Martes, Enero 23, 2024

January 23, 2024

Martes ng Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

2 Samuel 6, 12b-15. 17-19
Salmo 23, 7. 8. 9. 10

Sino ang haring dakila?
Siya’y ang D’yos na lumikha.

Marcos 3, 31-35


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Tuesday of the Third Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
2 Samuel 6, 12b-15. 17-19

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel

Noong mga araw na iyon, kinuha ni David ang Kaban ng Diyos at dinala sa Jerusalem. Hindi pa man nakalalayo, nakakaanim na hakbang pa lamang ang mga may dala ng kaban, pinahinto na sila ni David at naghandog sila ng isang toro at isang pinatabang tupa. Isinuot ni David ang isang linong efod at nagsayaw sa harapan ng Panginoon. Habang lumalakad ang mga Israelita, nagsisigawan sila sa tuwa at hinihipan ang mga trumpeta.

Ipinasok nila sa tolda ang Kaban ng Panginoon at inilagay sa lugar na nakalaan dito. Si David nama’y muling nagsunog ng mga handog sa harapan ng Panginoon. Pagkatapos, binasbasan niya ang mga tao sa ngalan ng Panginoon. Bago nagsiuwi, lahat ng mga Israelita ay pinakain ng tinapay, karne at pasas.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 7. 8. 9. 10

Sino ang haring dakila?
Siya’y ang D’yos na lumikha.

Ang pintuang luma ay buksan nang lubos,
ang dakilang hari ay doon papasok.

Sino ang haring dakila?
Siya’y ang D’yos na lumikha.

Siya ang Poon, dakilang talaga;
saanmang labanan tagumpay ay kanya.

Sino ang haring dakila?
Siya’y ang D’yos na lumikha.

Ang pintuang luma ay buksan nang lubos,
ang dakilang hari ay doon papasok.

Sino ang haring dakila?
Siya’y ang D’yos na lumikha.

Ang dakilang hari’y sino bang talaga?
Makapangyarihang Diyos at hari siya!

Sino ang haring dakila?
Siya’y ang D’yos na lumikha.

ALELUYA
Mateo 11, 25

Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 3, 31-35

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, dumating ang ina at mga kapatid ni Hesus. Sila’y nasa labas ng bahay at ipinatawag siya. Noon nama’y maraming taong nakaupo sa palibot ni Hesus, at may nagsabi sa kanya, “Nariyan po sa labas ang inyong ina at mga kapatid; ipinatatawag kayo.” “Sino ang aking ina at mga kapatid?” ani Hesus. Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot niya at nagwika: “Ito ang aking ina at mga kapatid! Sapagkat ang sinumang tumatalima sa kalooban ng Diyos; ay siya kong ina at mga kapatid.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 26, 2020 at 4:11 am

Pagninilay: Ang Unang Pagbasa ngayon ay ang matagumpay na paglusob ni Haring David sa Jerusalem at ang pagkuha niya sa Kaban ng Tipan na nilalaman ang mga Kautusan ng Panginoong Diyos. Habang dinadala ng mga Levita ang kaban, huminto sila at nag-alay ang toro at pinakatabang tupa. At dito’y sumayaw si Haring David ng papuri at pasasalamat habang umiikot. Pagkatapos ay pinasok na ang kaban sa loob ng tolda, kung saan ito’y naninirahan ng may banal na paggalang. Nangyari ito dahil naging matapat si David sa Panginoong Diyos. Mula sa angkan ni Haring David ay magmumula ang katuparan ng Kautusan, si Hesukristo, anak ng Birheng Maria, ang Kaban ng Bagong Tipan. Si Hesus sa Ebanghelyo ay inilalahad ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. May nagsabi sa kanya na narito ang kanyang Ina na si Maria at ang kanyang mga kapatid (maaring mga kamag-anak niya dahil sa salitang “adelophi” sa Griyego). Sinabi niya na ang kanyang mga kapamilya ay sumusunod sa kalooban ng Diyos. Hindi naman sa binabalewala niya ang Mahal na Birhen, kundi pinapalaganap niya ang pamilya ng Diyos Ama na tayo’y kabilang. Dahil sa pagiging masunurin ni Hesus hanggang sa kamatayan niya sa Krus, minarapat tayong maging mga hiram na anak niya, his faithful adopted children. At ang hamon sa atin ay pagiging matapat at masunurin sa kanyang dakilang kalooban upang ituro at isabuhay rin ito sa araw-araw na pamumuhay.

Reply

Mel Mendoza January 21, 2024 at 8:23 pm

Sa mga pagbasa natunghayan natin ang kahalagahan na kung bakit dapat gunamgunamin at maitanim sa puso ang Kautusan ng Panginoon. Sa unang pagbasa sa kapanahunan ni haring David sinasalaysay kung gaano sila kasaya na nagdiwang ng mapasa-kamay nila ang Kaban ng Tipan-Ang Kautusan bago pa man dumating ang kapanahunan ng Tagapagligtas na si Hesukristo. Masayang nagpasalamat at nagpuri sila sa Diyos pinagsaluhan nila ang kanilang mga alay. Ang pagpapasalamat sa Diyos ay laging makikita ang pagbabasbas, pagpupuri na nauuwi sa pagsasalu-salo ng lahat. Sa mga buhay natin ganitong halimbawa ang inaasahan ng Diyos na pag napasakamay na natin ang mga ipinangangaral sa Banal na Kasulatan dapat masaya natin tanggapin ang biyayang ito at maipamahagi ito sa iba. Sa diwa ng pagbabahagi doon lamang nagkakaroon ng pagsasalo at ano ba itong pinagsasaluhan ito ay ang Salita ng Diyos na magbibigay sa atin ng kapayapaan, kasaganaan, kasiyahan at kalayaan sa tanikala ng kasalanan.

Sa Ebanghelyo ipinapahayag kung sino ba ang Ina at mga kapatid na itinuturing ni Hesus kundi ang lahat ng mga tao na sumusunod sa Kautusan ito ay ang mga halimbawa na ipinakita naman kanyang inang si Birhen Maria na sa simula palang ng kasaysayan ng kaligtasan ay may malaking ginampanan ng papel sa pagsunod at ganun din ang kanyang mga apostoles na iniwanan ang kanya kanyang sariling buhay upang sumunod kay Kristo Hesus. Tayong lahat na mga mananampalataya ay may karapatan na tawagin adopted children of God sa diwa ng sakramento ng binyag. Sa madaling salita, ang sinumang sumusunod sa Kautusan at naisasabuhay ito ng may pag-ibig sa Diyos at sa kapwa ay maituturing na mga anak ng Diyos. Katulad ng mga tao sa panahon ni haring David na masayang ipagdidiwang at pinagsaluhan ng mapasa-kamay nila ang Kautusan dapat maging ganun din ang atin pagtingin kesa isipin na ang Kautusan ay sumisikil ng ating mga ninanais sa buhay bagkus ito ay ang tunay na nagbibigay sa atin ng kalayaan sa pagkakagapos sa kasamaan.

Ipanalangin natin na sa kabila ng mga hamon at pagsubok na binabata natin sa araw araw masumpungan palagi natin ang Salita ng Diyos na nagbibigay sa atin ng gabay at inspirasyon sa buhay.

Reply

Ma. Jeanna B. Batisla-ong January 23, 2024 at 4:48 pm

Amen…salamat po Panginoon sa mensaheng Inyong padala sa amin thru our priest’s homily..help us nit just to listen but to apply and put into practice what we have heard from the gospel in Jesus name I pray, Amen.?

Reply

Jess C. Gregorio January 23, 2024 at 4:40 am

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:

Kakaiba mag isip ang tao. Lahat ng sa Diyos ay binabase sa sariling limitadong pag iisip. Limitadong pananaw. Kaya sinasabi ng Kasulatan na malayo ang pag iisip ng Diyos at tao. Ang gawi ng tao ay hindi gawi ng Panginoon. Kaya kailangan natin ng kanyang Espiritu para maintindihan lahat. Binigyan diin ito ni Hesus sa Mabuting Balita sa araw na ito. Walang may kakayahan maging malapit kay Kristo kung ang kalooban ng isang tao ay hindi nananahan sa Diyos. Ang Diyos sa atin ang tanging makakakilala sa Kanya.

Ang tao ay walang alam. Salat tayo sa karunungan. Mahina. Walang lakas. Puno ng takot at pangamba. Maligalig. Sablay sa maraming bagay. Bagama’t may yaman at katayuan sa lipunan ay malungkot at nangangailangan. Kailangan natin ng Tamang Daan, Katotohanan, at Totoong Buhay. Tangapin natin si Hesus sa Komunyon ng Banal na Misa. Maging kaisa tayo Niya. Bisitahin, pagmasdan, sambahin, at kausapin natin siya sa Adoration Chapel. Ang Kanyang Presensiya ay mananatili hanggang sa wakas ng panahon. Hindi na natin siya kailangan hanapin. Matagal na siyang naghihintay sa atin.

Reply

RFL January 23, 2024 at 9:37 am

Gospel for Today: Marcos 3, 31-35

Mga kapatid, ano ba ang tunay at kalugod-lugod na pagsamba sa Diyos? Ito ang mensahe ng ating pagninilay ngayong araw patungkol sa mga pagbasa.

Sa unang Pagbasa, binigyang example ni David ang pagsambang ito by leading his choice men para dalhin ang Ark of God patungong Jerusalem. Nagsuot siya ng isang linen ephod na usually sinusuot ng mga pari or Levites lamang noon upang magbigay ng handog sa Panginoon. Ang pagsuot ng linen ephod ay hindi angkop sa isang hari sapagkat ayon sa kultura, ang isang hari ay dapat na well-dressed, at maihahalintulad ang pagsuot ng isang simpleng linen ephod sa pagiging “hubad” ng hari. Ngunit hindi ito naging hadlang kay David. Sinisimbolo nito ang puso ni David na nagpapakumbaba kahit siya’y hari, ay nagbibigay puri niya sa Panginoon, ang totoong Hari ng Sanlibutan. Hindi lumaon at nagsayaw siya at nilead niya ang mga tao sa pagpupuri at pagkagalak sa Presensya ng Diyos. Matapos noon ay binasbasan niya ang mga tao at pinakain pa niya ang mga ito. He didn’t leave an error! Sa totoo lang, napakagandang unawain ng puso ni David. Hindi siya takot na gawin ang sa tingin niya ay nararapat para magbigay ng pagsamba sa Diyos. Nagkaroon ng time na kinain niya ang Bread of the Presence na ang allowed lamang kumain ay ang mga pari. Nagkaroon ng time na bagamat lugmok sa kasalanan ng adultery at pagpatay, lumapit pa rin siya sa Panginoon upang humingi ng tawad at hilingin sa Panginoon na linisin ang kanyang puso. Namuhay si David ng kalugod-lugod sa Diyos, na kung pagbabasehan natin ang nakasulat sa buhay niya, ay namuhay si David nang itinuturing ang Diyos bilang Ama, Tagapagligtas at Hari ng Sanlibutan.

Binigyang-diin ni Hesus noong Siya’y nagtuturo sa mga tao ang uri ng pagsamba na lalong kalugod-lugod din sa Diyos: ang pagsamba sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban at turo ng Panginoon. Ipinakita na ni Hesus ang tunay na puso ng Diyos na mapagmahal at mapagpatawad. In fact, He had already cleansed us from our sins, at ang hinihintay na lang Niya ay tayo. Tayo na sumunod sa mga yapak Niya. Tayo na ituring ang Diyos bilang ating Ama. Binigay pa sa atin ang Espiritu Santo na Siyang gabay natin sa buhay na ito upang magawa natin ang mga turo Niya.

Anu-ano ba ang magagawa nating malayang pagsamba sa Diyos? Isapuso natin ang pag-attend sa Banal na Misa. Bawat parte ng Misa ay mahalaga sapagkat ito’y act of worship and thanksgiving, ito ay nagno-nourish ng ating mga kaluluwa sa pamamagitan ng pakikinig natin at pagsasabuhay ng Salita ng Diyos, at kino-commemorate natin ang sakripisyo na pinagdaanan ng Panginoon noong Siya’y andito sa mundo sa pamamagitan ng Banal na Komunyon. Bukod doon, sa ating pang-araw-araw na buhay, ipakita natin ang totoong pagsamba sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga sarili—pagdarasal, pagka-usap sa Panginoon na ating Ama at Hari, pag-iwas sa kasalanan, pagpapakumbaba, pagbibigay sa nangangailangan, pagsunod sa nakakataas, pagpapatawad, paghingi ng tawad, pagserve sa community, pagiging mabuting anak o mabuting magulang o mabuting kaibigan, pagiging honest sa lahat ng dealings, pagtatrabaho in all excellence at integrity, at marami pang iba.

Tularan natin si David, na hindi kinulong sa box ang uri ng pagsamba na nararapat sa Diyos, ang ating Ama sa pamamagitan ni Hesus, ang Hari ng Sanlibutan. Nang sa gayon, maging tunay tayong mga kapatid, ina, o kaibigan ni Kristo Hesus, ngayon at magpakailanman. Amen.

Reply

Rex G. Barbosa January 23, 2024 at 4:22 pm

Aral: Imbitasyon sa pagtulong sa kapwa.

Nais ni Hesus sa ebanghelyo na kung ibig nating mapabilang sa mga tunay na pamilya ni Jesus ating pakinggan ang mga Salita ng Diyos at isagawa ang mga ito.

Gumawa tayo ng mga gawa ng pagmamahal, awa at pakikiramay sa sinumang nangangailangan maging sa isang estranghero. Higit pang palawakin ang ating mga gawa ng awa at habag hindi lang sa ating kadugo. Sapagkat sinumang tumatalima sa kalooban ng Diyos ay siyang ina at mga kapatid ni Jesus.

Ang paggawa ng mabuti sa ating mga kadugo ay isa katotohanan ng buhay. Tinutulungan natin sila dahil konektado tayo sa kanila. Nais ni Hesus sa ebanghelyo na higit pang palawakin ang ating mga gawa ng awa at habag. Ito ang hamon sa ating lahat kung nais nating tawaging kamag-anak ni Hesus: Dapat tayong TUMULONG SA SINUMANG NANGANGAILANGAN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: