tubig. Sila ay susunod sa kanya sa isang bahay at sasabihin sa may-ari, “Saan po naroroon ang silid panauhin, kung saan makakain ko ang Paskuwa kasama ang aking mga alagad?”

Pagninilay:
Ang tagpong ito ay nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng paghahanda sa ating espirituwal na buhay. Kung paanong sinunod ng mga alagad ang mga tagubilin ni Hesus upang maghanda para sa Paskuwa, tayo rin ay tinatawag na ihanda ang ating mga puso at isipan upang tanggapin si Hesus. Ang paghahanda ay nangangailangan ng pagka-matiyaga, pagsunod, at pagtitiwala sa plano ng Diyos. Sa tuwing tayo’y lumalapit sa Eukaristiya, atin sanang pagnilayan kung paano natin inihahanda ang ating sarili upang makatagpo si Kristo. Tayo ba’y lumalapit nang may paggalang at kahandaan, o atin bang binabalewala ang banal na hapunang ito?

2. Ang Pagtatatag ng Eukaristiya (Marcos 14:22-26):
Sa panahon ng Paskuwa, kinuha ni Hesus ang tinapay, nagpasalamat, pinagputul-putol ito, at ibinigay sa Kanyang mga alagad, na sinasabi, “Kunin ninyo; ito ang aking katawan.” Pagkatapos, kinuha Niya ang kalis, nagpasalamat, at ibinigay sa kanila, at sila’y uminom mula dito. Sinabi Niya, “Ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos para sa marami.”

Pagninilay:
Dito, binago ni Hesus ang Hapunan ng Paskuwa sa isang bago at natatanging paraan—ang Eukaristiya. Ang tinapay at alak ay naging Kanyang katawan at dugo, na nagpapahiwatig ng bagong tipan sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan. Ang gawaing ito ni Hesus ay ang sukdulang pagpapahayag ng Kanyang pag-ibig at sakripisyo. Ito ay isang handog ng Kanyang sarili sa atin, isang pinagmumulan ng espirituwal na pagpapakain at isang paraan ng malalim na pakikipag-isa sa Kanya.

Ang Eukaristiya ay higit pa sa isang ritwal; ito ay isang malalim na pakikipagtagpo sa buhay na Kristo. Sa tuwing tayo’y nakikibahagi sa Eukaristiya, tayo ay pinaaalalahanan ng sakripisyo ni Hesus at tayo ay inaanyayahang makibahagi sa Kanyang buhay. Ito ay tumatawag sa atin sa pagkakaisa, hindi lamang kay Kristo kundi pati na rin sa isa’t isa, sapagkat tayo ay bumubuo ng isang katawan sa Kanya. Lumapit tayo sa Eukaristiya nang may pasasalamat at malalim na paggalang, kinikilala ito bilang tunay na presensya ni Kristo sa ating kalagitnaan.

3. Ang Bagong Tipan:
Sinabi ni Hesus na ang Kanyang dugo ay “nabubuhos para sa marami,” na nagpapahiwatig ng wika ng sakripisyo mula sa Lumang Tipan ngunit tumutukoy sa isang bago at walang hanggang tipan. Ang bagong tipan na ito ay hindi batay sa paulit-ulit na paghahandog ng mga hayop kundi sa minsan at magpakailanmang sakripisyo ni Hesus mismo.

Pagninilay:
Ang bagong tipan na itinatag ni Hesus ay nagdadala sa atin sa isang direktang at personal na relasyon sa Diyos. Ito ay nag-aalok sa atin ng kapatawaran, pagtubos, at ang pangako ng buhay na walang hanggan. Ang tipan na ito ay patunay ng hindi nagmamaliw na pag-ibig at awa ng Diyos. Sa ating pakikibahagi sa Eukaristiya, tayo ay pinaaalalahanan ng ating pangako na mamuhay ayon sa tipang ito, tinatanggap ang grasya at pag-ibig na ibinibigay sa atin at ipinapasa ito sa iba.

Pangwakas:
Habang tayo’y nagninilay sa bahaging ito, ating isaisip ang ating paghahanda sa ating espirituwal na paglalakbay, ang kahalagahan ng Eukaristiya bilang tunay na presensya ni Kristo, at ang bagong tipan na tumatawag sa atin na mamuhay sa pag-ibig at pagkakaisa. Nawa ang ating pakikibahagi sa Eukaristiya ay magpalalim ng ating relasyon kay Hesus at magbago ng ating buhay upang maging katulad Niya—punong-puno ng sakripisyo, paglilingkod, at pag-ibig sa isa’t isa.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: