Biyernes, Enero 19, 2024

January 19, 2024

Biyernes ng Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Samuel 24, 3-21
Salmo 56, 2. 3-4. 6 at 11

Poon, kami’y kaawaan,
at lagi mong kahabagan.

Marcos 3, 13-19


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Friday of the Second Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
1 Samuel 24, 3-21

Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel

Noong mga araw na iyon, pumili si Saul ng tatlunlibong Israelita at isinama sa paghahanap kay David sa Bundok ng Mailap na Kambing. Nang matapat sila sa isang kulungan ng tupa sa tabi ng daan, nanabi siya sa may bunganga ng kuweba sa tapat ng kulungan. Samantala, sina David ay nagtatago sa loob ng kuwebang iyon. Sinabi kay David ng kanyang mga tauhan, “Ito na marahil ang katuparan ng salita ng Panginoon na, ‘Ibibigay ko sa iyo ang iyong kaaway at maaari mong gawin sa kanya ang gusto mo.’” Palihim na lumapit si David at pinutol ang laylayan ng kasuutan ni Saul. Nang magawa niya ito, siya’y inusig ng kaniyang budhi pagkat para na niyang nilapastangan ang hari. Sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Huwag nawang itulot ng Panginoon na lapastanganin ko ang hari na kanyang hinirang.” At napakiusapan niya ang kanyang mga kasama na huwag galawin si Saul. Ito nama’y nagtindig na at nagpatuloy ng kanyang lakad.

Nang malayu-layo na si Saul, lumabas ng kuweba si David at humiyaw, “Mahal kong hari!” Nang lumingon si Saul, buong paggalang na yumukod si David. Sinabi niya, “Bakit po kayo naniwala sa nagsabi sa inyo na ibig ko kayong patayin? Pinatunayan ko ngayon na hindi totoo ‘yon. Nang kayo’y manabi sa may bunganga ng kuweba, ibig kayong patayin ng aking mga kasama, ngunit hindi ako pumayag. Sinabi ko sa kanila na hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang aking hari pagkat siya’y hinirang ng Panginoon. Narito, ama ko, ang kapiraso ng laylayan ng inyong balabal. Kung ito’y napiraso ko sa inyong kasuutan, magagawa ko ring patayin kayo noon kung gusto ko. Ito ang katunayan na hindi ko kayo gagawan ng masama kahit pinagpipilitan ninyo akong patayin. Ang Panginoon ang humatol sa atin. Siya na ang bahala sa inyo, ngunit hindi ko kayo maaaring pagbuhatan ng kamay. Gaya ng ating kasabihan, ‘Masamang tao lamang ang gumagawa ng masama,’ ngunit ako ay di maaaring magbuhat ng kamay sa inyo. Sino ako upang paghanapin ng hari? Ako’y tulad lamang ng isang patay na aso o kasinliit ng pulgas! Ang Panginoon ang humatol sa ating dalawa. Siya ang higit na nakaaalam tungkol sa usapang ito, at siya ang magliligtas sa akin laban sa inyo.”

Pagkatapos magsalita si David, sinabi ni Saul, “David, anak ko, ikaw nga ba iyan?” At siya’y nanangis. Sinabi pa ni Saul, “Higit kang mabuti kaysa akin. Sinusuklian mo ng mabuti ang masamang ginagawa ko sa iyo. Ito’y pinatunayan mo ngayon; hindi mo ako pinaslang bagamat maluwag mong magagawa. Bihira sa tao ang makagagawa ng ginawa mo, ang pawalan pa ang kaaway na nasa ilalim na ng kanyang kapangyarihan. Pagpalain ka nawa ng Panginoon sa kabutihan mong ito sa akin. Ngayon, alam kong ikaw ay magiging hari ng Israel at natitiyak kong mapapanatag ang bansang ito sa ilalim ng iyong pamamahala.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 56, 2. 3-4. 6 at 11

Poon, kami’y kaawaan,
at lagi mong kahabagan.

Mahabag ka, O aking Diyos, ikaw sana ay mahabag;
sa ‘yo lumalapit upang ako ay maligtas,
pagkat aking nasumpungan sa lilim ng iyong pakpak,
ligtas ako sa panganib hanggang ito ay lumipas.

Poon, kami’y kaawaan,
at lagi mong kahabagan.

Yaong aking tinatawag, ang Diyos sa kalangitan,
ang Diyos na nagdulot ng lahat kong kailangan,
magmula sa kalangitan, diringgin ang aking hibik,
ang lahat ng kaaway ko’y lubos niyang magagahis;
ang tapat n’yang pagmamahal at matatag na pag-ibig,
ihahayag ito ng Diyos, sa aki’y di ikakait.

Poon, kami’y kaawaan,
at lagi mong kahabagan.

Ihayag mo sa itaas, O Diyos, ang kabantuga’t
dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!
Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.

Poon, kami’y kaawaan,
at lagi mong kahabagan.

ALELUYA
2 Corinto 5, 19

Aleluya! Aleluya!
Pinagkasundo ni Kristo
ang Diyos at mga tao;
kaya’t napatawad tayo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 3, 13-19

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, umahon si Hesus sa kaburulan, kasama ang kanyang mga pinili. Humirang siya ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol upang maging kasa-kasama niya, suguing mangaral, at bigyan ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. Ito ang labindalawang hinirang niya: si Simon na tinagurian niya ng Pedro; si Santiago at si Juan, na mga anak ni Zebedeo, sila’y tinagurian niyang Boanerges, na ibig sabihi’y mapupusok; sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, at Tadeo; si Simon na makabayan, at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo sa kanya.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 19, 2022 at 5:32 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang hidwaan sa pagitan ni Haring Saul at David dahil sa inggit ng hari tungo sa batang heneral na pinarangalan ng tao sa pagtalo ng mga Filisteo. Kaya’t silang dalawa kasama ang kani-kanilang kawal ay nagsilong sa isang yungib upang abangan ang isa. Nang si Saul ay nakatulog sa yungib, balak na sana na ipaslang siya ni David. Subalit nang maputol niya ang manta nito, hindi na niya itinuloy ang kanyang balak. Nang matunton nito ni Haring Saul, agad silang nag-usap, at umiyak pa ang una dahil nakilala niya ang presensiya ng Diyos kay David.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang pagtawag ng ating Panginoong Hesukristo sa 12 alagad. At ipinangalan niya sila bilang mga “Apostol”. Maraming tagasunod ang Panginoon, subalit tumawag siya ng 12 alagad upang maging mga Apostol. Sila ang magiging mga malapit at direktang saksi niya sa pagpapahayag ng Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos.

Kung titignan po natin ang pinagmulang hanapbuhay ng mga Apostol, hindi sila mga hari, prinsipe, mayayaman, o pulitiko, kundi mga ordinaryong tao. Sila ay mga ordinaryong mamamayang naghahanap-buhay katulad ng pangingisda, pag-aanluwagi, pag-aaral ng batas ng Hudaismo, pag-aalsa laban sa imperyong Romano, atbp. Bagamat simple lang ang kanilang pinagmulan, pinili pa rin sila ni Hesus. Alam ng Panginoon sila ang magtatawag ng mga manghahasik para sa anihan ng Kaharian ng Diyos. At sa simbolismo ng Bibliya, ang 12 Apostol ni Kristo ay tumutupad sa 12 Tribo ng Israel sa Lumang Tipan.

Ang mga Apostol ay nagsisilbing 12 tribo ng panibagong Israel: ang Simbahan. Kaya ang Simbahan ay itinatag ni Kristo sa pundasyon ng pangnagaral at Tradisyong ipinamana ng mga Apostol. Kaya katulad nila, tayo rin ay tinatawag na maging mga saksi ng pagpapahayag ng Mabuting Balita sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang pagtawag ng ating Panginoong Hesukristo sa 12 alagad. At ipinangalan niya sila bilang mga “Apostol”. Maraming tagasunod ang Panginoon, subalit tumawag siya ng 12 alagad upang maging mga Apostol. Sila ang magiging mga malapit at direktang saksi niya sa pagpapahayag ng Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos.

Kung titignan po natin ang pinagmulang hanapbuhay ng mga Apostol, hindi sila mga hari, prinsipe, mayayaman, o pulitiko, kundi mga ordinaryong tao. Sila ay mga ordinaryong mamamayang naghahanap-buhay katulad ng pangingisda, pag-aanluwagi, pag-aaral ng batas ng Hudaismo, pag-aalsa laban sa imperyong Romano, atbp. Bagamat simple lang ang kanilang pinagmulan, pinili pa rin sila ni Hesus. Alam ng Panginoon sila ang magtatawag ng mga manghahasik para sa anihan ng Kaharian ng Diyos. At sa simbolismo ng Bibliya, ang 12 Apostol ni Kristo ay tumutupad sa 12 Tribo ng Israel sa Lumang Tipan.

Ang mga Apostol ay nagsisilbing 12 tribo ng panibagong Israel: ang Simbahan. Kaya ang Simbahan ay itinatag ni Kristo sa pundasyon ng pangnagaral at Tradisyong ipinamana ng mga Apostol. Kaya katulad nila, tayo rin ay tinatawag na maging mga saksi ng pagpapahayag ng Mabuting Balita sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño January 21, 2022 at 9:31 am

Ano ang mga hamon at aral ng mga pagbasa ngayon?

Sa Unang Pagbasa binaggit ni David ang kanilang matandang kasabihan na “Masamang tao lamang ang gumagawa ng masama”. Suriin mo ngayon ang iyong sarili. Masasabi mo ba na ikaw ay hindi masamang tao? Sinusunod mo ba ang mga kautusan? Wala ka bang nilalabag sa sampung utos ng Diyos? Kung ikaw sa palagay mo ay makasalang tao ay magsisi ka, humingi ng kapatawaran sa Diyos at sikapin ng matalikuran ang kasamaan, kamunduhan, paguging ganid at ang hindi pagpptawad sa kapatid o sa kaaway. At mapapanatag ang iyong kalooban sapagakat kalulugdan ka ni Hesus.

Ang atin nmang ebanghelyo ngayon ay ipinaalala na lahat tayo ay pari at propeta. Bukod sa pagsunod sa kalooban ng Diyos at pagmamahal sa kapwa natin ay may tungkulin din tayong ipalaganap ang Mabuting Balita katulad ng mga hinirang na apostoles. Paano? Nariyan ang social media na halos lahat ng tao ay nakatutok. Maraming online mass ma maaari mong ishare sa itong social media account. Bible verses na pwedeng ipost sa iyong account na sa palagay mo ay makakatulong sa mga nalulungkot at nawawalan ng pag-asa. Sa mga GC mo sa mga kaibigan ay maaari ka ding magpatotoo kay Hesus sa mga magandang nangyari sa iyo simula ng ikaw magbago.

Nakatatagal tayo ng ilang oras sa panunuod sa netflix, sa facebook, youtube, tiktok at iba pa. Ang misa ay isang oras lamang na maiintindihan mo kung ano isinasaad ng Mabuting Balita. Na sya mong magagamit sa png araw araw na buhay at maaari mong ibahagi sa mga kaibigan at kamag anak.

Tulungan natin ang Mabuting Pastol sa paghahanap ng mga nawawalang tupa at naliligaw ng landas.

Reply

RFL January 18, 2024 at 4:42 pm

Si David, ang tinaguriang a man after God’s own heart, ay nagbigay ng isang napakagandang example kung paano tayo maghandle ng kaaway. Bagamat ang kanyang buhay ay nasa bingit ng kamatayan dahil kay Saulo, hindi niya ginawan ng masama si Saulo kahit nagkaroon siya ng oportunidad nung mga oras na yon. Sa halip inisip niya na siya pa rin ang hinirang ng Diyos bilang hari, nanatili ang respeto, nanatili ang pagiging amahin ni Saulo, at higit sa lahat, ang kanyang pusong mahabagin at mapagpatawad ang nagtake-over sa sitwasyon na yon.

Ganito rin ang ginawa sa atin ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Kahit na tayo’y kayang paslangin at pahirapan ng Diyos, pinili Niyang tayo ay patawarin at iligtas sa ating mga kasalanan. Nanaig ang Kanyang pag-ibig, nanaig ang Kanyang awa, nanaig ang Kanyang kapatawaran, at ito ang Kanyang Hustisya. Tunay na isang napakabuting balita at tunay na dapat papurihan ang Panginoong Diyos!

Inilahad sa atin ng Ebanghelyo ngayong araw na noong andito pa si Kristo, naghirang siya ng 12 apostol para ihanda sila sa pagpapahayag ng Mabuting Balita na ito. At mula kay HesuKristo, na narinig at nasaksihan ng mga apostol at ng mga disipulo, pinasa sa mga sumunod na leaders ng Simbahan, mga misyonero, mga pari, hanggang makarating sa atin sa panahon natin ngayon. Tayong mga nakarinig at naniwala sa Mabuting Balitang ito ay lubos nga namang pinagpala. At tayo rin, bilang mga anak ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, sana ay magkaroon tayo ng pusong magpahayag ng pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan gaano man kadilim ng mundong ating ginagalawan. At higit pa sa pagpapahayag, nawa’y magkaroon tayo ng pusong katulad ni Kristo, mahabagin at mapagpatawad upang tayo rin na katulad ni David ay maging, “man after God’s own heart”. Amen.

Reply

Rey Anthony I. Yatco January 19, 2024 at 4:56 am

MAGANDANG BALITA NGAYON – BIYERNES NG IKA-2 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON / Paggunita kay San Fabian, papa at martir at kay San Sebastian, martir

MARCOS 3, 13-19 Noong panahong iyon, umahon si Hesus sa kaburulan, kasama ang kanyang mga pinili. Humirang siya ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol upang maging kasa-kasama niya, suguing mangaral, at bigyan ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. Ito ang labindalawang hinirang niya: Si Simon na tinagurian niya ng Pedro; Si Santiago at si Juan, na mga anak ni Zebedeo, sila’y tinagurian niyang Boanerges, na ibig sabihi’y mapupusok; sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Santiago na anak ni Alfeo, at Tadeo; si Simon na makabayan, at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo sa kanya.

MAGNILAY: Parang seremonya ng pagtatapos o graduation ang tagpo ng ating ebanghelyo ngayon. Nakapasa ang Labindalawa sa pagiging mga disipulo. Ang maging disipulo ay katumbas ng pagiging isang mag-aaral. Ang pagiging disipulo ay panahon ng paghuhubog sa kanila. Panahon ito ng pagkilala sa Panginoon nang mas malalim. Panahon ito upang makasama siya sa kanyang mga misyon. Panahon ito na sinasanay sila na gawin kung ano ang ginagawa ng Panginoon. Ngayon nga ay pormal nang pinili ng Panginoon ang Labindalawa. Sila ngayon ay hinihirang na mga Apostol – ibig sabihin, mga isinusugo. Pormal na silang gaganap bilang mga sugo ng Panginoon na magiging kanyang mga galamay at ekstensyon. Kapag ang Panginoon ay umakyat na sa langit sila na ang magpapatuloy ng kanyang misyon sa paggabay ng Espiritu Santo.

Gayunpaman, kahit sila ay isinusugo na ang pagiging disipulo ay hindi natatapos. Ang mag-aral at sanayin pa ay tuluy-tuloy. Walang perpektong apostol o isinugo ang Panginoon. Naroon at naroon pa rin ang kanilang pagkatao na may kakulangan at kapintasan. Kailangan pa ring hubugin nang tuluy-tuloy upang maging mas ganap sa kanilang pagkatao at sa kanilang komitment sa kanilang misyon.

Ang apostol ay marami pa ring kapintasan. Pinagkanulo nga ang Panginoon ni Judas. Itinatwa siya ni Pedro. Nag-aaway-away sila kung sino ang pinakadakila sa kanila. Nag-uunahan sila na malagay sa pinakamataas na posisyon kaya sina Juan at Santiago ay pumapapel sa Panginoon.

Maging tayo ay katulad nila na marami pang dapat baguhin sa sarili kaya’t ang paghuhubog ay hindi dapat natatapos. Hindi dapat tayo tatamad-tamad kapag pag-aaral sa Panginoon ang pinag-uusapan. Marami sa atin ay nagsisilbi lang nang nagsisilbi at hindi pinahahalagahan ang mga paghubog tulad ng mga seminar tungkol sa iba’t-ibang paksa ng pagiging Kristiyano, rekoleksyon, katesismo, pag-aaral ng Bibliya at iba. Kaya naman, nagsisilbi nga pero ang daming bagahe sa sarili. Inggitero, seloso, kulang sa pansin, sobrang balat-sibuyas, tsismoso at iba. Ito ay mga tanda na kailangan talaga nang tuluy-tuloy na paghubog upang lalong maging epektibong mga tagapagsilbi ng Panginoon. Tulad ng mga Apostol mga sinugo rin tayo. Pero nananatili ang ating pagiging disipulo. Tuloy ang ating paghubog.

MANALANGIN: Panginoon, palakasin mo sa aking puso ang paghahangad na lalo pang mahubog bilang iyong disipulo at apostol.

GAWIN: Huwag idahilan ang pagsisilbi para balewalain ang paghubog sa Panginoon.

Reply

Jess C. Gregorio January 19, 2024 at 1:32 pm

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:

Wala tayong alam. Salat tayo sa karunungan. Mahina. Walang lakas. Puno ng takot at pangamba. Parati natin samahan sa Banal na Misa at tanggapin si Hesus sa Komunyon. Madalaw at kausapin siya sa Adoration Chapel araw-araw. Ito lang ang tanging paraan para tayo ay mabuhay ng mapayapa at may kasiyahan. Maikubli Niya sa masama at mabiyayaan. Mapalakas ng may buong kagalingan. Siya ang Daan, Katotohanan, at Buhay. Wala na tayong hihilingin pa.

Bagama’t labing dalawa lang ang pinili ni Hesus na mga apostoles sa simula, sinugo na mangaral ng may authority, hindi nagtatapos ang pag sugo sa mga apostoles, kaparian, at simbahan lamang. Ang bawa’t nilalang na tumanggap kay Hesus bilang tagapag-ligtas, born again in the Holy Spirit, at naging Templo ng Diyos sa kanyang Espiritu, ay isinugo na mangaral at magpahayag ng Mabuting Balita sa Ngalan ni Hesus, talino, kakayahan, kalakasan, at pamamaraan ng mismong Banal na Espiritung nananahan sa kanya. Ang bawa’t isa sa atin ay pinapalakas ni Hesus makagawa ng mga himalang kailangan gawin para maisalba ang buong sangkatauhan. Dalawin at kausapin natin si Hesus sa Adoration Chapel araw-araw at magiging normal sa atin ang mga kababalaghan.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: