Huwebes, Pebrero 22, 2024

February 22, 2024

Kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pedro

1 Pedro 5, 1-4
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6

Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.

Mateo 16, 13-19


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Feast of Chair of St. Peter the Apostle (White)

UNANG PAGBASA
1 Pedro 5, 1-4

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro

Mga pinakamamahal, sa matatandang namamahala sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang tulad ninyo. Nasaksihan ko ang paghihirap ni Kristo at makakahati naman ako sa karangalang nalalapit nang ipahayag. Ipinamamanhik kong alagaan ninyo ang kawang ipinagkatiwala sa inyo ng Diyos. Pamahalaan ninyo ito nang maluwag sa loob, hindi napipilitan lamang, sapagkat iyan ang ibig ng Diyos. Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa masakim na paghahangad ng pansariling kapakinabangan, kundi sa katuwaang maglingkod; hindi bilang panginoon ng inyong mga nasasakupan, kundi bilang uliran ng inyong mga kawan. At pagparito ng Pangulong Pastol ay tatanggap kayo ng maningning na koronang di kukupas kailanman.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6.

Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.

Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.

Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.

At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.

Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.

Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.

Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.

Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.

Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.

AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Mateo 16, 18

Ikaw, Pedro, ang saligan
ng aking simbahang banal
na daig ang kamatayan.

MABUTING BALITA
Mateo 16, 13-19

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa lupain ng Cesarea ng Filipos. Tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbabawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 9 comments… read them below or add one }

Reynald Perez February 17, 2022 at 2:20 pm

PAGNINILAY: Ang Kapistahan ng Luklukan ni San Pedro Apostol ay patungkol sa trono na inupuan ni San Pedro nang siya’y naging unang Santo Papa, ang unang pinuno ng Simbahan. Kaya ang upuang ito ay maikita sa mismong St. Peter’s Basilica sa Vatikano. At ang Kapistahan ito ay patungkol sa pagkatiwala ni Hesus ang awtoridad ng Simbahan kay San Pedro.

Sa simula pa lamang ay alam natin si Simon Pedro ay dating mangigisdang tinawag ni Kristo na maging isang “mamalakaya ng tao”. Pero sa takbo ng buhay, sa puntong itinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad kung sino siya sa tingin nila, tanging si Pedro ay nagpahayag na si Hesus ay ang Kristo at Anak ng Diyos. At dahil dito, ipinagkatiwala sa kanya ang pamumuno ng Simbahan at ang kapangyarihan ng susi. Ito’y nagsisilbing tanda ng paghihirang ni Kristo sa Simbahan upang makapagpatawad ng mga kasalanan.

Kaya ang ating Simbahan ay iisa, banal, Katolika, at Apostolika. Makikita natin mula sa pamumuno ni San Pedro at pangamgaral ng mga Apostol ay ipinatuloy ang pagpapahayag ng Mabuting Balita sa pamamagitan ng Santo Papa, mga Obispo, at kaparian. At gayundin ang pagpapahayag na ito ay ipinapatuloy natin, na tayo’y bahagi ng Laiko.

Tayo rin ay tinatawag na maging mga pastol na ipakita ang ating pagmamasid at pagkikilos sa pangangailangan ng ibang tao. Tayo ay tinatawag na Simbahan sapagkat tayong mga mananampalataya ay may misyon na idala ang Panginoon sa buhay ng bawat tao.

Reply

ruel arcega February 22, 2022 at 7:46 am

Ang araw na ito ay kakaiba, dahil ang ating ipinagdiriwang ay ang upuan ni San Pedro. Sa Vatican Church ay doon sa loob ang relica ng upuan ni San Pedro ay natanggal. Bakit natin pinagdirwang ito, una upang ipaalala sa ipagdiwang na na kahalilina mamumuno ng simbahan ni na itinatag ni Kristo ay mula sa kanyang pag pipili, kaya’t banal ang pagtawag na ito. Ikawalawa, na ang kapangyarihan na ipinagkaloob sa kanyan ay pangalagaan ang bayan , ang kawan ng Diyos, Ikatlo upang ipaalala rin sa ang ungnayan ng nakaupo roon at sa Hesus ay hindi dapat mawala..Kaya’t ipagdasal natin ang aitng Santo Papa at mga obispo ang mga pari na maging tapat sa kanilang tungkulin iniaatang..at ibigay natin ang malaking pagsunod at paggalang.. Amen

Reply

Ferdy Baetiong Parino February 22, 2022 at 9:36 am

Ang Unang Pagbasa ay paalala sa atin na gumawa tayo ng kabutihan na hindi napipilitan lamang. Ang paggawa ng kabutihan ay hindi lamang para makatanggap ng biyaya mula sa Diyos. Ito ay dapat na malugod mong ginagawa, ikinasisiya mo ang pagtulong, nalulugod ang iyong damdamin sa paglilingkod sa Diyos, masaya ka na may relasyon ka sa Diyos, sa ganong paraan ay hindi lamang gantimpala ng materyal o makamundo ang iyong matatamasa kundi ang wagas na kaligayahan at kapayapaan ng puso’t isipan.

Ang ebanghelyo ngayon ay ang pagtalaga kay Simon Pedro na tagapamahala ng templo. Ito ay paanyaya sa atin na pahalagahan natin ang tahanan ng Diyos, maniwala tayo simbahang katolika kasabay ng paniniwala natin sa kapatawaran ng mg kasalanan, ng paniniwala natin espiritu santo at paniniwala natin sa Poong Hesus.

Minsan ay tinatabangan tayo magsimba ng dahil sa pari, sa mga dahilang: boring ang homily, hindi maipalaiwanag ng maayos ang ebanghelyo, hinahaluan ng politika, wala tayong matutunan sa sermon, may kasungitan at iba pa. Pero wag tayong tatabangan sa simbahan na binuo ng Diyos para sa ating lahat.

Reply

RFL February 21, 2024 at 9:48 pm

Bro. Bo Sanchez has a good reflection about Peter’s selection as the first pope. kindly Check it out here.
https://www.facebook.com/share/r/rqeNGSxHpfDi9VXX/?mibextid=qi2Omg

Reply

Jess C. Gregorio February 22, 2024 at 5:43 am

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:

Iba-iba ang pakiwari ng bawat isa. Mapapansin natin ito sa magkakaibang sagot sa iisang tanong. Maraming kuwento, walang kwenta sabi sa kanto. Isa lang ang totoo. Walang kapareha. Kung tila mayroon man nagkataong iba lang ang himig pero parehong kanta. Ballad na ginawang hip-hop. O di kaya ay mabagal na binilisan. O kahit ano pa ang gawin katotohanan pa rin ang pupuntahan. Sa kadahilanang si Hesus mismo ang Katotohanan, madaling ibangga ang anumang kawikaan o kasaysayan. Malalamang totoo kung may pinanggalingan. At dahil si Hesus mismo ang Salita ng Diyos, ang ating sasabihin patungkol dito na umaayon sa mga nasabi niya ang dapat paniwalaan. Sapagkat ang Espiritu ang nagsasalita at nag-iisip sa atin, walang sablay nating sasabihin ang mga tiyak at siguradong pahiwatig ng Ama sa Langit na nagmamahal sa atin. Ito ang katauhan ng Holy Trinity namamayani sa mga taong parating nananalangin. Katulad ni Pedro na mapusok at mainitin, walang pasensiya at magagalitin, kung tutuusin ay wala tayong pinagkaiba sa kanya, ngunit sa kadahilanang inilalapit niya ang sarili sa Salita ng Diyos, napuspos siya ng grasya at ang Espiritu ang nagsasalita sa kanya, katotohanan tuloy ang nabanggit niya. Hindi ba ganuon din tayo kung tayo ay nagbabasa ng Biblia? Nakikinig sa Misa? Nakamasid sa Kanya sa Adoration Chapel? At ano ang ginagawa ng Diyos sa mga katulad ni Pedro na makasalanan ngunit may kababaan ng loob umamin at malimit magamit na magpahayag ng katotohanan? Ginagawang Santo Papa! Joke lang. Lahat naman tayo ay nais niya gawing santo. Maibalik sa langit na kung saan tayo galing. Gagawin ni Hesus ang lahat. Buhay nga niya inialay, katawang sagrado ay dumaan sa pagpapakasakit, dugo ay dumaloy, para lang sa atin. May simbahan siyang itinatag. Mismong Salita niya ang nagpapatunay. Ang Katotohanan ay naroon, ang kanyang Presensiya magpahanggang sa wakas ng panahon. Ano ang sinasabi ng mga tao sa atin tungkol kay Kristo? Kahit sino na lang ba ang paniniwalaan natin o si Pedro na pinatunayan ni Hesus na nagsasabi ng totoo? Saan ka ngayon nakatayo kapatid? Sa Katotohanan o kasinungalingan? Hangos at magmadali, ang natitirang oras ay umuunti.

Reply

Malou Castaneda February 22, 2024 at 7:15 am

PAGNINILAY
“Pero sino ako?” Ipagpalagay na biglang nagtanong sa atin si Hesus sa ating panalangin ngayon, ano ang isasagot natin? Maging tapat tayo sa Kanya, kahit na nahihiya tayo sa ating naiisip. Matagal ng binabasa ni Hesus ang ating puso bago tayo magsalita. Marahil ay inaanyayahan Niya tayo na makipag-usap kay Pedro, na nakuha ang pormula mismo sa Ebanghelyo ngayon. Ngunit tingnan din natin ang kahinaan ni Pedro. Ang kanyang kahinaan sa pagtatakwil kay Hesus ay ang paggawa sa kanya: sa wakas ay natuto siyang huwag magtiwala sa kanyang sarili kundi kay Hesus lamang. Pagkatapos ng muling pagkabuhay nang tanungin siya muli ni Hesus, tapat siya sa pagsasabing, ‘Alam mong mahal kita’. At sapat na iyon. Turuan nawa tayo ni San Pedro na matutunan ang mapagpatawad na pag-ibig ni Hesus sa pamamagitan ng ating mga kahinaan, at mas lalo nating mahalin si Hesus.

San Pedro, tulungan mo kaming maglingkod sa Simbahan ng may pagmamahal at sigasig tulad ng ginawa mo. Amen.
***

Reply

Joshua S. Valdoz February 22, 2024 at 10:05 am

PAGNINILAY: Ang Kapistahan ng Luklukan ni San Pedro Apostol ay patungkol sa trono na inupuan ni San Pedro nang siya’y naging unang Santo Papa, ang unang pinuno ng Simbahan. Kaya ang upuang ito ay maikita sa mismong St. Peter’s Basilica sa Vatikano. At ang Kapistahan ito ay patungkol sa pagkatiwala ni Hesus ang awtoridad ng Simbahan kay San Pedro.

Sa simula pa lamang ay alam natin si Simon Pedro ay dating mangigisdang tinawag ni Kristo na maging isang “mamalakaya ng tao”. Pero sa takbo ng buhay, sa puntong itinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad kung sino siya sa tingin nila, tanging si Pedro ay nagpahayag na si Hesus ay ang Kristo at Anak ng Diyos. At dahil dito, ipinagkatiwala sa kanya ang pamumuno ng Simbahan at ang kapangyarihan ng susi. Ito’y nagsisilbing tanda ng paghihirang ni Kristo sa Simbahan upang makapagpatawad ng mga kasalanan.

Kaya ang ating Simbahan ay iisa, banal, Katolika, at Apostolika. Makikita natin mula sa pamumuno ni San Pedro at pangamgaral ng mga Apostol ay ipinatuloy ang pagpapahayag ng Mabuting Balita sa pamamagitan ng Santo Papa, mga Obispo, at kaparian. At gayundin ang pagpapahayag na ito ay ipinapatuloy natin, na tayo’y bahagi ng Laiko.

Tayo rin ay tinatawag na maging mga pastol na ipakita ang ating pagmamasid at pagkikilos sa pangangailangan ng ibang tao. Tayo ay tinatawag na Simbahan sapagkat tayong mga mananampalataya ay may misyon na idala ang Panginoon sa buhay ng bawat tao.

Reply

Rex Barbosa February 22, 2024 at 4:12 pm

PAGNINILAY

Sa atin naman…. sino Hesus sa atin?

Kung tatanungin natin ang bawat isa…

Siya ang Pinakadakila sa lahat ng isinilang;
Siya ang Kristo, ang Mesiyas;
Siya ang Anak ng Diyos;
Siya ang Manunubos;
Siya ang Nag-alay ng Kanyang Dugo at Laman;
Siya ang Mapagtawad, ang nagpapatawad;
Siya ay Tagapagdala ng Magandang Balita, ang Mabuting Balita;
Siya ay Diyos at Tao rin namang totoo; at
Siya ay Panginoon at Diyos natin.

Para sa mga nagsasabing hindi Diyos si Hesus…
Siya ay Panginoon at propeta; at
Siya ay propeta

Sa ating mabuting Kristiano
Siya ang Diyos, Siya ang lahat sa atin.

Kaya bilang mananampalataya isa-buhay natin…
ang Mabuting Balita;
ang ating Diyos sa araw-araw;
sapagkat naghihintay si Hesus sa atin sa dako pa ruon
sa buhay na walang hanggan!

Reply

RFL February 22, 2024 at 6:13 pm

Bakit si Pedro?

Ganyan marahil ang itatanong ko sa sarili ko kung ako’y isa sa mga original na alagad ni Hesus. But at the same time, magaaagree din ako sapagkat kung titingnan nating mabuti ang buhay ni San Pedro sa mga Ebanghelyo man, sa aklat ng mga Gawa, at sa kanyang mga sulat, masasabi ko sa aking sarili na, “Tama nga si Hesus, kay Pedro nga magandang ibilin ang Kanyang kawan.”.

Si Pedro ay nasa inner circle ni Hesus kasama si Juan at Santiago. Pag inner circle sa mga magkakabarkada, usually magkatinginan lang alam na yung ibig sabihin nung isa. Ang kalapitan nila kay Hesus ang nagbibigay runong at practice to live and work like Jesus. Nakita nila ang mga milagro na ginawa ni Hesus , ang Kanyang mga turo at ang Kanyang buong pagkatao. Nakita nila ang kaluwalhatian ni Kristo noon sa transfiguration. Kilalang kilala nila si Kristo. at hindi lang kilala bilang kapatid at Panginoon, ngunit kilala niya si Hesus bilang Anak ng Diyos sa pamamagitan ng karunungang inimpart ng Espiritu Santo na ipinahayag ngayon sa ating Ebanghelyo.

Si Pedro ay katulad din natin. Isang mangingisda by profession, may asawa, pamilyadong tao. At pagdating niya sa relationship with Jesus ay madalas ay nagtitiwala ngunit minsan ay nagkukulang ang tiwala sa Diyos, katulad noong siya’y lumakad sa tubig at lumubog dala ng kanyang takot at pangamba. Minsan nang gumamit ng dahas nung may pinutulan siya ng tenga nung panahong darakpin ang Panginoong Hesus. At ang isa sa pinakamabigat niyang naging kasalanan, itinakwil niya si Hesus nang makatatlong ulit. In short, si Pedro ay katulad natin, na bagamat nananampalataya sa Diyos ay nagkukulang pa rin, nanghihina pa rin, nagkakasala pa rin. Ayon nga sa Sulat ni Pablo sa mga taga-Galacia, ay inoppose niya si Pedro nang harapan dahil sa maling kanyang ginawa (Galatians 2:14). So ating makikita na kahit nasa paglilingkod na si Pedro ay nagkakasala pa rin siya. Parang tayo lang talaga.

Ngunit hindi nagtatapos ang kwento sa pagkakasala niya. Nung siya’y nagkulang ng pananampalataya, sinagip siya ni Hesus sa pagkakalunod. Nung may ginawan siya ng dahas, pinangaralan siya ni Hesus. Nung siya’y nagtaksil kay Hesus, nakapagreconcile sila noong muli Niyang pagkabuhay, at kung ilang beses niyang itinakwil ang relationship niya with Jesus ay ganoon ding beses nireconfirm ni Hesus ang pagibig ni Pedro sa Kanya. Hindi inalisan ni Hesus ng karapatan si Pedro na ibigin Siya at bumalik sa Kanya. Hindi rin naman umalis si Pedro sa pagibig kay Kristo, kahit makailang beses na niya nabigo ito. Patuloy na nagtitiwala si Pedro kay Hesus sa pagibig kapatawaran at grasya na ibinibigay ni Kristo sa kanya.

Ito ay kabaligtaran ni Hudas na noong siya’y nagkasala, nawala rin ang tiwala niya sa Panginoon na kaya Niya itong patawarin.

Maging katulad tayo ni Pedro, na iniibig ang Diyos na parang bata. Nagtitiwala, dumedepende, umiibig nang buo. At kapag nagkasala’y bumabalik sa magulang, kaibigan, at humihingi ng tawad. Ganito sana tayong lahat na mga Kristiyano, lalo na ang mga Katoliko. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: