Sabado, Enero 20, 2024

January 20, 2024

Sabado ng Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

o kaya Paggunita kay San Fabian, papa at martir
o kaya Paggunita kay San Sebastian, martir
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado

1 Samuel 1, 1-4. 11-12. 19. 23-27
Salmo 79, 2-3. 5-7

Poon, kami’y ‘yong iligtas
at tanglawan ng ‘yong sinag.

Marcos 3, 20-21


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Saturday of the Second Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Fabian, Pope and Martyr (Red)
or Optional Memorial of St. Sebastian, Martyr (Red)

UNANG PAGBASA
1 Samuel 1, 1-4. 11-12. 19. 23-27

Ang simula ng ikalawang aklat ni Samuel

Noong mga araw na iyon, nang magbalik si David buhat sa matagumpay na pakikidigma laban sa mga Amalecita, tumigil siya ng dalawang araw sa Siclag. Tatlong araw pagkamatay ni Saul, dumating buhat sa labanan ang isang lalaking punit ang kasuutan at puno ng alikabok ang ulo. Lumapit ito kay David at nagpatirapa bilang pagbibigay-galang.

“Saan ka nagbuhat?” tanong ni David.

“Tumakas po ako sa hukbo ng Israel,” tugon ng lalaki.

“Bakit? Ano ba ang nangyari?” tanong ni David.

“Napaurong po sa labanan ang hukbo at maraming mga kawal ang napatay. Napatay rin po ang mag-amang Saul at Jonatan,” tugon ng lalaki.

Winarak ni David ang kanyang kasuutan bilang tanda ng kalungkutan sa nangyari; gayon din ang ginawa ng mga naroon. Dinagukan nila ang kanilang dibdib at sila’y nanangis. Nag-ayuno sila at nagluksa hanggang gabi, sapagkat si Saul, ang anak nitong si Jonatan, at ang iba pang lingkod ng Panginoon sa bansang Israel ay nasawi sa labanan.

At sinabi ni David:
“Karangalan ng Israel sa burol ay niyurakan,
nang ang iyong mga lingkod ay masawi sa labanan.”
“Si Saul at Jonatan ay uliran na mag-ama,
sa buhay at kamatayan ay palaging magkasama;
bilis nila ay di hamak mabilis pa sa agila,
mahigit pa kaysa leon ang lakas na taglay nila.”

“Kayong mga anak ng Israel, ang babae’y magsitangis,
sa pagpanaw niyong Saul na sa inyo’y nagparamit
ng magandang kasuutang may hiyas na nakakabit.”

“Ang kawal ay masdan ninyo kung bumagsak sa labanan,
ganyan napansin sa burol, nang bumagsak si Jonatan.”

“Dahilan sa pagpanaw mo, ngayon ako’y nagluluksa,
pagkat ikaw ay mahal ko at sa iyo’y humahanga;
ang pag-ibig na ukol mo sa akin ay pambihira,
mahigpit pa sa pag-ibig ng babaing minumutya.”

“Sa larangan ng labana’y nabuwal ang mga kawal,
ang sandatang taglay nila ay wala nang kabuluhan.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 79, 2-3. 5-7

Poon, kami’y ‘yong iligtas
at tanglawan ng ‘yong sinag.

Pastol ng Israel,
ikaw na nanguna’t umakay kay Jose, na tulad sa kawan,
ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
Ang iyong pag-ibig
iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,
sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!

Poon, kami’y ‘yong iligtas
at tanglawan ng ‘yong sinag.

Makapangyarihang Diyos,
hanggang kailan ba patatagalin mo ang galit sa amin?
Hanggang kailan pa diringgin mo kami sa aming dalangin?
Masdan mo nga kami
sa tuwina-tuwina’y tinapay ng luha yaong inumin.
Iyong binayaan,
na ang mga bansa sa aming paligid kami ay bakahin,
iyong tinulutang kami’y pagtawanan ng kaaway namin.

Poon, kami’y ‘yong iligtas
at tanglawan ng ‘yong sinag.

ALELUYA
Mga Gawa 16, 14b

Aleluya! Aleluya!
Kami’y iyong pangaralan
upang aming matutuhan
ang Salitang bumubuhay!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 3, 20-21

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, pag-uwi ni Hesus, muling nagkatipon ang napakaraming tao, anupat hindi man lamang makuhang kumain ni Hesus at ng kanyang mga alagad. Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kasambahay, sila’y pumaroon upang kunin siya, sapagkat ang sabi ng mga tao, “Nasisiraan siya ng bait!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 21, 2022 at 4:54 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang madugong pagkatalo ng Israel dahil sa mga kalabang Amalecita. Sa digmaang iyon ay pumanaw rin sina Saul at Jonatan. Ayon sa Kasulatan, nasugatan si Jonatan habang nakikibaka laban sa kaaway. Dahil sa sinapit ng anak, nagpakatiwakal si Haring Saul gamit ang espada. Nangyari ito dahil sa isang kasalanang ginawa ng hari, nang kumonsulta siya sa Mangkukulam ng Endor na buhayin ang kaluluwa ni Samuel para kausapin ito tungkol sa payo para sa labanan ng Israel. Dahil labag sa utos ng Panginoon ng paghingi ng tulong mula sa isang hiwagang diyus-diyosan, ang madugong pagkatalo ng kampo ng Israel ay naging bunga ng kasalananan ni Haring Saul, at nadamay pa pati ang anak nitong si Jonatan. Kaya nagluksa si David at ang ibang kasama niya sa pagpanaw ni Saul at Jonatan, at hiniling niya sa Diyos na iligtas niya ang Israel mula sa anumang kapahamakan.

Ang ating Ebanghelyo ay isa sa mga pinakaiksing Ebanghelyo sa Taong Panliturhiya, ngunit mayroon ito isang mahalagang aral. Nasaksihan natin ang pagtitipun-tipon ng mga tao upang makinig sa mga pangangaral ni Hesus. Subalit narinig din natin kung paano kinuha siya ng kanyang mga kasambahay, na nagsasabing nasisiraang ng bait ang kanilang kamag-anak. Makikita natin dito ang hindi nilang lubos na pag-iintindi sa kanyang gawain bilang Mesiyas. Subalit patuloy pa rin si Hesus sa pangangaral hindi dahil maraming tao ang humahanga at pumupuri sa kanya, kundi alam niya na ang mahalaga ay sundin ang kalooban ng kanyang Ama nating Diyos.

Hilingin natin sa Panginoon na tayo nawa ay maging karapat-dapat sa kanyang mga pagpapala at mga kaloob, upang gamitin natin ang mga ito para ipadama sa iba ang pag-ibig at katapatan niya na para sa lahat.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño January 22, 2022 at 10:50 am

Ano ang mga aral at hamon ng mga pagbasa ngayon?

Ang Unang Pagbasa ay ang pagtatangis at pagluluksa ni David sa pagkamatay sa labanan nila Haring Saul at anak na si Jonathan. Makikita natin dito na ang lahat ay may hangganan, anu man ang posisyon mo, maya kapangyarihan sa nasasakupan, maraming ari-arian, komportableng buhay, malagong negosyo o angat sa lipunan ay matatapos kapag niloob ng Diyos. Maaaring si Haring Saul ay may nilabag sa kautusan ng Diyos kaya’t kamatayan ang kanilang kinahantungan. Lahat tayo ay mamamatay subalit mas mainam na gawin nating makabuluhan ang ating buhay, mag iwan tayong ng magandang legasiya na maaalala ng tao at pamamarisan at ng sa ganun ay maksama tayo ni Hesus sa Paraiso sa ating pagpanaw sa mundo.

Ang ebanghelyo ngayon ay isa na namang maling paratang kay Hesus. Inisip nila na sya ay nababaliw at mismong kasambahay pa ang nagpalagay nito. Ganun din ang mararansanan natin sa mundong ito, kapag ikaw ay nagpapakabanal at nagsisimulang magpakalat ng Salita ng Diyos ay iniisip nilang nababaliw tayo. Oo pwede nilang sabihin yun, pero ano mas mainam ang mabaliw tayo sa paggawa ng masama o mabaliw tayo sa paggawa ng kabutihan. Mapangnhusga ang mundo katulad ng mga kasambahay ni Hesus pero hindi ito dahilan upang tayo ay tumigil. Ituloy mo lamang ang pagsunod sa kalooban ng Diyos at sa huli ay hahalakhak ka habang lumuluha ang mga hangal na mapanghusga.

Reply

RFL January 19, 2024 at 9:11 am

Gospel for Today: Marcos 3, 20-21

Nabigo na ba kayo ng mga taong malapit sa inyo? Yung ginagawa nyo naman ang tama sa paningin ng Diyos at sa harap ng tao, pero hindi pa rin ito naging enough sa kanila? Marahil ganito ang naramdaman ni Hesus noong Siya’y pinapauwi ng kanyang mga relatives at sinabihan pa na Siya’y nasisiraan ng bait. Ang tagpong ito ay nangyari sa bandang simula ng Ebanghelyo ni San Marcos, matapos si Hesus ay magsimula ng Kanyang ministry at tipunin ang Kanyang mga alagad.

Let’s put our feet on the shoes of Jesus’ relatives nung sinabi nilang nasisiraan na ng bait ang Panginoon. Paganahin natin ng kaunti ang ating imahinasyon (hindi po ito katumbas ng doktrina, at hahanguin lang mula sa ating mga makukulit na pag-iisip). Kung kayo ba’y may pinsan o kapitbahay na kasama nyong lumaki, nakipaglaro sa kanya at nakita nyong naging uhugin noong bata, nakita nyo rin kung paano siya lumaki, marahil ay naging magkaklase pa kayo sa eskwela. Nagtravel siya para gawin ang kanyang nais sa buhay, at one day narinig nyo ang mga tsismis tungkol sa kanya na nagpapaalis ng demonyo, tumutuligsa pa sa maling gawi ng mga nakakataas sa inyong simbahan, at nangangaral tungkol sa Diyos kahit wala namang pormal na pag-aaral katulad ng isang pari. Kung may ganyan kayong pinsan at kaibigan, sino nga namang hindi mag-aakala na nasisisiraan na siya ng bait? Maari rin namang nasa position ng pagpoprotekta lang ito kay Hesus ng Kanyang mga kamag-anak, sapagkat sa mga ginagawa ni Hesus maaari’y naiisip nila na one day, Siya’y pag-iinitan ng mga Pariseo. Kung anuman ang totoong dahilan, sa langit na lang natin malalaman.

Kaya nga sinabi ni Hesus, “walang propetang tinatanggap sa sarili niyang bayan”, dahil pati Siya na Anak ng Diyos, na gumawa ng napakaraming kagila-gilalas na bagay ay hindi tinanggap ng sariling bayan. Una sa Nazareth, pagkatapos ay ng Jerusalem na hanggang ngayon ay hindi pa rin kinikilala si Hesus bilang Messiah at Anak ng Diyos. Tayo ba, tinatanggap ba natin ng buo si Hesus? Hindi lamang ang pangako ng Kanyang kaligtasan kundi pati na rin ang pagsunod sa Kanyang mga turo. Nawa ay mamuhay tayong may pagtanggap sa ating Panginoon at pagsunod sa Kanyang mga turo. Amen.

Reply

Rey Anthony I. Yatco January 19, 2024 at 10:05 pm

MAGANDANG BALITA NGAYON – SABADO NG IKALAWANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

MARCOS 3:20-21 Noong panahong iyon, pag-uwi ni Hesus, muling nagkatipon ang napakaraming tao, anupat hindi man lamang makuhang kumain ni Hesus at ng kanyang mga alagad. Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kasambahay, sila’y pumaroon upang kaunin siya, sapagkat ang sabi ng mga tao, “Nasisiraan siya ng bait!”

MAGNILAY: Madalas kapag nagmamahal ka nagiging hangal ka sa mata ng iba. Kapag nagmamahal ka nalilimutan mo ang iyong sarili alang-alang sa iyong minamahal. Kaligayahan mong magdusa at magsakripisyo para sa iyong minamahal. Ganito ang pagmamahal na nadama ni Hesus at ng kanyang mga alagad para sa mga taong nagugutom at naauhaw sa salita ng Diyos. Hindi nila matiis na iwan silang gutom at uhaw kaya’t maging sila ay nalilimutan na ang pansariling pangangailangan tulad ng kumain upang pagsilbihan sila. Kaya naman nasasabi ng iba na nasisiraan na yata sila ng bait. Kahit sarili nilang kamag-anak ay hindi na rin sila maunawaan. Pero ang mga taong wagas kung magmahal ang tanging makauunawa sa mga taong handang magpakahangal alang-alang sa pagmamahal.

MANALANGIN: Panginoon, maging handa nawa kaming magpakahangal para sa pagsisilbi sa iyo.

GAWIN: Maging hangal para kay Kristo.

Reply

Jess C. Gregorio January 20, 2024 at 11:13 am

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:

Sa ating pagnanais na mapagsilbihan ang Panginoon ng mas maigting, pupunuin tayo ng karunungan at pang halinang hindi pang karaniwan na siyang magiging daan upang tayo ay kagiliwan ng ibang tao. Nakikita at naririnig nila si Kristo sa atin. At tayo ay kanilang kagigiliwan, pakikinggan, hahanapin, at susundan. Ngunit sa kabilang banda, hindi ito maiintindihan ng mga taong malapit at mahal natin. Maririnig nila ang mga negatibong komento ng iilan na hindi sang ayon o naiinggit sa mga himalang nangyayari at sa lakas na kakaiba sa gawain ng Ama. Kaya sa kanilang depensa ng kapamilya ay pilit tayong kukunin at ilayo sa mga taong sa wari nila ay mananakit sa atin. Matalinhaga ang parteng ito ng gawaing langit pero itinuturo ni Hesus ang mga maaring mangyari. Nais lang naman niya na maging “aware” tayo at huwag panghinaan.

Ang tao ay walang alam. Salat tayo sa karunungan. Mahina. Walang lakas. Puno ng takot at pangamba. Maligalig. Sablay sa maraming bagay. Bagama’t may yaman at katayuan sa lipunan ay malungkot at nangangailangan. Kailangan natin ng Tamang Daan, Katotohanan, at Totoong Buhay. Tangapin natin si Hesus sa Komunyon ng Banal na Misa. Maging kaisa tayo Niya. Bisitahin, pagmasdan, sambahin, at kausapin natin siya sa Adoration Chapel. Kung maaari ay araw-araw. Andun siya at mananatili hanggang sa wakas ng panahon. Hindi na natin siya kailangan hanapin. Matagal na siyang naghihintay sa atin.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: