Sabado, Enero 13, 2024

January 13, 2024

Sabado ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

o kaya Paggunita kay San Hilario, obispo at pantas ng Simbahan
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado

1 Samuel 9, 1-4. 17-19; 10, 1a
Salmo 20, 2-3. 4-5. 6-7

Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.

Marcos 2, 13-17


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Saturday of the First Week in Ordinary Time (Green)

or Optional Memorial of St. Hilary, Bishop and Doctor of the Church (White)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)

UNANG PAGBASA
1 Samuel 9, 1-4. 17-19; 10, 1a

Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel

Sa lipi ni Benjamin ay may isang mayamang lalaki na ang pangala’y Cis. Siya’y anak ni Abiel at apo ni Zeror na anak ni Becorat at apo naman ni Afia. Mayroon siyang anak na ang pangala’y Saul na nasa kanyang kabataan. Ito ang pinakamakisig at pinakamatangkad sa buong Israel.

Minsan, nawala ang mga asno ni Cis. Kaya, inutusan niya si Saul na magsama ng isang katulong at hanapin ang mga asno. Hinalughog nila ang kaburulan ng Efraim at ang lupain ng Salisa ngunit wala silang nakita isa man. Nagtuloy sila sa Saalim ngunit wala rin. Nagtuloy sila sa Benjamin, wala rin silang makita.

Nang dumating si Saul, sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Iyan ang lalaking sinasabi ko sa iyo na maghahari sa Israel. Pahiran mo siya ng langis at italagang hari ng Israel. Siya ang magtatanggol sa mga Israelita laban sa mga Filisteo. Naaawa na ako sa nakikita kong paghihirap ng aking bayan.”

Lumapit si Saul kay Samuel at nagtanong, “Saan po kaya makikita ang manghuhula?”

Sumagot si Samuel, “Ako ang manghuhula. Sumama ka sa akin sa altar sa burol at magsasalo tayo sa pagkain. Sa umaga ka na lumakad pagkatapos kong sabihin sa iyo ang gusto mong malaman.”

Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at binusan ang ulo ni Saul. Pagkatapos, hinagkan niya ito at sinabi, “Binusan kita ng langis ng Panginoon upang maging hari ng Israel. Pamamahalaan mo ang kanyang bayan at ililigtas laban sa lahat niyang kaaway.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 20, 2-3. 4-5. 6-7

Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.

Nagagalak ang hari,
O Poon, dahilan sa lakas mong bigay,
siya’y nagagalak sa kanyang tagumpay.
Binigyan mo siya
ng lahat ng kanyang mga kailangan,
at iyong dininig, kayang kahilingan.

Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.

Dinalaw mo siya
na ang iyong taglay ay gintong korona,
iyong pinagpala’t pinutungan siya.
Hiling niya’y buhay
at iyon ang iyong ipinagkaloob,
buhay na mahaba’t walang pagkatapos.

Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.

At naging dakila,
pinadakila mo nang iyong tulungan,
naging bantog siya’t makapangyarihan.
Iyong pinagpala
ng pagpapala mong walang katapusan,
nagagalak siya sa iyong patnubay.

Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.

ALELUYA
Lucas 4, 18

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo ay sinugo
upang sa dukha’y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 2, 13-17

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, muling pumunta si Hesus sa baybayin ng Lawa ng Galilea. Sinundan siya ng napakaraming tao, at sila’y tinuruan niya. Nagpatuloy siya ng paglakad at nakita niya si Levi na anak ni Alfeo, nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumindig naman si Levi at sumunod.

Nang si Hesus at ang kanyang mga alagad ay kumakain sa bahay ni Levi, nakisalo sa kanila ang maraming publikano at mga makasalanang sumunod sa kanya. Nakita ito ng ilang eskribang kabilang sa pangkat ng mga Pariseo at tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit siya sumasalo sa mga publikano at sa mga makasalanan?” Narinig ito ni Hesus, at siya ay sumagot, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit, kundi ang maysakit. Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 13, 2022 at 10:04 am

PAGNINILAY: Narinig natin sa Unang Pagbasa ang paghirang ng Diyos kay Saul bilang unang hari ng Israel, matapos ang hilingin ng tao kay Samuel na dapat mamuno na ang isang hari sa bayang Israel. Nakita siya ni Samuel na hinahalughog ang lupain upang hanapin ang nawawalang asno ng pamilya. Nagtanong si Saul kay Samuel kung saan matatagpuan ang manghuhula, at tumugon si Samuel na siya ang manghuhula at inayayahang sumama ito sa kanya. At nakita natin kung paanong pinahiran ng langis si Saul dahil sa pagpili ng Panginoon sa magiging unang pinuno ng Kaharian ng Israel.

Narinig natin sa Ebanghelyo ang pagkatawag ni San Mateo sa kasamahan ni Kristo. Sa kapanahunan ni Hesus, ang mga publikano/nangongolekta ng buwis ay itinuturing ng lipunan mga mandaraya at traydor: mandaraya sapagkat mahilig silang kumuha ng pera mula sa kanilang kapwang Hudyo, at traydor naman sapagkat nagtratrabaho sila para sa mga Romano.

Ngunit nakita natin kung paanong naging malapit si Hesus sa mga makasalanang taong ito, at sa puntong pagtawag kay Mateo (o Levi) sa pagiging tagasunod niya. Kaya nagpahanda ang publikanong ito na parang despedida dahil siya’y lilisan na mula sa kanyang dating pinagsamahan ng mga kaibigan niya. At nakita natin ang eksenang nakisalo ang Panginoon sa bahay ng isang itinuturing na makasalanan. Kaya ang mga Pariseo ay nagtanim ng sama ng loob at kwinestyon ang mga Apostol sa ginagawa ng Panginoon. Subalit tugon ni Kristo ay ang larawan ng isang doktor na nag-aalaga sa mga maysakit, na ganun din ang kanyang misyon upang tawagin ang mga makasalanang tao tungo sa tunay na pagbabagong-loob.

Makikita natin ang habag at pagmamahal ng Diyos kahit anumang estado ng tao sa lipunan at ayon sa kanyang paningin. Kung ipapaabot natin ang ating kamay sa kanila, lalung-lalo na sa pagbabalik-loob ng mga makasalanan, napaparamdan natin sa kanila ang kagandahang-loob ng Panginoon at ang kanyang dakilang pagmamahal para sa lahat.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño January 15, 2022 at 10:18 am

Napakaganda ng mensahe ng ating ebanghelyo ngayon. “Naparito ako para sa makasalan hindi para sa mga banal”

Pag-asa para sa ating mga makasalanan ang hatid ng Mabuting Balita.

Maibahagi ko lamang ang aking sariling karanasan, Lagi akong nakatatanggap ng komento mula sa aking mga kaibigan at kapitbahay na simba daw ako ng simba pero makasalanan nman. Ang sagot ko ay hindi binuo ang simbahan para sa mga banal, mas kailangan nating mga makasalanan ng simbahan.. ang Diyos.

Kinalulugdan ng Diyos ang makasalanang nagsisi at humihingi ng kapatawaran at inaaamin ang mga kasalanan. Lalo na ang makasalanang nagsisikap na matalikuran na ang gawang masama. Matatandaan na ang iniwang ng Mabuting Pastol ang siyamnaput syam na tupa upang hanapin ang isang nawawala. At ng matagpuan nya ito ay nagdiwang sya.

Katulad nating mga naliligaw ng landas, yayakapin tayo ni Hesus kung tayo ay manunumbalik at hindi na nya hahayaang mawala ka ulit. Makasalanan tayo ngayon, pero hindi pa huli ang lahat. Naghihintay lamang sya sa ating pagbabalik at kapatid mawawala na ang iyong pangamba dahil siya na ang bahal sayo.

Reply

RFL January 12, 2024 at 4:06 pm

Magpasakop tayo kay Kristo!

Sinabi ni San Pablo sa sulat nya sa mga taga-Roma, “…walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral.” At ito ay totoo mula pa sa simula hanggang sa wakas ng panahon. Nung panahon mula kay Moises hanggang kay Samuel, ang bansang Israel ay pinangungunahan ng Diyos mula sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, sa mga digmaan, sa kanilang pagtatag ng mga bayan at pagsakop sa ibang lupain. Ang Diyos ang kanilang personal na Hari sa pamamagitan ng mga propetang Kanyang pinapadala. Ngunit nagkaron ng panahon na ginusto ng mga Israelita na magkaron ng hari katulad ng hari ng ibang bansa. Nagalit ang Panginoon sa insubordination na ginawa nila. Ngunit dahil sa awa at habag ng Diyos ay binigyan Niya sila ng hari na maglilead sa kanila sa mga digmaan at pamamahala sa mga aspeto ng pamumuhay. At ito nga ay si Saul na noong panahong iyon ay inannoint ng Diyos para sa bayang Israel.

At nitong mga huling araw, pinadala ng Diyos ang Kanyang bugtong na Anak para maghari sa atin. Ngunit lingid sa kaalaman ng nakararami, lalo na ang mga bingi sa Salita ng Diyos, ang sinugo ng Diyos bilang ating Hari ay hindi yung hari na maghahari lang sa mundo na ito para isolve at iligtas tayo sa mga problema natin sa buhay, kahirapan, sakit. Kundi si Hesus ang Hari na nagpapalaya sa pagkaalipin natin sa kasalanan, ang nagpapagaling sa ating sugatang puso, ang nagbibigay ng kaligayahan sa halip na kalungkutan, ang nagliligtas sa atin mula sa kamatayan ng ating kaluluwa. At ang mga ito ang mas tunay at malalim na pangangailangan ng tao. Kung ating papansinin maisusum-up natin ito sa: Ang purpose ng paghahari ni Hesus ay upang makita at masaksihan natin ang pag-ibig ng Diyos—at ito ang pagpapakita ng awa at habag ng Diyos para sa lahat, hindi lamang para sa mga Hudyo na pinagtipanan ng Diyos.

Noong panahong narito si Hesus sa mundo, inakay Niya ang mga taong nakakulong sa kasalanan, mga paralisado sa pagbibigay ng kagandahang-loob, mga prostitute, mga outcast, mga itsa-pwera ng lipunan, pati na ang mga taksil sa bayan. Ang mga inakay ni Hesus ay yung mga taong buong pagpapakumbaba nilang inaamin na sila’y makasalanan. At ang mga tumugon sa imbitasyon ni Hesus ay yung mga taong buong pagpapakumbabang nalalaman na kailangan nila ang Diyos, at gusto na nilang bumalik sa Diyos, at itama ang kanilang pamumuhay. Tumugon sila kay Kristo at pinaghari nila ang Diyos sa kanilang mga puso. Ito ay hindi katulad ng karamihan sa mga Pariseo na ang pinaghahari sa kanilang puso ay ang sarili lamang nila, ang tradisyon ng kanilang society at ang pagiging mataas nila sa lipunan.

Mga kapatid kong Katolikong Kristiyano, nawa ay pagharian tayo ni Hesus sa ating mga buhay. Hindi lamang sa buhay espirituwal ngunit pati na rin sa ating pang-araw-araw na buhay. Mula sa ating paggising, pagsakay sa sasakyan, pagtatrabaho, pagkain, pagbrowse sa social media at internet, pagkukwentuhan sa ating mga kaibigan at pagsasalo-salo ng mag-anak, nawa’y si Kristo ang mamayani sa ating mga puso. Nawa’y patuloy tayong akayin ng Panginoon at patuloy tayong magpaakay sa Kanya patungo sa Kanyang Kaharian. Amen.

Reply

Rey Anthony I. Yatco January 13, 2024 at 7:27 am

MAGANDANG BALITA NGAYON – SABADO NG UNANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

MARCOS 2:13-17 Noong panahong iyon, muling pumunta si Hesus sa baybayin ng Lawa ng Galilea. Sinundan siya ng napakaraming tao, at sila’y tinuruan niya. Nagpatuloy siya ng paglakad at nakita niya si Levi na anak ni Alfeo, nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumindig naman si Levi at sumunod.

Nang si Hesus at ang kanyang mga alagad ay kumakain sa bahay ni Levi, nakisalo sa kanila ang maraming publikano at mga makasalanang sumunod sa kanya. Nakita ito ng ilang eskribang kabilang sa pangkat ng mga Pariseo at tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit siya sumasalo sa mga publikano at sa mga makasalanan?” Narinig ito ni Hesus, at siya ay sumagot, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit, kundi ang maysakit. Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal.”

MAGNILAY: Awa ng Diyos kaya niya tayo tinawag. Tinawag niya tayo sa panahong pinakahindi tayo karapat-dapat upang ipakita na sarili niya itong kapasiyahan at kagagawan at hindi atin. Purong grasya ang tawagin niya tayo. Tama ang mga Pariseo na kuwestiyunin si Hesus sa pagtawag kay Levi na kilalang makasalanan ngunit iyon mismo ang gusto niyang ipahiwatig. Walang karapat-dapat dahil lahat ay nagkulang pero mas malaki ang grasya niya kaysa pinakamalaki nating pagkukulang. Kahit hindi tayo karapat-dapat may halaga pa rin tayo sa paningin ng Diyos.

MANALANGIN: Panginoon, salamat sa
pagpapahalaga na dulot ng iyong pag-ibig.

GAWIN: Huwag maliitin sinuman dahil babalik ito sa iyo.

Reply

Jess C. Gregorio January 13, 2024 at 9:35 am

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:

Mas kailangan tayo ng mga tao ngayon na hindi pa nakakakilala kay Hesukristo. Ang mga nakakilala na sa kanya ay pinagkalooban na ng Espiritung magtataguyod sa kanila. Huwag tayong mahiya makapiling sila at ipakilala si Hesus. Ito ang ginawang ehemplo ni Kristo sa kanyang pagpapahayag ng Mabuting Balita. Kung tayo-tayo lang, ano ang magiging silbi ng ating pagiging libadurang Kristiyano?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: