Podcast: Download (Duration: 6:26 — 4.6MB)
Huwebes ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Samuel 4, 1-11
Salmo 43, 10-11. 14-15. 24-25
Poon, kami’y ‘yong iligtas,
pag-ibig mo’y di kukupas.
Marcos 1, 40-45
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Thursday of the First Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
1 Samuel 4, 1-11
Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel
Dumating ang araw na nagdigmaan ang mga Israelita at ang mga Filisteo. Sa Ebenezer nagkampo ang mga Israelita at sa Afec naman ang mga Filisteo. Sa kanilang paglalaban, natalo ang Israel at may apat-na-libo ang napatay sa kanila. Nang makaurong na sila sa kanilang kampo, nagtanungan ang matatanda ng Israel, “Bakit kaya pinabayaan ng Panginoon na matalo tayo ng mga Filisteo? Ang mabuti’y kunin natin sa Silo ang Kaban ng Tipan. Baka kung nasa atin iyon ay iligtas tayo ng Panginoon sa ating mga kaaway.” At kinuha nga nila sa Silo ang Kaban ng Tipan at sumama naman ang dalawang anak ni Eli, sina Ofni at Finees.
Ang mga Israelita’y napasigaw sa tuwa nang idating sa kanilang kampo ang Kaban ng Tipan; umalingawngaw sa palibot ang kanilang sigawan. Nang marinig ito ng mga Filisteo, itinanong nila, “Bakit kaya nagkakaingay ang mga Hebreo?”
Nang malaman nilang nasa kampo ng mga Israelita ang Kaban ng Tipan, nasindak sila. Inisip nilang may dumating na diyos sa kampo ng mga Israelita. Kaya nasabi nila, “Ano ngayon ang mangyayari sa atin? Ngayon pa lamang tayo makararanas ng matinding kasawian! Ano ngayon ang mangyayari sa atin? Sino ngayon ang makapagliligtas sa atin sa mga diyos nilang makapangyarihan? Ito ang mga diyos na nagpahirap sa mga Egipcio sa pamamagitan ng iba’t ibang salot. Mga kababayan, lakasan natin ang ating loob. Magpakalalaki tayo upang hindi tayo malupig at maalipin ng mga Hebreo, tulad ng pang-aalipin natin sa kanila. Lumaban tayo.”
Muling naglaban ang mga Filisteo at ang Israelita at nalupig na naman ang mga taga-Israel. Ang napatay sa kanila ay tatlumpunlibo at nagkanya-kanyang takas papauwi ang mga natira. Ang Kaban ng Diyos ay kinuha ng mga Filisteo at pinatay sina Ofni at Finees.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 43, 10-11. 14-15. 24-25
Poon, kami’y ‘yong iligtas,
pag-ibig mo’y di kukupas.
Ngayo’y iyong itinakwil, kaya kami ay nalupig,
hukbo nami’y binayaa’t hindi mo na tinangkilik;
binayaan mo nga kami kaya kami ay tumakas;
lahat naming naiwanan ay sinamsam nilang lahat.
Poon, kami’y ‘yong iligtas,
pag-ibig mo’y di kukupas.
‘Sa sinapit naming ito, mga Hentil ay nagtawa,
inuuyam kaming lagi, kami’y iniinis nila.
Pati bansang walang Diyos, sa gitna ng sanlibutan,
sa nangyari’y umiiling bilang tanda ng pag-uyam.
Poon, kami’y ‘yong iligtas,
pag-ibig mo’y di kukupas.
Kami’y huwag mong pagkublihan,
huwag magtago sa amin,
Ang pangamba nami’t hirap ay huwag mong lilimutin.
Poon, kami’y ‘yong iligtas,
pag-ibig mo’y di kukupas.
ALELUYA
Mateo 4, 23
Aleluya! Aleluya!
Ipinangaral ni Hesus
ang paghahari ng Diyos.
Sakit ay kanyang ginamot.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 1, 40-45
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may isang ketonging lumapit kay Hesus, nanikluhod at nagmakaawa: “Kung ibig po ninyo’y mapagagaling ninyo ako.” Nahabag si Hesus at hinipo siya, sabay ang wika, “Ibig ko. Gumaling ka!” Noon di’y nawala ang ketong at gumaling ang tao. Pinaalis siya agad ni Hesus matapos ang ganitong mahigpit na bilin: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pasuri ka sa saserdote. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises, upang patunayan sa mga tao na ikaw ay magaling na.” Ngunit umalis siya at bagkus ipinamalita ang nangyari, anupat hindi na hayagang makapasok ng bayan si Hesus. Naroon na lamang siya sa labas, sa mga ilang na pook, at doon pinagsasadya ng mga tao buhat sa iba’t ibang dako.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Enero 10, 2024
Biyernes, Enero 12, 2024 »
{ 4 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay nagkukwento tungkol sa pagkatalo ng mga Israelita nang nilamang sila ng mga Filisteo. Sa ikalawang pagkatalo ay kinuha ng kalaban ang Kaban ng Tipan. Hindi inasahan ng mga Israelita na tatalo sila ng ganyan. Subalit sa kabila ng kanilang pagkabigo ay hindi sila pinabayaan ng Panginoon, Kaya makikita natin sa daloy ng kasaysayan, ang presensiya ng Diyos ay naroroon.
Patuloy nating pinagninilayan ang Pampublikong Ministeryo ng ating Panginoong Hesukristo. At ang Ebanghelyo ngayon ay ang pagtatagpo ni Hesus sa isang ketongin. Ang kultura dati ng mga Israelita ay umiwas sa mga taong may ketong sa kanilang balat upang hindi sila mahawa nito. Subalit itong ketongin ay mismong lumapit kay Hesus upang humiling kay Kristo. Siguro napatanto niya na si Hesus ay ang Mesiyas, at kahit pinagbabawalan siyang lumapit ayon sa kinaugalian, lumapit pa rin siya sa kanya upang ihiling na siya’y mapalinis. At mula sa bibig ni Hesus na may habag at malasakit ay winika ng paglinis ng kanyang balat. Kahit pinagbawalan ito na huwag ipaalam sa ibang tao ang nangyari, patuloy na ipinahayag ng lalaki ang kagandahang-loob ng kababalaghang ito. Makikita natin sa kwento ang dakilang awa ng Diyos na ipinahayag sa katauhan ni Hesukristo. At natunghayan ng ketongin ang kanyang pananampalataya kay Kristo na siya’y mapapagaling.
Siguro sa ating buhay ay may mga taong itinuturing na mga “ketongin” ng lipunan. Ito’y siguro mga taong iniiwasan natin o kaya ‘di natin pinapansin. Subalit ang mga Kasulatan ay malinaw na patuloy na dinidinig ng Diyos ang mga panaghoy ng mga mahihirap at nangangailangan.
Sa Unang Pagbasa ay natalo ang mga Israelita sa digmaan ng dalawang beses. Inakala din nila na kung nasa kanila ang kaban ng tipan ay hindi na sila magagapi. Ano ang aral sa atin ng pagbasang ito. Huwag nating ibatay ang mga bagay bagay sa ating sariling pang unawa. Ang Salita ng Diyos at ang Mabuting Balita pa din ang dapat nating gawing gabay, at ang kalooban ng Diyos at kautusan ang nararapat nating sundin. Isa pang aral ng pagbasang ito ay kung hindi pa panahon at hindi pa loob ng Diyos ay hindi mangyayari. Natalo man ang mga Israelita ngayon at sa pangalawang beses ay natalo muli ay darating ang panahon ng tagumpay sa oras at panahon na itinakda mg Panginoon. Ganun dun sa ating buhay kung hindi man dumarating ang iyong kahilingan sa ngayon ay maghintay kamlamang at ibibigay ito ng Diyos sa oras na mas makabubuti sa iyo.
Sa ating ebanghelyo namang mensahe ay walang hindi mapangyayari ang Diyos, Huwag tayong mawawalan ng pag-asa katulad ng ketongin sa kwento. Walang imposible sa Diyos kung ikaw lamang ay magtitiwala at mananampalataya ng lubos. Ang Diyos lamang ang ating pag-asa lalo na sa mga sitwasyong imposible na. Kaya’t ang aral na iniiwan sa atin nito ay manalangin, asahan ang tugon ng Panginoon at huwag ng mangamba.
Huwag kang susuko! Mahal ka ng Diyos!
Napakagandang reminder nito sa buong taon at sa mga darating pang panahon. Sa bawat aspeto ng buhay ay posibleng may kinakaharap o kakaharapin tayong mga problema at pagsubok, sa pamilya, sa trabaho, sa relationship, financial difficulties, health concerns at iba pa. Hindi rin dito ligtas ang mga pari, madre at iba pang relihiyosong lingkod ng Simbahan. Sabi nga, it’s either you came out of the storm, inside the storm or will go through a storm. At ang Panginoong Hesus na rin ang may sabi, “In this world you will have troubles. But take heart, I have overcome the world.” Dito sinabi ni Hesus ang realidad ng mundong ito, ngunit nagsabi rin Siya ng way out. Ang mga pagbasa natin ngayong araw na ito ay nagpapakita ng ganitong progression. Pinapakita dito ang habag at pag-ibig ng Diyos sa mga anak Niya. Mula sa kabiguan, pagsusumamo, pagtitiwala hanggang sa makamtam ang ninanais na kagalingan.
Sa Unang Pagbasa, nakaranas ng malaking problema ang Israel. Natalo sila sa digmaan mula sa mga Filisteo, hindi lang isa kundi dalawang beses pa. Nung una’y namatay ang 4,000 soldiers, at nung pangalawa’y namatay ang 30,000 soldiers ng Israel. Usually kapag natatalo sa digmaan ay kinukuha ang mga babae pati na rin ang mga kayamanan. At ang pinakamasaklap sa lahat, ang nag-iisang bagay na nagpapakita o nagpapaalala ng presensya ng Diyos, ang “Ark of the Covenant” kung saan dito natago ang Tablet ng 10 Commandments at tanda rin ng pangako ng Diyos, kinuha rin ng mga Filisteo. Kung ako ay nabubuhay ng panahong iyon marahil ay maitatanong ko, “pinabayaan na ba tayo ang Diyos?” Naitanong nyo na rin ba ito sa Kanya? Marahil para sa mga dumanas ng sobrang bigat na problema ay “Oo”.
Sa ating Salmo, inihayag ang kabiguan ng Israel ngunit kasama nito ay ang pagsasamo ng Psalmist sa pagliligtas ng Panginoon. Maging sa kabiguan, makikita natin kung gaano nagtitiwala ang Psalmist sa pag-ibig ng Diyos, “Poon kami’y iyong iligtas, pag-ibig Mo’y di kukupas.” Tayo ba ay may ganitong klaseng pagtitiwala sa Panginoon? O puro lang tayo reklamo sa Kanya?
Dito naman sa ating Mabuting Balita, naranasan ng isang ketongin ang habag ng Panginoong Hesus sa Kanya. Ang ketongin noon ay itunuturing na outcast ng society, at hindi lang outcast kundi makasalanan. Usually magkakasama sila ng iba pang mga ketongin. Ngunit ang ketongin na ito ay nagpakita ng profound example ng pananalig Niya sa Panginoong Hesus. Isang makasalanang outcast lalapit sa isang prominente at mabuting guro? “What chance do I have makalapit sa Kanya?”, marahil ay nasabi niya sa kanyang sarili. Marahil ay hindi siya sinamahan ng iba nyang kasama dahil pinanghinaan ng loob o di naman kaya’y di sila naniniwala sa Panginoon. Pero para sa ketongin na ito, hindi naging sagabal ang mga dahilan upang hindi siya magtry na lumapit sa Panginoon. At nung lumapit siya kay Hesus, nagpakita siya ng kakumbabaan, iniasa niya kay Hesus ang desisyon kung siya’y pagagalingin. Hanggang sa kanyang pagsasabi ng kanyang kahilingan, nandoon ang pagtitiwala ipagkaloob man ang hinihiling kung hindi. At dito nga, nahabag si Hesus at nangyari ang hiniling niyang kagalingan. Walang imposible kay Kristo! Napakabuti ng Panginoon!
Kagaya ng ketonging ito, tayo ay makipagtagpo sa Panginoon sa Simbahan, sa Banal na Misa, sa Banal na Komunyon, sa mga prayer groups at maging sa katahimikan ng ating puso. At ating alalahanin ang sinabi ni Kristo, “I am with you till the end of age.” At kung sino si Kristo, “Immanuel – God with us.”
Tayo’y maging tapat sa Kanya sa kabila ng mga pagsubok sa buhay at sa kabila ng kahinaan ng loob. Tayo’y sumunod sa Kanya sa kabila ng mga paghihirap na ating nararanasan. Magtiwala tayo sa Panginoon sapagkat Siya’y may dakilang pag-ibig at habag na walang katulad sa mga taong sa Kanya’y nagtitiwala at nagmamahal.
Amen.
Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:
Ninanais ni Hesukristo ang lahat ng mabuti para sa atin. Matuto lang tayo humiling ng may buong pananampalataya at pananalig.