Linggo, Enero 21, 2024

January 21, 2024

Kapistahan ng Panginoong Hesus, Ang Banal na Sanggol (B)

Isaias 9, 1-6
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4. 5-6

Kahit saa’y namamalas,
tagumpay ng Nagliligtas.

Efeso 1, 3-6. 15-18
Marcos 10, 13-16


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Feast of the Santo Niño (White)

Holy Childhood Day (Sancta Infantia)
Week of Prayer for Christian Unity

UNANG PAGBASA
Isaias 9, 1-6

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Nakatanaw ng isang malaking liwanag
ang bayang malaon nang nasa kadiliman,
namanaag na ang liwanag
sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim.
Iyong pinasigla ang kanilang pagdiriwang,
dinagdagan mo ang kanilang tuwa.
Tulad ng mga tao sa panahon ng anihan,
tulad ng mga taong naghahati ng nasamsam na kayamanan.
Nilupig mo ang bansang umalipin sa iyong bayan
tulad ng pagkalupig sa hukbo ng Madian.
Binali mo ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa kanila.
Sapagkat ang panyapak ng mga mandirigma,
ang lahat ng kasuutang tigmak sa dugo ay susunugin.
Sapagkat ipinanganak para sa atin ang isang sanggol na lalaki.
Ibinigay ang isang anak sa atin
at siya ang mamamahala sa atin.
Siya ang Kahanga-hangang Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos,
walang hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapayapaan.
Malawak na kapangyarihan at walang hanggang kapayapaan.
ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang paghahari
Upang matatag ito at papanatilihin
sa katarungan at katwiran
ngayon at magpakailanman.
Isasagawa ito ng Makapangyarihang Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4. 5-6

Kahit saa’y namamalas,
tagumpay ng Nagliligtas.

Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.

Kahit saa’y namamalas,
tagumpay ng Nagliligtas.

Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.

Kahit saa’y namamalas,
tagumpay ng Nagliligtas.

Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!

Kahit saa’y namamalas,
tagumpay ng Nagliligtas.

Sa saliw ng mga lira iparinig yaong tugtog,
at ang Poon ay purihin ng tugtuging maalindog.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambulo,
magkaingay sa harapan ng Poon na ating hari.

Kahit saa’y namamalas,
tagumpay ng Nagliligtas.

IKALAWANG PAGBASA
Efeso 1, 3-6. 15-18

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso

Mga kapatid:
Magpasalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo. At sa atin ngang pakikipag-isang ito, hinirang na niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo’y kanyang itinalaga upang maging mga anak niya sa pamamagitan ni Hesukristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak!

Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig sa Panginoong Hesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng hinirang, walang humpay ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo. Inaalaala ko kayo sa aking pananalangin, at hinihiling sa Diyos ng ating Panginoong Hesukristo, ang dakilang Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at ng tunay na pagkakilala sa kanya. Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin. Ito’y ang kaluwalhatiang inilaan niya sa kanyang mga hinirang.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 1, 14. 12

Aleluya! Aleluya!
Naging tao ang Salita,
upang tanang maniwala
ay kanyang gawing dakila.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 10, 13-16

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, may nagdala ng mga bata kay Hesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay; ngunit pinagwikaan sila ng mga alagad. Nagalit si Hesus nang makita ito, at sinabi sa kanila, “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ng Diyos. Ito ang tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa mga pinaghaharian niya.” At kinalong ni Hesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at pinagpala sila.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 10 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 2, 2021 at 1:37 pm

PAGNINILAY: Ang Simbahan sa buong mundo ay ipinagdiriwang ngayon ang Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon. Samantala dito sa Pilipinas, isang malaking biyayang ating ipinagdiriwang dahil ika-18 siglo, inaprobahan ng Vatikano ang ating debosyon sa Banal na Sanggol, ang Senyor Santo Nino, at ang Kapistahan nito tuwing Ikatlong Linggo ng Enero. Dalawang mahalagang bagay ang nais iparating sa atin ng Kapistahan ng Santo Nino:

1.) ANG PAGTANGGAP AT PAG-AANIB SA PANANAMPALATAYA. Malaking biyayang ating ipinagdiriwang ngayong taong 2021 sa pagdiriwang ng Ika-500 Anibersaryo ng Kristiyanismo sa ating bansa. Taong 1521, dumating si Fernando Magallenes, isang Portuges na manlalakbay, sa ating bansa. Kasama niya ay ang Padre Pedro de Valderrama at Antonio Pigafetta. Ipinagkaloob niya kay Reyna Humamai ang isang imahe ng Ninong Hesus at kay Raja Humabaon ang isang imahe ng Santo Cristo. Kaya tinanggap ng mga katutubo ang pananampalatayang Kristiyano. Itininanim ang krus, bininyagan ang mga tao, at idinaos ang Unang Misa sa Pilipinas. Pagkamatay ni Magallanes at pagbalik ng kanilang mga kasama, 44 taong nakapalipas at dumating ang grupo ng mga manlalakbay na si Miguel Lopez de Legazpi. Pero n’ung panahong iyon, nagkaroon ng digmaan at pag-aalitan dahil nasira ang mapayapang kolonisasyon, at maraming bahay sa Cebu ay nasunugan. Pero isang Juan Camus ay natagpuan ang Santo Ninong ibinigay ni Magallanes kay Juana. Kayumanggi ang mukha nito sapagkat ito’y nasunugan, subalit nakaligtas ang imahe sa pagkawasak. Ito ang pinakamatandang imahe dito sa Pilipinas, at matatagpuan ito sa Basilika Minore del Santo Nino, ang ina ng mga simbahan sa ating bansa. At laganap ang debosyong ito sa bansa, kaya inaprobahan ito ni Papa Inocencio XIII at ang Kapistahang ito tuwing ikatlong Linggo ng Enero. Ganyan ang turo ni San Pablo sa mga taga-Efeso na dahil sa Panginoong Hesukristo, minarapat tayong tawaging bilang mga anak ng Diyos Ama kahit tumanda pa tayo man sa pag-angkin natin sa pananampalatayng ito.

2.) ANG MISTERYO NG PAGIGING BATA. 500 BCE, ipinahayag ni Propeta Isaias na isang Sanggol ay magiging liwanag sa mga ninirahan sa kadiliman at ang Prinspie ng Kapayapaan sa buong mundo. Ito ay natupad sa katauhan ng ating Panginoong Hesukristo. Bagamat siya ay Diyos, nagkatawang-tao siya at natuto sa ordinaryong buhay ng tao. Naging bahagi siya ng isang pamilya kasama sina Birheng Maria at San Jose, pero higit sa lahat, siya’y naging masunurin sa kalooban ng Diyos Ama. Dahil sa pagiging magpakumbaba niya, naging masunurin siya hanggang sa kanyang Pagkamatay sa Krus upang matubos tayo mula sa kasalanan. At siya’y dinakala ng Diyos bilang Panginoon at Hari ng ating buhay. Tinuturo niya sa ating Ebanghelyo ngayon ang pagiging katulad ng isang bata. Sa Ingles, hindi ito “childish”, kundi “childlike”. Ganito rin ang pagtanggap ng indibidwal sa Kaharian ng langit katulad ng isang bata. Noong lumang panahon, ang mga bata ay minamalit ng lipunan sapagkat tinitingan sila bilang walang halaga. Kaya’t natunghayan natin sa una nang pinigilan ng mga alagad ang mga inang nilalapit ang kanilang mga anak kay Hesus. Pero ang nakita ni Hesus na mga katangian ng mga ito na dapat nating bigyang kahulugan: pagiging magpakumbaba, masunurin, at matulungin, lalung-lalo na sa mga nakakatanda.

Araw-araw nating ipinagmamalaki ang mga tinanggap na biyaya sa paaralan, trabaho, pamilya, atbp. Lalung-lalo na sa mga nakatapos ng pag-aaral, ipinagmamalaki natin ang ating mga trabaho at kung anong posisyon kabilang tayo. Pero sa kabila ng ating mga tagumpay at nakamit na istado/posisyon, nawa’y tularan natin ang halimbawa ng Banal na Sanggol si Hesus, ang Senyor Santo Nino, sa pagiging magpakumbaba, masunurin, at matulungin sa bawat oras at pagkakataon ng ating buhay.

Nawa’y mula sa mga tinanggap na biyaya, magagamit natin ang mga ito upang iangat ang mga ibang tao sa mahirap at abang lipunan.

Reply

DOUGLAS DICAPO January 10, 2024 at 4:08 am

Just curious, I thought you could not change the Sunday readings. Why are the readings for the January 21, 2024, Sunday Mass different? Does the Santo Nino celebration outrank the Sunday Mass?

Reply

Romeo S Namalata January 21, 2024 at 5:42 am

The same Jesus we celebrate – from the womb of Mary to the One who is risen from the dead. Remember when there was a Sunday happened to be June 24th? anong nangyari sa Linggong yun

Reply

Reynald Perez January 19, 2024 at 12:17 am

PAGNINILAY: Ang Simbahan sa buong mundo ay ipinagdiriwang ngayon ang Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon. Samantala dito sa Pilipinas, isang malaking biyayang ating ipinagdiriwang dahil ika-18 siglo, inaprobahan ng Vatikano ang ating debosyon sa Banal na Sanggol, ang Senyor Santo Nino, at ang Kapistahan nito tuwing Ikatlong Linggo ng Enero. Dalawang mahalagang bagay ang nais iparating sa atin ng Kapistahan ng Santo Nino:

1.) ANG PAGTANGGAP AT PAG-AANIB SA PANANAMPALATAYA. Malaking biyayang sa atin noong 2021 nang ipinagdiwang ng Ika-500 Anibersaryo ng Kristiyanismo sa ating bansa. Taong 1521, dumating si Fernando Magallenes, isang Portuges na manlalakbay, sa ating bansa. Kasama niya ay ang Padre Pedro de Valderrama at Antonio Pigafetta. Ipinagkaloob niya kay Reyna Humamai ang isang imahe ng Ninong Hesus at kay Raja Humabaon ang isang imahe ng Santo Cristo. Kaya tinanggap ng mga katutubo ang pananampalatayang Kristiyano. Itininanim ang krus, bininyagan ang mga tao, at idinaos ang Unang Misa sa Pilipinas. Pagkamatay ni Magallanes at pagbalik ng kanilang mga kasama, 44 taong nakapalipas at dumating ang grupo ng mga manlalakbay na si Miguel Lopez de Legazpi. Pero n’ung panahong iyon, nagkaroon ng digmaan at pag-aalitan dahil nasira ang mapayapang kolonisasyon, at maraming bahay sa Cebu ay nasunugan. Pero isang Juan Camus ay natagpuan ang Santo Ninong ibinigay ni Magallanes kay Juana. Kayumanggi ang mukha nito sapagkat ito’y nasunugan, subalit nakaligtas ang imahe sa pagkawasak. Ito ang pinakamatandang imahe dito sa Pilipinas, at matatagpuan ito sa Basilika Minore del Santo Nino, ang ina ng mga simbahan sa ating bansa. At laganap ang debosyong ito sa bansa, kaya inaprobahan ito ni Papa Inocencio XIII at ang Kapistahang ito tuwing ikatlong Linggo ng Enero. Ganyan ang turo ni San Pablo sa mga taga-Efeso na dahil sa Panginoong Hesukristo, minarapat tayong tawaging bilang mga anak ng Diyos Ama kahit tumanda pa tayo man sa pag-angkin natin sa pananampalatayng ito.

2.) ANG MISTERYO NG PAGIGING BATA. 500 BCE, ipinahayag ni Propeta Isaias na isang Sanggol ay magiging liwanag sa mga ninirahan sa kadiliman at ang Prinspie ng Kapayapaan sa buong mundo. Ito ay natupad sa katauhan ng ating Panginoong Hesukristo. Bagamat siya ay Diyos, nagkatawang-tao siya at natuto sa ordinaryong buhay ng tao. Naging bahagi siya ng isang pamilya kasama sina Birheng Maria at San Jose, pero higit sa lahat, siya’y naging masunurin sa kalooban ng Diyos Ama. Dahil sa pagiging magpakumbaba niya, naging masunurin siya hanggang sa kanyang Pagkamatay sa Krus upang matubos tayo mula sa kasalanan. At siya’y dinakala ng Diyos bilang Panginoon at Hari ng ating buhay. Tinuturo niya sa ating Ebanghelyo ngayon ang pagiging katulad ng isang bata. Sa Ingles, hindi ito “childish”, kundi “childlike”. Ganito rin ang pagtanggap ng indibidwal sa Kaharian ng langit katulad ng isang bata. Noong lumang panahon, ang mga bata ay minamalit ng lipunan sapagkat tinitingan sila bilang walang halaga. Kaya’t natunghayan natin sa una nang pinigilan ng mga alagad ang mga inang nilalapit ang kanilang mga anak kay Hesus. Pero ang nakita ni Hesus na mga katangian ng mga ito na dapat nating bigyang kahulugan: pagiging magpakumbaba, masunurin, at matulungin, lalung-lalo na sa mga nakakatanda.

Araw-araw nating ipinagmamalaki ang mga tinanggap na biyaya sa paaralan, trabaho, pamilya, atbp. Lalung-lalo na sa mga nakatapos ng pag-aaral, ipinagmamalaki natin ang ating mga trabaho at kung anong posisyon kabilang tayo. Pero sa kabila ng ating mga tagumpay at nakamit na istado/posisyon, nawa’y tularan natin ang halimbawa ng Banal na Sanggol si Hesus, ang Senyor Santo Nino, sa pagiging magpakumbaba, masunurin, at matulungin sa bawat oras at pagkakataon ng ating buhay.

Nawa’y mula sa mga tinanggap na biyaya, magagamit natin ang mga ito upang iangat ang mga ibang tao sa mahirap at abang lipunan.

Reply

Rey Anthony I. Yatco January 20, 2024 at 4:26 pm

MAGANDANG BALITA NGAYON – KAPISTAHAN NG STO. NIÑO

MARCOS 10, 13-16 Noong panahong iyon, may nagdala ng mga bata kay Hesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay; ngunit pinagwikaan sila ng mga alagad. Nagalit si Hesus nang makita ito, at sinabi sa kanila, “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ng Diyos. Ito ang tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa mga pinaghaharian niya.” At kinalong ni Hesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at pinagpala sila.

MAGNILAY: Ang pagbabawal ng mga alagad sa mga bata na lapitan si Hesus ay nagpapahiwatig ng kanilang konsepto ng isang lider na hindi ito dapat basta nilalapitan lalo ng mga hamak lamang tulad ng mga bata dahilan para sila ang mapagalitan. Ang Diyos ang kusang lumalapit sa atin bagamat hamak lamang tayong nilalang. Kay Hesus ang Diyos ay piniling maging hamak sa kanyang pagkakatawang-tao upang malapitan niya tayo at malapitan din natin siya. Pinakamalapit sa puso ng Panginoon ang mga hamak unang-una na ang mga bata.

Ang Sto. Niño ay larawan ng Diyos na madaling malapitan. Sinong hindi gumagaan ang loob sa harap ng isang bata? Ang bata ay larawan ng kaamuan at kahinahunan. Masarap yakapin at hagkan ang isang bata. Ganito pinili ng Diyos na maging sa atin. Hindi siya mahirap, nakakatakot at nakakaalangang lapitan. Siya ay Diyos na magaang lapitan tulad ng isang bata. Kung ang Diyos pinili na maging madaling lapitan sino tayo upang umastang mahirap lapitan lalo na kung tayo ay isang lider? Kung ang Diyos na likas na mataas ay nagpakababa upang maabot natin anong karapatan nating magmataas at umasal na parang mahirap tayong abutin?

Ang Sto. Niño ay nagpapaalala sa atin ng mga turo ni Hesus tungkol sa pagiging katulad ng mga bata. Hindi lang ang mga bata ang natututo sa mga nakatatanda. Ang nakatatanda ay natututo rin sa mga bata. Ang Diyos hinahanap-hanap sa atin ang katangian ng isang bata. Katulad siya ng isang magulang na minsan ay nasasaktan sa kanyang anak dahil hindi na ito lumalapit sa kanya lalo kung may kailangan samantalang kaligayahan ng isang magulang tugunan ang pangangailangan ng anak. Ganito ang pakiramdam ng Diyos kapag hindi na tayo nagdadasal sa kanya. Mas grabe kapag tumigas na ang ating ulo dahil tingin natin may sarili na tayong buhay na walang dapat makialam kahit magulang. Hinahanap ng Diyos sa atin yung panahon na tulad ng isang bata sa kanyang magulang na lahat ng kailangan natin sa kanya tayo tumatakbo at kuntento na tayo sa kanyang pagkalinga. Ngayon hirap na tayong makuntento. Gusto natin kamtin lahat. Tingin natin sa buhay kumpetisyon. Kailangan nating manalo. Nawala na ang bata sa atin na sa simpleng pagmamahal ng Diyos na magulang natin masaya na tayo.

MANALANGIN: Panginoon, tulungan mo kaming maibalik sa aming puso ang mga katangian ng isang bata.

GAWIN: Matuto ka sa halimbawa ng mga bata.

Reply

RUEL ROMUALDO January 20, 2024 at 8:27 pm

Ang mensahe ng Ebanghelyo na ito ay nagtuturo sa atin ng mga bagay na mahalaga sa mata ng Diyos.
Una, ipinapakita ni Hesus sa atin ang kahalagahan ng simpleng pagsalig at pananampalataya. Ang mga bata ay nagtitiwala nang buong puso sa kanilang mga magulang. Kung paano sila nagtitiwala sa pag-aalaga at pagmamahal ng kanilang mga magulang, ganun din tayo dapat magtiwala sa Diyos. Sa ating pagtahak sa landas ng buhay, huwag tayong mawalan ng pag-asa at tiwala sa mga plano ng Diyos para sa atin.

Pangalawa, tinitingnan tayo ni Hesus upang alamin kung paano natin inaalagaan at iniingatan ang isa’t isa, lalong-lalo na ang mga maliliit at walang kalaban-laban. Ang Ebanghelyo ay nagtuturo sa atin na maging bukas ang ating mga puso sa pangangailangan ng iba, at maging handang magbahagi ng pagmamahal at oras para sa kanilang kapakanan.

At panghuli, ang Ebanghelyo ay nagtuturo sa atin na dapat nating ituring ang bawat isa bilang anak ng Diyos. Hindi mahalaga kung sino tayo, anuman ang ating estado sa buhay, o anuman ang ating pinagdaanan. Ang Diyos ay nagmamahal sa atin ng pantay-pantay. Sa Kanyang mata, tayo ay iisa at mahalaga.

Hinihimok tayo ni Hesus na maging katulad ng mga bata: taos-pusong nagtitiwala, bukas ang puso sa kapwa, at naniniwala na tayo’y mahalaga sa mga mata ng Diyos. Sa ganitong paraan, magiging tunay tayong bahagi ng Kanyang kaharian dito sa lupa at sa langit.

Reply

Malou Castaneda January 20, 2024 at 10:21 pm

PAGNINILAY
Ang ilang mga tao, lugar, bagay at pangyayari ay nagpapaalala sa atin ng ating kabataan, na nagbabalik ng napakaraming alaala ng ating nakaraan — yaong mga Sabado ng hapon kung kailan tayo ay dumadalo sa mga klase ng Katesismo, nagtitipon-tipon sa paligid ng simbahan upang makinig sa mga kuwento sa Bibliya, nagdarasal, nagdarasal ng rosaryo, atbp. Tinuruan tayo kung paano maging mabubuting anak ng Diyos, sundin ang ating mga magulang at nakatatanda, sundin ang Sampung Utos, maging may takot sa Diyos at madasalin. Sa pamamagitan ng pananampalatayang tulad ng bata, lumaki kaming naniniwala sa mga turo ng simbahan, ng walang pasubaling pag-ibig ng Diyos, kasama si Hesus bilang ang Diyos na laging maawain at mapagpatawad.

Ito ay isang masayang buhay. Nagkaroon ng kapayapaan at pagkakaisa. Ang ating mga pangangailangan ay mas simple. Oh, iyon lang ay kahapon? Ang lahat ng mga bagay na itinuro sa atin ay dinala habang tayo ay naglalakbay sa buhay, humaharap dito sa bawat yugto, hanggang sa maabot natin ang Kapanahunan ng Dahilan at Paghihimagsik. Ang mga mahahalagang aral ay nakaimbak sa loob natin sa lahat ng mga taon na ito. Ang mga ito ay nakaukit nang napakalalim sa ating mga puso at isipan na sa tuwing tayo ay nagkakamali, tayo ay pinaaalalahanan lamang ng mga bagay na ating natutunan sa ating mga klase sa Katesismo.

Naglakbay tayo sa maraming paglalakbay sa buhay. Ngunit hanggang ngayon ay pinanghahawakan pa rin natin ang mga bagay na itinuro sa atin. Minsan nakakalimutan natin ang mga turo ng ating kabataan. Dumudulas tayo pabalik at humiga. Huminto tayo at nagmumuni-muni at nagtatanong sa ating sarili “Ito ba ang mga bagay na itinuro sa atin noong tayo ay mga bata pa?” Pagkatapos ay nagmumuni-muni tayo sa mga aral sa buhay. Dumudulog tayo sa Kumpisalan. Tumatanggap tayo ng Komunyon. Nagsisimula tayo ng panibago, nakakaramdam ng saya at panibago. Kami ay bumalik, ang alibughang anak. Isang oras upang ipagdiwang. Sa katunayan, kailangan natin ang Diyos sa ating buhay gaano man tayo katanda, o gaano karaming katanyagan at kayamanan ang ating natamo. Wala nang mas mabuting paraan kaysa sa mamuhay ayon sa mga turo ng Diyos, sa pagbabalik-tanaw sa mga aral ng nakaraan. Hindi na tayo tulad ng dati, ngunit nananatili lamang tayong may takot sa Diyos. Kung tutuusin, tayo ay mga anak ng iisang Diyos na ating sinamba at sinamba kahapon noong tayo ay bata pa. Sa pagdiriwang natin ng Kapistahan ng Señor Santo Niño, paalalahanan natin ang ating sarili na magkaroon ng tulad-bata na pananampalataya sa Isang Diyos na nananatiling pareho kahapon, ngayon, at bukas. Hayaan ang bata sa atin na mabuhay magpakailanman.
Para sa higit na karangalan at kaluwalhatian ng Diyos!
Happy Fiesta!!
Sa Pilipinas lang!!!

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming lumapit sa Iyo ng may pagtitiwala na parang bata. Amen.
***

Reply

RFL January 20, 2024 at 11:02 pm

Ang persona ng Diyos na kasamang lumikha sa sanlibutan at sa ating mga tao, isinugo sa mundo bilang tao upang tayo’y matubos sa ating mga kasalanan. Ipinanganak ni Santa Mariang birhen at katulad natin ay nagdaan sa pagkabata. Nangailangan ng pag-aaruga ng Kanyang Ina, at pisikal na guidance ng kanyang ama sa katauhan ni San Jose. Dito pa lang, hindi ba’t kamangha-mangha na ang pagpapakumbaba at pag-ibig ni Hesus? At this thought na lang pwede na ko matapos sa pagninilay. Ngunit nais ko rin bigyan ng diin ang dapat na maging attitude natin towards God.

Isipin natin, naranasan ng ating Panginoon ang maging bata! Yung nangangailangan, na kung hindi aalagaan, papakainin, dadamitan mula sa pagkasanggol pa lamang ay malalapit sa mga sakit o di kaya nama’y tuluyang mamatay. Ang Diyos na lumikha, isinuot ang pagiging taong katulad natin, umasa sa pag-aaruga ng Kanyang mga magulang.

Ang gusto kong i-emphasize sa pagninilay sa Ebanghelyo ngayon ay itong sinabi ni Kristo, though let me put it on a positive tone: “ang sinumang tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay mapapabilang sa mga pinaghaharian niya”

Sa madaling salita, kailangan natin ng faith na tulad ng isang bata na trusting sa kanyang magulang, lumalapit sa kanyang magulang pag may kailangan ito, nakikipagusap sa kanyang magulang without the fear na ijudge siya, at hindi namomroblema kung may pang-tuition ba siya para sa pasukan. In short, may pananalig sila sa kanilang mga magulang. Ganyan ang bata. In a normal setting, nakakita na ba kayo ng batang 6yrs old na namroblema sa pangtuition niya? Nakakita na ba kayo ng batang lagi lang tahimik for fear na ijudge siya ng kanyang mga magulang? Nakakita na ba kayo ng batang namroblema kase wala pang kakainin mamayang gabi? parang wala yata.

Ganyan din sana tayo sa Ama nating nasa langit. Magtiwala tayo sa Kanya gaya ng isang bata (hindi batang-isip ah). Paano ba natin malalaman kung tayo’y may child-like faith? Ang lumalapit kay Hesus, at nagtitiwala ng buo sa Kanya. Example: Yung tipong kahit naghihirap ka, hindi ka magnanakaw para may ipang-kain kayo ng pamilya mo mamaya.

Nawa sa ating buhay araw-araw ay magkaroon tayo ng child-like faith. Sa ngalan ni Hesus. Amen.

Reply

Jess C. Gregorio January 21, 2024 at 11:28 am

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:

Ang bata bagama’t matakaw sa gustong pagkain ay sumusunod kung sasawayin. Naniniwala siya ng totoo sa mga magulang kahit na inuuto at niloloko. Nagtitiwala ng lubusan. Sa kanilang pagka inosente naghahari ang Diyos. Inaalalayan sa lahat ng gawa at isipan ng Ama sa Langit. Walang malaking kasalanang maaring gawin maliban na lang kung naturuan ng mali. Kaya mayroon tayong Sto. Nino. Ang batang si Hesus na Hari. Kaya natin ipinagbubunyi ang Fiesta ng Sto. Nino sa iba’t-ibang lugar. Pagbibigay pugay sa Batang Hari. Paano natin ito pinagdidiwang? Sa kaisipang inosente sa kamunduhan na tulad ng isang bata? O sa paraan ng mga matatanda na puno ng kalabisan sa pagkain at kalasingan? Sa tahimik na pagpupuri at pagdarasal ng isang bata o sa magulo at maingay na gawi ng matatanda? Sa pag sentro sa pahayag at turo ng simbahan (magulang na naturingan) o sa pag papalakas ng mga palabas para humakot ng kita sa turismo pandagdag sa kaban ng bayan? Tanungin natin ang ating sarili ng mga ito. Tayo ba ay tumutulad sa isang batang may kaharian ng Diyos o nag iisip bata lang at pinag lalaruan ng kaharian ng tao?

Ang tao ay walang alam. Salat tayo sa karunungan. Mahina. Walang lakas. Puno ng takot at pangamba. Maligalig. Sablay sa maraming bagay. Bagama’t may yaman at katayuan sa lipunan ay malungkot at nangangailangan. Kailangan natin ng Tamang Daan, Katotohanan, at Totoong Buhay. Tangapin natin si Hesus sa Komunyon ng Banal na Misa. Maging kaisa tayo Niya. Bisitahin, pagmasdan, sambahin, at kausapin natin siya sa Adoration Chapel. Kung maaari ay araw-araw. Anduon ang totoong Nazareno, Sto. Nino, Sacred Heart, Good Shepherd, Divine Mercy, Mesiyas, Hari ng Langit at Kalupaan, ang Alpha at Omega, Immanuel (God with us), ang Kristong nais nating makita, makausap, sambahin, at mamanata ng harap-harapan. Ang Kanyang Presensiya ay mananatili hanggang sa wakas ng panahon. Hindi na natin siya kailangan paghirapan hanapin. Matagal na siyang naghihintay sa atin.

Reply

Rex G. Barbosa January 21, 2024 at 2:50 pm

PAGNINILAY

“ ANG SINUMANG HINDI TUMATANGGAP SA PAGHAHARI NG DIYOS
TULAD NG ISANG MALIIT NA BATA
AY HINDI MAPAPABILANG SA MGA PINAGHAHARIAN NIYA.”
“ AT KINALONG NI HESUS ANG MGA BATA,
IPINATONG ANG KANYANG MGA KAMAY SA KANILA
AT PINAGPALA SILA.”

Dagok ng konsiyensya at guilt ang naramdaman ko pagkabasa ko nang mga huling talata ng ebanghelyo ngayon. Maaring sa pagninilay nang nakararami ang mga panungusap na “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ng Diyos.” ang pagninilay-nilayan. Sapagkat ang mga bata kapag nagmahal ay hindi naghihintay ng kapalit na TULAD NG DIYOS. Walang kondisyon.

Maraming beses ko ng binaliwala ang mga batang lansangan na lumapit sa aking paglalakad o sa sasakyan upang mamalimos ng “ pangbaon ko lang po bukas ”. Kadalasan pinaghihinalaan ko pa sila ng masama o sinungaling. Pinagdadamutan ko ang aking kapwa ng halagang “ pampabigat” lang sa aking bag. Nakakalimutan kong ang gawing ito ay mabigat sa aking paglalakbay patungo kay Hesus.

IWANAN NATIN ANG MAKABIBIGAT SA ATING PAGLALAKBAY UPANG TAYO AY PAGPALAIN NG DIYOS.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: