Lunes, Enero 15, 2024

January 15, 2024

Lunes ng Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Samuel 15, 16-23
Salmo 49, 8-9. 16bk-17. 21 at 23

Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.

Marcos 2, 18-22


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Monday of the Second Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
1 Samuel 15, 16-23

Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel

Noong mga araw na iyon, sinabi ni Samuel kay Saul, “Pakinggan mo ang sinabi sa akin ng Panginoon kagabi.”

“Ano iyon?” tanong ni Saul.

Sinabi ni Samuel, “Noong una, ikaw mismo ang nagpakilalang ikaw ay hamak. Ngayon, ikaw ang pangunahin sa Israel sapagkat hinirang ka ng Panginoon at pinahiran ng langis upang maging hari. Inutusan ka niyang lusubin ang masamang bayan ng Amalec at mahigpit na ipinagbiling puksain ang mga ito. Bakit mo sinuway ang utos ng Panginoon? Bakit mo pinag-imbutan ang ito? Hindi mo ba alam na ang ginawa mo’y malaking kasalanan sa Panginoon?”

Sumagot si Saul, “Sinunod ko ang Panginoon. Pumunta ako sa pinapuntahan niya sa akin. Binihag ko si Agag na hari ng Amalec at nilipol ang mga Amalecita. Pinili ng mga tao ang pinakamaiinam sa mga tupa at baka at hindi namin pinatay na kasama ng iba, bagkus ay iniuwi namin sa Gilgal upang ihandog sa Panginoon.”

Sinabi ni Samuel, “Akala mo ba’y higit na magugustuhan ng Panginoon ang handog at hain kaysa pagsunod sa kanya? Ang pagsunod sa kanya ay higit sa handog, at ang pakikinig ay higit sa haing taba ng tupa. Ang pagsuway sa kanya ay kasinsama ng pangkukulam, at ang katigasan ng ulo’y tulad ng pagsamba sa diyus-diyusan. Pagkat sinuway mo ang Panginoon, aalisin ka sa pagiging hari ng kanyang bayan.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 49, 8-9. 16bk-17. 21 at 23

Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.

Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
ni sa inyong mga haing sa dambana’y sinusunog,
bagaman ang mga toro’y hindi ko na kailangan,
maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.

Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.

Bakit ninyo inuusal yaong aking mga utos?
At bakit ang paksa ninyo ay sa tipan natutungod?
Pag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
at ni ayaw na tanggapin yaong aking mga utos.

Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.

Kahit ito ay ginawa hindi kayo alumana,
kaya naman ang akala, kayo’t ako’y magkaisa;
ngunit ngayon, panahon nang kayo’y aking pagwikaan
upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.
Ang parangal na nais ko na sa aki’y ihahain,
ay handog ng pagsalamat, pagpupuring walang maliw;
akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.

Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.

ALELUYA
Hebreo 4, 12

Aleluya! Aleluya!
Buhay ang salita ng D’yos,
ganap nitong natalos
tanang ating niloloob.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 2, 18-22

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, nag-aayuno ang mga alagad ni Juan Bautista at ang mga Pariseo. May lumapit kay Hesus at nagtanong, “Bakit po nag-aayuno ang mga alagad ni Juan Bautista at ang mga alagad ng mga Pariseo, ngunit ang mga alagad ninyo’y hindi?” Sumagot si Hesus, “Makapag-aayuno ba ang panauhin sa kasalan samantalang kasama nila ang lalaking ikinasal? Hindi! Kapag wala na ang ikinasal, saka pa lamang sila mag-aayuno.

“Walang nagtatagpi ng bagong kayo sa lumang kasuutan; pag urong ng bagong kayo, mababatak ang luma at lalong lalaki ang punit. Wala rin naman nagsisilid ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, sapagkat papuputukin ng alak ang balat. Kapwa masasayang ang alak at ang sisidlan. Bagong alak, bagong sisidlang-balat!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 8 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 13, 2022 at 10:12 am

PAGNINILAY: Lubos na ipinapagalala ni Hesus sa Ebanghelyo tungkol sa mga bagay na lilipas at mga bagay na mabubuhay kailanman. Tinanong ng mga Pariseo at mga alagad ni San Juan Bautista kung bakit hindi nag-aayuno sina Hesus at ang mga Apostol. Kaya ang naging tugon ng Panginoon ay isang parabula tungkol sa piging ng isang kasalan, na kung saan ang mga panauhin ay hindi nag-aayuno hanggang nakapiling nila ang lalaking ikinasal. At kapag nakaalis na ang lalaking iyon ay saka sila maaring mag-ayuno.

Ang talinghagang ito ay patungkol sa presensiya ni Hesus bilang Mesiyas ng Diyos na siyang isinugo upang tipunin ang tao sa iisang Simbahan, ang Sambayanan ng Diyos. At ito’y nagpapaalala sa atin na ang tanging disposiyon natin para maging matatag ang komunidad ay ang pagiging masunurin. Ito ang paalala ni Samuel kay Haring Saul sa Unang Pagbasa dahil sa pagsuway ng hari sa utos ng Diyos. Higit pa sa inaalay na mga hayop ng kalaban [Filisteo] ay ang pagsunod sa utos ng Panginoon, na dapat ang gawin ni Saul para sa tagumpay ng Israel. At ang pagiging masunurin sa Diyos ay ipinamalas ni Hesus nang akuin niya ang kanyang Krus, na nagdulot ng kaligtasan para sa sangkatauhan. At ang kanyang Muling Pagkabuhay ay ang tagumpay ng ating pagkatao na tayo ay balang araw makakapiling ang ating Diyos sa kaluwalhatian ng buhay na walang hanggan. At ito ang Tipan ng Diyos Ama na katulad ng pagtatahi ng bagong kayo mula sa lumang tela at ng pagsisilid ng bagong alak sa bagong sisidlan.

Kaya ipinapaalala sa atin na sa Panginoo’y nagmumula ng mga bagong bagay, mga bagay na kinakailangan natin talaga sa buhay at hindi kailanma’y lilipas. Kaya nawa’y mapanibago ang ating puso’t isipan na maging matapat sa Diyos at sa kanyang dakilang kalooban.

Reply

Marlon Nebres January 16, 2022 at 5:31 pm

Salamat sa Diyos sa pagbibigay niya sa atin ng pag-ibig tungo sa buhay na walang – hanggan sa pamamagitan ng kanyang bugtong na Anak na si Hesukristo.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño January 17, 2022 at 9:14 am

Sa Unang Pagbasa ay ipina aalala na hindi mahalaga ang handog, at higit na mas mahalaga ay ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Malaki ka nga magbigay sa simbahan pero hindi mo minamahal ang kapwa mo ay wala din. Tumtulong ka nga sa mahihirap pero ang layon ay magpasikat lamang. Malaki ka magbigay sa mga donasyon pero ikaw nman ay nagnanasa sa hindi mo asawa o sa hindi mo pag-aari ay hindi ka rin kalulugdan ng Diyos. At maraming pang mga gawaing mapg imbabaw dahil sa kabila ng pagiging galante mo ay hindi nakikita sa pag uugali mo ang pagsunod sa kalooban ng Diyos.

Sa ating ebanghelyo ngayon ay hinahamon tayo na piliin ang Diyos sa lahat ng ating iisipin, sasabihin at gagawin. Hindi mo maitatama ang isang pagkakamali kung pagtatakpan mo lamang ito ng isa pang pagkakamali. Hindi tayo magkakamali kung lang laging pipiliin natin ay ang naayon sa kalooban mg Diyos, Dito ay wala tayong pagsisihan at siguradong hindi tayo mapapahamak, hindi puputok ang balat na sisidlan ng alak. Tamang alak sa tamang sisidlan. Tamang desisyon, tamang pag uugali, tamang kilos, tamang gawa, tamang salita at tamang pag-iisip. At ang lahat ng tamang ito ay nakapaloob sa mga kautusan ng Diyos at gawin nating gabay ang mensaheng dala ng Mabuting Balita.

Reply

RFL January 14, 2024 at 10:28 pm

Ibigay natin sa Diyos ang lahat ng pasasalamat at mga papuri! Pasalamatan natin Siya sa pamamagitan ng pagtupad sa Kanyang mga utos at hindi paggawa ng kasalanan.

Mga kapatid, noong unang panahon na namumuhay ang mga Hudyo sa ilalim ng Lumang Tipan nila sa Diyos, binigyan ng Diyos ang mga tao ng mga batas para magalay ng sakripisyo para sa digmaan, sakripisyo kapag nakakagawa ng kasalanan, at iba pa. Ngunit nakita natin sa Unang Pagbasa ang totoong nilalaman ng puso ng Diyos: ang kagustuhan Niyang tayo’y sumunod sa Kanya, at ang pagpupuri at pasasalamat sa Kanya. Ang mga bagay na ito ay nagsusum-up sa thought na: Magtiwala tayo sa Diyos. Paano tayo makakasunod kung hindi tayo magtitiwala? Paano tayo makakapagpuri sa gitna ng problema kung hindi tayo nagtitiwala? Paano tayo makakapagpasalamat sa gitna ng karukhaan kung hindi tayo nananalig?

All throughout the Bible, ang winiwika ng Diyos ay ang Kanyang walang katumbas na pag-ibig sa atin at ito’y patuloy Niyang pinakita sa mga tao hanggang sa ipakita Niya ang sukdulan ng Kanyang pag-ibig noong ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak para tayo ay mailigtas mula sa kasalanan, mula sa kamatayan. Kaya naman, noong naparito si Hesus ay Kanyang ipinahayag ang pag-ibig ng Diyos, pinakita Niya ito sa pagkamatay sa Krus, at pinagtibay Niya ito sa pamamagitan ng Kanyang pagkabuhay muli. Binayaran Niya ang ating mga kasalanan at inangkin Niya tayong mga anak. Ang sakripisyo na ating dapat gagawin ay Kanyang ginawa. Tayong mga tao ang dapat na ipinako sa Krus at binuhusan ng galit ng Amang Makapangyarihan, ngunit ang pag-ibig ng Diyos sa atin ay tunay nga namang napakadakila. At wala tayong maisusukli sa Diyos kundi ang pananalig sa Kanyang Anak at ating Panginoong Hesu-Kristo, ang buong buhay nating pasasalamat at pagpupuri sa Kanya, at ang pagsunod sa Kanyang mga utos na ibinigay ng Panginoong HesuKristo.

Kaya naman noong nagtuturo ang Panginoong Hesus, hindi Niya tinuro kung ano ang dapat gawin pag nagkasala sa Diyos at sa kapwa. Ang itinuro Niya ay ang pag-iwas sa kasalanan. Katulad ng magpatawad tayo, magtiwala sa Panginoon, dumepende sa Diyos na Ama natin. Huwag magalala. Huwag magtanim ng galit. Ang pag-iwas sa kasalanan ay nangangahulugang pagsunod sa utos ng Diyos na nakasentro naman sa pag-ibig natin sa Diyos at sa kapwa. Ang sakripisyo na nais ng Panginoon ay ang sakripisyo ng papuri at pasasalamat sa Kanya, at ito ay sukdulan nating napapractice sa Banal na Misa. Ito rin ay dapat na nappractice natin sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Paano ba tayo makakapagpuri at pasalamat sa Diyos? Isigaw mo ang isang “Thank you Lord!”. Ikwento mo sa mga kakilala mo kung gaano ka biniyayaan ni Lord. Ikwento mo sa mga kaibigan mo kung paano ka iniligtas ni Lord sa mga sakuna at pagsubok. Kung anuman ang edad mo ngayon, hindi ka aabot sa edad na ito kung hindi dahil sa Kanya. Napakasarap mabuhay under the mercy and grace of God! Kaya halina at magsakripisyo ng papuri at pasasalamat, at gawin ang mga utos ng ating Panginoong Hesus na nagligtas sa atin mula sa kamatayan. Amen.

Reply

Rey Anthony Imanil Yatco January 15, 2024 at 5:58 am

MAGANDANG BALITA NGAYON – LUNES NG IKALAWANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

MARCOS 2:18-22 Noong panahong iyon, nag-aayuno ang mga alagad ni Juan Bautista at ang mga Pariseo. May lumapit kay Hesus at nagtanong, “Bakit po nag-aayuno ang mga alagad ni Juan Bautista at ang mga alagad ng mga Pariseo, ngunit ang mga alagad ninyo’y hindi?” Sumagot si Hesus, “Makapag-aayuno ba ang panauhin sa kasalan samantalang kasama nila ang lalaking ikinasal? Hindi! Kapag wala na ang ikinasal, saka pa lamang sila mag-aayuno.”

“Walang nagtatagpi ng bagong kayo sa lumang kasuutan; pag urong ng bagong kayo, mababatak ang luma at lalong lalaki ang punit. Wala rin naman nagsisilid ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, sapagkat papuputukin ng alak ang balat. Kapwa masasayang ang alak at ang sisidlan. Bagong alak, bagong sisidlang-balat!”

MAGNILAY: May mga patuloy nating ginagawa kahit lipas na ang dahilan. Kailangan nang iakma sa bago nating panahon at sitwasyon. Nag-aayuno pa ang mga alagad ni Juan at mga Pariseo samantalang lipas na ang dahilan. Ang pag-aayuno noon ay dahil hinihintay nila ang Mesiyas. Pero dumating na siya – si Hesus! Kaya hindi na nag-aayuno ang kanyang mga alagad kundi nagdiriwang na. Mag-aayuno uli sila pag wala na siya uli. May bago na itong dahilan. Huwag lang nating gawin ang isang bagay dahil nakasanayan. Hindi dahil lagi na natin itong ginagawa ay uulit- ulitin lang. Kailangang tanungin kung bakit ito ginagawa noon at bakit kailangang gawin pa din o hindi na gawin ngayon. Dapat malinaw at napapanahon ang dahilan.

MANALANGIN: Panginoon, makatugon nawa kami sa hamon ng makabagong panahon.

GAWIN: Suriin ang mga diskarte sa pananampalataya kung epektibo pa o lipas na.

Reply

Rex G. Barbosa January 15, 2024 at 11:46 am

Rex G. Barbosa January 16, 2024
ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay Marcos 2, 18-22

……… “Wala rin naman nagsisilid ng bagong alak
sa lumang sisidlang-balat, sapagkat papuputukin ng alak ang balat.
Kapwa masasayang ang alak at ang sisidlan.
Bagong alak, bagong sisidlang-balat!”

PAGNINILAY

BUOD:
“Bagong alak, bagong sisidlang-balat!”

ARAL: Hinihingi Niya ang…
Bagong pakikipagKASUNDO,
bagong pakikipagTIPAN sa Diyos.
Pagbabagong BUHAY, pagiging bagong TAO
sa pamamagitan ni Kristo-Hesus.
Paano natin gagawin?
Sundin ang Kalooban ng Diyos. Gawin natin ang mga tagubilin ni Hesus. Iwasan ang magkasala. Huwag pagtakpan ang pagkakasala ng isa pang mali. Huwag nating sayangin ang pagbabagong buhay sa paulit-ulit na paggawa ng pagkakasala at hingin natin ang kanyang Banal na Awa. Ngunit tandaan din natin na hindi masama ang mag-ayuno o mag-tika kung tayo’y muling magkamali.

Reply

Jess C. Gregorio January 15, 2024 at 4:08 pm

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:

Ang lahat ng maaaring mangyari ay may sariling mga panahon. Ang lahat ng bagay ay may sariling kinalalagyan. Iyan ang Batas ng Buhay. The Will of God ika nga. Kung tayo ang magsasabi ng hindi puwede o puwede ayon sa ating kadahilanan na sumusuway sa maliwanag na pinag-uutos ng Diyos, babawiin lahat ang grasya at biyayang ibinigay. Mawawala ang Kapangyarihan ng Espiritu at ibabalik tayo sa kahinaan at kamangmangan. Ang pagsunod sa Kanya ay mas higit sa anumang handog. At ang pakikinig sa kanyang Salita ay higit pa sa mga sakripisyong dala. Ang pagsuway ay kasing sama ng kulam. At ang katigasan ng ulo ay tulad ng pagsamba sa diyos-diyosan. Minsan ang ating pagsamba ay napapasama dahil na rin sa mga plano at gawaing tila banal pero sablay. Karaniwang dahilan ay di pagsunod o kaya ay pagsuway sa mga iniuutos ng Diyos. Mga bulag na pag sang ayon sa mga naisip ng mga haring naturingan na magiging katulad ni Saul ang maaaring kahihinatnan. Binago na tayo. Bakit pa babalik sa lumang katayuan?

Reply

Malou Castaneda January 15, 2024 at 5:09 pm

PAGNINILAY
Inaanyayahan tayo ni Hesus na “gumawa ng bago” sa halip na ipagpatuloy lamang ang pamumuhay ng ating mga luma (hindi malusog) na mga tularan. Lahat tayo ay may kahit isang disenyo sa ating buhay na gusto nating baguhin. Ano ang isang maliit na pagbabago na gusto nating gawin sa ating buhay at gaano tayo kaseryoso? Ang pagbabago ay hindi kasing dali. Madaling gumawa ng Bagong Taon na resolusyon. Gayunpaman, mas mahirap na panatilihin ang resolusyong iyon. Ano ang pagbabago na nais nating gawin, ang minimithi natin? May isang simpleng hakbang na maaari nating gawin upang pumunta sa direksyong iyon. Nawa’y ipagdasal natin ang isa’t isa na gawin natin ang unang hakbang na iyon!

Panginoong Hesus, nananabik kaming ipagdiwang ang walang hanggang piging sa kasalan kasama Mo. Amen.
***

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: