Podcast: Download (Duration: 6:42 — 4.8MB)
Biyernes sa Unang Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Ezekiel 18, 21-28
Salmo 129, 1-2. 3-4ab. 4k-6. 7-8
Hiling nami’y ‘yong limutin
tanang kasalanan namin.
Mateo 5, 20-26
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Friday of the First Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Ezekiel 18, 21-28
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Sinasabi ng Panginoon: “Kung ang isang taong masama ay tumalikod sa kanyang kasamaan, sumunod sa aking mga tuntunin, at gumawa ng mabuti, siya ay mabubuhay. Kakalimutan na ang lahat ng nagawa niyang kasalanan at mabubuhay siya dahil sa kabutihang ginawa niya sa bandang huli. Hindi ko ikinasisiya ang kamatayan ng masama,” sabi pa ng Panginoon, “Ang ibig ko nga, siya’y magsisi at magbagong buhay. Ngunit kung ang isang taong matuwid ay magpakasama at gumawa ng mga kasuklam-suklam na gawain, hindi siya mabubuhay. Mamamatay siya dahil sa kanyang pagtataksil at sa kasalanang nagawa. Mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng kabutihang ginawa niya noong una.
“Marahil ay sasabihin ninyong hindi tama itong ginagawa ko. Makinig kayo, mga Israelita: Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot. Kapag ang isang taong matuwid ay nagpakasama, mamamatay siya dahil sa kasamaang ginawa niya. At ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay. Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 129, 1-2. 3-4ab. 4k-6. 7-8
Hiling nami’y ‘yong limutin
tanang kasalanan namin.
Sa gitna ng paghihirap, tinawag ko’y Panginoon,
Panginoon, ako’y dinggin pagka ako’y tumataghoy,
dinggin mo ang pagtawag ko’t paghingi ng iyong tulong.
Hiling nami’y ‘yong limutin
tanang kasalanan namin.
Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
pinatawad mo nga kami upang sa ‘yo ay matakot.
Hiling nami’y ‘yong limutin
tanang kasalanan namin.
Sabik akong naghihintay sa tulong mo, Panginoon,
pagkat ako’y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
Yaring aking pananabik, Panginoon ay higit pa,
sa serenong naghihintay ng pagsapit ng umaga.
Hiling nami’y ‘yong limutin
tanang kasalanan namin.
Magtiwala ka, Israel, magtiwala sa iyong Diyos,
matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
lagi siyang nahahandang sa sinuman ay tumubos.
Ililigtas ang Israel, yaong kanyang mga hirang,
ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.
Hiling nami’y ‘yong limutin
tanang kasalanan namin.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Ezekiel 18, 31
Sinabi ng Poong mahal:
“Kasamaan ay layuan,
kasalana’y pagsisihan;
kayo ay magbagong-buhay,
magbalik-loob na tunay.”
MABUTING BALITA
Mateo 5, 20-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sinasabi ko sa inyo: kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Diyos.”
“Narinig ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang makamatay ay mananagot sa hukuman.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang mapoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman; ang humamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid ‘ulol ka!’ ay mapapasaapoy ng impiyerno. Kaya’t kung naghahandog ka sa Diyos, at maalaala mo na may sama ng loob sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Saka ka magbalik at maghandog sa Diyos.
“Kung may magsakdal laban sa iyo sa hukuman, makipag-ayos ka sa kanya habang may panahon, bago ka niya iharap sa hukom. At kung hindi’y ibibigay ka niya sa hukom, na magbibigay naman sa iyo ng tanod, at ikaw ay mabibilanggo. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Huwebes, Pebrero 22, 2024
Sabado, Pebrero 24, 2024 »
{ 8 comments… read them below or add one }
Ang taong masama na gumawa na mabuti ay mabubuhay, ngunit ang mabuti na gumawa ng masama sa huli ay mamatay. Kaya pala totoong nangyayari na kahit anong dami ng mabuting gawa sa una ngunit sa isang pagkakamali o pagkakasala ay ito ang nakikita ng tao. Nawa’y sikapin natin na gumawa palagi ng kabutihan sa ating kapwa sapagkat sa ganito nalulugod ang Panginoon.
Pabginoon nawa’y mapatawad mo ako sa mga nagawa ko sa aking kapwa, naging bulag ako at bingi sa humihingi sa akon ng tulong dahil na rin sa aking matigas na kalooban, nawa’y mapatawad din ako ng mga taong pinagkaitan ko ng tulong. Ang lahat ng ito’y itinataas ko sa Pangalan ng Panginoon.
PAGNINILAY: Ang Kuwaresma ay panahon ng ating pakikipag-isa sa pag-ibig ng Diyos, upang ipadama rin natin ito sa ibang tao. Ang Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa turo ni Hesus ukol sa pag-ibig. Binaggit ng Panginoon ang sanay na batas na kung tawagin ay ‘lex tallionis’. Sa madaling salita, ito yung tanyag na kasabihan na: “Mata sa mata, at ngipin sa ngipin.” Ito’y nagmula sa kodigo na binuo ni Hammurabi, kaya makikita rin ito sa Lumang Tipan ng Bibliya, lalung-lalo na sa Aklat ng Exodo 21:24 at Aklat ng Levitico 24:20. Ang kasabihang ito ay nangangahulugang kung ang isa ay nagkasala sa iyo, may karapatan kang bunutin ang kanyang ngipin at pitasin ang kanyang ngipin. At kapag paulit-ulit siyang gumagawa ng ikapapamahak mo, sinasabi ng Kodigo ni Hammurabi na gawin lang ang kasabihang iyon, kahit ang iyong kaaway ay maging bulag at bungal. Sa madaling salita, parang tinutulak ka na maghiganti sa mga taong gumagawa ng masasamang bagay laban sa iyo. Subalit para kay Hesus, hindi sagot ang kalupitan upang sugpuin ang kasamaan ng isang tao.
Makikita natin na ang mga pangangaral ng Panginoon ay nakasentro sa pag-ibig at kabutihan. Kaya ang mga pahayag ni Hesus sa Ebanghelyong ito ay hindi dapat kinukuha sa literal na interpretasyon, kundi dapat mas tignan nito nang malalim. Ang pananampal sa kabilang pisgni ng sinumang sumampal sa iyo ay nangangahulugang na ituwid sa maayos na paraan ang pagkakamali ng isang tao. Ang pagpasan ng dalang bigat sa isa pang kilometro ay nagpapahiwatig na tayo ay tinatawag na tulungan ang iba sa punto na nagiging mabuting halimbawa tayo sa kanila. Ang pagsakdal ng isang tao sa iyo para sa iyong ari-arian ay isang paalala na ay ibigay ang hinihingi hindi dahil ika’y sumusuko sa laban, kundi para ang taong iyon ay magbago ang kanyang puso. At ang pagbibigay sa mga humihingi at hindi tumatalikod sa mga nanghihiram ay isang tanda na dapat tayo ay maging bukas palad sa pagbibigay, at ang pagbibigay nga ay walang inaasahang kapalit.
Mga kapatid, ang turo ni Hesus ngayon ay isang paalala na kapag dumating sa punto na nakapaligid sa atin ang kasamaan, labanan natin ito sa pamamagitan ng kabutihan. Hindi dahil tayo ay naduduwag o kaya sumusuko na tayo sa ating mga kalaban, kundi upang sa takdang panahon ay makilala nila ang kabutihan ng Diyos sa ating mga puso. Kapag inuulit natin ang pag-iiral ng pagmamahal at kabutihan, lalo nila masisilayan ang ating awa at malasakit upang sumunod sila sa ating halimbawa. Kaya ito ay parang hamon sa ating buhay-Kristiyano na hindi kailanma’y malutas ang karahasan sa pamamagitan ng karahasan. Ganun din sa ating buhay sa pamilya, paaralan, komunidad, at bansa, mayroon tayong tanyag na kasabihang Filipino: “Hindi maitatama ang isang pagkakamali ng isa pang pagkakamali.” Kaya nawa’y isabuhay natin ang ating pagkakilanlan bilang mga Kristiyano sa pamamagitan ng pag-ibig. At sa bawat pagkakamali at pag-aalipusta na ating nakikita, nararanasan, o nababasa, nawa’y salungatin natin ito sa pamamagitan ng pag-ibig, habag, malasakit, kabutihan ng loob, katarungan, at kapayapaan.
Hilingin natin sa Panginoon ngayong Panahon ng Kuwaresma, katulad ng kanyang patuloy na pagkakahabag at pagpapatawad sa atin sa panahon na tayo ay nagkakasala, ganun din sana ang gawin natin sa maayos na paraan at puno ng pag-ibig upang ituwid ang maling kinagasanan ng ating kapwa.
Napakagandang pagnilayan natin ang Unang Pagbasa. Tayong mga makasalanan ay wag magpakalugmok sa kasalanan sa inaakala nating wala na tyong pag-asang mapatawad pa ng Diyos. Ang katotohanan ay kinalulugdan ni Hesus ang taong makasalanan na tumalikod sa paggawa ng masama. Matatandang iniwan ng Mabuting Pastol ang 99 na tupa upang hanapin ang isang naliligaw ng landas. At nang masumpungan nya nagdiwang sya. Kung ikaw nman ay matuwid ngayon ay manatili kq sa ganyang kaugalian sapagakt kasuklam suklam sa mata ng Diyos ang matuwid na naging makasalanan.
Ang atinh ebenghelyo ay paalala na kasalanan ang mamuhi o mgakroon ng poot sa dibdib sa ating kapwa. Ang magsalita ng masama sa ating kapatid lalo na ang taguring “ulol ka”. Kung humihiling tayo sa Ama na patawarin tayo sa ating kasalanan ay nararapat na pag-aralan nating mapatawad ang ating kapatid, kaaway o kapwa. Paano mo nadadasal ang panalangin na itinuro ng ating Ama kung ikaw ay poot sa dibdib at hindi mapatawad ang nagkasala sa iyo.
Ang kwaresma ay pagbabalik loob sa Panginoon, hindi lamang sa pg uwas sa karne at pagsasakripisyo, pinakamahalaga p din ang ang pagmamahal sa kapwa kagaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili at pamilya.
PAGNINILAY:
Ang pinakamahirap na salita sa Bibliya ay ang Magpatawad. Ang pagpapatawad, ang pakikipagkasundo ay mas madaling sabihin kaysa gawin. Ang pagkakasundo at pagpapatawad ay nasa puso ng lahat ng relasyon, dahil ang Diyos ay Diyos ng mga relasyon. Hindi tayo maaaring makipagpayapaan sa Diyos kung hindi tayo mapayapa sa isa’t isa at hindi tayo maaaring magkaroon ng kapayapaan sa isa’t isa kung hindi tayo mapayapa sa ating sarili.
“Paano tayo magpatawad” Tulad ng Diyos na hindi iniuugnay sa atin ang ating mga nakalipas! Ang Diyos ay hindi naglilista ng ating nakaraan maging mabuti man o masama. Ang Diyos ay kayang patawarin tayo dahil Siya ay patuloy na namamatay sa nakaraan na ang ibig sabihin ay kung tayo ay magpapatawad, dapat tayong magkaron ng ugali na mamatay sa ating nakaraan. Ito ay hindi madali ngunit sa kaunting pagsasanay, ito ay posible. Mamatay sa nakaraan, magpatawad upang maging malinis at magningning ang ating puso upang may puwang pa rin ang Diyos na makapasok at makausap tayo. Itinuro sa atin ni Hesus ang tungkol sa galit, upang hindi lamang tayo matutong magpatawad at magmahal gaya ng pagmamahal ng Diyos sa atin, kundi matuto rin tayong magpakumbaba at humingi ng tawad. Nawa’y maging isang tagapagkasundo tayo at hindi isang tagasalungat.
Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming maghanap ng pakikipagkasundo sa aming mga kapatid. Amen.
***
naiyak ako dahil sa Gospel reading for today… ako kase yung nasa other end.. ako yung offender, ako yung kailangang mabigyan ng kapatawaran… pero hanggang ngayon ay hindi ko pa ito narereceive mula sa itinuturing kong kaibigan…
ang hirap pala kapag nagsisisi ka naman sa nagawa mo, pero hindi ka pinapatawad..at lalo na kung nasira yung relationship ninyo…
Lord, patawarin po Ninyo ako! ikaw lang po ang pag-asa ko!
Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:
Ano nga ba ang tunay na pagsunod sa kagustuhan ng Diyos? Ang mga Hudyo ay may 10 Commandments na sinudundan subalit kulang pa raw ito sabi ni Hesus. Ang tahasang pagsunod sa mga ito ay hindi sapat. Anupa’t kinailangan pa niyang maging tao, mamuhay kagaya ng isang tao, at sumunod gaya ng tao. Ngunit siya ay Diyos at walang pamantayan ang tao na maari niyang maintindihan patungkol sa Diyos. Walang kakayahan at kapangyarihan para gawin ang mga pamamaraan ng langit. Naiintindihan niya ang kakulangan. Pero kailangan niyang ipabatid at ipahayag ang mahirap na katotohanan. Ang buod ng kaligtasan ay pagmamahal sa Diyos at sa kapwa tao. Siya ang Tunay na Pagmamahal. At kung hindi kaya ng tao magmahal na tulad niya, ang anumang gawin ay sadyang kulang para tayo ay makabalik sa langit. Ang anumang gawain bagama’t banal at mabuti, masarap sa pakiramdam, at nakakatulong, kung walang pagmamahal ay hindi sapat. Anumang alay ay walang saysay. Nang nalinis na tayo ng tuluyan sa ibinayubay na katawan ni Kristo sa kamatayan, dumaloy ang kanyang dugo na dalisay, pagkakataong hinihintay ng Banal na Espiritung umalalay sa kanyang nilikha upang magkaroon ng katangiang mapagtagumpayan lahat na nuon ay di natin maintindihan. Ang totoong pagsunod ay nakatuon kay Kristo. Lahat ng kanyang sinabi, ginawa, at ehemplo ating dapat sundan. Pagmamahal niya mag aayos ng ating buhay. Walang poot. Walang kaaway. Simple. Espiritu niya ang magiging gabay.
Sa apatnapung araw na paghahanda sa muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus laging mariririnig ang mga salitang, panalangin, pagaayuno, at pagkakawang-gawa. Sa mga pagbasa ngayon sumasalamin ito sa tapat na pag-ibig ng Diyos sa lahat. Ito ay patuloy na paanyaya ng pagbabalik loob, at ang pananatili ng katapatan natin sa mga panukala ng Diyos. Ang diwa nito ay patuloy na paglingap ng Panginoon sa mga gusto manumbalik sa Kanya at paalala na maging masikap na manatili na maging mabuti.
Malinaw na sinasabi ng Mabuting Balita na lagi maging kalugod-lugod sa mata ng Diyos, magkaroon ng pusong mapagtawad sa mga taong nakapanakit at piliin ang makipagsundo sapagkat ang gawaing ito ay kalugod-lugod kumpara sa mga panalangin, pagaayuno na walang kasamang pagmamahal. Kung paano kinakalimutan ng Diyos ang ating mga sala sa tuwing tayo ay nagkakamali ganun din ang inaasahan ng Panginoon sa bawat isa sa atin.
Kaya kung tayo ay nananalangin, nagaayuno, at naglilimos dapat isa-isip na ginagawa natin ito bunsod ng pag-ibig natin sa Diyos at sa ating kapwa at alalahanin na ang lahat ng mga ito ginagawa natin sa lalong ikararangal ng ating Panginoong Hesus na Siya ang unang nagmahal at umibig sa atin.
Ang taong masama na gumawa na mabuti ay mabubuhay, ngunit ang mabuti na gumawa ng masama sa huli ay mamatay. Kaya pala totoong nangyayari na kahit anong dami ng mabuting gawa sa una ngunit sa isang pagkakamali o pagkakasala ay ito ang nakikita ng tao. Nawa’y sikapin natin na gumawa palagi ng kabutihan sa ating kapwa sapagkat sa ganito nalulugod ang Panginoon.
Pabginoon nawa’y mapatawad mo ako sa mga nagawa ko sa aking kapwa, naging bulag ako at bingi sa humihingi sa akon ng tulong dahil na rin sa aking matigas na kalooban, nawa’y mapatawad din ako ng mga taong pinagkaitan ko ng tulong. Ang lahat ng ito’y itinataas ko sa Pangalan ng Panginoon.