Linggo, Enero 14, 2024

January 14, 2024

Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (B)

1 Samuel 3, 3b-10. 19
Salmo 39, 2 at 4ab. 7-8a. 8b-9. 10

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

1 Corinto 6, 13k-15a. 17-20
Juan 1, 35-42


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Second Sunday in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
1 Samuel 3, 3b-10. 19

Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel

Noong mga araw na iyon, si Samuel nama’y natutulog sa Templo, sa may Kaban ng Tipan. Nang magmamadaling-araw na, siya’y tinawag ng Panginoon, “Samuel, Samuel!”

“Po,” sagot niya. Patakbo siyang lumapit kay Eli at sinabi, “Bakit po?”

Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag. Mahiga ka na uli.” Nagbalik nga siya sa kanyang higaan.

Tinawag siya uli ng Panginoon. Bumangon siya, lumapit kay Eli at itinanong, “Tinatawag po ba ninyo ako?”

Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag, anak. Mahiga ka na uli.” Hindi pa kilala ni Samuel ang Panginoon sapagkat hindi pa siya kinakausap nito.

Sa ikatlong beses na tawagin siya, lumapit uli siya kay Eli at sinabi, “Narinig ko pong tinatawag ninyo ako.”

Naisip ni Eli na ang Panginoon ang tumatawag kay Samuel, kaya sinabi niya, “Sige, mahiga ka uli. Kapag narinig mo pang tinawag ka, ganito ang sabihin mo: ‘Magsalita po kayo, Panginoon. Nakikinig po ang inyong lingkod.’” At muling nahiga si Samuel. Ang Panginoon ay lumapit kay Samuel at tinawag ito.

Sumagot si Samuel, “Magsalita po kayo, nakikinig po ang inyong lingkod.”

Habang lumalaki si Samuel, patuloy siyang pinapatnubayan ng Panginoon, at nagkakatotoo ang lahat ng sinasabi niya.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 39, 2 at 4ab. 7-8a. 8b-9. 10

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Ako ay naghintay sa ‘king Panginoon.
At dininig niya ang aking pagtaghoy;
tinuruan niya ako pagkatapos
ng bagong awiting pampuri sa Diyos.

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Ang mga panghandog, pati mga hain,
at mga hayop na handang sunugin
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
upang yaong sala’y iyong patawarin;
sa halip, ang iyong kaloob sa akin
ay ang pandinig ko upang ika’y dinggin.

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Kaya ang tugon ko, “Ako’y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi’y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Ang pagliligtas mo’y aking inihayag
saanman magtipon ang ‘yong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 6, 13k-15a. 17-20

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:
Ang katawan ay hindi para sa pakikiapid kundi para sa Panginoon, at ang Panginoon naman ay sa katawan. Muling binuhay ng Diyos ang Panginoong Hesus, at tayo ma’y muling bubuhayin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.

Hindi ba ninyo alam na kayo’y mga bahagi ng katawan ni Kristo? Ang nakikipag-isa sa Panginoon ay kaisa niya sa Espiritu.

Huwag kayong makikiapid. Sa alinmang ibang kasalanan na ginagawa ng tao, iba ang napipinsala. Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at tinanggap ninyo mula sa Diyos? Ang inyong katawan ay hindi talagang inyo kundi sa Diyos; binili niya kayo sa malaking halaga. Kaya’t gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 1, 41. 17b

Aleluya! Aleluya!
Natagpuan ang Mesiyas
ng sa kanya’y naghahanap.
Siya’y pag-ibig na matapat.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 1, 35-42

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, nakatayo si Juan at ang dalawa sa kanyang mga alagad. Nakita niya si Hesus na nagdaraan, at kanyang sinabi, “Ito ang Kordero ng Diyos!” Narinig ng dalawang alagad ang sinabi niya, at sumunod sila kay Hesus. Lumingon si Hesus at nang makitang sumusunod sila ay kanyang tinanong, “Ano ang hinahanap ninyo?” Sumagot sila, “Saan po kayo nakatira, Rabi?” Ang kahulugan ng salitang ito’y Guro. “Halikayo at tingnan ninyo,” ani Hesus. Sumama sila at nakita nila ang kanyang tinitirhan; at tumuloy sila roon nang araw na yaon. Noo’y mag-iikaapat na ng hapon.

Ang isa sa dalawang nakarinig kay Juan at sumunod kay Hesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. Una niyang hinanap ang kapatid niyang ito, at kanyang sinabi sa kanya, “Natagpuan namin ang Mesiyas!” Ang kahulugan ng salitang ito’y Kristo. At siya’y isinama ni Andres kay Hesus. Tiningnan ni Hesus si Simon at sinabi sa kanya, “Ikaw si Simon na anak ni Juan. Ang ipangangalan ko sa iyo’y Cefas.” Ang katumbas ng ngalang ito’y Pedro.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 8, 2024 at 6:46 pm

PAGNINILAY: Matapos ang paghahanda ng Inang Simbahan sa pagdating ng Panginoon noong Adbiyento & at ang pagdiriwang ng Pagkakatawang-tao ng Panginoon noong Kapaskuhan, sinisimulan ngayon ang araw ng Linggo sa Karaniwang Panahon, ang pinakamahabang panahon sa Kalendaryo ng Simbahan. Ito’y nahahati sa dalawang bahagi: (1) sa pagitan ng Pasko ng Pagsilang at Kuwaresma, at (2) sa pagitan ng Pasko ng Pagkabuhay at Adbiyento. Ang kulay “luntian” o “berde” ay sumasagisag sa pag-asa na binibigay sa atin ng Panginoon, sapagkat ang Karaniwang Panahon ay panahon ng paglalakbay sa Pampublikong Ministeryo ni Hesukristo upang tayong lahat ay umunlad sa kabanalan samantalang hinihintay natin ang muling pagpaparito ng Kaharian ng Diyos, ang pinakainaasam na pangako ni Kristo para sa ating lahat.

Ang panawagan sa kabanalan ay makikita sa pagtawag kina Propeta Samuel sa Unang Pagbasa at kina San Andres, San Juan, at San Pedro sa Ebanghelyo. Kapansin-pansin na sa pamamagitan ng pagkatulog ni Samuel ay tinawag siya ng Panginoon. Apat na beses itong bumangon, ngunit sa unang tatlong beses ay akala niya ang saserdoteng si Eli ang tumatawag sa kanya. Kaya ang bilin ni Eli sa kanya na ipahayag: “Magsalita po kayo, Panginoon. Nakikinig po ang inyong lingkod” (1 Sm. 3:9-10). At ganun na nga ang pagtawag ng Diyos sa kanya, hanggang sa lumaki si Samuel at sinimulan ang kanyang pagiging propeta para sa bayang Israel. Ang pagtawag kina San Andres at San Juan ay hudyat ng pahayag ni San Juan Bautista kay Hesus bilang Kordero ng Diyos. Nang sila’y lumapit kay Hesus, tinanong sila kung anong hinahanap nila, na ang tugon nila ay patanong kung saan paroroon ang Panginoon. Kaya’t ang tugon ni Hesus: “Halikayo at tingnan ninyo” (Jn. 1:39). At nakita natin kung paanong hinikyat ni Andres ang kanyang kapatid na si Simon na natagpuan na ang Mesiyas. At nang lumapit ito kay Hesus, tinawag siyang “Pedro” bilang magsisilbing misyon ni San Pedro para sa Simbahang itinatag ni Kristo.

Dalawang pahayag ng pagtawag at pagtugon ang narinig natin sa dalawang pagbasa, at ang panawagan ay pakikinig at pagsunod. Sa ating pagmimisyon bilang mga Kristiyano, mahalaga ang pakikinig sapagkat dito natin matutunton ang kalooban at atas ng Diyos sa ating mga ginagawa. Ganun din ang pagsunod sapagkat hinihikayat tayo na maranasan ang kanyang kagandahang-loob na hindi lang para sa ating sarili, kundi para rin sa mga taong pagmimisyunin natin. Kaya paalala ni San Pablo sa atin sa Ikalawang Pagbasa ay igalang natin ang ating sarili bilang banal at buhay na templo ng Espiritu Santo, at huwag natin hayaan ang kasalanan ang mamayani sa ating mga buhay. Sapagkat lahat tayo ay minamay-ari ng Diyos, at balang araw sana tayo babalik sa kanya. Kaya nga ang tawag ng Karaniwang Panahon ay umunlad sa kabanalan samantalang hinihintay natin ang muling pagdating ni Kristo para maasam natin ang kaluwalhatian niya sa Kaharian ng Langit.

Reply

Mel Mendoza January 11, 2024 at 7:06 pm

Sa Mabuting Balita nabanggit ng Panginoong Hesus sa dalawang alagad ni San Juan Bautista, “Ano ang hinahanap ninyo?”, imbes na sagutin ng dalawa ay tinanong nila si Hesus “Saan po kayo nakatira?”
Siguro ang katanungan ni Hesus ay hindi lang para kina San Andres at sa isa pa kundi sa ating lahat. Sa ating mga buhay hindi pwede na hindi natin tanungin ang ating mga sarili ng parehas na katanungan, ano ang hinahanap natin, ano ang gusto natin, o ano ba ang ibig sabihin ng buhay ko, ano ang papel ko, ano ang kahihinatnan ng buhay ko sa mundong ito??? Maraming katanungan na iisa lang naman ang pwede panggalingan ng kasagutan- ito ay manggagaling lamang Kay Hesus. Sa katanungan kaya ni San Andres kung “Saan po kayo nakatira?” tayo ba ay matutulungan upang magsumikapan din natin alamin kung saang lugar ba sa buhay natin nananahan ang Panginoon? Mga unang dalawang katanungan sa Ebanghelyo ni San Juan na may kinalaman din sa ating pagmimisyon kung talaga ninanais natin na sumunod kay Hesus.
Sa mga buhay natin kinakailangan muna na sagutin ang kung ano ba sa atin ang kahalagahan ng katanungang ito. Dapat magkaroon muna tayo ng sense of purpose kasama na diyan ang mga priorities para sa ninanais na uri ng pamumuhay. Sa pamamagitan nito kasabay ang mataimtim na paghingi ng sapat na unawa at gabay ng Espiritu ng Diyos. Kung sa simula pa lamang ay hiningi na ang gabay at basbas ng Diyos at naging malaking bahagi ng ating pagiral ang panukalang ito hindi naglalayo na pwede nating sambitin sa katanungan na “Ano ang kailangan ninyo?” na Ikaw lamang Panginoon at nawa’y manahan po kayo sa amin. Ang paanyaya kina San Andres na sumunod upang malaman kung saan nakatira si Hesus ay paanyaya din sa ating lahat ang uri ng tahanan at pamumuhay mayroon ang ating Panginoon.

Sa Unang Linggo sa Karaniwang Panahon, ay sinasalaysay ng mga pagbasa ang karaniwang araw sa pagmimisyon ni Hesus pagkatapos ng Pagbibinyag sa Kanya ni San Juan Bautista na kung saan bahagi ng Kanyang mga pangangaral ay ang pagpapakita ng mga kababalaghan at mga pagpapagaling ng mga maysakit. Ang dahilan na inilalayo ni Hesus ang sarili sa mga taongbayan at paglipat lipat ng bayan para maipahayag Niya ang Mabuting Balita ng Kaligtasan at hindi para sa makita lamang ng mga tao ang mga kababalaghan at mga pagpapagaling sa lahat ng uri ng karamdaman.

Ang paanyaya ni Hesus sa mga bago Niyang alagad na sumunod sa kanya upang malaman at maranasan nila ang buhay ng pagmimisyon hindi ito nagtapos doon sa katanungan kung saan siya nakatira. Ang imbitasyon ni Hesus ay mapanatili ang relasyon ng dalawa sa kanya . Ang Panginoon ay bukas sa lahat ng katanungan at may handa Siyang kasagutan at ito ay nakita sa kanyang pagmiministeryo na kung saan lagi may binabato sa Kanyang katanungan ang mga eskriba, mga Pariseo at matatanda ng bayan.

Ang Ebanghelyo ni San Juan ay mga pagpapatunay na ang pagparito ng Panginoong Hesus ay para tubusin ang mundo sa kasalanan at ipangaral ang Banal na Kasulatan. Sa tulong ng mga unang mga alagad tulad ni Juan at nakarinig sa kanyang si Andres na kalaunay ang kapatid nitong si Simon Pedro na tumugon sa pagtawag na naging katulong sa pagmimisyon ang paanyaya ng Ebanghelyo ay uma-alingawngaw hanggang sa kasalukuyang panahon para sa ating lahat na nagsusumikap na sumunod at ipangalat ito sa iba pa nating mga kapatid. Nawa’y makatugon tayo sa paanyayang ito at masagot natin ang katanungan ni Hesus “Ano ang kailangan ninyo”, at ang katanungan nina San Andres na “Saan ka natira Panginoon”. Amen!

Reply

Rey Anthony I. Yatco January 13, 2024 at 3:29 pm

MAGANDANG BALITA NGAYON – IKALAWANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

JUAN 1, 35-42 Noong panahong iyon, nakatayo si Juan at ang dalawa sa kanyang mga alagad. Nakita niya si Hesus na nagdaraan, at kanyang sinabi, “Ito ang Kordero ng Diyos!” Narinig ng dalawang alagad ang sinabi niya, at sumunod sila kay Hesus. Lumingon si Hesus at nang makitang sumusunod sila ay kanyang tinanong, “Ano ang hinahanap ninyo?” Sumagot sila, “Saan po kayo nakatira, Rabi?” Ang kahulugan ng salitang ito’y Guro. “Halikayo at tingnan ninyo,” ani Hesus. Sumama sila at nakita nila ang kanyang tinitirhan; at tumuloy sila roon nang araw na yaon. Noo’y mag-iikaapat na ng hapon.

Ang isa sa dalawang nakarinig kay Juan at sumunod kay Hesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. Una niyang hinanap ang kapatid niyang ito, at kanyang sinabi sa kanya, “Natagpuan namin ang Mesiyas!” Ang kahulugan ng salitang ito’y Kristo. At siya’y isinama ni Andres kay Hesus. Tiningnan ni Hesus si Simon at sinabi sa kanya, “Ikaw si Simon na anak ni Juan. Ang ipangangalan ko sa iyo’y Cefas.” Ang katumbas ng ngalang ito’y Pedro.

MAGNILAY: Naniniwala ka bang may tawag sa iyo ang Diyos na dapat mong matuklasan at tugunin? Ang tawag na ito ang siya mong magiging misyon sa buhay na magbibigay kulay at kahulugan sa iyong buhay.

Hindi lahat ay naniniwala na may natatanging tawag sila mula sa Diyos. Para sa kanila ang kabuluhan ng buhay ay sundin ang gusto mong gawin sa buhay. Ito ang pinaniniwalaan nilang magbibigay sa kanila ng kaligayahan. Pero hindi sa ating mga naglalakbay sa pananampalataya sa Panginoon. Naniniwala tayong may tawag tayo galing sa Diyos. May misyon tayo na Diyos ang nagtakda. Hindi lang tayo nabubuhay para gawin lang ang gusto natin. Nawa’y natuklasan at nagagampanan na ng marami ang kanilang misyon. Nawa’y nararanasan na nila ang talagang layunin ng kanilang buhay.

Nilalarawan ng pagtawag sa batang si Samuel na maging propeta sa Unang Pagbasa natin ang karanasan natin ng tawag ng Diyos. Napakapersonal nito. Sa kaibuturan ng puso natin ito nadarama. Sa taimtim nating pananalangin ito naririnig sa kalooban natin. Gayundin naman, katulad ito ng pagtawag sa mga unang alagad sa ating Ebanghelyo na unang naaakit at nabighani kay Hesus bago matuklasan ang kanilang tawag maging mga apostol. Kapag nakilala natin siya mauuwi ito sa pag-unawa ng ating misyon at kusang pagsunod sa kanya gaano man kalaki ang dapat nating talikuran. Hindi natin ito basta mababalewala. Ang buhay pala natin ay sa Diyos. Ang buo nating pagkatao ay nakalaan para parangalan siya tulad ng paglalarawan ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa.

Mga ilang katangian ng pagtawag ng Diyos sa atin:

Una, dumarating ito nang hindi natin inaasahan pero kapag dumating hindi nito tayo titigilan hanggang sa tumugon tayo. Hindi natin ito matatakasan kahit tangkain natin. Lagi itong kakatok sa puso natin at nag-aanyayang pagbuksan natin.

Ikalawa, ito’y tawag na maglingkod at magsilbi lalo sa kapwa. Ito’y misyon para sa kapakanan ng iba ngunit sa ikaliligaya natin.

Ikatlo, nakakaakit ito pero nakakatakot dahil hihingin nito ang buo nating komitment.

Panghuli, bunga ito ng malalim na pananalangin at hindi lang kapritso dahil galing nga ito sa Diyos at hindi dikta ninuman. Sa buhay pananalangin natin inihahanda tayo para sa tawag at misyon na plano ng Diyos sa atin.

MANALANGIN: Panginoon, magsalita po kayo, nakikinig po ang inyong lingkod.

GAWIN: Ibukas ang puso mo sa tawag ng Panginoon.

Reply

RFL January 13, 2024 at 7:56 pm

Tumugon tayo sa tawag ng Panginoon!

Sinabi ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa: Gamitin natin ang ating katawan upang maparangalan ang Diyos dahil binili tayo sa napakalaking halaga (ang dugo ng Kanyang Bugtong na Anak at Panginoon nating si Hesu-Kristo). Kaya ngayong tayo’y binayaran ng dugo ni Kristo, ang ating katawan ay hindi lamang para sa ating sarili – kundi para sa Diyos na nagligtas sa atin.

Paano natin magagamit ang katawan natin para sa karangalan ng Diyos? Sa lahat ng pagkakataon mapaparangalan natin ang Panginoon sa pamamagitan ng pagmamahal sa Kanya, pagmamahal sa kapwa at ang pag-iwas at hindi paggawa ng kasalanan.

Pero may mga pagkakataon na tayo’y tatawagin ng Panginoon para maglingkod sa Kanya at sa Kanyang simbahan. Dalawa ang paraan para malaman ang tawag ng Panginoon; una ay ang pagtawag Niya nang personal o direct revelation katulad ng ginawa Niya kay Samuel sa ating Unang Pagbasa, at ang pangalawa ay ang paglalapit sa atin ng ating mga mahal sa buhay sa Panginoon katulad ng ginawa ni San Andres sa kanyang kapatid na si San Pedro. Dito, hindi natin maikakaila ang kahalagahan ng panalangin ng ating mga mahal sa buhay ukol sa ating pananampalataya at pagtugon.

It does not matter kung sa anong paraan ka tinawag ng Panginoon because God causes all good things. Ang mas mahalaga dito ay ang: PAGTUGON.

Maaari tayong tumugon at iimpart ang ating mga talent sa mga gawain ng Simbahan, minsan depende sa talent at oras na meron ka. Kung may drive kang magturo ay maaari kang maging Katekista. Kung maganda ang boses mo ay pwede kang maging Choir sa simbahan. Maaari ka ring maging LeCom, lay minister, altar server at kung anu-ano pang gampanin ng Simbahan. Ito ay maaari nating gawin on the side at hindi fulltime.

At may pagtawag naman ang Panginoon na magdidirect ng course ng buong buhay natin dahil kailangan nilang idedicate ang kanilang buong buhay sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan: ang pagtugon sa tawag ng Panginoon sa bokasyon ng pagiging pari o madre. (Paalala: Kung may calling po kayo, nararamdaman ninyo o paulet-ulet nyo itong naiisip sa loob ng mahabang panahon, maaari lamang na makipag-ugnayan sa inyong Parish Priest o di naman kaya’y sa pinakamalapit na kumbento ng madre na malapit sa inyo.)

In all these things, kahit ano pa man ang tinugunan nating gampanin, what matters most is that we glorify God in everything we do. And that we choose to please Him instead of pleasing our worldly desires.

Panginoon, marinig po sana namin ang Iyong tawag at magkaron kami ng pananalig para tumugon sa Iyo. Amen.

Reply

Jess C. Gregorio January 14, 2024 at 6:27 am

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:

Luma at bagong pagkatao. Ang una ay kung saan tayo galing. Ang pangalawa ay kung saan tayo patutungo. Wala tayong alam. Kaya tayo naghahanap ng katotohanan. Nawawala kaya naghahanap ng daan. Nagtataka kung ano ang silbi ng ating pagkabuhay kaya pilit maintindihan. Kaya kung ating masumpungan si Kristo, ang Katotohanan, ang Daan, at Buhay, nanaisin nating sundan at samahang manahan. Higit pa duon, ibabalita pa sa iba ang natuklasan. At mismo Siya ang magpapalit ng ating pangalan. May plano siya sa ating buhay. Naramdaman na ba natin siya o hanggang ngayon ay hinahanap pa? Malimit lumalapit siya sa atin. Hindi lang natin pinapansin. If you hear his Voice today, harden not your heart. Baka kinakausap ka na niya.

Reply

Rex G. Barbosa January 14, 2024 at 2:41 pm

January 14, 2023
ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Juan 1, 35-42

BUOD:
“Natagpuan namin ang Mesiyas!”
“Saan po kayo nakatira, Rabi?”
“Halikayo at tingnan ninyo.”
“…at sumunod sila kay Hesus…”

PAGNINILAY

ARAL:
Madalas sa ating paghahanap kay Hesus ang akala natin tayo ang nakatagpo sa Kanya. Lingid sa ating kaalaman tayo pala ang hinahanap ni Hesus. Ang hindi natin alam SIYA ANG PAG-IBIG NA NAKATANIM SA ATING PUSO ng tayo ay ipinagdalang tao sapagkat ang Pag-ibig ay Diyos. Sa pagkakataong “natagpuan” natin ang Diyos tayo ay inaanyayahan Niyang ISABUHAY NATIN ANG DIYOS NA PAG-IBIG sa pamamagitan ng pagsunod sa kanyang mga aral.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: