Podcast: Download (Duration: 7:37 — 5.4MB)
Biyernes ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Samuel 8, 4-7. 10-22a
Salmo 88, 16-17. 18-19
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Marcos 2, 1-12
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Friday of the First Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
1 Samuel 8, 4-7. 10-22a
Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, ang matatanda ng Israel ay nagsadya kay Samuel sa Rama at kanilang sinabi, “Matanda na kayo. Ang mga anak naman ninyo’y ayaw sumunod sa inyong mga bakas. Ang mabuti’y ipili ninyo kami ng isang haring mamamahala sa amin tulad sa ibang bansa.”
Nalungkot si Samuel dahil sa kahilingan ng mga tao, kaya’t dumalangin siya sa Panginoon. Sinabi naman sa kanya ng Panginoon, “Sundin mo lahat ang sinasabi nila sapagkat hindi ikaw kundi ako ang inaayawan nilang mamahala sa kanila.”
Lahat ng sinabi ng Panginoon kay Samuel ay sinabi nito sa mga Israelita. Ito ang sabi niya, “Ganito ang gagawin sa inyo ng magiging hari ninyo: Kukunin niya ang mga anak ninyong lalaki upang gawing kawal; ang iba’y sakay ng karwaheng pandigma, ang iba’y mangangabayo at ang iba nama’y lakad ng mangunguna sa pagsalakay. Ang iba’y gagawin niyang pinuno para sa libu-libo at sa lima-limampu. Ang iba’y itatalaga niya sa kanyang bukirin at sa gawaan ng mga kagamitan at karwaheng pandigma. Ang inyong mga anak na babae naman ay gagawin niyang manggagawa ng pabango, tagapagluto at tagagawa ng tinapay. Kukunin din niya ang pinakamagaganda ninyong bukirin, ubasan, taniman ng olibo at paaalagaan sa kanyang mga tauhan. Kukunin din niya ang ikasampung bahagi ng inyong ani sa bukid at ubasan para ibigay sa kanyang mga pinuno at mga katulong sa palasyo. Kukunin niya pati ang inyong mga alila, babae’t lalaki, ang pinakamagaganda ninyong baka, kabayo at asno. Kukunin din ang inyong kawan at kayo’y gagawin niyang alipin. Pagdating ng araw na yaon, idadaing ninyo sa Panginoon ang inyong hari na kayo na rin ang pumili ngunit hindi niya kayo pakikinggan.”
Hindi rin pinansin ng mga Israelita ang sinabi ni Samuel. Sa halip, sinabi nila, “Kahit ano ang gawin sa amin ay ibig pa rin naming hari ang mamahala sa amin. Sa gayun, matutulad kami sa ibang bansa pamamahalaan kami ng isang haring magtatanggol sa amin laban sa mga kaaway.” Ang lahat ng ito’y sinabi ni Samuel sa Panginoon.
Sinabi naman sa kanya ng Panginoon, “Sundin mo ang gusto nila. Bigyan mo sila ng hari.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 16-17. 18-19
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Mapalad ang taong sa ‘yo’y sumasamba,
sa pagsamba nila’y inaawitan ka
at sa pag-ibig mo’y namumuhay sila.
Sa buong maghapon, ika’y pinupuri,
ang katarungan mo’y siyang sinasabi.
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Ang tagumpay namin ay iyong kaloob,
dahilan sa iyong kagandahang-loob.
Pagkat pinili mo yaong hari namin,
kaloob mo ito, Banal ng Israel.
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
ALELUYA
Lucas 7, 16
Aleluya! Aleluya!
Narito at dumating na
isang dakilang propeta
sugo ng Diyos sa bayan n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 2, 1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, bumalik si Hesus sa Capernaum, at kumalat ang balitang siya’y nasa kanyang tahanan. Kaya’t nagkatipon ang napakaraming tao, anupat wala nang matayuan kahit sa labas ng pintuan. Samantalang nangangaral si Hesus, may idinating na isang paralitikong dala ng apat katao. Hindi nila ito mailapit kay Hesus dahil sa dami ng tao, kaya’t binakbak nila ang bubong sa tapat niya, at inihugos ang paralitikong nakaratay sa kanyang higaan. Nang makita ni Hesus kung gaano kalaki ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, ipinatatawad na ang mga kasalanan mo.” May nakaupo roong ilang eskriba na nagsaloob ng ganito: “Bakit nagsasalita ng ganito ang taong ito? Kalapastanganan sa Diyos iyan! Hindi ba’t Diyos lamang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan?”
Talos ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya’t sinabi niya, “Bakit kayo nagsasaloob ng ganyan? Alin ba ang lalong madali: ang sabihin sa paralitiko, ‘Ipinatatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing, ‘Tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan at lumakad ka’? Patutunayan ko sa inyo na dito sa lupa, ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan.” Sinabi niya sa paralitiko, “Tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan, at umuwi ka!” Tumindig naman ang paralitiko, binuhat ang kanyang higaan at umalis na nakikita ng lahat. Sila’y pawang nanggilalas at nagpuri sa Diyos. “Hindi pa kami nakakikita ng ganito!” sabi nila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Huwebes, Enero 11, 2024
Sabado, Enero 13, 2024 »
{ 9 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Napakabuti at napakadakila ang ating Panginoong Diyos. Marami tayong natutunan sa Ebanghelyo ngayon tungkol sa pagkagaling ni Hesus sa isang paralitiko. Sa simula ng Ebanghelyo, nakita natin ang napakadaming taong nagkakatipon sa isang bahay sa Capernaum dahil doon ay nangangaral ang Panginoong Hesukristo. At sa bandang iyon, may 4 na lalaking nagdala sa kanilang kaibigang pilay na nakahandusay sa higaan. Bagamat hindi sila makapasok sa bahay dahil sa napakaraming tao, naghanap pa rin sila ng paraan upang dalhin ang kanilang kaibigan kay Hesus. Kaya’t umakyat sila at gumawa ng butas sa bubong, at binaba nila ang higaan kung saan nakahandusay ang paralitiko. Kaya’t namangha si Hesus sa kanilang pananampalataya, at sinabi niya sa paralitiko na napatawad na ang mga kasalanan nito. Subalit sa tabi ni Hesus ay nagbubulung-bulungan ang mga Pariseo at eskriba dahil hindi nila matanggap ang mga pahayag ng Panginoon. Ngunit nabatid na ni Hesus ang ganyang pag-iisip. Upang ipakita niya na siya ay may karapatang magpatawad ng mga kasalanan, iniutos niya ang paralitiko na tumindig, dalhin ang higaan nito, at lumakad. At dahil gumaling ang paralitiko, namangha ang mga tao sa pangyayaring ito.
Kaya makikita natin dito ang kabutihan ng Diyos na inihahayag sa nakaparaming magagandang pangyayari sa buhay. Nawa ipamalas natin ang kagandahang-loob na ito ng Panginoon sa pamamagitan ng ating pakikipagkaibigan sa ating kapwa upang iakay natin sila sa kanya. Bukas ang kanyang pagmamahal sa lahat, lalung-lalo na sa mga nais magbalik-loob at mga taong nais makatanggap ng kanyang paggaling.
Sa ating binasa, ipinakikita dito kung gaano kapusok ang tao.
Sa unang Pagbasa, ang mga esraelita ay di alintana ang ipinabatid ng Panginoon sa maaaring maging kahihinatnan nila kung ipipilit nilang magkaroon ng Hari.
Sa EBANGHELYO, walang pakialam ang mga tao kahit sirain nila ang bubungan kung saan nagpapagaling at nagtuturo ang Panginoong Hesukristo. D nila alintana kung sila ay mahulog, madisgrasya o may mabagsakan ng debris.
Nung ako ay maging Ama, natutunan kong magpaubaya sa mga gustong gawing disisyon ng aking mga anak. Kahit alam ko o may agam-agam akong maaaring ikapahamak nila ito.
Pero dahil sa nananalig ako sa Panginoon at tulad niya na alam kong ang aking mga anak ay muli’t muling manunumbalik sa aking pagkalinga lalu pa sa panahon ng kanilang kagipitan.
“DAHIL INIIBIG TAYO NG PANGINOON AT DAPAT DIN NATING PAKAIBIGIN ANG ATING KAPWA”.
Amen?
Ang ang mga aral at hamon ng mga pagbasa ngayon?
Sa Unang Pagbasa, iniiwan ang mensahe na paniniwala at pagiging masunurin. Sa ating mga katigasan ng ulo at pgsuway sa mga kautusan ay alam nman natin na kapahamakan ang dala nito, subalit ginagawa pa din natin. Dapat laging tandaan na nasa huli ang pagsisisi. Hindi mo na maaaring ibalik ang nakalipas na panahon na subalit maaari mong pagghandaan ang hinaharap. Sa kasalukuyang panahon, may mga alituntunin ang pamahalaan tungkol sa pandemya, ito ba sinusunod natin upang hindi mahawa o makahawa ng nkamamatay na sakita na ito? Sa pang araw arw na buhay sininsunod ba natin ang mga sampung itos ng Diyos upang tayon ay hindi mapahamak. Kung hindi mo pa alam ang kahahantungan ng walang takot na pagsuway sa utos ng Diyos ay ito: kapahamakan, kalungkutan, karamdaman, paghihirap, pagkabilanggo, kamatayan at sa huli ay sa nagliliyab na apoy ka sa kabilang buhay.
Ang ebanghelyo ngayon ay sia na namang kababalaghan na ginawa ni Hesus. Isa na nmang paalala sa atin na ang ating mga dalangin at kahilingan ay ipagkakaloob ng dahil sa ating paniniwala, pananalig at pananampalataya. Kaya’t kung tayo ay mananalangin ay inigay natin ang buong tiwala sa Panginoon, tanggalin ang pangamba at alinlangan at ipagkakaloob sa atin ito ng Diyos sa hindi mo inaasahang panahon.
Kalayaan! Ito ang malakas na ipinahihiwatig na mensahe sa unang pagbasa at ito ang sigaw ng mga Israelita sa hinihiling nila kay Samuel na magkaroon ng sarili nilang hari. Ito ay idinulog ni Samuel sa Diyos na inilatag naman ng Panginoon ang mga consequences na mangyayari sa hinihingi nilang kalayaan ng pagpili ng mamumuno sa kanila. Ang tagpo ay isang paalala sa ating lahat na gamitin ang kalayaan ng may kaakibat na responsabilidad, na nakikita ang mabuti kahihinatnan at ganun ang mas masama na pwedeng mangyari na bunsod ng maling paggamit ng kalayaan. Sa ating pamumuhay mas marami tayong alam na karanasan na marami ang nauuwi sa kabiguan at kapahamakan dala ng pagwawalang-bahala sa presensya ng Diyos sa buhay nila at napakarami na ng kwento ng mga tragic deaths o pagbagsak ng mga sikat at makapangyarihang tao o bansa na hindi kumikilala sa kapangyarihan at kagandahang loob ng Diyos. Ang lahat ng mga ito ay naguugat sa mga paniniwala ng mga sariling kakayahan, kayabangan, at sa sobrang paniniwala sa kulturang nakagisnan na naglalayo sa kanila sa pakikipag-relasyon at magandang ugnayan sa Diyos. Mahalaga sa Diyos ang free-will at ito ay isang biyayang kusa Niyang binibigay sa lahat pero may malaki din tayong pananagutan sa kaloob na ito.
Magka-gayun pa man sa kabila ng mga pagsuway, ang kagandahang loob ng Diyos ay patuloy na ipinamamalas sa parehas na matuwid at masama makikita ang lagi Niyang pagunawa sa mga mahihina at patuloy na nagbibigay ng kalayaan kasi sa pamamagitan din naman ng kalayaan doon din mismo nasusumpungan na iwasto ang mga kamalian na tumutuloy sa pakikipagsundo sa Diyos. Ang mahalaga palagi ay kung paano natuto sa mga mali, at talikdan ito upang tahakin ang panibagong buhay kay Kristo Hesus.
Sa Ebanghelyo ay isang napakagandang inspirasyon naman ang ibinigay sa atin ni San Marcos. Kung sa unang pagbasa nababagot at nawawalan na ng pagasa na ang mga Israelita sa hari na namumuno sa kanila, ang kwento sa Mabuting Balita naman ay ang walang pagmaliw at sobrang lalim na pananampalataya ng isang isang paralitiko at ang apat niyang mga kasama sa kapangyarihan ni Hesus. Walang binanggit ang eksaktong haba ng panahon ang hinintay ng paralitiko na siya ay gagaling pero makikita na hindi niya alintana at ng apat na kaibigan kung paano siya makakalapit sa hinihintay niyang makapagpapagaling sa kanya. Sa haba ng panahon ng paghihintay mamalas sa paralitiko na kailanman ay hindi siya nawalan ng pag-asa na manunumbalik ang kanyang kalakasan na pwede naman wakasan na din niya ang kanyang mahabang panahon na paghihintay.
Ang kalayaan kung isinasa-puso’t diwa ang kahulugan nito, ito ay biyaya na dala ng kagandahang loob ng Diyos sa lahat na magdadala sa tao ng kasayahan, kapayapaan, at kasagaan sa isang individual. Dito nagsisimula sa kalayaan ang gumawa ng pagpapasya, pagpapalaya sa lahat ng karamdama’t kasamaan ng katawan at kaluluwa na magdudulot sa buhay ng kapanatagan sa piling ni Hesus at ng kapwa.
Ipanalangin natin sa Panginoong Diyos na magkaroon tayo palagi ng kapanatagan ng puso’t isipan, ng kalusugan at kalakasan at kagalingan na sa Kanya lamang magmumula at maging daluyan tayo ng mga pagpapalang ito sa ating kapwa. Amen!
Noong panahong namuhay si Hesus sa mundo, kinwestion ang Kanyang authority at authenticity ng mga Pariseo at mga nakakataas sa lipunan na Kanyang mga kababayang pinaghatiran ng pangako ng Diyos. Bago pa man nangyari ang ganap na ito sa paralitiko, napakarami nang ginawang milagro ni Hesus kabilang na ang pagpapagaling sa maysakit, pagpapaalis sa demonyo at marami pang iba. Ngunit ano itong inaasal ng mga Pariseo na sa halip na magpasalamat at kilalanin Siya, ay puro pangunguwestion sa Kanyang katauhan? Tayo ba na nasa makabagong panahon, kinikilala rin ba natin si Hesus? Tinatanggap ba natin Siya? O puro reklamo dahil sa mga problema natin at sa mundo. Paano ba natin paghahariin ang Diyos sa ating buhay? Pagnilayan natin ito sa pamamagitan 2 karakter sa Gospel—ang Paralitiko at ang mga kaibigan niya.
Noong nakita ni Hesus ang paralitiko, hindi ba kayo nagtaka kung bakit ang sinabi Niya rito ay “Pinatawad na ang mga kasalanan mo.” Bakit hindi tinanong ng Panginoon kung ano ang gusto Niyang mangyari kagaya ng pagtanong sa ketongin? Bakit hindi pinalakad agad ni Hesus ang taong ito? Naiisip nyo rin bai to? Sa aking opinion ay marahil dahil alam ni Hesus ang totoong kailangan ng paralitikong ito higit pa sa kailangan niyang makalakad. Dito sa mundo, marami tayong pangangailangan sa buhay, mga problema, sakit at idagdag pa dito ang ating mga ugali at kasalanang hindi katanggap-tanggap sa Panginoon at sa tao na nagiging dahilan ng pagkahina ng loob, pagkawasak ng mga pangarap at pagkasira ng mga relasyon. Minsan winawalang bahala natin at hinahayaan nating lumipas na lang ang panahon. Minsan naghihintay tayo ng kapatawaran sa ating nagawang mali, ngunit hindi ito binibigay ng taong naoffend mo. Minsan akala natin ay “ok lang tayo” pero ang totoo, bigat na bigat tayo sa ating dinadala lalo na sa pagcut-off ng mga tao sa ating paligid. Minsan akala natin yung pisikal na sakit ang nagpapalungkot sa atin, pero sa mga unresolved issues pala sa ating mga kapwa o sa mga pressure na ibinibigay ng mundo na ito. No wonder ngayong panahon na ito, napakaraming depressed at may mental health issues, mga Kabataan pa. Para na tayong napaparalyze sa toxicity ng mga problema. But thanks be to God! Alam Niya ang ating mga pangangailangan, at alam Niya rin ang higit nating kailangan sa buhay man na ito o sa susunod, at ito ay kapatawaran sa ating mga kasalanan na Kanyang misyon kung kaya’t Siya’y naparito sa lupa. Mga kapatid, pwede ba natin gawin ang dalawang bagay? Magtiwala tayo sa Diyos, at mahalin din natin ang ating kapwa. Kung may meron tayong dinadala, mabigat man o magaan, ilapit agad natin kay Hesus at huwag hayaang tumagal pa ito. Gawin natin ang tama, umiwas sa kasalanan, at matutong magpatawad sa kapwa at pati na rin sa sarili. Paghariin natin ang Diyos sa ating buhay, may problema man o wala.
Pangalawang pagnilayan natin ay ang mga kaibigan ng Paralitiko. Napakaganda po ng kanilang ipinakita sa harap ng Panginoon. Nakita ni Hesus ang laki ng kanilang pananalig! At hindi man natin nabasa sa Gospel pero nakita rin marahil ng Panginoon ang pag-ibig nila sa kanilang kaibigan. Ang pag-ibig nila sa kanilang kaibigan ay nagdulot ng paggawa ng lahat ng paraan para makalapit ito sa Panginoon. Ang pagbakbak nila ng bubong ay nangahulugang malaki ang paniniwala nila kay Hesus na kaya Niyang pagalingin ang kanilang kaibigan. May mga kaibigan din ba tayong katulad nila? O tayo ba mismo, tayo ba’y katulad ng magkakaibigan na ito na handang tumulong at ilapit sa Panginoon ang mga problema ng ating kaibigan? Sana ay “oo”.
MAGANDANG BALITA NGAYON – BIYERNES NG UNANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON
MARCOS 2:1-12 Noong panahong iyon, bumalik si Hesus sa Capernaum, at kumalat ang balitang siya’y nasa kanyang tahanan. Kaya’t nagkatipon ang napakaraming tao, anupat wala nang matayuan kahit sa labas ng pintuan. Samantalang nangangaral si Hesus, may idinating na isang paralitikong dala ng apat katao. Hindi nila ito mailapit kay Hesus dahil sa dami ng tao, kaya’t binakbak nila ang bubong sa tapat niya, at inihugos ang paralitikong nakaratay sa kanyang higaan. Nang makita ni Hesus kung gaano kalaki ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, ipinatatawad na ang mga kasalanan mo.” May nakaupo roong ilang eskriba na nagsaloob ng ganito: “Bakit nagsasalita ng ganito ang taong ito? Kalapastanganan sa Diyos iyan! Hindi ba’t Diyos lamang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan?”
Talos ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya’t sinabi niya, “Bakit kayo nagsasaloob ng ganyan? Alin ba ang lalong madali: ang sabihin sa paralitiko, ‘Ipinatatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing, ‘Tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan at lumakad ka’? Patutunayan ko sa inyo na dito sa lupa, ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan.” Sinabi niya sa paralitiko, “Tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan, at umuwi ka!” Tumindig naman ang paralitiko, binuhat ang kanyang higaan at umalis na nakikita ng lahat. Sila’y pawang nanggilalas at nagpuri sa Diyos. “Hindi pa kami nakakikita ng ganito!” sabi nila.
MAGNILAY: Ang kaligtasan ay parehong personal at komyunal. Hindi natin mapipilit ang sinuman na maligtas kung ayaw niya. Personal niya itong desisyon. Gayunman, hindi natin maitatanggi ang papel ng iba sa ating mga desisyon lalo na sa mga panahong mahina ang ating pananampalataya. Ang paralitiko ay naligtas dahil sa gabay ng mga kaibigan. Sa kanilang tulong napatawad ang kanyang mga kasalanan at napagaling. Ang kaligtasan ay nakakamit sa pamamagitan ng sama-samang pagtutulungan, pagdadamayan at paglalakbay sa pananampalataya.
MANALANGIN: Panginoon, iligtas mo kami nang sama-sama.
GAWIN: Isipin mo huwag lang ang sarili mong kaligtasan kundi pati na rin ng iba.
BLESSING FOR HUBILLA & MAPANO FAMILY
Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:
1. Ang pighati, panghihina, walang kakayahan, sakit o karamdaman, ay dala ng kasalanan, abuso, at walang kadisiplinahan sa puso, isipan, at pangangatawan.
2. Makakagawa ng mga kakaibang bagay na ikagagalit ng may bahay, may katungkulan, o may kapangyarihan ang mga bagay na naisip o ginawa para makalapit o mailapit ang iba kay Hesus.
3. Sapat na ang Kapatawaran ng Diyos sa ating pananampalataya at pananalig para tayo ay gumaling ng lubusan.
4. Ang hindi maintindihan ng tao, bagama’t nakikita na, kung wala ang pananampalataya, ay magdudulot ng duda at walang-paniniwala. Ito ay karaniwang pinag uugatan ng galit at inggit.
5. Ang nasa Diyos at gumagawa ng mga himala ay nakakabasa ng isipan ng karamihan. Natutunton ang kumukutya at kumakalaban.
6. Sa huli, ang kagalingan sa paligid ang mamayani at makapag dadala ng mga naniniwala. Ito rin ang magiging daan kung saan ang self righteous at ma pride sa kanilang pinaniniwalaan ang magpapalalim ng kanilang galit at kasakiman sa pansin at kapangyarihan.
PAGNINILAY
Isang dakilang gawa ng di-makasariling pag-ibig ang ipinatupad sa kuwento ng Ebanghelyo ngayon. Dito ay tiyak na nakita natin ang kapangyarihan ng Diyos ngunit nakita rin natin ang kapangyarihan ng MAGKAIBIGAN na SUMUSUPORTA at NANALANGIN para sa isa’t isa. Sa tingin natin tayo ay malakas, at kadalasan tao ay. Ngunit darating ang panahon sa ating buhay na hindi natin ito magagawa ng mag-isa. Kadalasan sa ating buhay, kailangan natin ng iba para tulungan tayong makarating sa Diyos. Hindi natin ito palaging magagawa ng mag-isa. Nalaman natin na ang ating mga panalangin ay talagang makapagpapaangat sa mga tao at makatutulong na ilapit sila sa Diyos.
Nawa’y magpasalamat tayo sa Diyos sa kaloob na mabubuting kaibigan. Nawa’y mamuhay tayo sa kapayapaan na nauunawaan na tayo ay limitadong tao at nagkakamali, at kung minsan ay nagpapabaya sa paraan ng ating pakikipag-ugnayan. Nawa’y itaas natin ang ating mga kahinaan na nahihirapan tayong patawarin ang ating sarili at patawarin din ang iba.
Panginoong Hesus, pagalingin Mo kami sa anumang bagay na humahadlang sa amin na matamasa ang buong kalusugan na nais Mo para sa amin. Amen.
***