Miyerkules, Enero 24, 2024

January 24, 2024

Paggunita kay San Francisco de Sales, obispo at pantas ng Simbahan

2 Samuel 7, 4-17
Salmo 88, 4-5. 27-28. 29-30

Sa kanya mananatili
ang aking pag-ibig lagi.

Marcos 4, 1-20


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Francis de Sales, Bishop and Doctor of the Church (White)

Mga Pagbasa mula sa
Miyerkules ng Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

UNANG PAGBASA
2 Samuel 7, 4-17

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel

Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Natan, “Ganito ang sabihin mo kay David: ‘Ipagtatayo mo ba ako ng tahanan? Mula nang ilabas ko sa Egipto ang Israel, wala pa akong bahay na masasabing akin. Hanggang ngayo’y tolda pa ang aking tahanan. Kahit lagi akong kasama ng Israel, wala akong sinabing anuman sa sinumang hukom tungkol sa tahanang sedro na dapat kong tirahan, gayong ako ang pumili sa kanila upang mamahala sa aking kawan.’ Sabihin mo rin sa lingkod kong si David ang salitang ito ng Panginoon: ‘Inalis kita sa pagpapastol ng tupa upang gawing pinuno ng bayang Israel. Kasama mo ako saanmang dako at lahat mong mga kaaway ay aking nilipol. Gagawin kong dakila ang iyong pangalan tulad ng mga dakilang tao sa daigdig. Bibigyan ko ang Israel ng kanyang lupa at doon ko patitirahin. Wala nang gagambala sa kanila roon; wala nang aalipin sa kanila tulad noong una, buhat nang maglagay ako ng hukom nila. Magiging payapa ka sapagkat wala nang gagambala sa iyo. Bukod dito, akong Panginoon ay nagsasabi sa iyo: Patatatagin ko ang iyong sambahayan. Pagkamatay mo, isa sa iyong mga anak ang ipapalit ko sa iyo. Patatatagin ko ang kanyang kaharian. Siya ang magtatayo ng templo para sa akin, at sa kanyang angkan magmumula ang maghahari sa aking bayan magpakailanman. Kikilanlin ko siyang anak at ako nama’y magiging ama niya. Parurusahan ko siya, tulad nang pagpaparusa ng ama sa nagkasalang anak. Ngunit ang paglingap ko sa kanya’y hindi magbabago, di tulad ng nangyari kay Saul. Magiging matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia’y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono.’” Isinaysay ni Natan kay David ang lahat ng sinabi sa kanya ng Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 4-5. 27-28. 29-30

Sa kanya mananatili
ang aking pag-ibig lagi.

Sabi mo, O Poon, ikaw ay may tipan
na iyong ginawa kay David mong hirang
at ito ang iyong pangakong iniwan.
“Isa sa lahi mo’y laging maghahari,
ang kaharian mo ay mamamalagi.”

Sa kanya mananatili
ang aking pag-ibig lagi.

Ako’y tatawaging ama niya’t Diyos,
Tagapagsanggalang niya’t Manunubos.
Gagawin ko siyang anak na panganay,
mataas na hari nitong daigdigan!

Sa kanya mananatili
ang aking pag-ibig lagi.

Ang aking pangako sa kanya’y iiral
at mananatili sa kanya ang tipan.
Laging maghahari ang isa n’yang angkan,
sintatag ng langit yaong kaharian.

Sa kanya mananatili
ang aking pag-ibig lagi.

ALELUYA

Aleluya! Aleluya!
Salita ng D’yos ang buto
na tanim ni Hesukristo
upang tumubo sa tao.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 4, 1-20

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, muling nagturo si Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Pinagkalipumpunan siya ng napakaraming tao, kaya’t lumulan siya sa isang bangkang nasa tubig at doon naupo. Ang karamihan nama’y nasa dalampasigan, nasa gilid na ng tubig. At sila’y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng talinhaga. Ganito ang sabi niya: “Pakinggan ninyo! May isang magsasaka na lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may binhing nalaglag sa daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May binhi namang nalaglag sa kabatuhan. Agad sumibol ang mga iyon, sapagkat manipis lamang ang lupa doon; ngunit nang tumindi ang sikat ng araw, nalanta at natuyo ang mga binhing tumubo, palibhasa’y walang gaanong ugat. May binhi namang nalaglag sa dawagan; lumago ang mga dawag at ininis ang mga binhing tumubo kaya hindi nakapamunga. At may binhing nalaglag sa matabang lupa, at ito’y tumbo, lumago, at nag-uhay na mainam – may uhay na tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tigsasandaan ang butil.” Sinabi pa ni Hesus, “Ang may pandinig ay makinig.”

Nang nag-iisa na si Hesus, ang ilang nakarinig sa kanya ay lumapit na kasama ang Labindalawa, at hiniling na ipaliwanag ang talinghaga. Sinabi niya, “Sa inyo’y ipinagkaloob na malaman ang lihim tungkol sa paghahari ng Diyos; ngunit sa iba, ang lahat ng bagay ay itinuturo sa pamamagitan ng talinghaga. Kaya nga’t,

‘Tumingin man sila nang tumingin ay hindi sila makakita.
At makinig man nang makinig ay hindi makaunawa.
Kundi gayon, marahil sila’y magbabalik-loob sa Diyos at patatawarin naman niya.’”

Pagkatapos tinanong sila ni Hesus, “Hindi pa ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano ninyo mauunawaan ang ibang talinghaga? Ang inihahasik ay ang Salita ng Diyos. Ito ang mga nasa daan, na nahasikan ng Salita: pagkatapos nilang mapakinggan ito, pagdaka’y dumarating si Satanas, at inaalis ang Salitang napahasik sa kanilang puso. Ang iba’y tulad naman ng napahasik sa kanilang puso. Ang iba’y tulad naman ng napahasik sa kabatuhan. Pagkarinig nila ng Salita, ito’y agad nilang tinatanggap na may galak. Ngunit hindi naman ito tumitimo sa kanilang puso, kaya’t hindi sila nananatili. Pagdating ng kahirapan o pag-uusig dahil sa Salita, agad silang nanlalamig. Ang iba’y tulad ng napahasik sa dawagan. Dininig nga nila ang Salita, ngunit sila’y naging abala sa mga bagay ukol sa mundong ito, naging maibigin sa mga kayamanan, at mapaghangad sa iba pang mga bagay, anupa’t ang Salita’y nawalan na ng puwang sa kanilang mga puso kaya’t hindi sila nakapamunga. Ngunit ang iba’y tulad sa binhing napahasik sa matabang lupa: pinakikinggan nila at tinatanggap ang Salita, at sila’y nagsisipamunga – may tigtatatlumpu, may tig-aanimnapu, at may tigsasandaan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 20, 2024 at 12:05 am

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay nagsasalaysay kung paanong ipinangako ng Diyos na pagpalain ang lahi ni Haring David. Dahil sa alalang ipagtayo ang isang tahanan para manirahan ang Kaban ng Tipan, sinabi ng Panginoon na ang kanyang anak ang magpapatayo nito. Sa historikal na konteksto, ipinatayo ng anak ni David na si Haring Solomon ang isang Templo sa Jerusalem, at dito inilagay ang Tipan. Sa teolohiyang konteksto, sisibol ang isang lipi mula sa angkan ni Haring David na nagpapakita magiging walang hanggan ang paghahari nito. Mula kay David nagmula ang Mesiyas na si Hesukristo, ang Bugtong na Anak ng Diyos Ama.

At si Hesus sa Ebanghelyo ay nagtuturo sa atin ng Parabula ng Manghahasik ng Lupa. Siya ang manghahasik na itinatanim ang mga butong nangangahulugan sa Salita ng Diyos. Ikinakalat niya ang mga buto hindi dahil nagsasayang siya ng oraa, kundi makikita dito kung paano dapat mamunga ang Salitang ito sa buhay ng bawat tao. Ang apat na lugar ay nangangahulugang ang realidad na may ilang taong ayaw makinig sa Salita ng Diyos, may ilan naman naririnig ngunit tinutukso ng mga pagsubok at pang-uusig, may ilan naman naririnig ngunit ayaw isantabi ang mga makamundong bagay, at may ilan ang tunay na pinaninindigan ang Salita at isinasabuhay nito upang mamunga sa pagpapahayag ng mensahe ng Diyos.

Kaya nga mahalaga yung pagiging matapat sa kalooban ng Panginoon sa pamamagitan ng pakikinig at paninindigan ng kanyang Salita. Nawa’t tunay na maging bukas-loob tayo sa kanyang mga pagpapala upang ipalaganap ito sa iba.

Reply

Mel Mendoza January 22, 2024 at 1:30 am

Sa napakaganda at napakahabang Ebanghelyo ni San Marcos (4:1-20) ang unang mga salita na tumimo sa isip at puso ko ay ang salitang “Pakinggan!” at ang bandang dulo ng unang bahagi ng Ebanghelyo “Ang mga may pandinig ay makinig!” Mga salitang may kinalaman sa puso at gawa at hindi ang literally na tenga lamang. Maraming pangangaral si Hesus na idinadaan Niya sa mga parabula o mga paghahambing ng mga bagay sa espirituwalidad ng mga tao. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo nabanggit ang isa sa orihinal na Kautusan bago pa man dumating si Moises ito ay makinig! o pakinggan ang Kanyang mga Salita. Kahit naman sa ating kapanahunan ang salitang ito ay ang palagi nagiging concern ng mga pari/preacher kung ang mga maninimba ba ay nakinig na tumimo sa isip at puso o yung tagusan lang na tipong pumasok sa kanan pero lumabas sa kaliwang banda ng tenga ang napakinggan mga pangangaral. Kaya sa Mabuting Balita ng may akda na si San Marcos iniutos ni Hesus habang Siya ay nangangaral na “Pakinggan ninyo” at inulit pa na “Ang may pandinig ay makinig”. Alam kasi ni Hesus kung gaano katitigas ang mga puso ng mga tao. Karamihan ng mga sumusunod sa kanya ay naghihintay lamang ng himala at kababalaghan, pagpapalayas sa mga masasamang espiritu at inaalihan ng demonyo at pagpapagaling sa mga maysakit taliwas sa inaasahan Niyang pakinggan ang Salita na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kadalasan ginagamit Niya ang pananalitang katulad nito patungkol naman sa mga Pariseo, mga eskriba at mga matatanda ng bayan. Nandoon sila para siluin si Hesus o marinig ang mga aral na taliwas sa sarili nilang mga batas na ipinangangaral upang Siya ay akusahan.

Bilang pagpalalim pa ng aking pagninilay, sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo ang “Talinghaga ng Manghahasik” papano sisibol ang inihasik na binhi kung ang lupang natamnan ay hindi makakapamunga sa iba’t ibang dahilan. Ganun din ang Salita ng Diyos kailanman ay hindi nito mababago ang mga tao na hindi kayang makinig, tumanggap at maisabuhay ang mga ipinangangaral at mananatili sa uri ng pamumuhay ng naka-base lamang sa mga sariling kaalaman na malayo sa panukala ng Diyos. Sila ang mga ehemplo ng mga taong may nadinig pero walang napakinggan. Ang tunay na nakarinig ng Salita ng Diyos ay ang mga taong isinabuhay ang Salitang na napakinggan at nakapagpabago ng buhay ng iba. May apat na simbolismo ang talinghaga at uri ng lupang nahasikan ng binhi at ito ay malinaw na nabanggit sa Ebanghelyo ni San Marcos. Ang gusto ko lang bigyan ng diin ay ang mga matatabang lupang kayang pabungahin ang binhi ng mas marami pa sa inaasahan ng Manghahasik. Ang imbitasyon ay sana isa tayo matabang lupa pwede simulan ito sa pakikinig ng Salita ng Diyos at hayaan na tumimo sa puso’t isipan at maisabuhay hanggang sa maging daluyan ang biyayang ito para doon sa mga taong nahihirapan at patuloy na nangangapa pa sa dilim ang mga pananampalataya. Ang katotohanan ang maging bahagi ng pagmimisyong ito ay hindi madali katulad ng dinanas ng mga alagad at ng Panginoong Hesus msmo. Ang malaking inspirasyon ng isang muling nabuhay na Panginoon ay sapat na at hayaan ang Espiritu ng Diyos na buhay ang mangusap, kumilos at manguna sa atin.

Sa panghuli, makinig, isabuhay at mamunga at ibahagi ang Mabuting Balita ng Kaligtasan sa sangkinapal!

Reply

Malou Castaneda January 23, 2024 at 6:03 pm

PAGNINILAY
Ang parabula ay tungkol sa kalagayan ng ating mga puso. Ang mga binhi ay sumasagisag sa Salita ng Diyos, at ang lupa ay ang ating mga puso. Ang ating mga puso ba ay katulad ng mahirap na landas, kung saan ang Salita ng Diyos ay madaling maagaw? O tulad ng mabatong lupa, kung saan tinatanggap natin ang Salita ng Diyos ng may kagalakan ngunit mabilis na nawawalan ng pananampalataya kapag dumarating ang mga hamon? O tayo ba ay kabilang sa mga tinik, hinahayaan ang mga alalahanin at mga abala na pigilin ang Salita? Tayo ay tinawag na maging katulad ng mabuting lupa na bukas, mulat, at handang tumanggap ng Salita ng Diyos. Isang pusong handang makinig, umunawa, at hayaan ang Salita ng Diyos na mag-ugat sa kaibuturan. Nabubuhay tayo sa isang mundo na may maraming mga kaguluhan at hamon. Madaling unahin ang mga alalahanin sa buhay at lunurin ang tinig ng Diyos. Ngunit, sikapin nating maging mabuting lupa, pagyamanin ang ating mga puso sa pamamagitan ng panalangin, pagninilay sa Banal na Salita, at paghanap ng mas malalim na kaugnayan sa Diyos. Kapag binuksan natin ang ating mga puso sa Salita ng Diyos, hinahayaan natin itong baguhin tayo. Napagkukunan natin ito ng lakas sa panahon ng pagsubok, gabay sa mga sandali ng kalituhan, at liwanag na umaakay sa atin sa ating paglalakbay sa pananampalataya. Nawa’y maging katulad tayo ng mabuting lupa, na nagbubunga ng pag-ibig, kagalakan, at katapatan. Payamanin natin ang ating mga puso sa Salita ng Diyos, upang ang Kanyang mensahe ay mag-ugat at magbunga sa ating buhay na magtatagal at maghahatid sa atin sa langit.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming ihanda ang aming puso upang tanggapin ang Iyong salita. Amen.
***

Reply

Jess C. Gregorio January 24, 2024 at 12:17 am

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:

Pinipili ng Diyos ang mga maghahasik ng Mabuting Balita. Sa kanila ang lihim ay naibubunyag. Ngunit sa iba ay natatago sa mga talinhaga. Makinig man sila ng makinig ay hindi makaka unawa. Kaya sinabi niya na, “Ang may pandinig ay makinig.” Karaniwang ito ang mga taong nasa grasya na at kinakasihan ng Espiritu. Pansinin na sinabi ni Hesus na patatawarin naman niya ang magbabalik loob na nakikinig pero hindi nakaka unawa. Ibig sabihin, ang anumang kasalanang iniingatan at hindi pa napapatawad ay balakid sa karunungan. Kung nahihirapan pa tayo maintindihan ang mga Salita ni Hesus, inaaanyayahan tayo na ikumpisal ito ng maibalik natin ang ating loob sa kanya. Mabubuksan ang ating puso at isipan at magiging maliwanag ang lahat ng katotohanan.

Ang tao ay walang alam. Salat tayo sa karunungan. Mahina. Walang lakas. Puno ng takot at pangamba. Maligalig. Sablay sa maraming bagay. Bagama’t may yaman at katayuan sa lipunan ay malungkot at nangangailangan. Kailangan natin ng Tamang Daan, Buong Katotohanan, at Totoong Buhay. Parati tayo mangumpisal. Tangapin natin si Hesus sa Komunyon ng Banal na Misa. Maging kaisa tayo Niya. Bisitahin, pagmasdan, sambahin, at kausapin natin siya sa Adoration Chapel. Ang Kanyang Presensiya ay mananatili hanggang sa wakas ng panahon. Hindi na natin siya kailangan hanapin. Matagal na siyang naghihintay sa atin.

Reply

Rey Anthony I. Yatco January 24, 2024 at 4:43 am

MAGANDANG BALITA NGAYON – MIYERKULES NG IKATLONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON / Paggunita kay San Francisco de Sales, obispo at pantas ng Simbahan

MARCOS 4, 1-20 Noong panahong iyon, muling nagturo si Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Pinagkalipumpunan siya ng napakaraming tao, kaya’t lumulan siya sa isang bangkang nasa tubig at doon naupo. Ang karamihan nama’y nasa dalampasigan, nasa gilid na ng tubig. At sila’y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng talinhaga. Ganito ang sabi niya: “Pakinggan ninyo! May isang magsasaka na lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may binhing nalaglag sa daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May binhi namang nalaglag sa kabatuhan. Agad sumibol ang mga iyon, sapagkat manipis lamang ang lupa doon; ngunit nang tumindi ang sikat ng araw, nalanta at natuyo ang mga binhing tumubo, palibhasa’y walang gaanong ugat. May binhi namang nalaglag sa dawagan; lumago ang mga dawag at ininis ang mga binhing tumubo kaya hindi nakapamunga. At may binhing nalaglag sa matabang lupa, at ito’y tumbo, lumago, at nag-uhay na mainam – may uhay na tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tigsasandaan ang butil.” Sinabi pa ni Hesus, “Ang may pandinig ay makinig.”

Nang nag-iisa na si Hesus, ang ilang nakarinig sa kanya ay lumapit na kasama ang Labindalawa, at hiniling na ipaliwanag ang talinghaga. Sinabi niya, “Sa inyo’y ipinagkaloob na malaman ang lihim tungkol sa paghahari ng Diyos; ngunit sa iba, ang lahat ng bagay ay itinuturo sa pamamagitan ng talinghaga. Kaya nga’t,

‘Tumingin man sila nang tumingin ay hindi sila makakita.
At makinig man nang makinig ay hindi makaunawa.
Kundi gayon, marahil sila’y magbabalik-loob sa Diyos at patatawarin naman niya.’”

Pagkatapos tinanong sila ni Hesus, “Hindi pa ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano ninyo mauunawaan ang ibang talinghaga? Ang inihahasik ay ang Salita ng Diyos. Ito ang mga nasa daan, na nahasikan ng Salita: pagkatapos nilang mapakinggan ito, pagdaka’y dumarating si Satanas, at inaalis ang Salitang napahasik sa kanilang puso. Ang iba’y tulad naman ng napahasik sa kanilang puso. Ang iba’y tulad naman ng napahasik sa kabatuhan. Pagkarinig nila ng Salita, ito’y agad nilang tinatanggap na may galak. Ngunit hindi naman ito tumitimo sa kanilang puso, kaya’t hindi sila nananatili. Pagdating ng kahirapan o pag-uusig dahil sa Salita, agad silang nanlalamig. Ang iba’y tulad ng napahasik sa dawagan. Dininig nga nila ang Salita, ngunit sila’y naging abala sa mga bagay ukol sa mundong ito, naging maibigin sa mga kayamanan, at mapaghangad sa iba pang mga bagay, anupa’t ang Salita’y nawalan na ng puwang sa kanilang mga puso kaya’t hindi sila nakapamunga. Ngunit ang iba’y tulad sa binhing napahasik sa matabang lupa: pinakikinggan nila at tinatanggap ang Salita, at sila’y nagsisipamunga – may tigtatatlumpu, may tig-aanimnapu, at may tigsasandaan.”

MAGNILAY: Minsan para tayong lupa sa daan na matigas. Sobrang tigas kaya’t manhid na sa kasalanan. Dapat bungkalin upang lumambot at makapasok ang grasya ng Diyos.

Minsan tulad naman ng batuhan na mababaw at manipis ang lupa. Dapat alisan ng bato ng kababawan upang malalim na magkaugat ang pag-ibig ng Diyos.

Minsan tulad tayo ng damuhan. Dapat bunutan ng damo na karibal ng halaman. Dapat ding supilin ang mga karibal ng Diyos sa puso natin.

MANALANGIN: Panginoon, maging matabang lupa nawa ang puso ko – malambot, walang bato, walang damo. Purong pag-ibig lang para sa iyo.

GAWIN: Ayusin mo ang puso mo para sa Panginoon.

Reply

RFL January 24, 2024 at 9:47 pm

Gospel for Today: Mark 4:1-20

Mula pa noong una, nais ng Diyos na manahan sa gitna natin. Kaya inutos niyang magkaroon Siya ng masasabi Niyang tahanan, at ito’y inutos Niya kay David at tuluyang naisakatuparan ni Solomon na anak ni David. Nilahad ng Panginoon ang Kanyang pangako kay David na siya rin namang propesiya ng Mesiyas, ang anak ni David na siyang magiging dakilang Hari magpakailanman. Paparusahan Niya Siya ngunit lilingapin, tulad ng isang ama sa kanyang anak.

Hindi nagbabago ang Diyos at noong dumating si Kristo, inilahad Niya ang Kanyang Salita–ang Salita Niya ay kaligtasan sa mga pananahanan nito. At ang pananahanan ng Salita ay magsasabuhay nito at magbubunga Yes, katulad ng Parable of the Sower, hindi lahat ng nakarinig ay nakaintindi at pinanahanan ng Salita ng Diyos. Ipinaliwanag mismo ni Jesus ang meaning ng Parable of the sower. At ngayon, tingnan natin ang example nito sa simpleng pagsisimba natin tuwing Linggo.

1. Mga binhing nalaglag sa daan – ito yung mga nagsisimba na wala talaga silang intensyon magsimba pero hindi pa dumarating ang kausap or kadate nya kaya pumasok lang siya sa simbahan dahil gusto niyang maupo habang hinihintay ang katagpo niya. Noong dumating na, hindi pa man tapos ang Misa ay dali-dali nang umalis.

2. Mga binhing nalaglag sa batuhan – ito yung nagsisimba na sumama sa pamilya o magsimba kase Sunday is day of obligation. Siya yung may intensyon talagang magsimba at may natutunan naman sa misa. Ngunit hindi lumalalim ang pakikipag-ugnayan sa Diyos kase after the 1hr mass, balik na naman siya sa mga bisyo at kasalanan niya.

3. Mga binhing nalaglag dawagan – ito yung mga nagsisimba, may totoong intensyong magsimba, at tinatry na makipag-ugnayan sa Diyos at gumagawa ng mabuti. Ngunit pag dumarating ang problema, ang tukso, mga kumikinang na bagay, makapal na bulsa, ay madali itong napapariwara at nagiging bias towards the things and cares of this world.

4. Mga binhing nalaglag sa matabang lupa – ito yung mga nagsisimba, may totoong intensyong magsimba, nakikipag-uganayan sa Diyos in between the days na hindi nagsisimba, inaalam ang Salita ng Diyos nang higit sa napakinggan niya, gumagawa ng mabuti, at pagdating ng mga pagsubok ay hindi dito nagpapadala. Tinatalikuran niya ang mga kasalanan, mga bisyo. Kung natatakot siya sa laki ng problema, ay aalalahanin niya ang sinabi ng Diyos na “huwag kang matakot”. Kung napakinggan Niya o nabasa na magpatawad ng kapwa ay tunay nga namang nagpapatawad siya. Sa madaling salita, ang mga matatabang lupa ay yung nakikinig, iniintindi, sinasapuso at sinasabuhay ang Salita ng Diyos.

Sabi ni Hesus (rephrase ko lang). Ang isang bunga ng magandang tubo ng mga binhi ng Salita ng Diyos sa atin ay ang pagbabalik-loob natin sa Diyos.

Mga kapatid, noong una pa man ay nais ng Diyos na manahan sa gitna natin. Nanahan Siya sa pamamagitan ng templo, nanahan Siya sa pamamagitan ni Kristo, at nanahan Siya sa pamamagitan ng Espiritu Santo na nasa ating mga puso bilang mga binyagang Kristiyano Katoliko. Huwag nating sayangin ang mga binhing itinatanim ng Panginoon sa atin. Kahit ano mang klaseng lupa tayo ngayon, maawain ang Diyos. Bibigyan Niya tayo ng drive and zeal for Him only if we asked Him to, kailangan gustuhin natin. Kailangan maging ready tayo sa mga ipinapagawa Niya. At nawa, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, gawin Niya tayong mga matatabang lupa, nang tayo’y makapamunga at makapagtanim din ng mabuting binhi sa puso ng ating mga kapwa. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: